Chapter 21

1947 Words
"Ate Magdalene parang nanghihina ka po. Ang bagal mo ng tumakbo." Napatingin si Magdalene sa batang hinahabol niya. Namiss talaga niya ang mga ito. Kaya naman pagkakatapos ng kanilang pag-aaral sa pananahi ay naglalaro sila. "Ah ganun!" ani Magdalene at mabilis na tumakbo hanggang sa naabutan ni Magdalene ang bata. "Waaah, nahuli ako ng kalaban tulungan ninyo ako!" Sigaw ng bata habang si Magdalene ay hindi mapigilan ang pagtawa. Ilang sandali pa at pinagkaguluhan na sila ng iba pang mga bata. Pinagtulong-tulungan ng mga ito na na mailigtas ang mga kakampi. "Yehey!" Malakas na hiyawan ng mga bata ng mabitawan niya ang nahuli niya. Hindi naman mawala ang ngiti ni Magdalene. Sa kabila nang alam niyang bantang panganib sa kanya nang muling magpakita sa kanya ang kanyang Tiyo Arnulfo ay nagagawa siyang patawanin ng mga bata. Kahit papaano ay nakakalimot siya sa pag-aalala. "Mga bata pwede bang magpahinga muna ako?" "Ang daya talaga ni Ate Magdalene," wika ng isang bata na ikinatawa ni Magdalene. "Para ding si Sister Mary at Sister Vans si Ate Magdalene. Ano ba kayo?" sita ng isang bata sa mga kasama. Pakiramdam ni Magdalene ay ipagtatanggol siya nito sa mga kalaro. "Mabilis ng sumakit ang likod." Napasimangot na lang si Magdalene dahil sa narinig. "Mga pasaway kayo," aniya. Nagtawanan lang ang mga bata kaya sumabay na rin siya ng pagtawa. "Pero seryoso mga bata, kayo na lang muna dito. Pero doon lang ako sa may upuan at babantayan ko kayo." "Okay po Ate Magdalene," sagot ng mga bata. Nagpaalam na siya sa mga ito at hinayon ang upuan. Napahugot siya ng hangin. Muli niyang inilibot ang paningin sa labas ng gate. Napuno na naman siya ng kaba. Sa bawat araw na lumilipas nakikita niya ang tiyuhin. Pero hindi siya sigurado kung totoo ba iyon o gawa lang ng imahinasyon niya dahil sa takot. Sabi nga sinong makakapagsabi na ang maayos na niyang buhay ay magugulo na naman ng takot at pangamba. Mula ng makita muli ni Magdalene ang Tiyo Arnulfo niya ay palagi na niya itong natatanaw sa malayo at minsan ay nasa malapit lang sa kanya. Ngunit ang hindi niya maipaliwanag ay ang pakiramdam na parang halusinasyon lang niya ang lahat. Alam niyang totoong nakita niya ng gabing iyon ang Tiyo Arnulfo niya pati sa araw-araw mula noon. At kahit noong hapon na makabalik sa monasteryo sina Mother Ofel at ang iba pa ay nakita niyang muli ang tiyuhin. Pero ang isang pinagtatakhan niya ay pagnakita niya ito at napakisap-mata siya ay wala na ito sa pwesto nito. Pakiramdam niya ay lumiliit ang mundo niya. Hindi malaman ni Magdalene kung dahil lang ba sa takot, niyang muli siyang maibalik ng tiyuhin sa club na iyon o talagang pinamamahayan na ng takot ang puso niya. Tiyo," aniya ng muling makita si Arnulfo. Ngunit agad na naman itong nawala sa paningin niya. Napahugot ng hangin si Magdalene. "Parang nababaliw na ako," aniya ng bigla siyang nagulat na may tumabi sa kanya sa kinauupuan niya. "Ayos ka lang Dalene?" tanong ni Byron sa kanya. "O-oo naman po father. B-bakit naman po magiging hindi?" "Kanina pa kitang pinagmamasdan. Hindi pa iyon. Bukod kanina, mula noong gabing sinabi mong nakita mo ang tiyuhin mo at may nakita din ako noong lalaking nagtatago sa dilim ay hindi na nawala ang pagkabalisa mo. May problema ba? Pero kung ang tiyuhin mo talaga ang problema. Nakapagtanong na rin naman ako sa labas pag may nakakasalamuha ako. Wala naman silang nakikitang kahina-hinala na umaaligid dito sa monasteryo," paliwanag pa ni Byron. "Hindi ko alam father. Alam ko ay maayos lang ako, pero siguro gawa na rin ng takot na nararamdaman ko at sa mga nakalipas na naranasan ko. Baka kaya ako nagkakaganito. Kahit saan nakikita ko ang tiyo. Hindi na rin ako makatulog ng maayos. Noong nakaraan natuwa akong nakiusap ang mga bata na doon ako matulog sa kanilang silid. Lahat kami ay sa sahig natulog para makakatabi kaming lahat. Noon lang ako napanatag talaga. Pero mula noon, wala na akong matinong tulog," pag-amin ni Magdalene. Sa katunayan ay ilang araw na rin niyang napupuna ang maiitim na nakapalibot sa mga mata ni Magdalene at ang panghihina nito. Hindi lang siya nagkaroon ng pagkakataong makausap ang dalaga. Lalo na at naging abala siya sa simbahan at ang pagpapatawag pa ng obispo para makapagmisa siya sa ibang liblib na lugar sa kalapit probinsya. Ngayon na lang ulit siya nanatili sa monasteryo. Makalipas ang isang linggong byahe at pagmimisa sa ibang lugar. "Dalene huwag ka ng matakot narito lang kaming lahat para protektahan ka. Ako na ang bahala. Kakausapin ko sina mommy at daddy na maglagay ng security dito sa monasteryo." "Father?" Naroon ang pagtutol sa mukha niya. Naiisip pa lang niyang makakita ang mga taong nagpupunta doon na may nagbabantay ay maiisip kaagad ng mga ito na may panganib na nakaambang sa monasteryo. Lalo na at sa tagal ng panahon ay wala namang ganoon doon at ngayon lang talaga pagnagkataon. "Dalene, para sa kaligtasan mo ang gagawin ko. Para hindi ka na matakot. Wala namang magagawa ang tiyuhin mo pag may nagbabantay na dito. Hindi siya basta-basta makakapasok para makuha ka." "Pero alalahanin mo naman father ang takot ng mga tao sa paligid. Tayong narito sa loob ay mapapanatag pero silang nasa labas ay magkakaroon ng takot. Alam naman natin na sa tagal ng panahon ay walang gulong nangyari dito sa lugar na ito. Sa loob o labas man ng monasteryo. Tapos ngayon ay magkakaroon ng tagabantay? Iisa lang ang maiisip ng mga tao. May panganib sa paligid," pagtanggi ni Magdalene sa nais ni Byron. Habang magkausap sila ay pinilit ni Magdalene na ikalma ang sarili. Iyon naman palagi ang nangyayari. Tuwing kausap niya si Father Byron ay nagagawa niyang kumalma. Ang puso niyang napupuno ng takot ay napupuno lang ng galak at pagmamahal. Pagmamahal na ililihim niya sa kaibuturan ng kanyang puso. Alam niyang mali ang nararamdaman niya. Alagad ito ng Panginoon at siya? Isang kasalanan at tuksong nais makipaglapit sa kabutihan. Kahit alam niyang walang ibig sabihin ang mga pag-aalaga, pag-aalala nito sa kanya. Dahil natural lang na mabait ito. Ngunit ang lahat ng iyon ay nabibigyan ng malalim na kahulugan ng puso niya. "Ang kulit mo talaga. Basta ako na lang ang bahala. Ipanatag mo ang kalooban mo. Hindi makakalapit sa iyo ang tiyo mo. Hmm," malambing na saad ni Byron. Naroon na naman ang pagkabog ng puso ni Magdalene tuwing ibinibigay sa kanya ng pari ang napakagwapo nitong ngiti. "Father huwag mo akong ngitian ng ganyan. Nafa-fall ako," hindi napigilang saad ni Magdalene. Mabilis siyang tumayo at humakbang ng ilang hakbang palayo kay Byron. "Anong sinabi mo Dalene?" nakangiti lang na tanong ni Byron at wari mo ay biro lang ang sinabi niya. "Wala po. Pero kung totoong hindi po ninyo narinig ang sinabi ko. Hindi po ako nagbibiro. Totoo ang bagay na iyon," sagot ni Magdalene at mabilis nang tinalikuran si Byron at halos takbuhin niyang muli ang pwesto ng mga batang naglalaro. Napangiti na lang si Byron ng sundan niya ng tingin si Magdalene. Narinig niya ng malinaw ang sinabi nito. Ngunit alam din niyang mali ang kanyang nararamdaman. Pero hindi niya mapigilan ang damdamin. Lalo na ngayong may takot na namang nananahan kay Magdalene. Hindi niya mapigilang hindi mag-alala sa dalaga, lalo na pagnatatakot ito at naguguluhan. Hindi naman siguro masama na idaan niya sa paninigurado ng kaligtasan ng dalaga, ang kakaibang damdamin niya para dito. Wala naman sigurong masamang humanga kung paghanga lang naman. Alam pa rin niya ang limitasyon niya at ang limitasyon na iyon ang pinanghahawakan niyang nasa tamang landas pa rin siya ng propesyong tinatahak niya. Hindi namalayan ni Byron na wala na sa kanyang tanaw ang mga bata at si Magdalene. Ilang beses pa niyang nilinga ang paligid ng tumambad sa kanyang harapan ang mommy niya. "Sinong hinahanap ng anak ko?" malambing nitong tanong kaya napatikhim siya. "Ano pong tanong iyan mommy? Syempre po ang mga bata. Nasaan po sila?" Tumingin pa ang mommy niya sa relo nito, bago nagsalita. "Oras nang meryenda anak. Kaya naroon na silang lahat sa likod ng ampunan. May dala kami ng daddy mong pizza. Minsan lang naman. Isa pa naroon na rin si Magdalene. Alam mo bang parang bata ang dalagang iyon? Gustong-gusto ko talaga siya. Kung papayagan lang sana ako ng anak ko ay aampunin ko talaga ang dalagang iyon." "Mommy napag-usapan na po natin ito," may diing saad ni Byron kaya naman natawa si Patricia. "Ano pong nakakatawa?" "Kung bubuksan mo lang anak ang isipan mo ay walang masama. Madami namang nagkakamali ng akala pero tinatanggap nila ang tunay nilang kapalaran." Mas lalo lang naguluhan si Byron sa sinabi ng mommy niya. Gusto pa sana niyang magtanong ng makita nila si Manang Claire na papalapit sa kanila. "Father Byron, Patricia, halina kayo doon sa may likod nakaluto na rin ako ng ipinapaluto mo Patricia," ani Manang Claire at hinila na rin siya patayo ng mommy niya. "Tara na anak, luto na ang ipinaluto ko kay manang na pritong kamote at kape. Gawa kasi kanina bago kami nakapasok sa may gate ay may nagbigay ng kamote sa amin ng daddy mo. Hindi ko na matandaan. Pero sabi niya ay pagpapasalamat daw niya iyon sa naitulong namin ng daddy mo, nang maospital ang kanyang anak. Ngayon daw ay nasa bahay na nila ito at nagpapagaling. Pero wala akong maalala. Hindi ko naman kasi natatandaan ang pagtulong namin ng daddy mo. Basta kaya namin at may magagawa kami, tutulong kami. Kaya ayon. Ano? Tara na." Nagpahila na lang din si Byron sa ina. Sa totoo lang masarap naman talagang makatulong. Kaya nga para makatulong siya sa lahat ay pinili niyang maging pari. Alam niyang ang Salita ng Panginoon ang kailangan ng lahat. Pagdating nila sa hapag ay nakita niya ang mga bata na masayang kumakain sa pwesto ng mga ito. Binati pa siya ng mga bata. Si Magdalene naman ay kasabay nilang kumakain. Masaya ito tuwing kasama sila. Pero nakikita niya ang takot ng dalaga pag ito ay nag-iisa. Bagay na hindi napapansin ng iba. "Ate Magdalene, tapos ka ng kumain. Maglaro po tayo ulit," wika ng mga bata. Sinulyapan ni Byron ang pagkain ni Magdalene. Mayroon pa itong pagkain sa platito at kape sa tasa. "Pwede po bang sumibat na po ako? Nagpapasama na ang mga kalaro ko eh." Natawa naman si Mother Ofel sa sinabing iyon ng dalaga. "Sige na, mukhang hindi rin naman makapaghintay ang mga bata. Salamat Magdalene sa pagtitiyaga mo sa kanila." "Wala po iyon Mother Ofel. Ako po ay masayang kasama ang mga bata. Minsan lang po ay sobra sa kakulitan, gusto din po akong nakikihabol sa halip na bantay," ani Magdalene na halos pabulong pa ang huling sinabi. Nagpaalam ba na rin sa kanilang lahat si Magdalene. Nasundan na lang nila ng tingin ang dalaga at ang mga bata paalis sa likod ng ampunan. Sabay-sabay pang kumakanta ang mga ito ng nursery rhymes. "Napakaswerte nating dumating si Magdalene dito," ani Sister Vans na siya noong hila ng mga bata para makapaglaro. "Si Sister Vans talaga. Sabihin mo po na sumasakit na kasi ang likuran mo," sabat ni Sister Mary na ikinatawa nilang lahat. Nagkakwentuhan pa silang mga naiwan doon. Nakikinig lang naman si Byron at sumasagot pag may itinatanong sa kanya tungkol sa naging mga pagmimisa niya sa ibang lugar. Samantala, nakatitig lang si Patricia sa anak. Kahit si Patrick ay may nais sanang isatinig ngunit ayaw nilang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng anak. Lalo na at alam nilang kung tama sila sa kanilang hinala sa damdamin ng anak. Maaaring dibdib n Byron ang katotohanang iyon. Ngunit bilang magulang. Hindi sila bulag o manhid sa nakikita nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD