Mabilis na lumipas ang mga araw. Dalawang araw na rin ang nagdaan mula ng maiwan sina Magdalene at Byron sa monasteryo.
Naging maayos din naman ang bakasyon na iyon para kay Magdalene at Byron.
Si Byron ay nagagawa niya ang kanyang pagdarasal ng wala ang mga makukulit na bata. Oo nga at maiingay at makukulit ay hindi naman problema sa kanya. Pero dahil nasa bakasyon ang mga ito. Ay para na ring nasa bakasyon siya.
Samantalang si Magdalene ay tinotoo ang plano. Pagkakatapos makapagluto, makakain sila ni Father Byron at matapos ang lahat ng pwede niyang gawin ay natutulog talaga siya. Na parang noon lang nakaranas ng kapayapaan at katahimikan sa isang lugar.
Kaya lang ay ilang beses din siyang nahiya kay Father Byron ng ilang sunod-sunod na ito ang nagluluto ng pagkain nila.
"Dalene."
Napabalikwas ng bangon si Magdalene ng hindi niya namalayan ang oras. Balak niyang linisan ang harapan ng simbahan dahil sa nakita niyang alikabok doon. Kaya lang ay hindi niya namalayan ang oras. Madilim na sa labas at sa tingin niya ay gabi nang talaga.
Mabilis niyang hinayon ang pintuan. Hindi na siya nahiya kahit daig pa niyang sinabunutan ng sampung ibon at nais gawing pugad ang buhok niya.
"Father," aniya ng mabuksan niya ang pintuan. Kahit gulong-gulo ang buhok niya ay hindi na siya nahiya. "Father pasensya ka na napasarap ang tulog ko. Sobrang tahimik po kasi dito. Malamig pa ang dapya ng hangin. Nagugutom na po ba kayo? Promise bibilisan ko lang po ang pagluluto," tanong ni Magdalene ng akmang lalampasan niya si Father Byron ay hinawakan nito ang kamay niya.
"No need to cook Dalene. Ready na ang hapunan ako na ang nagluto. Tumawag si mommy at kinukumusta ka. Hindi na kita ginising. Kaya after noong tawag nagluto na ako. Tara na. Sa bahay na ako naghayin. Masyadong malayo pa ang ampunan kung doon pa tayo kakain."
Ilang beses pang sinipat ni Magdalene ang layo ng bahay-ampunan at bahay ni Father Byron. Naningkit pa siya ng mga mata para sa layong sinasabi ng pari.
"Father joke ka ba?" ani Magdalene.
Napailing na lang si Byron. Ngunit alam niya ang birong iyon.
"Bakit?" pagsakay pa niya.
"Wala lang po natanong ko lang," seryosong sagot ni Magdalene kaya naman napasimangot si Byron.
Sa dalawang araw na magkasama sila nang sila lang dalawa ay talagang mas naging close sila sa isa't isa. Mas lalo silang napalapit at nakilala nila ang ugali bawat isa.
"Father di bagay sa iyo ang sumimangot. Nagtatanong lang naman ako. Hindi ako nagbibiro. Sineryoso mo naman."
Iniwan na lang basta ni Byron si Magdalene. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nakaramdam ng pagkainis. Dahil ba sa napahiya siya? Hindi niya alam. Pero iinis talaga siya sa dalaga. Unang beses iyon na sa simpleng bagay ay nainis siya. Hanggang sa maramdaman niya ang paghawak nito sa kamay niya.
"Galit ka ba father? Biro lang naman. As in biro lang talaga. Kasi father nahihiya ako sa ayos ko ng pagbuksan kita ng pinto. Daig ko pa iyong taong grasa. Less the grasa kasi naligo ako kanina," ani Magdalene kasabay ng pagtawa niya.
"Ang kulit mo talaga. Akala ko ay sasama pa ang loob ko sa iyo. Alam mo namang kahit pari ako, may damdamin din akong minsan ay nakakaramdam ng tampo at inis. Pari lang ako, pero hindi ako perpekto."
"Opo na nga po father sorry na. Huwag ng tampo. Hindi bagay sa iyo. Mawawala ang pagkagwapo," ani Magdalene kaya natawa na lang si Byron. "Ano pong niluto mo? Sorry na po at nakatulog talaga ako."
"Ginisang kamatis lang ang naluto ko at pritong alid. Pasensya na."
Natigilan naman si Magdalene. Parang gusto niyang maiyak ng marinig niya ang pagkaing iyon.
"May problema ba? Ayaw mo ba noon?"
Ilang beses na umiling si Magdalene. "Hindi ganoon father. Alam po ba ninyong isa iyon sa paborito namin ng inay. Basta po may pera kami. Bumubili po ng kamatis ang inay at ng alid at pakiramdam ko. Iyon na ang pinakamasarap na ulam sa mundo. Nauubos namin ng inay ang isang kalderong kanin. Lalo na at masarap sa pakiramdam na alam naming hindi uuwi ang Tiyo Arnulfo. Talaga pong para akong nakalutang sa alapaap noon sa saya," mahabang paliwanag ni Magdalene na ikinangiti ni Byron.
"Kung ganoon tara na. Kumain na tayo. Paborito ko rin iyon. Natikman ko iyon noong nagkasabay-sabay kami ng lima kong kaibigan noon sa pagkain. Naiwan ko sa bahay ang lunch box ko. At ang mga kaibigan ko ay to the rescue. Nakikain ako sa kanila, lalo na at malapit lang ang bahay nila sa school na pinapasukan ko. Masarap pala iyon. Kaya mula noon, nagpaturo akong magluto noon sa mga magulang nila. Iniluluto rin ayon ni mommy pag nagrerequest ako. At ayon naging paborito ko na."
Napahugot ng hangin si Byron. Namimiss na niya ang limang makukulit na kaibigan. Matagal na ng huli niyang makita ang mga ito. Sa naaalala niya ay bagong graduate lang siya ng high school noon. Iyon na ang huli. "Kumusta na kaya sila?" tanong ni Byron sa isipan.
"Para saan iyon father? Ang lalim ah."
"Wala, naalala ko lang iyong mga kaibigan ko noong bata pa ako."
"Ah, siguro mababait din ang mga iyon. Lalo na at ikaw ang kaibigan nila."
"Oo naman. Makukulit ngunit mapagmahal na mga kaibigan."
"Malay mo father magkita din kayong lahat balang araw."
"Sana nga Dalene. So tara na, baka lumamig na iyong niluto ko."
"Naku father kahit pa kasing lamig pa iyon ng kaning lamig ay kakainin ko iyon. Masarap kaya ang ulam na niluto mo."
Naiwan pa si Byron sa paglalakad ng mas nauna sa kanya si Magdalene.
Halos naubos nila ni Magdalene ang kanyang inihanda. Kaya naman pareho silang problemado kung paano matutulog. Kung kailan gabi na. Saka pa sila parehong busog na busog.
Nasa may teresa sila ng makatanggap si Byron ng tawag mula kay Mother Ofel. Napangiti siya at siguradong mapupuno na naman ng kwento ang tawag na iyon, tungkol sa bakasyon ng mga ito.
Mula noong unang gabi ng pag-alis nina Mother Ofel ay hindi na ito nakakalimot na mangumusta at magkwento. Palaging nagkukwento si Mother Ofel ng mga activities na ginagawa ng mga bata sa mga lugar na kanilang pinupuntahan. Sabi nga ni Mother Ofel, sobrang saya ng bakasyon na iyon. Dahil hindi lang ang mga bata ang nag-enjoy, pati sila.
Nagpaalam naman si Magdalene kay Byron na lalabas muna malapit sa may simbahan habang kausap ni Byron si Mother Ofel. Pinayagan naman siya ng pari lalo na at ipinagpaalam ni Magdalene ang nakita niyang alikabok doon na dapat ng linisin. Na kahit gabi na itutoy niya ang paglilinis. Lalo na sa mga oras na iyon ay busog na busog talaga siya.
Kahit gabi na ay napakaliwanag naman doon lalo na at buhay ang mga ilaw. Kumakanta pa si Magdalene ng mga awiting simbahan ng may maramdaman siyang nakatingin sa kanya.
Bigla siyang napapaling sa may likuran sa may gate ng makarinig siya doon ng kaluskos.
"Sino yan?" buong tapang niyang tanong ngunit wala naman siyang nakitang tao. "Baka dumaraan lang o mga ligaw na hayop," pagpapakalma niya sa sarili.
Muli na lang niyang ipinagpatuloy ang ginagawa hanggang sa makarinig siya ng ilang sitsit. Hindi niya pinansin ang pagtawag na iyon. Pakiramdam niya ay may nangtitrip lang sa kanya.
"Magdalene."
Mabilis siyang napalingon ng may bumanggit sa pangalan niya. Hindi siya maaaring magkamali. May tumawag sa kanyang pangalan ngunit para lang iyong bulong.
Sumilip pa siya sa may balkonahe ng bahay ni Father Byron. Nakahinga siya ng maluwag ng makita niyang naroon pa rin ito. Sa tingin niya ay may kausap pa rin nito si Mother Ofel.
Ilang beses na inilibot ni Magdalene ang tingin sa kadiliman sa labas ng gate ngunit wala siyang nakikita. Malaking pasalamat talaga niya na may gate doon at hindi basta-basta nakakapasok ang kung sino man.
Pilit niyang pinapalakas ang sarili. Wala siyang ibang taong nakikita. Muli niyang ibinalik ang atensyon sa ginagawa. Hanggang sa nakatapos siya.
Matapos mailigpit ang kanyang ginamit panlinis ay naupo muna siya sa silyang kanina lang ay tinutungtungan niya hanggang sa muli siyang mapaharap sa labas ng gate. Isang bulto ng tao ang nakita niya.
"T-tiyo A-Arnulfo," hindik na hindik niyang saan ng makilala ang lalaki. Hindi siya maaaring magkamali. Ang tiyuhin niya iyon.
"Long time no see Magdalene," anito. "Umalis ka na pala ng club kaya pala hindi na ako makahingi ng pera kay madam. Pero huwag kang mag-alala. Dahil muli na kitang nakita."
Parang biglang bumalik ang kanyang takot. Hindi kaagad siya nakapagsalita. Kitang-kita niya ang ngisi ng tiyuhin.
"Wala kayong karapatan sa akin. Dahil kahit kailan ay hindi kayo naging mabuti kahit sa nanay ko."
Ilang beses itong umiling na parang hindi naiintindihan ang sinasasabi niya. "Hindi naman kita ngayon kukunin. Mag-enjoy ka muna," tumatawa nitong saad na mas lalong nagbigay takot sa kanya.
"Sino kayo para kuhanin ako dito? Wala kayong awa, wala kayong kwenta. Higit sa lahat wala kayong karapatan sa akin!" sigaw ni Magdalene na hindi na niya napigilan ang mapaiyak. Hindi rin niya naramdaman ang paglapit ni Byron sa kanya. Nagulat na lang din siya ng biglang nawala si Arnulfo sa labas ng gate. "Tiyo Arnulfo," aniya at nahihintakutang inilibot ang paningin sa labas ng gate.
"Dalene."
Biglang napapitlag si Magdalene ng biglang may tumawag sa pangalan niya at tumapik sa balikat niya kaya naman bigla siyang napaatras at nahulog sa silya.
"Hindi ako sasama sa inyo!" Singhal ni Magdalene habang pinuprotektahan ang sarili. Wala pa rin siyang tigil sa pag-iyak.
Nagulat naman si Byron sa inasal ng dalaga. Masaya lang naman ito kanina ng magpaalam na maglilinis lang ito doon. Ngunit may kung anong nangyari at nagkaganito na ito kaagad.
Mabilis na nilapitan ni Byron si Magdalene. Ngunit nagwawala ito tuwing mahahawakan niya. Kaya wala na siyang nagawa kundi yakapin ang dalaga. Takot na takot ito. Iyon ang nararamdaman niya.
"Dalene, don't cry. Walang mananakit sa iyo. Habang narito ka sa poder ko. Narito ka sa amin, magtiwala ka," malambing na saad ni Byron ngunit wala pa ring tigil sa pag-iyak si Magdalene.
"Ayaw ko pong sumama sa inyo," pagmamakaawa pa ni Magdalene.
"Si Byron ito Dalene. Ano bang nakita mo dito? Wala kang ibang sasamahan. Tayo lang dalawa ang magkasama sa lugar na ito."
Doon biglang nahinto si Magdalene. Unti-unti niyang iniangat ang mukha sa taong nakayakap sa kanya. Nakahinga siya ng maluwag ng si Father Byron ang mabungaran niya.
"F-father," ani Magdalene ng mahigpit siyang yumakap dito. Doon niya muling ibinuhos ang pag-iyak. Ngunit hindi na iyon gawa ng takot. Dahil ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon habang nakakulong sa mga bisig nito ay ligtas siya.
"Dalene, ano bang nangyari? Bakit bigla ka na lang sumigaw at natakot ka pa ng lapitan kita dito?" tanong ng Byron ng tumigil sa pag-iyak si Magdalene.
"N-nakita ko po ang T-tiyo A-Arnulfo. Sabi niya ay kukunin niya ako dito. Father hindi ko po kayang sumama sa tiyo. Alam kong ibebenta na naman niya ako. Baka sa pagkakataong ito hindi na ako makaligtas."
"Habang narito ako walang makakakuha sa iyo. Hindi ako papayag na may kung sino na lang ang basta na lang kukuha sa iyo at gawin ang mga bagay na hindi mo gustong gawin nila sa iyon. Huwag ka ng mag-isip ng kung anu-ano. Hindi kita pababayaan." Paninigurado pa ni Byron.
"Thank you po. Pasensya na po kung nasigawan ko kayo. Bigla po kasing nawala sa labas ng gate ang Tiyo Arnulfo tapos ay naramdaman ko bigla ang pagtapik ninyo sa balikat ko. Kasabay ng pagtawag ninyo sa akin."
"Naiintindihan ko Dalene. Pero ayos ka ba. Matulog na tayo," ani Byron ng mapaayos ng upo si Magdalene at bumitaw sa pagkakayakap ni Byron.
"Totoo? Matutulog na po tayo?" ani Magdalene habang nangiting-ngiti.
Si Byron naman ay naniningkit ang mga matang nakatingin kay Magdalene. Tila ay sinusuri ang sinasabi ng dalaga sa kanya.
Napasimangot naman si Magdalene ng maramdaman niya ang ang pagpitik ni Byron sa noo niya. Hindi naman malakas ang pitik. Pero masakit pa rin.
"Pasaway. Mali ang iniisip mo. Pumunta ka na sa bahay na laan sa iyo at matulog ka na. Ako man ay magtutungo na sa tirahan ko at matutulog na rin."
"Pero seryoso ako Father By, ngayon lang. Natatakot po talaga ako. Pakiramdam ko narito lang sa paligid ang tiyo."
Napatango na lang si Byron. Nakukuha niya ang pinupunto ng dalaga. "Sige na tara na sa bahay. Ako na lang ang matutulog sa may sa sofa sa labas."
Ilang beses namang napailing si Magdalene. "Doon na lang sa bahay father. Kahit ako sa labas. Pakiramdam ko po kasi ay masusunog ako sa laman ng kwarto mo eh."
Nakatanggap na naman si Magdalene ng pitik mula kay Byron. "Pasaway," naiiling pa niyang saad.
Inalalayan ni Byron na makatayo si Magdalene. Ngunit lingid sa kaalaman ng dalaga ay ilang beses pa siyang sumilip sa labas ng gate para makita din niya ang isang bulto na nagtatago sa dilim.
Hindi na niya hiniwalayan ang dalaga. Inilock lang niya ang pintuan ng bahay niya at sabay na silang nagtungo sa tinutuluyan nito.
Kahit nakasara ang gate ay sinigurado muna ni Byron na nakalock ang lahat ng pintuan at bintana ng bahay bago niya inihatid sa silid nito si Magdalene.
"Matulog ka na Dalene at huwag ng mag-isip ng kung anu-ano. Narito lang ako sa labas," ani Byron na ikinatango naman ni Magdalene.
"Salamat father sa lahat-lahat. Good night po."
Nakita na lang ni Byron ang pagpikit ni Magdalene kaya naman nagiti na rin siya. Para itong batang nagsasabing hindi pa inaantok. Ngunit ng malapat sa kama ang katawan ay mabilis na nakatulog. Iniisip din niyang baka dahil parang bata itong takot na takot kanina. Kaya kung bakit mabilis itong inantok.
"Good night Dalene," ani Byron sa natutulog ng dalaga. Isinara na rin niya ang pintuan ng silid nito.
Hinayon na rin niya ang latag na ginawa ni Magdalene sa kanya sa may salas. Para doon na rin makapagpalipas ng gabi.