Dahan-dahang iminulat ni Byron ang mga mata. Doon niya napagtantong unti-unti ng sumisilay ang liwanag sa labas. Ngunit walang init na nagmumula sa araw.
Bumangon na siya ng sa tingin niya ay wala na rin namang pag-asa na makakatulog siya. Kulimlim sa labas at mukhang nagbabadya nga ang malakas na ulan.
Mabilis siyang nagtungo sa kusina para uminom ng tubig. Pakiramdam niya ay uhaw na uhaw siya. Alam naman niya ang dahilan. Hindi niya akalaing makakatulog siya matapos umiyak. Nagpapasalamat na lang talaga siya napakabuti ng kanyang mga magulang.
Nag-init na rin siya ng tubig para makapagtimpla ng kape. Umaga na rin naman kaya nagtungo siya sa tapat ng kwarto ng kanyang silid.
"Mommy, daddy, gising na po kayo? Nag-iinit na po ako ng tubig para po makapagkape man lang po muna tayo," ani Byron ngunit walang sumasagot sa kanya.
Nakailang katok pa siya ng pagpasyahan niyang buksan ang pintuan. "Mommy, daddy bubuksan ko na po ito," paalam pa ni Byron bago niya pinihit ang siladura ng pinto.
Ngunit napakunot noo na lang si Byron ng mapansing maayos na ang kama at wala doon ang mga magulang.
"Nasaan sila? Huwag nilang sabihin na maaga na naman silang umalis dahil kay Chow Chow?"
Hinayon na lang muli ni Byron ang kusina. Maghihintay na lang siya ng tawag ng mga magulang kung talagang nakaalis na nga ang mga ito. Malapit ng kumulo ang nakasalang ng tubig ng makarinig siya ng pagkatok. Mas malakas na rin ngayon ang kanina lang ay mahinang ambon.
"Sandali lang," ani Byron, bago pinatay muna ang kalan at hinayon ang pintuan. "Dalene," sambit niya sa pangalan ng dalaga ng ito ang tumambad sa kanya.
Nakangiti ito na lalong nagpabilis sa pagtibok ng kanyang puso. Gustong-gusto niya ang tanawing natatanaw sa mga oras na iyon. Umagang-umaga ang mukha ng dalaga ang nakikita niya. Parang gusto na lang niyang matulala sa mga oras na iyon.
"Father ayos ka lang?"
Nagbalik naman ang naglalakbay na isipan ni Byron ng tapikin ng dalaga ang kamay niya. Hindi naman niya akalaing saglit na makakalimot siya.
"Ah, ayos lang naman. Anong ginagawa mo dito? Nais mo bang magkape? Halika sa loob," pag-aaya ni Byron na ikinailing ni Magdalene.
"Narito ako father kasi, ipinapagising ka po ng mommy po ninyo. Dahil malamig ang panahon ay doon daw po siya magluluto ng sopas sa ampunan. Para na rin daw po makakain din ang mga bata. Tara na po."
"Ganoon ba? Sige mauna ka na. Sabihin mo susunod na lang ako. Maliligo lang ako ng mabilis kagigising ko lang talaga."
"Parang hindi naman ganoon father. Mukha ka pa ring fresh at ang bango mo pa rin."
Napalunok naman si Byron sa sinabi ni Magdalene. Alam naman niyang walang ibang ibig sabihin ang sinasabi ng dalaga sa kanya. Pero iba ang dating noon sa pandinig niya. Parang sa bawat magagandang sinasabi ng dalaga sa kanya ay mas nakakapagpadagdag lang ng kompyansa niya sa sarili. Lalo lang lumalim ang kanyang nararamdaman dito. Gayong alam naman niyang mali ang nararamdaman niya. Napakagulo ng puso at isipan niyang iyon.
"Huwag kang magbiro Dalene. Sa totoo lang ay nakatulugan ko na ang ganitong ayos. Wala na akong nagawa ng makatulog ako." Totoo naman iyong sinasabi niya. Nakatulog naman talaga siya sa pag-iyak habang yakap ng mommy niya. Ang kasunod niyang nalaman ay iyong paggising na niya.
"Hindi po ako nagbibiro. Alam naman ninyong gwapo kayo matagal na."
Nailing na lang siya sa walang prenong pagsasalita ni Magdalene.
"Sige na. Thank you. Pero mauna ka na doon susunod na ako. Pasabi na rin kay mommy."
"Hihintayin na lang kita father, malakas na ang ulan. Isa pa ay payong mo ang gamit ko. Wala kasing ibang payong na available. Gamit ni Manong Juan iyong isa. Iyong iba naman ay dala nina Mother Ofel papuntang bayan at may kukunin daw sila. Pero mabilis lang naman. Pauwi na rin sila ngayon. Kaya po hihintayin na lang kita. Lalo na at wala po kayong payong."
"Ganoon ba? Sige hindi ako magtatagal."
"Take your time father, nang ipasundo ka po ng mommy mo ay babago pa lang po nilang isinasalang ang sopas. Madami po silang ginayat na gulay para na rin makakain ng gulay ang mga bata. At madami silang lulutuin. Para daw po hindi mabitin ang mga bata. Lalo na at nagbabadya ang sama ng panahon."
"Ganoon ba? Sige maupo ka na lang muna dyan."
Napatango na kang si Magdalene. Nasundan na lang niya ng tingin si Father Byron habang papasok ito sa silid nito.
Ilang beses pang inilibot ni Magdalene ang tingin sa kabuoan ng bahay ni Father Byron. Nakakaramdam siya ng lungkot. Sa tingin niya ay nalalapit na ang araw at hindi na niya makikita ang lugar na iyon.
Napabuntonghininga siya. Matagal na niyang pinag-isipan ang bagay na iyon. Habang tumatagal ay lalo lang nahuhulog ang kanyang damdamin sa binata. Kaya naman habang maagap pa. Nais na niyang simulan ang pag-iwas. At mangyayari lang iyon kung iiwan niya ang monasteryo.
Sa totoo lang ay gustong-gusto niyang manatili doon. Pero natatakot siya sa maaari niyang magawa. Galing na nga siya sa putikan, mandadamay pa siya ng inosenteng gumawa sa kanya ng kabutihan. Hindi ganoon, kaya mas pipiliin niya ang umiwas.
Kung ang paglayo ang tama, iyon ang gagawin niya. Hahanap lang talaga siya ng tamang pagkakakataon para makapagpaalam.
"Mamimiss kita Father By," bulong pa niya sa hangin. "Alam kong hindi mali na humanga sa iyo. Pero natatakot akong, pagnanatili pa ako dito ng mas matagal. Mas lalong hindi na ako makaiwas sa nararamdaman ko sa iyo. Mahila pa kita sa tukso," ani Magdalene habang nakapikit ang mga mata.
Hindi na napigilan ni Magdalene ang pagtulo ng kanyang mga luha. Minsan na lang siyang magmahal, sa taong hindi pa pwede. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Hindi siya maaaring maabutan ni Father Byron na umiiyak at baka magtaka pa ito. Alam niyang pipilitin nitong alamin kung ano ang dahilan ng kanyang pagluha. Baka mapabilis lang ang pag-alis niya pagmapapaamin siya nitong mahal niya ito.
Napapaypay ng kamay si Magdalene. Para mapakalma ang nararamdaman. Hanggang sa kusa ng tumigil ang kanyang mga luha. Iminulat niya ang mga mata at pinalis ang mga luhang dumaloy sa kanyang pisngi.
"Tama lang na magpaalam na aalis ka na Magdalene. Hindi deserve ni Father Byron ang isang tulad mo. Napakabait noong tao para mahulog sa iyo," bulong ni Magdalene ng biglang lumabas si Byron sa silid nito.
Hindi napigilan ni Magdalene ang mapapikit para samyuin ang halimuyak ng natural na bango ng pari.
"Ang gwapo mo na father ang bango mo pa," hindi napigilang bulalas ni Magdalene ng maramdaman niya ang paghalik ni Byron sa kanyang noo. Mabilis siyang nagmulat ng mapansin niyang iilang pulgada na lang ang pagitan ng mukha nila.
"P-para saan iyon father?"
"You're a precious gems Dalene. You are my precious gem," ani Byron at mabilis na lumayo kay Magdalene at nagsimula ng maglakad patungo sa may pintuan.
"Ha?" maikling tugon ni Magdalene dahil hindi niya naintindihan ang sinabi ni Father Byron sa kanya.
"Sabi ko, tara na. Siguro naman nakaluto na sina mommy. Parang namiss ko din ang sopas talaga."
"Pero hindi po iyon ang sinabi ninyo?"
"Ay ano pala?"
"Hindi ko nga po naintindihan eh," reklamo ni Magdalene na ikinatawa lang ni Byron.
"See, wala nga lang iyon. Hindi ka pa ba nagugutom? Ako parang gutom na."
"Si father naman eh," kakamot-kamot sa ulo na saad ni Magdalene bago sumunod kay Byron palabas.
Si Byron na ang kumuha ng payong at siya na ang nagbukas. "Halika na."
Tumabi naman si Magdalene kay Byron at sabay na silang naglakad. Kahit medyo nababasa pa rin siya medyo inilayo pa rin niya ang katawan kay Father Byron. Ngunit bigla niyang naramdaman ang init na hatid ng katawan ni Byron ng lumapat ang isang kamay nito sa baywang niya para hapitin siya palapit dito.
"F-father."
"Huwag kang lumayo mababasa ka."
"P-pero---."
"Sshh.."
Ilang beses na napalunok si Magdalene. Tumango na lang siya biglang sagot. Ilang beses pa siyang napalunok ng laway. Ang lamig ng panahon dahil umuulan. Pero parang tuyong-tuyo ang lalamunan niya sa init na kanyang nadarama.
Si Byron man ay may kakaibang init na nadarama ng magdikit ang katawan nila ni Magdalene. Ngunit wala naman siyang magawa para bitawan ang dalaga. Maliit lang ang payong niya, at mababasa ito paghinayaan niyang lumayo ito sa tabi niya.
Ang lapit-lapit lang ng pwesto ng bahay na tinutuluyan niya at nang bahay-ampunan. Pero sa mga oras na iyon ang pakiramdam niya ay parang ilang metro ang layo noon sa isa't isa.
Nang iilang hakbang na lang ang layo nila ay mabilis na bumitaw sa pagkakahawak niya si Magdalene at mabilis na tinakbo ang patungo sa may teresa. Nailing na lang siya. Matapos niyang ingatang hindi mabasa si Magdalene. Nagpakabasa rin.
"Thank you father," sigaw ni Magdalene at mabilis na itong pumasok sa loob. Naiiling na lang din siyang sumunod sa dalaga.
Nasa kusina na ang mga bata at naghihintay na lang ding matapos ang lahat na mabigyan ng mangkok ng sopas. Tahimik lang ang mga ito na sa tingin niya ay talagang nilalamig.
"Good morning po Father Byron," sabay-sabay pang bati ng mga ito sa kanya. Bumati din siya sa mga bata pabalik. Ganoon din sa ilan nilang kasama doon.
Mula sa bungad ng pintuan ay sunod-sunod ding pumasok ang tatlong madre.
"Ang lakas na ng ulan. Mukhang matutuloy na ang bagyo. Pero mamayang gabi pa ang landfall. Kaya lang umaga pa lang nagsisimula ng umulan," komento ni Sister Mary habang nagdadampi ng tuyong towel sa basang katawan.
"Kaya nga mabuti na lang at nakuha natin ngayong umaga ang relief goods na bigay ng mayor para sa mga bata," dagdag Sister Vans na naupo sa tabi ni Magdalene.
"Ang lamig mo sister," ani Magdalene ng yakapin siya ni Sister Vans.
"Napakalamig sa labas," sagot lang ng madre.
"Nga pala hindi na namin naipasok ang mga pagkain. Mamaya na lang, nakalagay naman iyon sa kahon na nakapaloob sa malaking plastic. Hindi na iyon mababasa. Kumain na muna tayo," wika ni Mother Ofel na naupo na rin sa pwesto nito.
Nagsimula na silang kumain. Naging tahimik lang ang lahat. Halatang ang lahat ay nilalamig. Kahit ang mag-asawang Patricia at Patrick ay tahimik din.
Matapos kumain ay inalok ng kape ni Patricia ang asawa. Pati si Manong Juan ay ipinagtimpla niya.
Nagdadayag naman ng mga pinagkainan si Manang Claire. Habang nakaupo at namamahinga ang tatlong madre.
"Mother Ofel, ako na lang po ang magpapasok ng mga relief goods. Baka po mapasok na rin ng tubig ng ulan ang mga plastic. Kanina pa silang nabababad eh." Paalam ni Magdalene.
"Samahan na kita Dalene."
"Naku father hindi na. Isa pa, maliliit lang ang mga kahon. Kaya siguradong hindi mabigat. Madami nga lang. Pero mas mahirap pag kayo ang nagkasakit. Kaya ko na po iyon."
"Pero Dalene," reklamo ni Byron ng itaas ni Magdalene ang mga kamay.
"Huwag ka pong matigas ang ulo father. Bata pa ako at malakas ang pangangatawan."
Napanguso si Byron. "Anong tingin mo sa akin matanda ng talaga?"
"Kayo naman, wala akong ibig sabihin ah. Isa pa magpapayong naman ako, iyon po ang ibig kong sabihin. Kaya maupo ka na lang dyan. Kaya ko na iyon."
Wala ng nagawa si Byron kundi ang mapatango. Wala namang pakialam ang nasa paligid nila. Dahil para sa mga ito normal na sagutan lang iyon ni Magdalene at Byron. Alam nilang close ang dalawa.
Habang sa isang sulok ay ilang beses ng ngumiwi si Patrick. Ilang beses din itong kinurot ng asawa. Oo nga at nasasaktan. Ngunit alam niya ang sayang nararamdaman ni Patricia sa nakikitang care ng anak sa dalaga ay hindi kayang presyohan ng pera.
Nasundan na lang ng tingin ni Byron ang papalabas na dalaga sa ampunan. Napasimangot pa siyang muli ng mapansin niya ang isang batang lalaki na nakasuot ng kapote habang nagpapaakay kay Magdalene. Ito ang magiging tagapayong ng dalaga.
"Mas ginawa pang tagapayong ang paslit," bulong ni Byron.
Nakatanaw lang sa labas ang mga bata habang pinapanood si Magdalene na buhat ang mga maliliit na kahon ng relief goods.
Tahimik lang na nakaupo si Byron at hinihintay na makatapos si Magdalene sa ginagawa. Nakaready na rin ang panyo sa kanyang bulsa na ibibigay sa pasaway na dalaga.
Iilang kahon na lang ang natitira sa malapit sa may gate. Nang humihingal na pumasok sa loob ng ampunan ang batang kasama ni Magdalene.
"Mother Ofel!" malakas nitong sigaw kaya naman napatayo silang lahat.
"Anong nangyari? Nasaan ang Ate Dalene mo?" kinakabahang tanong ni Byron sa bata ng makita niya ang takot sa mukha nito.
"M-may lalaki po sa labas. M-may hawak na b-baril. Sabi ay pag hindi nagsama si Ate Dalene sa kanya. Babaril niya ako," nauutal at nanginginig sa takot ang bata habang umiiyak.
Umusbong ang takot kay Byron. Mabilis siyang lumabas ng ampunan. Wala siyang pakialam kung mabasa man siya. Ang kailangan niya ay mailigtas si Magdalene sa kung sino man ang lalaking nais makuha ito.
Doon naabutan ni Byron ang isang lalaking may hawak ng baril habang hawak sa leeg si Magdalene.
"Dalene!" sigaw ni Byron para makuha ang atensyon ng dalaga at ng lalaking may hawak dito.
Kahit malakas ang ulan. Kitang-kita ni Byron ang mga luhang pumapatak sa mata ng dalaga. Ganoon din ang takot na mababakas sa mukha nito.
"F-father." Alam niyang sinambit ni Magdalene ang pangalan niya, ayon sa bukas ng bibig ng dalaga. Kahit hindi niya narinig.