Chapter 9

2467 Words
Maganda ang araw na iyon para kay Byron. Mapusyaw lamang ang sikat ng araw at malamig pa rin ang dampi ng hangin sa kanyang balat. Maaliwalas ang paligid at hindi mo kakikitaan ng badya ng masamang panahon. Madaling araw pa lang ay gising na siya para simulan ang kanyang umaga. Habang tulog pa ang lahat ay sinisimulan niyang tumakbo sa labas ng monasteryo. Iyon ang pinaka exercise na ginagawa niya. Sa loob ng isang taong pamamalagi niya doon ay nakasanayan na niya iyong gawin. Hindi man niya iyon araw-araw na ginagawa, ngunit pakiramdam niya ay napapalakas nito ang kanyang katawan. Pagsumisikat na ang araw ay bumabalik na siya sa loob ng monasteryo. Pagkatapos, ang gagawin naman niya ay maligo para simulan ang kanyang umaga. Nasa hapag na sila at sabay-sabay na kumakain. Kasama ni Byron sa hapag sina Mother Ofel, Sister Vans at Sister Mary. Naroon din sina Manang Claire at Manong Juan. Ang mga bata naman ay nasa kabilang mesa. At masayang kumakain. "Father, nakaready na po ang kumpisalan. Mamaya po pagdumating na po ang mga taong mangungumpisal ay papasukin na lang po namin," ani Sister Vans na ikinatango niya. "Thank you sister. Nakakatuwa na kahit sa ibang lugar ay nagtutungo dito ang mga tao para magsimba at mangumpisal. Masaya akong mula ng dumating ako dito ay maraming nakikiisa para makinig ng salita ng Panginoon at katulad ngayon na mayroon pa ring nangungumpisal." "Kaya masaya ang mga tao ng ikaw ang pumalit Father Byron. Medyo matanda na kasi ang dating pari namin dito. Kaya naman naiintindihan ng mga tao kung bakit minsanan lang sa isang taon magkaroon ng kumpisal. Ngayong narito ka na ay kahit buwan-buwan ay marami ang nangungumpisal. At galing pa sa ibang kalapit bayan ang karamihan," dagdag pa ni Sister Mary. "Natutuwa po akong maging daan, para maibsan ang bigat ng pasanin ng ating mamamayan. Kahit sa simpleng paghingi ng kapatawaran sa nasa Itaas. Masaya akong kahit papaano sa simpleng gawain ay gumagaan ang kanilang nararamdaman," paliwanag ni Byron at nagpatuloy na sila sa pagkain. Magtatanghali na ng mapansin nila na dumadami na ang mga taong naghihintay sa kumpisalan. Kaya naman inayos na rin ni Byron ang sarili para magtungo sa pwesto niya. Mula ng maging pari siya sa lugar na iyon ay natutuwa siyang marinig ang mga inihihingi ng tawad ng mga taong dumudulog sa kumpisal. Pagkatapos ng ilang araw, o ilang linggo ay babalik ang mga ito sa lugar na iyon para magpasalamat. Dahil ng makapangumpisal daw ang mga ito ay parang gumaan ang suliranin ng mga ito. Hanggang sa pakiramdam ng mga ito ay naging magaan ang buhay nila. Iyon ang isa din sa dahilan kaya siguro masaya siya sa naging propesyon niya. Masaya siyang may napapagaang kalooban sa gitna ng sakit, hirap at pagod na nararamdaman ng mga ito. Halos nasa mahigit isang oras na din ang nakakalipas. Iisa na lang ang natitira sa mga nangungumpisal. Napangiti pa si Byron. Hindi man niya nakikita ang mga naunang nangumpisal, ngunit alam niyang lumabas ang mga ito ng simbahan ng may mga ngiti sa labi. Kakausapin na sana niya ang huling mangungumpisal ng maramdaman niya ang pag vibrate ng cellphone niya. Palagi iyong nasa bulsa niya. Sinagot niya ang tawag. "By," anito sa malungkot na boses. Napakunot noo pa si Byron ng mapagtantong sa boses pa lang ng tumatawag ay malungkot na ito. Ngunit pilit na pinapasigla ang tono ng pagsasalita. Napailing na lang si Byron ng itanong niya kung bakit ito napatawag. Hanggang sa nagsalita ang babaeng nasa labas ng kumpisalan. Walang nagawa si Byron ng hilingin ng pinsan na pakinggan ang sasabihin ng babae. Lalo na at ipinagpilitan ng pinsan niyang si Jarred na kilala talaga nito ang babae sa labas ng kumpisalan. Parang nais na ring umiyak ni Byron sa lahat ng isinisiwalat ng babae. Awang-awa siya dito. Hanggang sa matapos itong magsalita, at ibinuhos sa pag-iyak ang sakit na nadarama nito. Natigilan siya. Hanggang sa bigla na lang nagwala sa kabilang linya ang pinsan niya. "I will end this call Jarred. Mukhang bigla siyang umalis. Hahanapin ko lang." Pinatay ni Byron ang tawag ng biglang umalis ang babaeng sinasabi ni Jarred na ex-girlfriend nito. Pagkalabas niya ng simbahan ay wala man lang siyang nakitang tao sa paligid. Alam niyang sa mga oras na iyon ay nasa likod ng pinaka bahay-ampunan ang mga bata, habang tinuturuang mag-aral nina Sister Vans at Sister Mary. Habang nagluluto si Manang Claire. Walang ibang pupuntahan ang ex-girlfriend ni Jarred kundi ang lumabas ng monasteryo. Kaya naman mabilis niyang hinayon ang gate. Walang ibang tao. Hindi niya alam kung saan hahanapin ajg babae. Kahit katirikan ang araw ay nagsimula siyang maglakad. Ilang minuto din ang nakakalipas ng mapansin niya ang pagewang-gewang na kotse. Sa tingin niya ay wala sa sarili ang driver noon. Patuloy pa rin siya sa paglalakad ng sumulpot sa tabihan niya ang kotse ni Jarred. Halos mawindang ang isipan niya sa isiping sa layo ng bahay ni Jarred ay ilang minuto lang nitong tinakbo ang mula sa bahay nito at sa lugar na iyon. "Get in By," utos ni Jarred. Hindi naman nagdalawang isip ni Byron at mabilis na sumakay sa passenger seat. "Nakita mo ba s'ya," nag-aalalang tanong ni Jarred na ikinailing lang ni Byron. "Jarred." "By, sure akong si Ella ko iyon. Maling-mali ang ginawa kong pagpapahirap sa kanya. Kailangan natin siyang mahanap," ani Jarred na ikinatango lang ni Byron. "Pasensya ka na ha. Sa tagal ng panahon na hindi tayo nagkita o nagkakausap man lang. Sa ganitong pagkakataon pa tayo nagkita." "Walang problema. Ang mahalaga ay mahanap natin iyang si Ella mo." Parang nagslow motion ang lahat sa paningin ni Byron ng makita ang pagkakabangga ng kotseng kanila lang ay nilampasan siya sa babaeng nasa gitna ng kalsada. Mabilis namang nakapreno ni Jarred at parang wala sa sariling bumaba ng sasakyan. Huminto naman sa gilid ng kalsada ang kotseng nakabangga sa babae. Parang kilala na niya kung sino ang babaeng nabangga ng kotse. Batay sa itsura ni Jarred ay alam niyang ito ang babae na kanina lang ay nasa kabilang panig ng kumpisalan. Na siyang ex-girlfriend ng pinsan niya. Hindi naman naglipat ang mga minuto at dumating na rin ang ambulansya. Si Jarred ang pinasama niya kay Ella at naiwan sa kanya ang kotse nito. Hindi naman niya pwedeng samahan ang pinsan na ganoon ang suot. Suot pa rin niya ang abito niya. Nang makaalis ang ambulasya ay sumakay na rin siya sa kotse ng pinsan. Bumalik siya ng monasteryo. Ngunit iniwan na lang niya sa labas ang kotse ni Jarred. Lalabas din naman siyang muli para puntahan ang pinsan sa ospital. Naglalakad si Byron patungo sa kwarto niya ng matigilan siya ng tawagin siya ni Manang Claire. "Father, tapos na po pala ang ginagawa ninyo. Nais po ba ninyong magmeryenda?" "Hindi na manang, aalis po ako. Hindi na po ako makakapagpaalam sa iba. Emergency lang po. Magpapalit lang ako ng damit," ani Byron. Nakakaunawang tumango naman ang matanda at muling bumalik sa ginagawa. Hinayon ni Byron ang silid. Naglagay siya sa bag ng ilang damit na maaaring magamit ni Jarred at ng kung anu-ano pang personal hygiene toiletries. Nang makatapos siyang magpalit ng damit ay mabilis na siyang lumabas ng silid. Kailangan na niyang mapuntahan si Jarred, lalo na at mag-isa lang ito. Panay ang panalangin ni Byron para sa kaligtasan ng babaeng sa tingin niya ay mahal na mahal pa rin ng pinsan niya. Napahugot siya ng hangin. Hindi niya alam ang pakiramdam ng nagmamahal para sa isang babae. Maliban sa pagmamahal niya sa mommy niya, ay hindi niya alam ang para sa iba. Madami din naman siyang nakikitang kadalagahan na nagsisimba pag nagmimisa siya. Alam din niyang humahanga ang mga ito sa kanya. Ngunit iyong pakiramdam na sinasabi ng iba na spark, pagbilis ng pintig ng puso at iyong sabi pa ay kakontentuhang nararamdaman ng puso, ay hindi man lang niya nararamdaman. Kaya siguro sa tingin niya ay pagiging pari talaga ang para sa kanya. At masaya siya sa kung ano man siya ngayon. Pagkarating ng ospital ay nagtanong lang siya sa information, at mabilis na tinungo kung nasaan si Jarred. Halos madurong ang puso ni Byron sa nakikitang hinagpis kay Jarred. Kung kaya lang sana niyang kunin ang lahat ng sakit na nararamdaman nito ay ginawa na niya. Bigla niyang naisip ang mga magulang. Alam niyang nasaktan ang mga ito ng magdesisyon siyang magpari. Pero tinanggap ng mga ito ang kagustuhan niya. Pero ngayon sa nakikita niya kay Jarred, ay ayaw niyang may masasaktang mahal niya sa buhay. Awang-awa siya sa pinsan. Dahil sa kulang ang blood bank ng ospital ay nagpresenta na siyang maging direct donor ni Ella. Mabuti na lang at kapareho niya itong O Positive, na namana naman niya sa mommy niya. Pagkapasok sa loob ng operating room ay pinahiga na rin si Byron sa isang kama na naroroon. Kitang-kita niya si Ella na maraming dugo ang bumabalot sa kinahihigaan nito. Lalo lang siyang naawa sa dalaga. Sa dami nitong pinagdaanang hirap sa buhay, ay ninais nitong tapusin ang buhay. Habang nakahiga sa kama, sa operating room ay patuloy lang ang pagdarasal ni Byron para sa kaligtasan ni Ella. Nasa dalawang oras din ang itinagal ni Byron sa loob. Nagbigay siya ng dugo sa abot ng hanggang sa pinaka pwede niyang ibigay. Nakaupo pa sa wheelchair si Byron ng ihatid siya sa labas ng isang nurse. "Thank you By. Salamat sa tulong na ibinigay mo," umiiyak na saad ni Jarred habang nakaluhod sa harapan ni Byron. "Relax Jarred. Ginawa ko lang ang alam konh tama. Kaya huwag ka ng umiyak. Makakaligtas siya." "Sana nga By, hindi ko kakayaning may masamang mangyari kay Ella." Lalo lang nagsisikip ang dibdib ni Byron sa nakikitang kahinaan ni Jarred. Isama pa ang galit na nararamdaman nito sa taong may kagagawan ng lahat ng hirap ng pinagdaanan nina Jarred at Ella. "Kaya mo yan Jarred. Malalampasan mo rin ang lahat. Kakayanin ni Ella ang sitwasyong ito at makakaligtas siya. Magtiwala ka lang sa nasa Itaas Jarred. Maniwala ka." Ilang minuto pa silang nasa ganoong sitwasyon ng lumabas ang doktor na siyang gumagamot kay Ella para ibalitang ligtas na ito. Ang kailangan lang ay magkamalay si Ella. Nailipat na sa pribadong silid si Ella ng mga sandaling iyon. Hindi pa rin naman kayang iwan ni Byron si Jarred sa ganoong sitwasyon. Hapon na ng magpaalam si Jarred na pupuntahan nito sa kabilang ospital ang anak ni Ella, na maaaring pamangkin niya. Lalo na at inamin ni Jarred na maaaring ito ang ama. Naiwan si Byron sa kwarto ni Ella. Nilapitan niya ang dalaga pagkalabas ni Jarred. Naupo siya sa tabi ng kama nito. Hinawakan ni Byron ng dahan-dahan ang ulo ni Ella. "Ella, alam kong hindi tayo magkakilala at alam mong hindi tama ang ginawa mo. Buhay ang anak mo at hanggang ngayon mahal na mahal ka ng pinsan ko. Pilitin mong lumaban. Pagsubok lang ang lahat Ella. Sa lahat ng pagsubok na daraan sa buhay natin ay maaari tayong manalo o matalo. Kung lalaban ka, may posibilidad na manalo ka. Pero kung susuko ka, ngayon pa lang talo ka na. Maikli lang ang buhay. Piliin natin ang tama at makakapagpasaya sa iyo. Magpagaling ka Ella. Hindi lang basta para sa sarili mo. Kundi ganoon din, para sa anak mo, kay Jarred at sa mga taong nasa paligid mo na nagmamahal sa iyo. Lumaban ka Ella, at magpagaling ka." Nag-alay pa ng panalangin si Byron kay Ella. Natapos din niya ang pagrorosaryo bago siya umalis sa tabi ni Ella at naupo sa couch na naroroon. Gabi na ng makabalik si Jarred ng ospital. Kasama na nito ang mommy ni Ella. Alam na niyang nakakulong na ang lalaking dahilan kung bakit nasira ang magandang samahan ni Jarred at Ella pati na ng mommy nito. Nagpapasalamat siyang ipinaubaya ni Jarred na ang batas na ang magparusa sa lalaking sumira ng buhay ng mga ito. Nagpaalam na rin siya kay Jarred. Kailangan na rin niyang makauwi ng monasteryo. Medyo napapagod na rin siya at kailangan na rin niyang magpahinga. Pagkalabas ng ospital ay nag-abang na ng taxi si Byron. Ngunit lahat ng dumaraan ay may sakay. Kaya naman napilitan na lang siyang maglakad patungo sa sakayan ng dyip. Pagdating niya sa bungad na daan papasok sa monasteryo ay wala ng masasakyang tricycle. Kaya naman napangiti na lang siya habang binabagtas ng lakad ang napakahabang daan. Maswerte na lang at may mga posteng may ilaw ang nadaraanan niya. Kaya hindi na niya kailangan ng flashlight para makita lang ang daan. Nasa kalagitnaan na siya ng nilalakad niya ng magulat na lang siya ng may bumangga sa kanya kaya siya ay natumba. Hindi niya alam kung saan ito galing. Basta bigla na lang itong sumulpot sa kanyang harapan. At kasama niyang bumagsak sa lupa. "Bitawan mo ako. Pakiusap ayaw ko ng bumalik doon. Pabayaan na ninyo ako," pakiusap ng babae. Doon lang napansin ni Byron na hawak pala niya ang kamay nito. "Miss, ayos ka lang?" tanong niya ng bigla itong magpumiglas sa pagkakahawak niya. Bigla siyang naalarma sa paligid. Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa pulso ng babae. Kung bibitawan niya ito ay maaaring makaalis nga ito sa tabi niya at maaari namang mahuli ng kung sino mang humahabol dito. Wala sa sariling niyakap ni Byron ang dalaga, para pigilan ang pagwawala nito. Ngunit parang mali ang kanyang ginawa. Dahil habang nagpupumiglas ito ay may kakaibang init sa puso niya na kanyang nararamdaman. May binubuhay itong kung anong damdamin sa kanya na hindi niya mapangalanan. Bumibilis ang pintig ng puso niya. "Bitawan mo ako." Pagmamakaawa pa ng babae. "Miss, makinig ka. Hindi ako masamang tao, at hindi kita sasaktan. Ano ang nangyayari sa iyo?" mahinahong tanong ni Byron ng sa tingin niya ay naiintindihan ng babaeng yakap niya. Dahan-dahan itong tumigil sa pagwawala. Kaya naman niluwagan niya ang pagkakayakap dito. Unti-unti namang tumingala ang babae hanggang sa magtama ang kanilang mga mata. Sa tulong ng ilaw na nagmumula sa poste ng kuryente ay nakita nila ang itsura ng isa't isa. "H-hindi ka talaga masamang t-tao?" tanong ng babae kay Byron na ikinailing niya. "Hindi. Kaya kung magtitiwala ka sa akin ay isasama muna kita kung saan ako nakatira. May monasteryo malapit dito at doon ako pupunta," sagot ni Byron. Nakita niya ang pagsilay ng pag-asa sa mukha ng babaeng kaharap. Kahit ang mga mata nito ay napupuno ng mga namumuong luha na nais na namang kumawala. "T-tutulungan mo akong, h-hindi nila m-makuha," nauutal pang saad ng babae na ikinatango lang ni Byron. Hindi maalis ni Byron ang mga mata sa mukha ng dalaga. Hindi niya alam ang dahilan. Naguguluhan siya sa bigla niyang nararamdaman. Sa unang pagkakataon sa buong buhay niya. Bumilis ang pagtibok ng puso niya sa isang babae. Na nabato balani siya sa ganda ng isang dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD