Chapter 11

2351 Words
"Susmaryosep," gulat na bulalas ni Manang Claire ng may makitang lalaking natutulog sa may teresa ng bahay ni Father Byron. Hindi niya namukhaan ang lalaki dahil nakatalikod ito at nakabalot ng kumot ang parteng uluhan. Ngunit sa tingin niya ay mataas na lalaki ito. Ang nakikita lang niya ay ang mapuputi nitong paa na hindi natatakipan ng kumot. Nagsisimula pa lang ang bukang liwayway at oras na para magluto. Alam naman niyang sa mga oras na iyon ay gising na si Father Byron para sana tanungin kung may gusto itong ipaluto. Iyon nga lamang ay nagulat siya sa lalaking natutulog sa labas ng bahay nito. Mabilis na tinungo ni Manang Claire ang ampunan kung saan sila natutulog na mag-asawa, kasama ang mga bata. Naroon sa kusina si Manong Juan at nagkakape. "Juan halika," utos ni Manang Claire na humihingal pa. "May nangyari ba kay father? Bakit para kang hinahabol ng tatlong kabayo Claire?" "Wala naman. Basta halika sandali sumama ka sa akin." Akay ng matanda sa kanyang asawa. Wala na rin namang nagawa si Manong Juan ng hilahin siya ng nagmamadaling kabiyak. "Ano namang kakaiba dito Claire?" "Ayan, tingnan mo may lalaking nakahiga. Hindi ko naman magising. Nagtataka lang ako kung bakit nariyan iyan sa labas ng bahay ni father." Turo ni Manang Claire na ikinakunot noo ni Manong Juan. Pinagmasdang mabuti ng matanda ang matangkad na lalaking nakatalikod. Bigla itong umingit. Sa tingin nila ay nahihirapan ito sa pwesto nito. Lalo lang nilang napansin ang mapunting paa nitong pamilyar sa kanila. Nagkatinginan tuloy silang mag-asawa. Bago muling ibinalik ang tingin sa lalaking hanggang ngayon ay nakatakip pa ng kumot. "Father Byron," sabay pa nilang sambit ng mapagtantong ito nga ang natutulog sa pwestong iyon. Nilapitan nila ito pareho. Sumisilay na rin naman ang araw at maya-maya lang ay lalabas na sa kanya-kanyang pinakabahay ang tatlong madre. Siguradong mag-aalala ang mga ito pagnaabutan ang hamak na pari sa ganoong kalagayan. "Father," ani Manong Juan na ikinaungot ni Byron. Unti-unti niyang iminulat ang mga mata. Pakiramdam niya ay masasakit ang kanyang katawan, dahil sa matigas na kinahihigaan. "Ayos ka lang father?" nag-aalalang tanong ni Manang Claire na ikinatango niya. Nagpatulong siyang makatayo. Sa tigas ng sahig na nilatagan lang niya ng kumot ay talagang nanibago siya. Napakasasakit talaga ng kanyang kalamnan. "A-aray, aack, aah, aray ko po," nasambit ni Byron ng makatayo na siya. Hawak niya ang balakang at iika-ikang naupo sa upuang naroroon. Pakiramdam niya ay daig pa niya ang senior citizen dahil sa pananakit ng kanyang balakang at likod. Nailing na kang din siya ng sa hindi naman sinasadya ay natawa ang dalawang matanda. Sino ba namang hindi matatawa. Mas matanda siya sa mga ito. Ngunit ang daig niya ay daig pa niyang matandang uugod-ugod. Napatingin na lang siya kay Manang Claire. Natiklop na nito ang kumot niyang ginamit at ang unan. "Father wala ka po bang dalang susi ng bahay mo? Dapat po ay ginising ninyo ako ng dumating kayo. Hindi iyong nagtiyaga kayo dito sa labas. Baka nilamok pa kayo," sermon ni Manang Claire na ikinangiti niya. "May dala po akong susi manang. Kaya lang po hindi po ako makakatulog sa loob ng bahay sa kwarto ko. Ano po kasi---." "Bakit father? May insekto po ba? May surot? Naku pasensya na po. Dapat pagkaalis ninyo kahapon ay sinilip ko man lang para malinisan. Hindi sana kayo nagtiis dito sa labas. Hayaan ninyo at magpapatulong ako sa mga bata. Alam naman ninyong masaya ang mga iyon na tumulong palagi." "Manang, malinis po ang loob ng bahay hanggang sa kwarto. Kaya lang po--." Hindi malaman ni Byron kung paano niya sasabihin ang tungkol sa babaeng pinatulog niya sa kanyang silid. "May problema ba father?" tanong din ni Manong Juan ng matigilan silang tatlo ng may nabasag sa loob ng tinutuluyan ni Byron. Mabilis pa sa alas kwatrong binuksan ni Manong Juan ang pintuan ng bahay ng bumungad sa kanila ang isang napakagandang babae. Napakaikli lang ng suot nito na halos hagya ng matakpan ang dapat nakatagong parte. Habang nakahandusay sa basang sahig at hawak ang basag na tabo. Napasinghap pa ang dalawang matanda ng mapansin ang damit na suot nito. Alam nilang damit iyon ni Byron. Lalo na at medyo malaki sa babae ang damit. At isa pa, isa iyon sa kulay ng damit na isinusot ng pari. Puti at gray lang naman ang kulay ng damit ni Byron at ang suot ng babae ay gray. Mabilis na napaupo si Magdalene. Hindi niya malaman ang gagawin kung paano tatakpan ang sarili sa harap ng mga taong ngayon ay nakatunghay sa kanya. Nais lang sana niyang maghilamos sa may lababo para mawala ang make-up niya. Kahit manipis lang iyon nakamake-up pa rin siya. Kaya lang pagkuha niya ng tubig sa faucet ay dumulas sa kamay niya ang tabo. Nahabol naman niya iyon, pero siya naman ang dumulas. Hawak niya ang tangkay ng tabo. Ngunit sa pagbagsak niya sa sahig, kasabay din na nabasag ang tabo. Nagulat na lang siyang bigla ng may nagtabon sa kanyang hantad na hita ng kumot. Hinila siya ng kung sino man para mailayo sa basa. Hanggang sa naramdaman na lang niyang pinaupo siya nito sa may monoblock chair. Napamaang naman ang mag-asawa at nakasunod lang ng tingin kay Byron habang inaalalayan ang babae hanggang sa makaupo ito. Nabalot sila ng ilang minutong katahimikan. Wari mo ay walang nais magsalita sa kanilang apat. Napayuko na lang si Magdalene. Hindi niya alam kung paano magsasalita. Kung paano magpapakilala. Tapos nangialam na nga siya sa bahay na iyon, nanira pa siya. "Nakakahiya ka," sermon ni Magdalene sa sarili ng bigla siyang mapatunghay ng may tumikhim. "Sino po siya?" tanong ni Manang Claire na ikinakunot noo ni Magdalene. Hinihintay niya kung sino ang sasagot sa matandang lalaki o sa gwapong lalaki na nakasalamuha niya kagabi. Dahil ang nagtanong ay ang may edad ng babae. "Bakit naman mangungupo si manang sa binatang ito? Ah baka naman boss. Pero nasaan ba ako? Ang naalala ko kagabi sabi niya monasteryo." Lalo lang nalukot ang noo ni Magdalene ng magsalita ang gwapong binata. "Siya manang ang dahilan kung bakit sa labas ako natulog. Nawalan siya ng malay kagabi. Nakita ko siya sa may daan. Halang pagod, kaya hinayaan ko ng makatulog ng maayos dito sa loob. Hindi ko na kayo nagising dahil sobrang gabi na," paliwanag ni Byron na ikinatango ng dalawang matanda. "Hija, ako nga pala si Claire, tawagin mo akong Manang Claire. At ito naman ang asawa ko, tawagin mo lang siyang Manong Juan. Huwag kang matakot sa amin. Pasensya ka na kung nagulat kami sa iyo, sa ayos mo. Hindi lang kami sanay." "Pasensya na rin po sa abalang nagawa ko. Nanlalagkit na rin po ako, kaya naisipan kong maghilamos muna. Kaya lang nakasira pa po ako. Pasensya na po. At sorry din po na nangialam na ako ng damit. Talaga lang pong nanlalagkit na ako sa jacket na suot ko. Lalo na at nabasa po iyon ng pawis. Pasensya na po talaga. Ako nga po pala si Magdalene. Magdalene Dominico," pakilala niya. Napatingin pa siya sa lalaking hanggang ngayon ay hindi niya alam kung ano ang pangalan. Higit sa lahat nahihiwagaan siya sa pagkatao nito. Napahugot ng hangin si Magdalene. "Kung ang lalaking ito ay natulog sa labas dahil narito ako. Ibig sabihin sa kanya ang silid na ito?" Napailing siya sa tumatakbo sa isipan niya. "Bakit naman ganoon. Hanggat wala pa siyang sinasabi. Hindi pa ako mawawalan ng pag-asa," napakunot noo siyang muli. "Eh? Para saan naman ang pag-asa?" tanong ng kaliwang bahagi ng isipan niya. "Sa gwapong lalaki sa harapan mo. Gaga, huwag mong sabihin na hindi ka nagkakagusto dyan? Ay kay gwapong nilalang," sagot naman ng kanang bahagi ng isipan niya. "Huwag kayong ganyan," malakas na saad ni Magdalene ng bigla na lang siyang mapasinghap. Nakatingin sa kanya si Manang Claire at si Manong Juan. Ganoon din ang gwapong lalaki. "Ayos ka lang hija?" tanong ni Manang Claire na ikinatango niya. "Pasensya na po. Wala po akong ibig sabihin," ani Magdalene na napapailing. "Hija, hindi naman sa ano ha. Bakit ganyan ang suot mo?" Napatungo na lang si Magdalene. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga kaharap ang trabaho niya. Nahihiya siyang mahusgahan ng mga tao. Natatakot din siyang pag-umalis siya sa lugar na iyon ay mahanap siya ng mga naghahanap sa kanya at ibalik lang din siya sa club. "Manang ako na po ang kakausap sa kanya. Maghanda na po kayo ng breakfast," ani Byron na ikinatango ng dalawang matanda. "Sige po father. Mauna na kami." "Opo manang. Mamaya po pupunta dito sina mommy," dagdag pa ni Byron at tuluyan ng lumabas ang mag-asawa. Nakatingin lang si Magdalene sa lalaking kaharap. Bakit parang ayaw tanggapin ng isipan niya ang narinig. "Ayos ka lang ba? Pagpasensyan mo na si manang sa tanong niya. Medyo conservative lang kasi sila. Lalo na at may kasama tayong tatlong madre dito. Mamaya ipapakilala kita sa kanila. Pati na rin sa mga batang inaalagaan namin dito," nakangiting saad pa ni Byron ng biglang may naalala. "Basang-basa ka nga pala. Kung nais mong maligo ay pwede naman. Ikukuha lang kita ng damit." "Teka lang sandali. Sa iyo ba ang damit na suot ko? Pasensya na sa pangingialam ko." "Walang problema. Dapat nga kagabi ay---," natigilan si Byron. Parang mali yata ang sasabihin niya. "Dapat kagabi ka pa ngang nakapagpalit ng damit. Kaya lang hindi na kita ginising. Alam kong pagod ka," dagdag na lang ni Byron at iniwan n si Magdalene. Nakahinga naman si Byron ng makalabas siya ng bahay niya. "Hindi ka naman nag-iingat. Wala naman akong ginawang masama eh. Totoo iyon," aniya sa sarili at pinuntahan si Manang Claire. Hindi din naman nagtagal si Byron. Dala na niya ang damit na pwedeng isuot ni Magdalene. Hinayaan na rin naman ni Manang Claire na doon maligo si Magdalene sa tinutuluyan niya. Lilinisan na lang daw ni manang mamaya pag wala na itong ginagawa. Ibinigay ni Byron ang isang short na abot hanggang itaas ng tuhod ni Magdalene at isang bagong daster. Kay manang iyon ngunit masyadong maliit ang sukat kaya naman hindi iyon naisuot at naitago na lang. Mayroon na rin iyong pang-ilalim na bago din. Katulad short at daster ay hindi sukat kay manang. "Salamat nga pala dito. A-ano ba ang pangalan mo," lakas loob na tanong ni Magdalene na ikinangiti naman ni Byron. "Byron," tipid niyang sagot. "Byron, pasensya ka na ulit. Napilitan ka tuloy matulog sa labas ng dahil sa akin. Hindi ko din sinasadya na makabasag ng gamit mo. At pasensya ng talaga, ginamit ko ang damit mo." "Walang problema. Ang mahalaga nakabawi ka na sa pagod mo. Iyong tabo, bibili na lang ulit ako. Tapos sa damit, madami na akong hindi naiisuot, kung kasya naman sa iyo ay sa iyo na lang. Pagtiyagaan mo na lang munang suotin. Pero maiba ako. Pwede ko bang malaman kong anong nangyari bago tayo magkabanggaan kagabi?" "Okay lang ba?" Napatango naman si Byron. "Magtiwala ka sa akin, kung ano man ang problema mo, basta kaya ko tutulungan kita sa abot ng aking makakaya," nakangiting saad ni Byron. Napatitig na lang si Magdalene sa mukha ni Byron. Mas lalo itong gumagwapong tingnan pag nakangiti. Kahit natatakot siyang mahusgahan ay nagsimula siyang magkwento. Kung ano ang nangyari sa mga magulang niya, hanggang sa dalahin at ibenta siya ng amaing si Arnulfo sa club. Hanggang sa maging waitress at gawing pangtable siya doon ng mga lalaking pinagpipyestahan ang katawan niya sa himas at haplos. Pati na rin ang pagbili sa kanya ng isang manyakis na lalaki. Dahilan para magpilit siyang makatakas. At dahil nga sa mga naging kaibigan niya ay nakatakas siya. Hindi na napigilang maiyak ni Magdalene dahil sa mga sinapit niya. "Ngayon hindi ko alam kung saan ako pupunta. Alam kong pagnahuli nila ako, baka hindi na ako makatakas pang muli. Ibenenta ako ng limang milyon, pero kailangan kong magbayad ng dalawampu. At ngayon dahil binili ako ng tatlong milyon. Pero nakatalas ako, kaya lang pagnahuli nila ako, pagbabayarin na naman ako ng higit pang halaga. Wala akong pera. Saan ako kukuha? Iyong basahan nga na tinatahi ko, kulang pang pambili ng bigas pag nabenta," nanlulumong saad ni Magdalene na lalo lang niyang ikinaiyak. Sa ilang minuto niyang pag-iyak ay naramdaman ni Magdalene ang paghawak ni Byron sa kanyang kamay. Nagulat siya doon kaya bigla niyang nahila ang kamay niya. Bago tiningnan si Byron sa mata. Alam niyang naguguluhan din itong tulad niya. "Naramdaman kaya niya?" tanong pa ni Magdalene. Ngunit hindi niya isinatinig. "Ayos ka lang Dalene?" nag-aalalang tanong ni Byron sa kanya. Para namang huminto ang pag-inog ng mundo ni Magdalene sa itinawag na iyon sa kanya ng binata. Bakit kay sarap pakinggan ng pangalang Dalene ng sambitin ito ni Byron. "Anong itinawag mo sa akin?" "Dalene, ayaw mo ba?" "Hindi naman. M-maganda, ngayon lang may tumawag sa akin ng Dalene." "Ganoon ba. Mula ngayon iyan na ang itatawag ko sa iyo. Pero sige na, maligo ka na. Para makasabay ka na ng umagahan. Sa labas lang muna ako. Hihintayin kita." "Sige. Pero sandali," pigil ni Magdalene. "Ano iyon?" "Sa iyo talaga ang silid na ito?" Hindi pa rin niya mapigilang tanong. "Oo. Pasensya ka na hindi ko pala nasabi sa iyo. I'm the priest here. Dito ako nakatalaga para magpahayag ng mga salita Niya," ani Byron at itinuro pa ang nasa itaas. "Sige na," dagdag pa ni Byron at nakangiting nagpaalam kay Magdalene. Mula sa nakasaradong pintuan ay bigla na lang parang naputol muli ang pakpak ni Magdalene. Ang pakpak niyang parang biglang sumuloy at naipagaypay, dahil sa gwapong lalaking nakita niya, ay naputol muli sa kaalamang pari ito sa lugar na iyon. "Minsan ka na nga lang makaramdam ng kuryente sa katawan, sa pari naman," reklamo ni Magdalene ng mapunta sa may altaran ang kanyang mga mata. Bigla tuloy niyang naipagdaop ang mga palad niya at biglang napapikit. "Patawad po, nagbibiro lang po ako. Kayo naman. Hindi po talaga ako nagrereklamo. Maliligo na po ako oh," aniya sabay taas ng damit na binigay sa kanya ni Byron at mabilis na tinungo ang banyo sa bahay na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD