DAY 10
August 17. Wednesday
PAGBALIK ko sa Richdale University campus nalaman ko na kahit sa mga teachers at staff nakarating na ang tsismis na may relasyon kami ni Kira. It was weird to be asked by professors about it.
Hindi na ako nagugulat na kilala nila ako kasi isa akong Alonso. Overachiever din ako at active sa academics and extracurricular activies. Bukod sa matagal na akong estudyante sa school. What surprised me is that they know Kira too. At katulad ni Prof. Victoria naramdaman ko ang concern at worry nila para sa kaniya. Na para bang malapit nilang kapamilya ang babae.
Hindi ako nakatiis at nagtanong sa mga professor na nakausap ko kung paano nila nakilala si Kira. Sa tuwing ginagawa ko ‘yon halatang iiwas sa tanong ang kausap ko at parang biglang may gagawin o kaya pupuntahan. Tapos aalis na.
Lalo lang ako na-curious. And to be honest, kinabahan. Kasi pakiramdam ko napapasubo talaga ako sa isang bagay na mahihirapan akong lusutan.
Sino ba kasi talaga si Kira?
DAY 11
August 18. Thursday
BUSY ako sa paggawa ng written report para sa isa kong class nang mag-send ng message si Kira sa viber ko.
Hindi ako makakapasok sa school bukas. Huwag mo ako masyadong ma-miss. See you on Monday! May smiling face pa sa dulo.
Umangat ang mga kilay ko. Sinong may sabi na mami-miss ko siya? I smirked and ignored her message.
DAY 12
August 19. Friday
HINDI nga siya pumasok. Hindi ko siya nakita kahit saan. And yes, I know it was weird of me to look around just to check whether she’s in school or not. Nanibago lang ako na solo ko ang rooftop.
Iyon lang ‘yon.
DAY 13
August 20. Saturday
SHE DIDN’T send me any messages today. Or even a picture. What’s wrong with her?
DAY 14
August 21. Sunday
HINDI ko alam kung ano ang sumapi sa ‘kin. I messaged her. Just to know what she’s up to.
Hindi siya nag-reply.
Ah. Whatever. I don’t care anymore.
DAY 15
August 22. Monday
PAGPASOK KO sa campus, hindi ako lumingon kung saan-saan. Deretso lang ang tingin ko sa dinaraanan ko. Katulad ng palagi kong ginagawa bago ko siya nakilala. I attended all my classes for the day. Ibinuhos ko lahat ng concentration ko sa lecture ng professors. Katulad ng normal kong buhay sa nakaraang lampas apat na taon.
Pagkatapos ng lahat ng klase nag-decide akong tumambay sa library. Nasa bahay si Mama na ilang araw wala kasi nakipag-party sa kaibigan sa ibang bansa. I’m sure kapag umuwi si Papa mamaya mag-aaway na naman sila. I don’t want to be there when it happens.
Habang naglalakad ako, napansin ko na ang daming estudyante ang pakalat-kalat sa campus. There is also a feel of festivity in the air. Parang excited ang mga estudyante sa mga ginagawa nila. May naririnig rin akong tunog ng drums at iba pang tugtog sa direksiyon ng football field at sa kung saan-saan pang open space sa Richdale. It took me a moment to realize the date.
Last week ng August. Foundation week nga pala ng Richdale University. Parang ang bilis ng dating kasi kakasimula pa lang ng klase hindi tulad dati na nakapag-adjust na kami sa class schedule bago dumarating ang linggong ‘to. Well, never naman ako naging excited sa Foundation week na katulad ng ibang estudyante. Lalo na ngayon na hindi naman na ako undergrad.
“Eugine!”
Napahinto ako at naging alerto nang marinig ko ang boses ni Kira. Naglalakad na ako ‘non papasok sa library building.
“Eugine!”
Ewan ko kung bakit pero nagpantig ang tainga ko na ang saya ng tono niya. Siguro kasi sa loob ng ilang araw hindi ako natahimik sa kakaisip kung ano na ang nangyari sa kaniya. I want to ignore her. Pero lumingon din naman ako.
Nakangiti siya at masiglang tumatakbo palapit sa akin. Napahugot ako ng malalim na paghinga at pumihit hanggang nakaharap na talaga ako sa direksyon niya. Ang tagal niya makarating sa akin kaya napahakbang na ako pasalubong sa kaniya. We met halfway.
Tiningala niya ako at matamis siyang ngumiti. “May ibibigay ako sa ‘yo.”
Kumunot ang noo ko habang nagkakalkal siya sa malaki niyang shoulder bag. “Ah. Ito na.” Ngumisi siya at itinaas ang isang… cellphone strap. It’s a small glass ball. Kasing laki lang ng twenty five cents. Sa loob ‘non parang may clouds of dust na may ilang speck na kumikinang. Parang…
Naningkit ang mga mata ko at pinagmasdan ‘yong mabuti. “Is that…a star?”
“Yes! Ang galing mo talaga. Alam mo agad kung ano ‘to. Here, take it.” Kinuha niya ang kamay ko at inilagay sa palad ko ang cellphone strap.
Napatitig ako sa glass ball – which is a more realistic representation of a star since stars are not really a five sided shape but a ball made out of dust clouds scattered throughout the space. Then napatingin ako sa mukha ni Kira. “Saan ka galing? Bakit hindi ka pumasok last Friday at hindi nagparamdam buong weekend?”
Instead na sumagot agad pinakatitigan niya ako. Nailang ako. “Bakit?” defensive na tanong ko.
“Na-miss mo ‘ko no? Sabi ko naman sa ‘yo huwag mo ako ma-miss,” biro niya.
Sumimangot ako. “I didn’t miss you. I was just… curious.”
Mukhang ayaw niya maniwala kung pagbabasehan ko ang kislap sa mga mata niya. Mabuti na lang, hindi na niya pinush ang issue at sinagot na lang ang tanong ko. “Nasa bahay lang ako. Dumating lang ang mga kamag-anak namin galing sa States. Isang linggo lang sila rito kaya hindi na lang ako pumasok para makasama sila. Pasalubong nila sa akin ‘yang cellphone strap kasi alam nila na mahilig ako sa stars. Nabili raw nila sa isang Observatory doon.”
“Wait. Kung pasalubong nila sa ‘yo, bakit mo binibigay sa akin?” Ibabalik ko na sana sa kaniya pero pinigilan niya ako. Dinukot niya ang cellphone niya at itinaas sa harap ko. May kaparehong strap na nakakabit sa cellphone niya. “Partner ‘yan. Tig-isa tayo. Sign of friendship. Ilagay mo sa cellphone mo ha? Sayang naman kung hindi. Mahal pa naman ‘yan. Saka malulungkot itong star na nasa akin kung wala siyang kapartner.”
Umangat ang mga kilay ko. “Bakit naman malulungkot?”
“Kasi ang stars parang tao. They are destined to have a partner. Malayo kasi sila kaya kapag titingala tayo sa langit mukhang isa lang ang star na kumikinang pero ang totoo dalawa talagang stars ang nakikita natin. Kasi most stars are binary star systems. Hindi lang natin nakikita mula rito sa earth pero partners ang mga bituin.
“Ang galing ‘no? Siguro naramdaman ng Creator na sa sobrang lawak ng buong Universe, nakakalungkot naman kung mag-isa lang ang isang bagay na nagpapalutang-lutang sa isang galaxy. Kaya ginawa niyang partner ang stars. Kaya ang mga planeta nasa loob ng isang solar system. Kaya ang meteoroids kapag nag-ta-travel sa space grupo-grupo. Parang tao lang, ‘di ba? Akala natin minsan kaya natin mag-isa pero hindi talaga ‘yon totoo. We are all created with a destined partner.”
Hindi ko napigilan mapangiti sa animated na pagsasalita ni Kira. “You made the scientific facts sound romantic.”
Ngumisi si Kira. “Pero romantic naman talaga ang Universe, eh. Kaya nga ang sarap pag-aralan.”
“Hindi ko naman sinabi na mali ka. Interesting ang point of view mo, actually. But you see, hindi naman lahat ng tungkol sa Universe ay kasing positive at romantic na gaya ng iniisip mo. Ganoon din ang tungkol sa mga tao. How do you explain the Supernova and the Blackhole then? Kung susundin ko ang analogy mo, hindi ba kamatayan ang katumbas ‘non para sa ating mga tao?”
Nawala ang ngiti ni Kira. May dumaang emosyon sa mga mata na nagpakaba sa akin. I realized I said something wrong. Hindi ko lang alam kung ano exactly ang mali kong nasabi. Mag-so-sorry pa lang sana ako pero kumurap na siya at ngumiti na uli.
“Alam mo, may napansin ako sa ‘yo Eugine. Ang dami mong alam tungkol sa Universe. Astronomy rin ba o kahit anong Science related course ang talagang gusto mong pag-aralan dati?”
This time, ako naman ang hindi nakapagsalita. Parang sinuntok ang sikmura ko. Kasi tama siya. Noong high school ako, interested ako sa Science. Pero noon ko pa alam na hindi ko puwedeng sundin ang talagang gusto ko. Kasi bata pa lang ako, na-train na ako ni Papa sa negosyo ng pamilya. So I have to forget the things that I really want.
Kaya nga ngayon, nahihirapan akong isipin kung ano ba talaga ang mga bagay na gusto ko. Ngayon lang uli may nagpaalala sa akin na interesado ako sa Universe.
“Eugine?”
Kumurap ako at medyo ngumiti. “Pwede naman akong maging interesado sa Science kahit hindi ko pormal na pag-aralan. I can do my own research sa internet at sa library. Ikaw nga Multi-Media Arts ang course mo kahit gusto mo ng Astronomy.”
“Pero dahil love ko rin ang photography. Eh ikaw, love mo ba ang business?”
Hindi na naman ako nakasagot. Nag-iwas na lang ako ng tingin at bumuntong hininga. “I have to go to the library.”
“Para saan?”
“Mag-aaral ng lessons.”
“Palagi ka naman nag-aaral ng lessons. Nakaka-mental stress ang sobrang paggamit sa utak mo. Dapat mag relax ka. Lalo na ngayon na lahat ng mga estudyante relaxed at masaya. It’s Foundation week! Maluwag ang mga professors ngayong linggo na ‘to kasi kahit sila nakikisaya sa event.”
“Para lang ‘yan sa undergrads. May klase pa rin kaming mga Graduate student hanggang Friday.”
“Kahit na dance party sa Friday?”
“Gabi pa naman ‘yon. Hanggang hapon ang klase namin.”
“Grabe naman.”
Napatitig ako sa mukha niya. “Are you going to the party?”
Tumawa siya. “Hindi. Para lang ‘yon sa mga may ka-date. Ma-a-out of place lang ako kung pupunta akong mag-isa. Though gusto kong ma-experience pumunta kahit isang beses lang.” Ilang segundong nakangiti lang siyang tumingin sa kawalan. Huminga ako ng malalim at magsasalita sana pero bigla na siyang humarap sa akin. “Pero dapat mag-relax ka pa rin kahit may mga klase ka pa. Teka, huwag ka na mag-aral today. Ang mabuti pa samahan mo na lang ako.” Hinawakan niya ang braso ko kaya napatingin na naman ako sa kaniya.
“Samahan ka, saan?”
Matamis siyang ngumiti. “Surprise!”