DAY 6
August 13. Saturday
HINDI ko alam kung ano ang gagawin ko sa araw na ‘to. Nagising ako ng maaga at babangon sana. Kaso may narinig akong ingay mula sa labas ng kuwarto ko. Mariin akong pumikit uli, humablot ng isang unan at itinakip sa mukha ko. Baka sakaling hindi ko marinig ang ingay.
Ang parents ko, nag-aaway na naman. They’ve been like this since forever. Pero lately lalong tumitindi ang away nila. Hindi ko alam exactly kung ano ang pinag-aawayan nila kasi matagal na akong tumigil makinig sa sigawan nila. Basta kapag ganitong naririnig ko na ang ingay, shina-shut down ko na ang pandinig ko.
Kaunti na lang, makakaalis na ako sa bahay namin. Kailangan ko lang magtiis ng kaunti pa. After all, nakapagtiis nga ako ng twenty years eh. Ano pa ba ang ilang taon pa? I just need to finish my Master’s degree. After ‘non makakapag-request na ako kay Lolo na hayaan akong bumukod. Malayo sa parents ko. Malayo sa nakakasakal na buhay na kinalakihan ko.
DAY 7
August 14. Sunday
I forgot to mention that Kira and I exchanged numbers last Friday. We’re connected through viber now. Nagkulong lang ako sa kuwarto ko simula kahapon at kahit papaano na-entertain naman ako ng messages na pinapadala niya sa‘kin. Hindi nga lang ako masyadong nag-re-reply. Paano ko naman gagawin ‘yon eh instead of words, pictures ang pinapadala niya sa ‘kin?
And not just pictures but photos na sabi niya siya mismo ang kumuha. Pinadala rin niya sa ‘kin ang picture ng bird nest na kinunan niya nang makita ko siyang nasa taas ng puno.
Bago ako matulog nagpadala uli siya ng picture. It was the night sky. Dalawang gabi na niya akong pinapadalhan ‘non. Madilim at hindi naman kita ang stars sa picture. Mga white dots lang. But I still know that the stars are there. Kasi sa dalawang beses na pinadalhan niya ko ng picture ng langit, hinawi ko ang kurtina sa bintana ng kuwarto ko at tumingala ako.
Maraming stars. Tonight, and the night before, I know we are looking at the same sky.
DAY 8
August 15. Monday
“MAHILIG ka ba sa Astronomy?”
“Yup. Interested ako sa stars, sa planets, sa asteroids sa milky way at sa lahat ng mga celestial objects na makikita sa labas ng Earth. See? Kahit ang word na ‘celestial’ ang sarap pakinggan. The Universe is so wonderful, don’t you think so?”
“Kaya pala palagi kang nakatingala sa langit at palaging ‘yon ang subject ng mga picture mo.”
“Sayang nga walang course na pwede kong kunin dito na talagang makakapag-focus ako sa pag-aaral ng Astronomy. Pero mahilig din naman ako sa Photography kaya nag Multi-Media Arts na lang ako.”
“Yeah. You’re good at it.”
Sandaling nag-angat ng tingin si Kira sa kung anong sinusulat niya sa planner na hawak at nginitian ako. “Nagustuhan mo ang pictures na kinunan ko?”
Natigilan ako. Tumikhim at tumingin sa malayo. Nasa rooftop uli kami ng Graduate School building. Ako ang nauna ‘don. Ni hindi ko nga sinabi sa kaniya na nandoon ako. Pero wala pang thirty minutes dumating na siya. Mukha namang nagulat talaga siyang naroon ako so I assume na coincidence lang talaga ang lahat.
“Hello? Eugine?”
Bumuntong hininga ako. “They made me feel better. Those pictures,” amin ko.
Wala akong narinig na sagot mula kay Kira. Takang nilingon ko siya. Nagulat ako kasi kahit nakangiti siya namamasa ang mga mata niya.
“O, bakit naiiyak ka diyan?” naiilang na tanong ko.
Kumurap-kurap siya at umayos ng pagkakaupo sa sahig. Tumikhim siya at matamis na ngumiti. “Nakakatuwa lang marinig ang sinabi mo. Thank you.”
Hindi ko alam kung bakit pero parang may bumara sa lalamunan ko. Siguro kasi sobrang sincere ng tono niya. Siguro kasi feeling ko mas malalim ang kahulugan ng thank you ni Kira.
But at that time, I was clueless and too insensitive to notice the real meaning behind those two words.
DAY 9
August 16. Tuesday
“GIN, totoo ba na may girlfriend ka na?”
Nahirinan ako sa tanong ni Danica. God, ang sakit sa ilong ng tubig na iniinom ko. Ang magaling kong pinsan, malutong na tumawa. Na nasundan ng pag-iyak ni Louise na nagulat yata sa malakas na boses ni Thorne. Nakakandong kasi sa pinsan ko ang bata.
Nasa Tisay’s Restaurant kami. Nakatanggap ako ng tawag kanina mula kay Thorne. Inaya ako mag meryenda. First time na kusa akong tinawagan ng pinsan ko kaya napapayag ako. Hindi ako nagsisisi. Kasi kasama niya si Louise at one hour after dumating naman si Danica.
“What made you say that?” manghang tanong ko mayamaya.
“Kumakalat sa information network ng mga babae sa school. Nagsimula raw noong Friday. May nakakita daw na may kayakap kang babae. Tapos nakita ka raw kasama ang babaeng ‘yon kahapon. Sa sobrang curious nila, may fans ka na hindi yata nakatiis at nilapitan ako kanina after ng last class ko. Ako ang tinatanong nila kung sino raw ang girlfriend mo.”
Ah. Si Kira ang tinutukoy nila.
“Wow. Aware ka na pala sa mga kumakalat na tsismis sa campus ngayon. Dati deadma sa ‘yo ang mga ganiyan ah,” nakangiting puna ni Thorne sa asawa.
“Siyempre tungkol kay Gin ang tsismis kaya alerto ako ‘no.”
“Ganon?” kunot noong tanong ni Thorne, tiningnan ako ng masama.
“What? Getting jealous of me again?” nakataas ang mga kilay na tanong ko sa kaniya.
“Oo.” Mabilis na sagot niya.
I smirked. Pero napaiwas din ako agad ng tingin nang lambingin ni Danica ang pinsan ko. I swear, they even kissed. Nailang ako. Balak ko na sana magpaalam nang may pumasok sa glass door ng restaurant. Dumeretso ako ng upo. Coincidence na naman ba ‘to? Bakit nasa Tisay’s din si Kira ngayon?
Iginagala niya ang tingin sa paligid pero hindi napapatingin sa direksiyon ng lamesa namin. Nakangiti siya. Mukhang na-a-amaze na parang kinakabahan. May lumapit na waiter sa kaniya at inakay siya papunta sa kung saang lamesa.
“Gin? Saan ka pupunta?”
Kumurap ako at napatingin sa mag-asawa. Narealize ko na nakatayo na pala ako. Paano nangyari ‘yon? Just what am I planning to do?
Nakatingala sa akin si Danica at Thorne, halatang nagtataka. Tumikhim ako at dahan-dahang umupo uli.
“Okay ka lang ba? You’re acting weird,” sabi pa ni Danica.
Tumikhim ako. “I’m fine.”
Nagtagal pa kami roon. Hanggang mukhang nainip na ang baby kasi umuungot na at parang iiyak na. So nag-decide na kaming umalis na. Kinuha namin ang bill at nang makapagbayad sabay-sabay nang tumayo. Uuwi na sila sa bahay nila na malapit lang sa restaurant. Ako naman… ewan. Hindi ko pa alam kung ano ang gagawin ko. Masyado pang maaga para umuwi. Ang hirap nang walang gagawin kapag walang klase. Tapos banned talaga ako sa kompanya ng pamilya. Sinubukan ko pumasok kanina pero sa entrance pa lang hindi na ako pinapasok. Utos daw ni Lolo.
Malapit na kami sa pinto para lumabas nang hindi ko napigilang igala ang tingin ko sa parte ng restaurant na hindi kita sa puwesto namin kanina. Nakita ko si Kira. Mag-isa siyang nakaupo sa pandalawahang lamesa. Maraming pagkain sa harap niya. She was smiling happily while eating alone.
Weird. Hindi ako nakaramdam ng ganoong saya kapag kumakain ako na mag-isa. I’ve been eating alone almost my whole life and I hated it.
Sumubo siya uli ng pagkain, napapikit pa na parang sarap na sarap. When she opened her eyes our gazes met. Nagulat ako. Halatang nagulat din siya kasi nanlaki ang mga mata niya sabay lunok. Then ngumiti siya at masayang kumaway. “Eugine!”
Napatingin yata sa akin lahat ng tao sa restaurant sa lakas ng boses ni Kira.
“Kilala mo siya, Gin?” takang tanong ni Danica.
Tumikhim ako. Mapapahiya si Kira kung hindi ko siya papansinin kaya lumapit ako sa table niya. “Hindi mo naman kailangan isigaw ang pangalan ko.”
“Sorry. Natuwa lang akong makita ka rito,” nakangising sagot ni Kira.
Pinagmasdan ko siya. “Mag-isa ka lang?”
“Yup. Gusto ko ma-experience kahit isang beses lang ang kumain na mag-isa. Narinig ko sa mga usapan ng mga estudyante sa Richdale na masarap daw ang pagkain dito…” Lumampas ang tingin niya sa likuran ko. “May mga kasama ka?”
Gulat na lumingon ako. Sumunod pala sa akin sina Danica at Thorne. Halatang parehong curious habang nakatingin kay Kira. Tumikhim ako. Wala na akong choice kung hindi ipakilala sila sa isa’t isa.
“This is Kira. She’s…” Paano ko ba siya ipapakilala?
Bigla siyang tumayo at nakangiting inilahad ang kamay. “Kaibigan ako ni Eugine.”
For eighty days… no, seventy six days na lang pala. Of course, hindi ko sinabi ‘yon ng malakas.
Inabot ni Thorne ang pakikipagkamay niya. “I’m Thorne. I’m his cousin.”
Sunod namang nakipag-shake hands si Danica. “I’m his bestfriend.” Tapos sinulyapan ako ni Danica. Nakangiti pero makahulugan ang tingin. “Masaya ako na may kaibigan ka na sa Richdale ngayon maliban sa akin, Gin. Lalo at graduate at nagtatrabaho na ang iba nating friends.” Then ibinalik niya ang tingin kay Kira. “So anong year ka, edad at course?”
“Danica,” pabuntong hiningang saway ko sa kaniya.
Si baby Louise biglang umungot, nalukot ang mukha at mukhang iiyak na talaga.
“We need to go,” paalala ni Thorne.
Mukhang na-disappoint ang bestfriend ko pero nakangiting nagpaalam kay Kira. Tapos bigla siyang bumaling sa akin at tinapik ako sa balikat. “Why don’t you stay with her, Gin? Wala ka naman gagawin ngayon eh. I’ll call you.”
Napasunod ako ng tingin hanggang makalabas sila ng restaurant. Nang ibalik ko ang atensiyon ko kay Kira napansin kong titig na titig siya sa mukha ko. Kumunot ang noo ko. “Bakit?”
Umiling siya at ngumiti. “Gusto mong samahan ako kumain?”
“Akala ko ba ang point ng pagpunta mo rito ay para ma-experience kumain nang mag-isa?”
“Ah. Oo nga pala.” Tumitig siya sa lamesa. Then tumingin siya uli sa akin at matamis na ngumiti. “Pero mas importante ang friendship natin sa listahan ko. Kaya sige na, upo na.”
Umupo na siya uli at hopeful pa ring nakatingin sa akin. Bumuntong hininga ako. Saka hinatak ang silya sa tapat niya at umupo roon.
“Yey. Ay, dapat may picture tayo. Remembrance sa una nating pagkain sa labas.” Nagkalkal siya sa bag na nakalapag sa paanan niya. Kinuha ang DSLR camera.
Natigilan ako. “I don’t really like taking pictures –”
“Waiter, pwede mo kami picturan?”
“Kira.”
Hindi siya nakikinig sa akin. Dapat mairita ako, right? Ayoko ng mga taong pushy. Kaya bakit wala akong maramdamang irritation nang abutin ng waiter ang camera at nakangiti akong binalingan ni Kira para piliting magpakuha ng picture?
“Sige na. Kahit hindi ka mag-smile kasi I know that’s asking too much from you. Basta tumingin ka lang o kaya mag thumbs up, okay?”
Bumuntong hininga na lang ako uli at tumingin na sa camera. Sa gilid ng mga mata ko nakikita kong todo ngiti at peace sign si Kira. Mukhang ewan. Pagkabilang ng waiter ng tatlo naramdaman kong umangat ang gilid ng mga labi ko. Hindi ko napigilan. She was amusing.
Nang tingnan ni Kira ang kinalabasan ng picture napansin kong titig na titig siya ‘ron, may munting ngiti sa mga labi.
“Patingin nga.”
Nag-angat siya ng tingin at itinago agad ang camera. “Huwag na baka burahin mo eh.”
Kumunot ang noo ko. “Ang pangit ko sa picture ‘no? Kaya ayaw mo ipakita at kaya napapangiti ka.”
Tumango si Kira. “Yup. Sobrang pangit mo sa picture.”
“Then erase it.”
Ngumisi siya. “Ayoko nga. Promise hindi ko ipapakita sa iba. Kaya relax ka lang.”
Napabuntong hininga na lang ako uli. “Kumain ka na nga lang.”
“Okay!”
Masigla siyang kumain. Noong una pinanood ko lang siya. Kaso masyado siyang magana kumain. Nakakagutom tingnan. So I ended up eating too.
Sa huli, kahit tumatanggi siya ako na ang nagbayad ng lahat ng kinain namin. Sabi ko na lang, ganoon talaga kapag friends. Mukhang naniwala naman siya.
Seriously, hindi pa ba siya nagkaroon ng kaibigan sa buong buhay niya?