Chapter 2

2453 Words
DAY 4 August 11. Thursday “NANDITO na ang report na pinagawa niyo sa akin, Lolo.” Nag-angat ng tingin si Lolo mula sa mga papeles na pinipirmahan at tumingin sa akin. Sumenyas siya para papasukin ako sa loob ng opisina niya. Lumapit ako at inilapag sa harap niya ang folder na pinaglagyan ko ng mga papeles at report. Ngumiti si Lolo, hindi hinawakan ang folder at tumitig lang sa mukha ko. “So, how’s school?” Medyo umangat ang mga kilay ko. Hindi naman niya ako kinukumusta ng ganoon dati. Pormal ang relasyon namin ni Lolo. Wala sa amin ang nag-effort maging close sa isa’t isa. Kaya nagtataka ako na nitong nakaraang mga buwan mas maaliwalas ang mukha niya at affectionate ang tono kapag nakikipag-usap sa akin. Kapag tinitingnan niya ako, minsan feeling ko may naiisip siya o pinaplano na hindi ko alam. “School is still the same, Lolo.” “Hindi ka nahihirapan sa classes mo?” “I can handle my classes just fine.” Sanay naman akong ilang oras lang natutulog sa isang araw para mag-aral. “How about your friends? School event na sa tingin mo interesting salihan? Are you having fun?” Kumunot na talaga ang noo ko. “Lolo, ano talaga ang gusto niyong sabihin?” Lolo shrugged. “Gusto ko lang na ma-enjoy mo ang natitirang taon mo sa school. Kapag nagtrabaho ka na talaga, kaunti na lang ang chance na makakapag-relax ka. I want you to enjoy your youth a little longer.” “Enjoy my youth… how? I’ve never done that before.” Natigilan si Lolo. Kahit ako nagulat sa nasabi ko. Nagkatitigan kami. May dumaang emosyon sa mga mata ni Lolo na hindi ko ma-take kaya nag-iwas ako ng tingin. Tumikhim ako. “Anyway, kung okay na sa inyo ang report, may iba pa ba kayong ipapagawa sa akin?” Matagal na naramdaman kong nakatitig lang siya sa akin. And then he said, “Oo. May ipapagawa pa ako sa‘yo.” Huminga ng malalim si Lolo. “I want you to stop coming here for the whole semester.” Manghang napalingon ako sa kaniya. “What?! Why?” Kinuha ni Lolo ang folder na nilapag ko sa lamesa niya at sumeryoso ang mukha. “I told you. Gusto kong mag relax ka. You said you don’t know how to enjoy your youth. Binibigyan kita ng chance na alamin ang hindi mo alam. Hindi mo ‘yon magagawa kung bukod sa pag-aaral papasok ka pa sa kompanya.” “Lolo!” “Kung inaalala mo ang sasabihin ng parents mo huwag ka na mag-worry. Ako na ang bahala sa kanila. Masyado silang mahigpit sa ‘yo. I am aware na buong buhay mo pinressure ka nila. I apologize because I didn’t do anything about it before. Nagkunwari akong hindi ko nakikita ang ginagawa sa ‘yo ng parents mo. Natutuwa pa ako na kahit bata ka pa marami ka nang nagagawa. Huli na nang marealize ko na hindi healthy para sa ‘yo ang maging mas mature kaysa sa edad mo. Gusto kong bumawi. Eugine, I want to give you the space to breathe before it’s too late.” May bumara sa lalamunan ko at bumigat ang dibdib ko. Huminga ako ng malalim. Gusto kong sabihin na ayos lang ako. Na hindi niya ako kailangan bigyan ng space. Na kaya kong pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. That I don’t need to enjoy my youth. Pero hindi ko magawang magsalita. When our gaze met, I saw understanding in Lolo’s eyes. “Go find something you want to do. Iyong walang kinalaman sa pag-aaral o sa trabaho. Iyong magpapasaya sa ‘yo. I’m sure you will find something. Sa susunod na magkita tayo gusto ko nakangiti ka na.” I clenched my fists. Hindi ako nagsalita. Tango na lang ang naging sagot ko kay Lolo. Saka ako tumalikod at lumabas ng opisina niya.                     DAY 5 August 12. Friday MASAMA pa rin ang mood ko today. Alam ko nakasimangot ako kasi takot lumapit ang mga tao sa akin habang nasa campus ako. Nararamdaman ko ang tingin nila sa akin. Nararamdaman ko ang hesitation at second thoughts nila kung babatiin ba ako o hindi. Pero sa huli, katulad ng nangyayari mula pa noong first year College ako, hanggang tingin lang sila. I don’t really care. Through the years natutunan kong magkunwari na walang napapansin sa paligid ko. Kapag kasi may pinansin akong isa sa kanila, magiging sunod-sunod na ‘yon hanggang sa ako na ang mapapagod sa kababati sa mga taong hindi ko naman personal na kilala. When it comes to socializing, mas magaling ang pinsan kong si Thorne. As for me, I’m fine with my small circle of friends.  Anyway, mas ilag ang mga tao sa akin ngayon kaysa normal. Hindi ako galit. Frustrated ako. Iniisip ko pa rin ang mga napag-usapan namin ni Lolo. Kasi ngayong hindi na ako pwedeng magpunta sa kompanya ni Lolo, hindi ko na alam ang gagawin sa mga araw na wala akong klase. Find something I really want to do. Parang ang dali lang nang sabihin sa akin ni Lolo. Pero buong buhay ko sumusunod ako sa kung ano ang gusto ng parents ko. Madali siguro para sa iba ang gawin ang kahit anong magustuhan at magpakasaya. Pero sa akin mahirap ‘yon. I’m clueless where to start. Bumuntong hininga ako. Ano ba kasi talagang nangyayari kay Lolo at bigla siyang naging concern kung masaya ba ako o hindi? “Gin!” Huminto ako sa paglalakad at lumingon agad. Nawala ang frustration ko at napangiti ako nang makita ko si Danica. My bestfriend. Ang nag-iisang taong nakakaintindi sa akin kasi marami kaming pagkakapareho. For example, pareho kaming malas sa parents na meron kami. Nakangiti siya nang makalapit sa akin. “Long time no see! Ang hirap na magkaiba tayo ng schedule at Friday lang ang parehong araw na may class tayo.” “You’re right. Kamusta si Louise? Hindi ko na nadadalaw ang inaanak ko. Sorry ha?” Kuminang ang mga mata ni Danica at tumamis ang ngiti. Palaging ganoon ang nagiging expression niya kapag napag-uusapan ang anak nila ng pinsan kong si Thorne. Teenage parents sila kaya naging malaking issue ‘yon sa pamilya namin at sa buong campus last year. Pero fortunately, naging maayos na ang situation nila. Nagtatrabaho na sa kompanya ni Lolo si Thorne at si Danica naman tinatapos ang pag-aaral. Kapag nakikita ko sila na magkasama obvious na masaya at kuntento sila. As if all the hardships they faced last year were all worth it. Siguro ‘yon ang wala ako. That happiness and contentment. That something na afterwards masasabi kong worth it ang sakit at hirap na na-experience ko para sa bagay na ‘yon. Hindi ko na naman tuloy maiwasan mainggit sa pinsan ko. Noon naiingit ako sa kaniya kasi nagagawa niya ang lahat ng gusto niya. Na spoiled siya ng parents niya. Na mahal na mahal siya ng nanay niya. Alam ko hindi maganda mainggit sa iba. But I just can’t help it. Lalo at lumaki kami na palagi kaming pinagtatapat ng parents namin. Ngayon mas okay na ang relasyon namin. Hindi kami close pero at least hindi na rin umiinit ang mga ulo namin kapag nagkikita. Besides, he makes my bestfriend happy. Sino ako para magreklamo?  “Okay ka lang ba, Gin? Parang namumutla ka at mukhang galit na ewan.” Kumurap ako, bumuntong hininga at pilit na ngumiti. “I’m fine. Medyo frustrated lang kasi sinabihan ako ni Lolo na huwag muna papasok sa trabaho ngayong semester. Gusto niyang mag relax ako at humanap ng mapagkakaabalahan. Kaso hindi ko naman alam kung paano ‘yon gagawin.” Nagulat ako nang halatang natuwa si Danica sa sinabi ko. “Aba, it’s about time na bigyan ka nila ng freedom! That’s good Gin.” Umiling ako. Medyo may pait na nakapa sa dibdib pero hindi na lang kumibo. Naglakad na kami. Alam ko along the way maghihiwalay kami kasi nasa magkabilang direksiyon ang building kung saan kami pupunta. But it feels good to walk with her. It gives me an illusion na katulad pa rin kami ng dati. Na kami pa rin ang pinakamalapit na tao sa isa’t isa. Na hindi pa siya kasal sa pinsan ko.   “Miss De Dios! Get down here! That’s dangerous.” Napalingon kami ni Danica nang marinig ang tarantang pagsigaw ng isang professor mula sa kung saan. Nakita kong nakatayo sa ilalim ng isa sa matataas na puno na nakapalibot sa quadrangle si professor Victoria, isa sa mga pinakamasungit na prof sa buong Richdale University. Ilang metro lang ang layo niya sa amin. “Oh shocks, bad shot pa rin ako sa kaniya hanggang ngayon. Hindi niya ako pwedeng makita,” bulong ni Danica, pinisil ang braso ko at mabilis na nagpaalam na aalis na. Hindi ko siya masisi kasi isa si prof. Victoria sa mga taong hindi matanggap ang relasyon nina Danica at Thorne.    “I’ll call you later. Let’s eat together,” habol ko. Lumingon siya kahit halos tumakbo na palayo, ngumiti at kumaway. Matagal na nakatayo lang ako roon at sinundan siya ng tingin. Lately, napapadalas na likod na lang ni Danica ang nakikita ko. Palagi siyang tumatakbo palayo sa akin. Palaging atat umuwi. Palaging nakatingin sa hinaharap. She’s moving forward with a positive attitude and a wide smile. Meanwhile I’m still here, stucked and frozen in place. Humugot ako ng malalim na paghinga. “For God’s sake, malilintikan ako kapag may nangyari sa’yo. Bumaba ka diyan!” “Wait lang, ma’am. Kukunan ko lang ‘to. Promise.” Pamilyar sa akin ang boses ng babaeng sumagot sa professor. Hindi ko ugali mangielam sa isyu ng iba at mas lalong wala akong interes makiusyoso. Pero ewan ko ba. I ended up walking towards the commotion. Napatingala rin ako sa puno para tingnan kung sino ang kausap ni prof. Victoria. May nakita akong babae na nakaupo sa pinakamababa at matabang sanga. May DSLR camera sa mukha at parang may kinukunan ng picture sa mas mataas na sanga ng puno. Huminto ako ilang hakbang mula sa professor at manghang napatitig sa babae. Si Kira. Bakit ba palagi siyang nasa taas o kaya nakatingala kapag nakikita ko siya? At in fairness, hindi galit sa kaniya si prof. Victoria. In fact instead of angry she looks and sounds scared and worried. Kung ibang estudyante ang nasa taas ng puno I’m sure hindi magiging ganoon ang reaction ng pinaka-terror na professor sa Richdale University. “Diyos ko, kapag hindi ka pa bumaba diyan ipapatawag ko na ang parents mo!” Natigilan si Kira, inalis sa mukha ang camera at napatingin sa professor. “That’s unfair,” reklamo niya. Namaywang ang professor. “Get down.” Bumuntong hininga si Kira, kumilos para umayos ng pagkakaupo sa sanga at parang iniisip kung paano bababa nang mapatingin siya sa akin. Kumurap ako sa pagkagulat kasi biglang umaliwalas ang mukha niya at matamis na ngumiti. Kumaway pa sa akin. “Hello, Eugine!” Napatingin sa akin si prof. Victoria. Parang nakahinga ng maluwag. “Mister Alonso. Halika nga rito at tulungan siyang bumaba sa puno bago pa siya maaksidente.” Nakalimutan ko sabihin pero kung galit ang professor kay Thorne, paborito naman niya ako. Mahilig kasi si prof. Victoria sa mga estudyanteng masunurin at hindi lumalabag sa school rules. Lumapit na ako ng tuluyan hanggang nakatayo na ako sa tabi ng professor. Tumingala ako sa nakayukong si Kira. Ngiting ngiti pa rin siya. Bumuntong hininga ako. “Do you even know how to go down?” She inspected the tree. Then tumingin siya sa akin at naging guilty ang ngiti. “Hindi ko yata alam kung paano. Pero mababa lang naman ‘to. Kapag tumalon ako hindi naman siguro ako masasaktan.” “Don’t you dare!” takot na sigaw ni prof. Victoria. Tumawa si Kira. Napabuntong hininga na naman ako. Totoo na mababa lang ‘yon. Pero imposibleng hindi siya masaktan kapag tumalon siya. Itinaas ko ang kamay ko. “Give me your camera.” Hindi nagdalawang isip si Kira. Inalis niya sa leeg ang strap ng camera at ibinaba ‘yon hanggang sa maabot ko na. Then ibinigay ko ‘yon sa professor. “Can you move aside, ma’am?” magalang na tanong ko. Tumango ang professor at humakbang palayo sa puno pero nakatingin pa rin sa akin. Tinalikuran ko siya para tingalain uli si Kira. Hindi na siya nakangiti. Instead mukhang nagtataka siya habang nakatitig sa mukha ko. “Gusto mo talaga tumalon, tama ba?” Ngumisi si Kira at tumango. “Gusto ko subukan kahit isang beses lang.” I opened my arms towards her. Nanlaki ang mga mata niya. “Come on. Talon na. Sasaluhin kita.” Kumislap ang mga mata ni Kira. May dumaang emosyon sa mukha niya pero hindi ko naman alam kung ano ang itatawag ‘don. Then pilya siyang ngumiti. Saka tumalon. Hinanda ko ang sarili ko sa puwersa at bigat ng katawan niya. Kaya nagulat ako na magaan pala siya. Kaya hindi ako nahirapan nang saluhin ko siya. When I circled my arms around her waist I also realized that she’s slim. “Wow. Nasalo mo talaga ako. Ha-ha!” Nahigit ko ang hininga ko. Kasi humigpit ang payakap na kapit niya sa mga balikat ko at humampas sa tainga ko ang hininga niya nang magsalita siya. Narealize ko na mas matagal kaysa dapat ang pagkakayakap namin sa isa’t isa. So dahan-dahan ko siyang ibinaba hanggang lumapat na sa lupa ang mga paa niya. Niluwagan ko ang mga braso kong nakaikot sa baywang niya pero hindi ko pa siya totally binitiwan kasi nakakapit pa siya sa mga balikat ko. Baka hindi pa niya nakukuha ang balance niya. Baka matumba pa siya. Mayamaya bumitaw na siya sa akin. Nang umatras siya palayo binitiwan ko na rin siya. Then tiningala niya ang mukha ko at matamis na ngumiti. “That was fun!” Napatitig ako sa mukha niya. “Ano bang ginagawa mo sa taas ng puno?” “Ah. May bird nest kasi sa taas. May mga baby birds. Kinunan ko ng pictures. Salamat sa pagtulong mo sa aking bumaba ha? Siguro fated tayong dalawa kasi nagkita na naman tayo. We should be friends, Eugine.” Sinubukan ko maging expressionless. Kaso hindi ko rin napigilan ngumiwi. Kasi may kutob ako na hindi magandang idea ang maging malapit kay Kira. Masyado siyang maligalig. “Uh… no thanks.” Tumalikod na ako para maglakad palayo pero bigla niyang hinawakan ang braso ko. “Wait lang. Grabe ka naman. Ayaw mo ba ako maging kaibigan?” Bumuntong hininga ako at nilingon siya. “No offense meant but I don’t really want to get involve with you.” Mukhang nasaktan siya sa sinabi ko. Ngumiwi ako uli. “Look, it’s not you, okay? Ganito ako kahit kanino. So –” “Kahit eighty days lang,” putol niya sa sasabihin ko. “Let’s be friends.” Kumunot na ang noo ko. Bakit ba niya ako pinipilit? Wala ba siyang ibang pwedeng kaibiganin sa buong campus? Someone na kaedad niya? Mukhang eighteen years old lang siya. “Pagbigyan mo na siya, Mr. Alonso. Wala naman mawawala sa ‘yo,” biglang sabi ni professor Victoria na nakalapit na pala sa amin at inabot kay Kira ang camera. Matamis na nginitian ng babae ang professor. Bumuntong hininga ako. Kapag mas matanda na sa akin ang nagsasabi hirap na ako tumanggi. “Fine. Let’s be friends.” “Yes!” masayang sigaw ni Kira at malawak akong nginitian. “Pero eighty days lang,” paalala ko. Kaya ko naman siguro siya pakisamahan kahit hanggang October lang. Sunod-sunod siyang tumango at itinaas pa ang isang palad na parang nanunumpa. “Promise.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD