Episode 3
Dominic `Dona‘ Nambria’s POV
Nagisig ako sa papag na tinutulugan ko ng marinig ko ang napakalakas na sigawan at kalampagan sa iskwater area na tinitirhan ko. Ano pa bang bago? Palagi naman maingay ang lugar namin dahil sa mga batang lansangan pero bakit may kalampagan na nagaganap?
Sabado ngayon kaya tiyak ko na maraming bata na naman ang naglalaro ng ganito kaaga dahil wala silang pasok sa eskwelahan nila.
Tumayo ako sa papag na hinihigaan ko at nagpalit ng maayos na t-shirt. Naka sando lang kasi ako at shorts. Naghilamos ako sa maliit na lababo na inuupahan ko at itinali ang buhok ko ng pa pusod. Sinuot ko muna ang salamin ko sa mata bago ko binuksan ang kahoy na pintuan ng bahay na inuupahan ko at sinilip ang kaguluhan sa labas.
“Kayong mga iskwater, magsilayas na kayo! Binigyan na kayo ng dalawang buwan pero hindi pa rin kayo umaalis! Ubos na ubos na ang pasensya ko sa inyo! Mga putangina ninyo!” Sigaw ng isang lalaki na may gamit pang mega phone.
May mga kasama siyang pulis at napatingin ako sa kabilang bahay na katabi ko lamang. Nanlaki ang mga mata ko ng makitang ginigiba na ito ng ibang mga kalalakihan.
“Diyos ko po!” histerikal sa saad ko.
“Dona! Umalis ka na diyan at baka mabagsakan ka pa ng mga na ngangalawang na yero!” sigaw sa akin ni manang Jo. Ang may-ari ng inuupahan ko.
“Pero manang paano ho ang ibinayad ko?!” sigaw ko rin.
Sobrang ingay sa lugar namin dahil sa mga taong nagpapa-alis sa mga tao at ang mga tao na umiiyak sapagkat mawawalan na sila ng tirahan.
“Naku, Dona! Huwag mo na munang isipin ang binayad mo! Ang isipin mo ay ang kaligtasan mo kaya umalis ka na diyan!” ‘Yun na ang huling sinabi sa akin ni Manang Jo at umalis na siya.
Mabilis naman akong kumilos at inayos lahat ng gamit ko sa isang kahon na maliit. Konti lang naman ang mga gamit ko kaya hindi ako masyadong nahirapan. Pinagkasya ko sa isang kahon ang mga damit ko at sinukbit ko na ang back pack ko na ang laman ay mga gamit ko sa eskwelahan.
Nagmamadali akong lumabas dahil naririnig ko na ang bubong na ng bahay ko ang ginigiba nila. Saktanong paglabas ko biglang nagsibagsakan ang bubong ng inuupahan ko.
“Napaka malas ko nga naman, oh!” umiiling na sambit ko habang pinapanood na ginigiba ang bahay ko.
Sayang ang binayad kong advance p*****t na kalahating buwan. Limang daang piso rin ‘yun.
“Saan naman ako titira nito?” tanong ko sa sarili ko at naglakad na palabas sa iskuwater area.
Marami akong nakakasalubong na pulis at ang isa pa ay binangga ako. Nahulog tuloy ang mga damit ko sa lupa. Mabuti na lamang at hindi maputik o basa ang pinaghulugan ng mga damit ko.
“Hindi marunong mag-ingat,” bulong ko sa sarili ko na tinutukoy ang pulis na nakabangga sa akin.
“May sinasabi ka diyan?” tanong nito sa akin habang pinagsasalubong ang palad niya pati na rin ang hawak niyang batuta.
“May narinig po ba kayo?” magalang na tanong ko sa kanya.
Lumuhod ako sa lupa at isa-isang ipinasok sa karton ang mga damit ko na nagkalat na sa sahig. Nawalan na nga ako ng bahay tapos natapon pa sa kalye ang mga damit ko.
Grabe! Sobrang ganda ng araw ko ngayon! Sobrang ganda talaga! As in!
“Iskwater!” sigaw niya sa akin.
Napakibit balikat na lang ako at ang pag-aayos na lang ng damit ang inintindi ko. Kung papansinin ko pa siya baka mas lumala lang at hindi pa ako maka-alis nang maayos dito sa iskwater area.
“Nambria!”
Dahan-dahan kong inangat ang ulo ko para makita ang taong tumawag sa pangalan ko. Parang nag slow-mo ang lahat ng makita ko na naman ang mala anghel na mukha ni Paul na tumatakbo palapit sa akin.
Natauhan lang ako ng lumuhod rin siya sa lupa kaharap ko at tinulungan ako sa pagliligpit ng gamit ko. Nang mapasok na lahat ng gamit ko sa karton, agad niya ‘tong binuhat at sabay kaming napatayo.
“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong niya sa akin at sinipat ang kabuuan ko.
“O-oo, ayos naman ako,” mahinang sagot ko.
Hanggang ngayon gulat na gulat pa rin ako. Hindi ko akalain na makikita ko siya dito sa gitna ng iskwater area na tinitirhan ko.
“Sigurado ka ba? Baka mamaya may masakit na pala sayo.” Binuhat niya ang karton gamit ang isang kamay niya at hinawakan naman ng isang kamay niya ang siko ko.
Pinagmasdan niya ko maigi at inikot pa ang katawan ko para lang makita kung ayos lang ako. Ganito ba talaga siya maawa sa tulad ko? Grabe naman kasi…
“Ayos lang talaga ako,” sagot ko at kukunin nasa sa kanya ang karton na pinaglalagyan ng gamit ko ng iiwas niya ‘to sa akin.
Binitawan niya ako at dalawang kamay na niyang binuhat ang karton ko. Nalipat ang tingin ni Paul sa pulis na may kasalanan kung bakit nahulog sa sahig ang mga damit ko. Kasalanan niya at alam kong sinadya niya ‘yun.
“Ikaw,” sambit ni Paul sa Pulis. “Bakit hindi mo man lang siya tinutulungan? Nakita mo nang nahulog ang mga gamit niya pero pinapanood mo lang siya na mag-isang nag-aayos ng gamit niya. Anong klaseng pulis ka?”
Natameme ang pulis at napayuko na lamang kay Paul. Ngayon napapaisip tuloy ako kung gaano ba kayaman si Paul at pati ang pulis, napapatameme niya. Mga mayayaman lang kasi ang may kayang makapagpatahimik sa mga pulis.
“Walang kwenta,” seryosong sambit ni Paul sa pulis at muling humarap sa akin. “Halika na, Nambria,” anyaya sa akin ni Paul.
Nauuna siyang maglakad at nakasunod lamang ako sa kanya. Pinagmamasdan ko lang ang perpektong likod ni Paul habang naglalakad siya palabas ng iskwater area. Kung sobrang yaman pala talaga ni Paul, eh bakit siya nandito sa iskwater area? Anong ginagawa niya dito?
Huminto kami sa isang kotse. Hindi ko alam kung anong tawag sa kotse na ‘to pero palagi ko ‘tong nakikita sa palabas lalo na sa fast and furious. Sigurado akong sobrang mahal nito. Nakakatakot dahil baka madumihan ko o kaya naman ay magasgasan ko. Wala pa naman akong pambayad.
Pinapanood ko lang si Paul nang buksan niya ang likuran ng kotse niya at pinasok niya ang karton na may laman na gamit ko.
“Sakay ka na,” aniya.
“H-ha?”
“Ang sabi ko sakay ka na,” nakangiting sambit niya at siya na mismo ang nagbukas ng pintuan ng kotse para sa akin.
Napatingin ako sa paa ko. Wala pala akong tsinelas man lang. Dahil sa pagmamadali ko nakalimutan kong suotin ang tsinelas ko.
“M-madumi ang paa ko at baka m-madumihan ko lang ang k-kotse mo,” nahihiyang sambit ko.
“Huwag mong intindihin ang kotse ko. Kotse lang ‘yan at madaling mapalitan,” nakangiting sambit niya. “Sige na, sakay ka na.”
Napatango na lamang ako at sumakay na sa kotse niya. Hindi ako sumandal sa upuan ng kotse niya dahil natatakot ako na baka madumihan ko pa ‘to.
“Komportable ka ba niyan?” tanong niya sa akin habang nakatingin sa pwesto ko.
“O-oo,” sagot ko.
Ito ang kauna-unahan na sumakay ako sa isang kotse at mamahaling kotse pa talaga. Kakaiba ang pakiramdam. Masaya na natatakot ako pero hindi ko na lamang pinahalata.
“Sumandal ka para mas komportable,” aniya.
Hinawakan niya ang balikat ko at dahan-dahan na itunulak ako pasandal sa upuan ng kotse niya. Isinara na niya ang pintuan ng kotse at agad na umikot sa kabila. Sumakay na rin siya ng kotse at agad na pinaandar paalis ang kotse niya sa iskwater area.
Nilingon ko ulit ang iskwater na kinalakihan ko na. Ilang taon rin akong nanirahan sa maingay na lugar na ‘yan na ngayon ay aalisin na.
“Sa iskwater ka pala nakatira,” naiilang na sambit niya habang nag dri-drive siya.
“Oo,” mabilis na sagot ko.
Hindi ko rin naman minamaliit ang tirahan ko. Oo nga sa iskwater ako nakatira pero alam ko naman sa sarili ko na marangal akong tao at walang tinatapakan, hindi tulad ng mga mayayaman na akala mo Diyos kung makapanghusga ng kapwa niya.
“Eh ikaw? Anong ginagawa mo sa iskwater area? ‘Di ba mayaman ka?” tanong ko sa kanya.
Kotse pa lang niya, masasabi mo na agad na isa siyang mayaman.
“Ah ako kasi ang nag p-pa d-demolish ng lugar niyo,” nahihiyang sagot niya.
Nahihiya siya? Pero bakit naman?
“Ah ganun pala,” seryosong sambit ko.
Agad siyang napalingon sa akin para tignan ang reaksyon ko at agad rin naman lumipat sa kalsada ang mga mata niya.
“Hindi ka galit?” nagtatakang tanong niya sa akin.
“Bakit naman ako magagalit?” tanong ko.
“Pinagiba ko ang tinitirhan mo. Tinitirhan niyo,” sagot niya.
“Wala naman akong karapatan na magalit dahil iyo naman ang lupa na pinagpapatungan ng inuupahan ko,” saad ko.
“Y-yeah, akin nga.”
Wala namang karapatan na magalit ang tulad ko na nakatira lang sa iskwater. Nangungupahan lang naman ako do’n at may karapatan ang may-ari ng lupa na paalisin kami doon.
“Huwag kang mag-alala. Patatayuan ko naman ‘yun ng bahay para sa mga iskwater na nakatira doon. Libreng pabahay pa!” masayang sambit niya.
“Talaga? Gagawin mo ‘yun?” hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya.
Ngayon lang ako nakakilala ng mayaman na tao na magpapagawa ng bahay para sa mga taong naninirahan sa iskwater. Ang kakaiba pa dito ay libre. Libreng pabahay! Ano ‘to tatakbo siya sa pulitika?
“May balak ka bang tumakbo sa pulita?” tanong ko sa kanya.
“Hah? Wala ah. Businessman ako at wala akong balak na mamolitika,” natatawang sagot niya.
Napatingin na lang ako ng diretso sa kalye na dinadaanan ng magarang kotse niya. Ngayon lang rin ako nakakita ng mayaman na tumutulong sa mahirap nang hindi tumatakbo sa pulitika.
Karamihan kasi sa mga tumutulong sa mga mahihirap ay ang mga mayayaman na tatakbo sa pulitika. Nagsisilabasan ang mga ganitong klase ng tao tuwing malapit na ang botohan pero agad rin nawawala pagtapos ng botohan. Nakakatawa ‘di ba? Sa Pilipinas mo lang ‘yan makikita.
“Mabait ka pala talaga,” mahinang sambit ko.
Ngayon isang daang porsyento na akong sigurado na may mabuting puso nga si Paul. Napatunayan ko na hindi lahat ng mga mayayaman ay matapobre at pakitang tao lang dahil may mga mayayaman pa rin pala na bukas ang puso na tumulong sa mga tulad naming mahihirap.
“Mabait nga ako, kaya nga sa penthouse ko na kita patitirahin ngayon, Nambria.”