Episode 01
Episode 1?
Dominic `Dona‘ Nambria’s POV
Sa mundong ginagawalan ko, dalawang klase lang ang tao. Ang mahirap at ang mga mayayaman. Sa kasamaang palad, napabilang ako sa mga mahihirap. Walang matinong tirahan at tanging OFW na nanay ko na lamang ang sumusuporta sa pinansyal ko.
Laking pasalamat ko na lang talaga dahil naging isa ako sa mga scholar ng Unibersidad na pinapasukan ko.
“Hoy, Dona!” Napalingon ako sa tumawag sa pangalan ko.
Si Abie, isa sa mga mayayaman kong kaklase na palagi akong inuutusan at kasama na naman niya ang mga kaibigan niyang mayayaman rin. Third year college na kami sa Makati University at hanggang ngayon ay utusan pa rin niya ako.
“Bakit?” mahinahon na tanong ko sa kanya at sinukbit ang bag ko sa balikat ko. Inayos ko ang salamin ko sa mata na napakataas ng grado.
Nasa loob kami ng classroom at kami na lang ang natitira. Ako, siya at ang mga kaibigan niya dahil nagsilabasan na ang iba pa naming mga kaklase. Ala-singko na rin kasi ng hapon at tapos na ang panghuling klase namin ngayong Biyernes.
“Bilhan mo kami ng milk tea at cake sa labas,” utos niya sa akin.
“Uwian na rin naman. Kayo na lang ang bumili dahil lalabas na rin naman kayo,” sambit ko.
Bigla naman siyang naglabas ng libo-libong pera. Ito na naman siya at mag-aaksaya ng pera. Bakit ang mga mayayaman sobrang bilis na mag-aksaya ng pera? Hindi ba nila alam na maraming tao sa Pilipinas ang walang pera na nangangailangan nito?
“Ibili mo na lang kami at sayo na ang sukli,” nakangiting sambit ni Abie. Kitang-kita ko ang mapuputi niyang ipin na mukhang alagang-alaga niya tulad ng kutis niya.
Hindi tulad ng kutis ko na palaging bilad sa arawan dahil sa paglalakad ko tuwing papasok sa Makati University. Sayang kasi ang pamasahe sa jeep kung sasakay pa ako. Masipag naman akong maglakad kaya ok lang, sanay na rin naman ako sa arawan.
“Sige,” walang emosyong sagot ko at kinuha na sa kanya ang pera.
Malaking pandagdag na rin sa ipon ko ang makukuha kong sukli mula kay Abie. Nahihiya na akong manghingi nang manghingi sa nanay ko na nasa Amerika at nagtra-trabaho bilang isang katulong kaya kailangan ko na rin mag-ipon para sa pambayad ng tubig at kuryente sa inuupahan ko.
Naghahanap na rin ako na iba’t ibang raket para mas lumaki ang ipon ko. Baka kasi kung hindi agad ako makakabayad sa tubig, kuryente ay paalisin na lang ako bigla sa tinitirhan ko. Mag-isa lang ako sa inuupahan ko kaya sagot ko ang lahat ng bayarin o kaya naman ay pinapadala ni mama ang pambayad.
Pero ngayon nahihiya na talaga ko sa mama ko dahil alam ko ang paghihirap niya sa abroad bilang isang katulong doon.
“— limang milk tea, limang slice na cake at samahan mo na rin ng mango creepe,” aniya.
“Sige,” sagot ko at tumalikod na sa kanila.
Lumabas ako ng classroom namin at agad kong nakasabay sa paglalakad ang isa pang grupo ng mayayaman. Ang grupo naman ni Gaile na palaging nagpapagawa ng thesis, essay, report, power point sa akin na ang kapalit ay pera.
“Hi, Dom! Nagawa mo na ba ang thesis ko?” tanong ni Gaile sa akin.
“Oo, ibibigay ko sayo sa Lunes pero dapat mo munang ibigay ang kalahati pang bayad,” tugon ko.
Ang mga nagpapagawa kasi sa akin ay nag do-down p*****t muna at tsaka na ibibigay ang kabuuang bayad kapag natapos ko na ang pinapagawa nila.
“Sige, sa Lunes, bigay ko rin sayo,” nakangiting sambit niya at lumiko na sa kabilang pasilyo kasama ang mga kaibigan niya habang ako naman at dire-diretso na nag lalakad palabas ng building namin, ang building ng faculty of Law.
Ganito ang pang araw-araw ko dito sa loob ng Makati University. Mag-aaral at magiging utusan ng mga mayayamang studyante na walang laman ang utak at mga tamad. Kung wala lang talaga kong pangangailangan, tinanggihan ko na sila kaya lang malaki talaga ang pangangailangan ko lalo na’t magkakatapusan na naman at bayaran.
Bente-uno na ako at ang law ang kinuha kong kurso. Marami man akong ginagawa sa University pero nakakaya ko naman pagsabayin ang lahat dahil sa time management ko. Kailangan na kailangan ko na rin kasi ng pera kaya pinipilit ko na kayanin para na rin sa mama ko.
Gustong-gusto ko ng maka graduate, makapasa sa board exam at magkaroon ng trabaho para maka-uwi na ang mama ko. Ilang taon na si mama sa Amerika pero wala pa rin siyang naiipon para bumalik na siya dito sa Pilipinas.
Todo kayod si mama sa Amerika dahil isa siyang single parent. Hindi daw ako pinanagutan ng tatay ko at tumakas na lang sa responsibilidad kaya mag-isa na lang niya kong tinataguyod.
“Limang chocolate milk tea, limang cake at mango creepe,” sambit ko sa cashier nitong café sa loob ng Makati University.
Mapanuring tinigan muna ako ng cashier bago simulan pindutin ang kung ano sa harap niyang screen. Alam ko ang klase ng tingin na ‘yun. Tingin na nagtatanong kung may pambayad ba ako.
Kupas na pantalon at lumang t-shirt na berde kasi ang suot ko at mukha talaga kong mahirap. Sanay na rin naman ako sa mga ganyang tingin ng mga tao sa akin kaya hindi na lang ako nagreklamo.
Balang araw, makakatapos rin ako at hindi na ako matitignan ng ganyan ng mga tao. Tinggin na puno ng panghuhusga.
“4,999 lahat,” sabi ng cashier.
Agad naman akong naghanda ng limang libo at inabot ‘yun sa kanya. Napataas naman ang kilay niya sa akin ng hindi man lang ako umalis sa pila ko.
“Dito ang pila para sa paghihintay ng order niyo,” masungit na saad nito.
“Yung sukli ko. Hindi mo pa binibigay,” sambit ko.
“Anak ng— piso na lang tapos ayaw pang palagpasin,” iritadong sambit niya at padabog na inilapag ang piso.
Hindi ko na lang pinansin ang pagkairita niya at kinuha ko na lamang ang piso at pumila sa kabila kung saan pwedeng hintayin ang order.
Kung para sa iba sobrang liit na ng piso pero sa akin, sobrang laki na nito. Mahalaga ang bawat barya dahil hindi mabubuo ang isang libo kung wala kang piso.
“Number 101.” Agad akong lumapit sa ‘claim’ at inabot ang resibo ko sa babae at kinuha na ang order ko.
Chineck ko muna isa-isa ang laman ng supot bago tumalikod pero sa pagtalikod ko, may malaking katawan akong nabangga kaya naman natapon ang mga binili ko.
“Lagot!” histerikal na sambit ko.
Agad akong napaluhod at isa-isang pinulot ang milk tea at cake pero wala na. Walang kahit isa ang natira na maayos. Patay na! Sayang ang pagkain!
“Ang tanga-tanga naman kasi! Hindi tumitingin sa dinadaanan!” sigaw ng lalaking nakabangga ko.
Napaangat ang ulo ko at nakita ko kung sino ang lalaking bumangga sa akin. Si David pala, ang isa sa mga basag ulo sa Makati University na anak ng isang congressman. Siya rin ang boyfriend ni Abie.
“Oh, kaya naman pala. Ikaw pala ‘yan, thesis girl,” natatawang sambit niya.
Thesis girl ang karaniwang tawag nila sa akin dahil ako palagi ang taga gawa ng thesis nila.
“Wala akong kasalanan. Ikaw ang bumangga sa akin,” mahinahon na sambit ko at tumayo. “Bayaran mo, limang libo.”
“Ano ko, tanga?” Humalakhak ‘to ng napakalakas kaya naman napunta sa amin ang tingin ng mga tao na nasa loob ng café. “Bakit ko babayaran ‘yan, eh hindi naman akin ‘yan. Nadumihan mo na nga ang damit ko tapos pababayaran mo pa sa akin ‘yan? Baka gusto mong ikaw ang pagbayarin ko.”
Sinipa niya ang mga milk tea at cake na kumalat sa sahig kaya naman tumalsik ito sa sapatos ko, pantalon at pati na rin ang bandang leeg ko ay natalsikan na rin. Sa lakas ba naman ng pagkakasipa niya.
“Bagay lang sayo ‘yan, iskuwater,” nakangising sambit niya at nilagpasan na ako. Rinig na rinig ko ang mga panghuhusga sa akin ng ibang customer sa loob ng café pero pinilit ko pa rin na tatagan ang loob ko.
Ganito na lang nila ko maliitin. Maliitin ng mga taong mayayaman. Kung ituring nila ko sa Makati University para kong isang bagay na matapos mapakinabangan bigla na lang itatapon. Pero mas malala ang iba at isa na doon si David na kung ituring ako ay parang isang basura. Basura sa ilog.
“Miss.” Napaangat ang tingin ko sa matangkad na lalaki na huminto sa harapan ko.
Ang buong café ay biglang natahimik na para bang may anghel na dumaan. Ang mga mata ng mga tao ay nasa amin pero mas magandang sabihin na nasa lalaking nasa harapan ko ngayon.
Anghel. Isang salita na sinasagisag niya. Sobrang amo ng mukha ng lalaking nasa harapan ko. Inosenteng-inosente at mukhang hindi siya isang studyante ng Makati University dahil wala siyang I.D na suot.
“B-bakit?” nauutal na tanong ko.
Hindi ko mapigilan na ma mangha sa maamo niyang mukha na napaka perpekto. Maraming lalaki sa Makati University pero ngayon lang ako nakakita ng lalaking ganito kaamo ang mukha na para bang wala pang muang.
Itinaas niya ang kamay niya na may hawak na panyo. Ang kamay niya na may mga mahahabang mga daliri.
“Mukhang kailangan mo ng panyo para pamunas sa leeg mo.”