Unleashed

1518 Words
Ramdam niya ang maingat na pagbangon ng katabi pero hindi siya nagmulat ng mga mata. Kahit na nang umingit pabukas ang pinto at muling sumara ay nagtulog-tulugan si Cara. Ngayon niya gustong pagsisihan ang ginawa kagabi. Ano bang pakialam niya sa prinsipe? Iniisip pa lang niya ang nagisnan nitong ayos nila ay nag-iinit na ang mukha niya. Lalo pa siyang inalipin ng hiya nang pagbaling niya sa gilid ay parang nadismaya pa siya na bakante ang katabing unan. Get a hold of yourself, Cara. Hindi kasama si Quiero sa dahilan kung bakit nandito ka sa Plera. Mahinang katok sa pinto ang umagaw sa atensyon ng dalaga. "Gising na po ba kayo, kamahalan? Nandito na po ang agahan ninyo." Boses babae ang nagsalita. Napabalikwas siya ng bangon, hinagilap ng mga paa ang sapatos. Hindi niya matandaan kung saan banda niya iniwan 'yon kagabi. Muntik na siyang mapasigaw nang paglapat ng paa niya sa sahig ay parang nagyeyelo iyon sa lamig. Wala ng ningas ng apoy sa apuyan. Papasikat pa lang ang araw at mahamog pa ang paligid. Mula sa bintana ng silid ni Quiero ay tanaw niya ang hardin ng kastilyo. Ang kagubatan sa labas ng nagtataasang pader ay parang balot sa usok. Nagpasya siyang huwag nang bumaba sa higaan. "Pasok, bukas 'yan." Unti-unting bumukas ang pinto. Iniluwa nito ang isang dalagitang sa hula ni Cara ay naglalaro sa katorse hanggang kinse. Nakasuot ito ng isang simpleng bestidang puti na hanggang sakong ang haba. May mga nakaburdang palamuti sa leeg at laylayan nito, kulay violet din. Nakapulupot sa baywang ng dalagita ang isang sinturon na kulay itim. Dalawang ulo ng ahas na nagtagpo sa gitna ang disenyo nito. Hindi mapagpasyahan ni Cara kung anong materyal gawa ang sinturon dahil mukhang bakal pero malambot naman kung pagbabasehan ang pagsunod nito sa hubog ng baywang ng may suot. Nakatupi sa bandang siko ng dalagita ang mahabang manggas. Maayos na nakatirintas ang mahabang buhok nito na napapalamutian ng kulay violet na laso at bulaklak sa dulo. "Pinapasabi ng hari na kailangan maaga kayong maghanda para sa seremonya. Kaya mainam na maaga kayong makakain. Hindi natin alam kung gaano katagal ang aabutin ng seremonya," sabi ng dalagita habang inaayos sa mesa ang pagkain ni Cara. Pormal na pormal ang mukha nito. Hindi ba ito marunong ngumiti? "Salamat," aniya. "Puwede mo bang ituro sa akin kung saan ako puwedeng maligo? Gusto ko sanang magpalit ng damit bago ang seremonya." "May pribadong paliguan sa silid na ito ng prinsipe. Ngunit ikinalulungkot kong wala akong ideya kung paano makakapasok doon. Walang sino mang Yono'Que ang pinahintulutan ng prinsipe doon," sagot ng dalagita. "Ganoon ba? Hindi na bale, itatanong ko na lang sa kanya. Baka makita mo siya, puwede bang pakisabi na kailangan ko siyang makausap? Hindi ko pa kabisado ang pasikot-sikot dito sa kastilyo, baka maligaw ako." Binigyan niya ng isang ngiti ang kaharap pero hindi man lang nagbago ang mukha nito. Pormal pa rin ang pakikiharap sa kanya. Para bang magkakasakit ito 'pag ngumiti. "Masusunod, kamahalan." Humakbang ito ng isang beses paatras bago yumukod kay Cara. Nanatili itong nakatayo, parang inaabangan siyang kumain. Sa sandaling nanunuot ang aroma ng kape sa ilong niya ay agad na kumalam ang sikmura ni Cara. Nasorpresa siya sa nakahain dahil mukhang pangkaraniwang agahan lang ng mga tao sa mundo niya. Naglagay siya ng unan sa sahig para apakan bago bumaba ng higaan at inusyoso ang pagkain. "Pancakes?" aniya.  Hindi niya malaman kung ano ang uunahin. May mga prutas, cheese, butter, tinapay at may nilagang itlog din. May gatas at tsokolate din na nandoon. Mukhang pang limang tao ang dami ng nakahain. "Halos walang pagkakaiba ang pagkain dito sa Plera at sa mundong pinanggalingan mo, kamahalan. Mas matanda ang Plera sa mundo ng mga tao. Sa mga taksil na Pleran galing ang kaalaman ng mga mortal sa pagluluto." "Just like Prometheus stealing fire from Mount Olympus," napatangong sambit ni Cara. "Bawal ang ibahagi ang anumang kaalamang Pleran sa hindi kauri, tama? Kaya may parusa ang sino mang magpunta sa mundo namin nang walang pahintulot. Lalo na ang umibig sa isang mortal." "Tama po kayo, kamahalan. Kaya maituturing kayong..." umilap ang mga mata ng dalagita, parang nagsising ibinuka pa nito ang bibig. "Patawad. Kalimutan na lang ninyo ang sinabi ko." Alam niya kung ano ang tinutumbok ng salita ng dalagita. Pero nakaramdam pa rin siya ng inis. Hindi niya gustong umalis ng Plera, napilitan lang sila ni Cadmus. Umahon ang paghihimagsik sa kalooban ng dalaga dahilan para tumalim ang mga mata. May kung anong mainit na pakiramdam ang bumangon sa kaibuturan niya. Unti-unti nitong sinakop ang mga kalamnan ni Cara, gumapang ang pakiramdam sa bawat dulo ng kanyang mga daliri. Parang may malaking bara sa dibdib niya. Bawat segundo ay humihigpit iyon, nahihirapan siyang huminga. Napapikit si Cara, pigil ang kagustuhang sumigaw. Parang inuudyukan siya ng barang iyon na sumigaw pero may bahagi ng isip niya ang pumipigil. Pinaglapat niya ang mga ngipin, mahigpit na mahigpit sa abot ng makakaya. Anumang sandali ay parang sasabog siya. Sa nanlalabong paningin ay naaninag niya ang dalagitang nanlalaki ang mga mata sa takot. Nakasandal ito sa dingding, taas-baba ang dibdib sa marahas na paghinga. Namimilog ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. Parang may sinasabi ito base sa galaw ng bibig pero walang naririnig si Cara. Muli siyang napapikit. "Umalis ka na!" maigting na utos ng dalaga. Hindi na niya nakita ang paglabas nito pero. Nagbilang siya sa isipan, dalawampung segundo lang ang kailangan niya. Kapagkuwa'y nagmulat uli siya ng mga mata, wala na ang dalagita. Kasabay noon, pinakawalan niya ang isang sigaw. Sumambulat ang mga kristal sa bintana ng silid ni Quiero. Pati ang mga plato, baso, tasa at lahat ng babasagin sa silid ay sabay na nabasag. Nabuhay ang apoy sa malamig na apuyan, malaki ang pagliliyab na animo'y galit na galit. Nawala ang baradong pakiramdam ni Cara sa dibdib. Ngayon ay hinang-hina siya sa pagkakatayo. Kinailangan niyang suportahan ang sarili sa pamamagitan ng pagkapit sa poste ng higaan. Pati braso niya ay nanlalambot. Nahihintakutang inilibot niya ang tingin sa silid. Ano itong nagawa niya? Paano kung hindi niya napigil ang sarili habang naroon ang dalagitang utusan? Nagmamadaling yabag ang narinig niyang paparating. Unti-unting namigat ang mga mata niya, ang sarap matulog. Ah, siguro nga kailangan niyang matulog. Iyon siguro ang kulang sa kanya. Dahan-dahan siyang naupos sa pagkakatayo, hindi na niya kayang kontrolin ang sariling katawan. Ayaw na sumunod sa kagustuhan niyang bumagsak sa higaan at hindi sa sahig. "Cara! 'Wag kang pipikit!" Dinig niya ang boses ni Quiero. Lihim siyang natawa, si Quiero na naman. Lagi na lang si Quiero ang unang tumatakbo sa tabi niya. Sa mundong ito, si Quiero na lang ang mayroon siya. Pero hindi nga pala niya pag-aari ang prinsipe, wala siyang karapatan. Ramdam niya ang pagsalo ng prinsipe sa katawan niya. "Ikaw na naman." Niyugyog siya nito. "Huwag kang pipikit, naiintindihan mo?" "But I'm sho shleepy." "Hindi ka na magigising 'pag nakatulog ka!" Salitan ang tapik nito sa pisngi niya at pagyugyog sa kanyang balikat. "Why?" "Dahil hindi ka dapat nagpakawala ng ganoong kapangyarihan dahil hindi ka sanay! Lahat ng lakas mo ay kakainin ng kapangyarihang kumawala. Hindi mo pa alam kung paano isara ang lahat ng bumukas na lagusan ng mahika sa katawan mo!" Hindi na talaga niya kaya. Ang bigat na ng mga mata niya. "Shorry. I can't help it. I tried but it was sho damn hard." "Kung gusto mong isalba ang buhay niya kamahalan, gawin mo na." Isang boses lalaki ang narinig ni Cara na kumausap sa prinsipe. "Wala na akong pagpipilian. Kamuhian mo ako kung gusto mo." Iyon ang sinabi ni Quiero bago tuluyang pumikit ang mga mata ni Cara. Nilamon na siya ng dilim. Parang may hindi tama. Nananaginip ba siya? Ang bilis naman. "Cara? Naririnig mo ba ako?" Nagulat siya. "Quiero? Nasaan ka? Wala akong makita!" "Hinahanap kita, sundan mo ang boses ko." "Bakit nasa panaginip kita?" tanong niya, sinisikap na hanapin kung saan banda nagmumula ang boses ng prinsipe. "Hindi ito panaginip. Nasa limbo ng buhay at kamatayan ang kaluluwa mo. Hindi ka makakaalis dito, habang buhay kang makukulong. Kaya bago mahuli ang lahat, dapat magtagpo tayo. Ako lang ang koneksyon mo para makabalik ka." Mas gugustuhin niyang malagutan ng hininga kaysa makulong sa walang katapusang dilim na 'to. Kahit nakaramdam ng takot ay pinilit niyang humakbang. "Quiero? May hindi ka sinasabi." "Kapag nakalabas ka rito, sasabihin ko lahat. Bilisan natin, dalawang oras lang ang puwede kong itagal dito." "D-dalawang oras? B-bakit?" Hindi kumibo ang binata. Lalong kumabog ang dibdib ni Cara. Agad ang pamamanhid ng katawan nang maintindihan kung anong panganib ang hinaharap ng prinsipe. "Hindi ka na rin makakaalis dito. Dalawa tayong makukulong," pabulong na sambit niya. Ang kawalan ng sagot ni Quiero ang nagkumpirma na tama siya. "Damn it! You're so stupid risking your life by coming here. Don't stop talking now so I can find you. I promised I'm gonna beat you into a pulp when I get out of here!" "Kung di lang matigas ang ulo mo, wala ako dito. Sinabi nang 'wag pumikit! Bilisan mo nang masapak na rin kita!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD