Kahit baliktarin niya ang mga salita sa pangungusap na binitiwan ni Quiero, ganoon din ang kinalalabasan. Dehado siya alin man ang piliin ni Cara. Pero sa lagay niya ngayon, maatim ba niyang maging makasarili? Kapalit naman ng lhat ng 'yon ang siguradong kaligtasan ng ama. Taas-noong nilabanan niya ang titig ni Quiero. Ni hindi siya kumurap nang lumabas sa bibig niya ang naging desisyon.
"Payag ako. Pero paano ko masisigurong tutupad ka sa usapan?" Mahirap na, baka isahan lang siya ng Ivashan na 'to.
Sa pagtataka ng dalaga ay tumawa si Quiero. Lihim siyang nainis. Ang dating sa pandinig niya ng tawa ng binata ay parang nangungutya. Saglit siya nitong tinitigan at pagkatapos ay bumunghalit uli ng tawa. Pakiramdam ni Cara ay gabundok na ang pagtitimping inipon niya. Kung hindi ay mabibigwasan niya ang lalaki.
"Kung hindi mo pa alam, mortal, hindi basta-basta nagbibitiw ng pangako o pumapasok sa kasunduan ang mga Pleran. Baka sa mundo ninyo walang halaga ang bawat salita, ibahin mo dito sa Plera. Kung ano ang sinabi ko, obligado akong tuparin."
"Wala pa rin akong tiwala sa salita lang, kailangan ko ng kasiguruhan," pagpupumilit ni Cara.
Noon naningkit ang mga mata ni Quiero. Sa isang kisap mata ay nasa harap na niya ang binata. Hawak ng kanang kamay nito ang baba niya kaya hindi siya nakaiwas nang ilapit ni Quiero ang mukha sa kanya.
Mapanganib ang kislap ng itimang mga mata nito. Hindi siya duwag pero sa nakikita sa binata ay nakaramdam siya ng takot. Sigurado siyang ito ang Quiero na walang takot na nakikipagtagisan ng lakas sa digmaan. Ang mga pilat nito sa katawan ang naghuhumiyaw na testamento ng kakayahan ni Quiero.
"Wala kang pagpipilian, mortal. Wala ka ring magagawa kung hadlangan kong makapunta sa mundo ng mga tao ang Pleran na hiningian mo ng tulong. Kayang-kaya kong paslangin ang sino mang magtatangkang tumawid sa lagusan sa pagitan ng mundo mo at ng Plera. Pasasalamatan pa ako ng mga kalahi ko 'pag ginawa ko 'yon."
"Talaga? Kung ganoon, bakit hindi mo subukan bata?"
Pareho silang natigilan ni Quiero. Mula sa madilim na bahagi ng tent ay lumabas ang isang babae. Berde ang kulay ng suot nito. Singtingkad ng araw ang kulay gintong buhok, alun-alon at lagpas baywang ang haba. May hawak itong mahabang kutsilyong gawa sa itim na bakal. Nakangisi pa ang babae, parang sinasadyang inisin si Quiero.
"Sino'ng nangahas na pumasok sa kanlungan ko? Paano mo nalagpasan ang mga patibong na ikinalat ko sa paligid?"
"Tsk. Hindi ka pa ginagawa ni Lemurion at Piedra ay buhay na ako sa mundong 'to. 'Yong mga patibong mo? Kung hindi ako nagkakamali ay ang ama mo ang nagturo sa'yo," pumapalatak na umiling ang babae.
Humakbang ito, inikutan sina Cara at Quiero na parang araw-araw na nitong ginagawa ang mga ganoong komprontasyon. Maliit lang ito pero malakas ang dating. Hindi nababakasan ni Cara ng takot ang babae.
Tuluyang binitiwan ni Quiero si Cara. Mataktikang humakbang paatras ang binata, palapit kung saan naroon ang sandata nito. "Kilala mo ang mga magulang ko? Sino ka?"
"Kaunting kaalaman. Ako ang nagturo sa ama mo ng mga patibong na siya ring itinuro niya sa'yo," patuloy ng babae.
"Huwag mong bilugin ang ulo ko. Sino ka?!" Kasabay ng sigaw ni Quiero ang paghugot ng binata sa espada nito. Nagtagpo ang kapwa bakal nang salagin ng babae ang atake ni Quiero. Nanlalaki ang mga matang napaatras si Cara, hindi alam ang gagawin.
"Mabilis ka, bata. Pero kulang pa!"
Inikot ng babae ng katawan. Mula sa likuran ay binunot ng libreng kamay nito ang kakambal ng kutsilyong ipinansalag sa espada ni Quiero. Umarko ang braso nito, masyadong mabilis para sa mga mata ni Cara. Nakita na lang niya na tumalsik si Quiero, sapo ang tiyan. Nahagip ng patalim ng babae ang binata. Ngayon ay parang hindi makapaniwalang nakatitig ito sa duguang kamay.
"Quiero!" Mabilis na dinaluhan ni Cara ang binata. Sa bigat nito ay hindi niya alam kung paano itatayo ang lalaki. Napadako ang tingin niya sa punit na damit ng binata, patuloy ang pagdurugo ng sugat nito. "Oh my god!"
"Huwag mo siyang alalahanin, Cara. Hindi ikamamatay ng Prinsipe ng Iv ang ganyang kababaw na sugat," anang babae na parang balewalang pinunasan ng manggas ng damit nito ang sandatang hawak.
"Prinsipe?" tanong ni Cara. Sinalakay uli siya ng panibagong kaba sa narinig sa babae.
"Siya ang Prinsipe ng Iv, ang anak ni Haring Lemurion at ng Sibilla na si Piedra. Ako si Aletha ng Oan, ang pinadalhan mo ng mensahe. Patawarin mo ako kung nahuli ako ng dating. Kinailangan kong maghanda ng mga gamot para sa iyong ama na naiwan sa mundo ng mga tao."
Pumagitan ang halakhak ni Quiero. Naguguluhang tinitigan ni Cara ang binata. Lumuwag na ba ang turnilyo nito dahil sa natamong sugat?
"Ang tanyag na manggagamot ng Oan. Ikinagagalak kong masugatan ng iyong kambal na punyal, Aletha." Kumapit sa balikat ni Cara ang binata. "Tulungan mo akong makatayo, mortal. Kailangan kong batiin ng maayos ang nilalang na kaharap natin ngayon."
Nang sa wakas ay makatayo si Quiero, itinapat nito sa noo hinlalaki. Nakabukas ang palad ng binata at kasabay noon ay ang pagyukod nito kay Aletha. "Ikinagagalak kong makadaupang-palad ka, Aletha."
Ganoon din ang isinagot na pagbati ni Aletha. "Ikinagagalak ko rin, Prinsipe Quiero."
"Magkakilala pala kayo?" usisa ni Quiero, kay Cara ang tingin.
Umiling ang dalaga. "Sila ng ama ko ang magkakilala. Isa sa mga ipinag-utos ni Daddy na padalhan ng mensahe si Aletha sa sandaling dumating ako sa Plera."
"Nakausap ko na rin si Horgrem. Dapat sana ay kasama ko siya ngunit hindi siya makaalis dahil sa problema sa minahan. Hindi ko inasahang matatagpuan kitang kasama ang anak ni Lemurion. Pero hindi bale, mas magiging ligtas ka sa Iv," ani Aletha na parang sarili ang kinakausap. Lalong nalito si Cara.
"Ano'ng ibig mong sabihin, Aletha?"
"Nais ng ama mo na manatili ka sa Nim kasama ni Haring Horgrem para habang nandito ka sa Plera ay maipagpatuloy mo ang pagsasanay mo," saglit na tumigil ang babae. "Bilang paghahanda sa isa mo pang pakay dito. Pero dahil nagkakilala kayo ni Prinsipe Quiero, mas makakabuting sa Iv ka manatili."
"Ano? Hindi siya basta-basta makakapasok sa Iv, Aletha. Alam mong simula noong huling digmaan sa Plera ay isinara ng hari ang Iv sa mga Pleran. Piling Pleran lamang ang nakakapasok sa matayog na pader ng aming kaharian," protesta ni Quiero.
"Maniwala ka sa akin, bata. Dalawang kamay na tatanggapin ng ama mo si Cara sa Iv."
"Itong mortal na 'to?" Taas ang kilay na tiningnan siya ni Quiero. "Isang krimen na maituturing ang makipag-ugnayan sa mga mortal, Aletha. Maituturing kang kriminal dahil sa pagtulong mo sa mortal na ama ni Cara at sa kanya na rin mismo. Siguradong hindi gugustuhin ng aking ama na masangkot sa ganito."
"Alam mo kung ano ang problema ni Lemurion sa'yo, bata? Hindi ka marunong makinig. 'Pag sinabi kong kailangang sa Iv magtago ni Cara, dadalhin mo siya sa Iv at ihaharap sa ama mo. Sinisiguro ko sa'yo na sa oras na ito ay umabot na sa Hari ang mensahe ko."
"Paanong---"
"Inutusan ko ang Mantia," simpleng saad ni Aletha.
"Imposibleng mapasunod mo si Gorj."
"Nakalimutan mo kung sino ako, Prinsipe Quiero," nangingiting sabi ni Aletha.
Napabuga na lang ng hangin si Quiero. Kapagkuwa'y napatingin kay Cara. "Marami kang lihim, mortal. Pero marami rin akong oras para hugutin mula sa lalamunan mo ang mga kasagutang gusto kong marinig."
"Ipinapayo kong ayusin mo ang trato mo kay Cara, Prinsipe Quiero. Baka mapalo ka ng iyong ama kapag siya mismo ang nakasaksi ng kagaspangan mo."
"B-baka gusto n'yo akong isali sa usapan? Nandito po ako, hello!" Hindi nakatiis na singit ni Cara.
Magkaiba ang nakita niyang bukas ng mukha ng dalawa. Kung si Quiero ay salubong ang kilay, si Aletha naman ay parang aliw na aliw ang pagkakangiti nang lumingon sa kanya.
Lumapit sa kanya ang babae. Sa gulat ni Cara ay niyakap siya nito. Nang humiwalay sa kanya si Aletha ay hinila siya nito malapit sa liwanag. Naglakbay ang mga mata nito sa kabuuan niya. "Kamukha mo ang iyong ina," anito. Unti-unting nangilid ang luha ng babae sa pagtataka ni Cara.
"Talaga po?"
Tumango si Aletha. Hawak na nito ang kamay niya. Napansin nito ang singsing sa daliri ni Cara. Parang napapantastikuhang hinagod ng hinlalaki nito ang singsing. "Kasyang-kasya sa'yo. Hindi magkasya ito sa daliri niya dati. Paano kasi, malalaki ang daliri niya. Hindi kagaya sa'yo, hugis kandila." Sinundan pa iyon ng mahinang pagtawa ni Aletha.
"Kilala mo ang ina niyang nagtaksil sa Plera?" muling singit ni Quiero.
Agad ang paglitaw ng galit sa mukha ni Aletha. Sa pagkumpas nito ng kamay sa direksyon ni Quiero, naglitawan mula sa sahig ang malalaking ugat. Sinakop ng mga iyon si Quiero. Ngayon ay nakalambitin ang binata sa ere, balot ng mga berdeng ugat at mukha lang ang nakalitaw. Nagliliyab sa galit ang berdeng mata ng Oana.
"Ang Plera ang nagtaksil sa kaibigan ko! Maraming utang ang Plera sa kanya, at hindi ako magtataka kung isang araw ay babangon siya sa hukay at maningil!"
"A-aahhhkkk...A-al..letha..h-hin..di..a-ako...mak...hinga!"
Sa isang iglap ay bumagsak si Quiero sa pagkawala ng mga ugat na bumabalot sa binata. Taas-baba ang dibdib ng babae sa pagsisikap na huminahon.
"Aalis na ako. Sa bawat segundong inilalagi ko rito ay lalong nalalapit sa kamatayan ang ama mo. Sumama ka kay Quiero sa Iv. Dadalawin ka ni Horgrem makalipas ang ilang araw."
"Mag-iingat po kayo."
"Ikaw rin. Huwag kang basta-basta magtitiwala pagdating mo doon. Aralin mo ang lahat ng ituturo nila sa'yo."