The Kingdom of Iv

1762 Words
Malamig ang hampas ng hangin habang sakay sila ng Mantia. Pigil ni Cara ang panginginig pero nang bumulusok ng lipad si Gorj ay kusang nanginig ang lahat ng bahagi ng katawan niya. Pati dila niya ay parang nanigas, hindi siya makapagreklamo kay Quiero. Pagkaalis na pagkaalis ni Aletha kanina ay pasinghal siya nitong inutusang maghanda sa pagbabalik ng Mantia. Halatang labag sa kalooban ng Prinsipe ang dalhin siya sa Iv. Kung hindi dahil sa impluwensiya ni Aletha ay sigurado si Cara na hindi kikilos ang binata. Alam niyang isa sa malapit na kaibigan ng namayapang ina ang Hari ng Iv. Pero kung gaano kalapit ang Hari kay Fria ay wala siyang ideya. Walang nabanggit ang kanyang amang si Chris tungkol doon. “B-ba..kit t-ta..yo t-tumi..g-gil?” litong tanong ni Cara mula sa pagkakakapit niya sa likuran ni Quiero. Sa kadiliman ng gabi, tanging ang maputlang mukha ng buwan ang tumatanglaw sa kanila. Napansin niyang nasa taas sila ng mga puno sa gubat. Patuloy sa pagkampay ang pakpak ng Mantia pero hindi sila umaalis sa kinalulugaran. Balewalang pumihit si Quiero at binuhat siya. Sa kabiglaan ay hindi agad siya nakapag-react. Nang mahimasmasan ay natagpuan niya ang sariling nakaupo sa harap ng binata. Nagsilbing pader sa likuran ni Cara ang dibdib ni Quiero. Oh my god! Tili ng isipan ng dalaga. Maingat na ibinalabal ni Quiero sa kanya ang harapan ng suot nitong kapa. “Hawakan mo para hindi liparin ng hangin,” anang binata.  Dahil masunurin naman siya, walang angal niyang sinunod ang binata. Napahigpit ang hawak niya sa kapa nang magsimulang gumalaw ang Mantia. Paitaas ang direksyong tinutumbok ni Gorj, dahilan para mapasandal siya sa dibdib ni Quiero. Napatili na naman siya sa isip. Nanunuot sa likod niya ang init na nanggagaling sa binata. Conscious na conscious siya sa bawat maliliit na galaw ni Quiero. Maginaw pa rin. Salamat sa tulong ng kapa ng binata medyo nabawasan ang panginginig niya. Pero hindi tuluyang nawala iyon. Hangga’t maaari ay ayaw niyang dumikit kay Quiero kaya halos naninigas siya sa pagkakaupo. Muntikan na siyang mapasigaw nang magsalita ito malapit lang sa kanyang tainga. “Makakatulong sa panginginig mo kung sasandal ka sa akin, mortal. Kaming mga Ivashan ay mas mataas kaysa karaniwang Pleran ang temperatura ng katawan.” “A-ah s-salamat. Hindi na k-kailangan.” Ipokrita! Sigaw niya sa sarili. “Hindi sapat ang aking kapa para labanan ang ginaw. Nasa himpapawid tayo. Aabutin tayo ng kulang-kulang tatlong oras bago makarating sa Iv. Mabilis si Gorj ngunit ilang araw nang walang maayos na pahinga ang aking alaga,” pilit ni Quiero. “Hin—“ “Ang tigas ng ulo,” putol ni Quiero sa kanya. Lalo siyang nawindang nang hapitin siya ng binata sa baywang at ilapit sa dibdib nito. “Gusto mong ihulog kita?” “A-ayaw!” Sunod-sunod ang pag-iling ng dalaga. “Kung ganoon, pumirmi ka. Puwede kang matulog. Gisingin na lang kita ‘pag nakarating na tayo.” Wala siyang nagawa kundi tumahimik. Hindi siya matutulog. Lalo lang siyang madidikit sa lalaki ‘pag ginawa niya iyon. Kaya lang habang tumatagal ang kanilang byahe, namimigat na ang talukap ng kanyang mga mata. Makailang beses niyang ipinilig ang ulo para paglabanan ang antok. Sa huli, nanalo pa rin ang pagod niyang katawan. Nanlalambot na napasandal siya lalo kay Quiero. Hindi naman nagreklamo ang binata, inayos pa nito ang ulo ng dalaga sa pagkakasandal nito. Ilang sandali pa’y nilamon na ng antok ang diwa ni Cara. Ramdam niya ang mahinang pagduyan ng katawan. Wala nang ginaw, sa halip ay nababalot siya ng kumportableng uri ng init. Iyong tipo na idinudulot ng kumportableng higaan sa maulang panahon. Mahirap iwanan, hindi mo gugustihing umalis. Sa nanlalabong diwa ay nakarinig siya ng mga boses. Pilit niyang iminulat ang mga mata pero nanatiling namimigat sa antok ang mga ‘yon. Tuluyan na siyang inabutan ng pagod sa ginawang paglalakbay at pagtawid sa hangganan ng dalawang mundo. “Nandito na tayo,” si Quiero. “Gumising ka na.” “Hmm…” “Kaya mo nang tumayo? Ibababa na kita.” Pagsayad ng mga paa niya sa sahig ay unti-unti niyang iminulat ang mga mata. Hindi muna siya binitiwan ni Quiero, nanatili itong nakaalalay sa kanya. Una niyang nakita ang napakalaking pinto na yari sa bakal. May dalawang bantay na nakaposte doon na ngayon ay nakaharang sa kanila ni Quiero. Matangkad ang dalawang bantay, kahit si Quiero na malaki sa tingin ni Cara ay bahagya lang umabot hanggang dibdib ng mga ito. ‘Pag siya ang itinabi sa dalawa, magmumukha siyang langgam sa liit niya. Kagaya ng mga nakaengkuwentro niyang kawal sa gubat ang suot ng dalawang bantay. Hindi lang siya sigurado kung ano ang antas ng katungkulan ng dalawa dahil hindi siya marunong magbasa ng mga simbolo ng Iv. Sa bulto, tangkad at mukha ng mga ito ay mukhang kambal. Kahit paglipat-lipatin ni Cara ang tingin ay iisang anyo ang nakikita niya. Pati na rin ang kakulangan ng buhok ng mga ito.  Hindi man nagsasalita ay binansagan na niya sa isipan ang dalawa.  Guy on the right is MC1 and on the left is MC2. Mr. Clean one and two. Sa tulong ng kulay-ubeng liwanag mula sa mga sulo, nasiguro ng dalaga na yari sa kakaibang uri ng bato ang sahig. Makintab iyon, parang marmol sa mundo ng mga tao pero kulay ube rin. Ang naglalakihang bintana sa likuran nila ay yari sa kristal. “Hindi kayo maaaring pumasok, Prinsipe Quiero. Kasalukuyang nakikipagpulong ang Hari sa mga Tagapayo at Edcei Pasde.” Nangunot ang noo ng binata. “Narito ang Edcei Pasde bukod sa mga Tagapayo? May nangyari bang hindi ko alam?” “Wala rin kaming alam, Kamahalan. Maging ang Mantia ay hindi nakapasok kanina. Tanging ang Yono’Que ng Hari ang kumuha ng mensaheng dala nito. Hindi rin kami nakakatiyak kung natanggap na ng Hari ‘yon,” sagot ng isang bantay sa pinto. “Paumanhin ngunit kailangan naming pumasok,” ani Quiero at kumilos. Siya namang pagharang ng dalawa. Naalarma si Cara sa biglang paghigpit ng daliri ng binata sa balikat niya. “Kakalabanin n’yo ako?” muling tanong ng binata, nagbabanta ang mga mata. “P-pero…” “Rok,” saway ni MC1. Iniharang nito ang braso sa dibdib ng kakambal. “Mukhang importante ang sadya ng Prinsipe.” “Ngunit mahigpit na ipinabilin ng Hari na walang---“ May ibinulong si MC1 sa katabi. Kitang-kita ni Cara ang panlalaki ng mga mata nito. Kasabay noon ay ang pagyukod ni MC2 saka umalis sa daraanan nila. “Maaari na kayong pumasok, Kamahalan. Ipagpaumanhin ninyo ang kapangahasan ni Rok,” ani MC1. Walang isinagot si Quiero, basta na lang nito itinulak ang mala-higanteng pinto. Sa laki ng dahon ng pintong ‘yon ay nakapagtatakang hindi man lang kinailangan ni Quiero ang buong lakas nito para buksan. “Mahika,” ani Quiero, sinagot ang piping tanong ni Cara. “Ano?” “Mahika ang kailangan, hindi pisikal na lakas para mabuksan ang bakal na pinto papunta sa trono,” ani Quiero. “Maligayang pagdating sa sentro ng Iv, mortal.” Bumulaga kay Cara ang napakalawak na bulwagan. Napakataas ng pabilog na kisameng yari sa kristal. Kita na niya ang nagniningning na mga bituin sa panggabing kalangitan. Parang walang bubong. Wala rin siyang nakikitang kahit isang poste sa gitna ng bulwagan. Lahat ay nasa gilid, kahanay ng dingding. Yari sa kaparehong materyal ng sahig sa labas ng bulwagan ang mga dingding at poste. Pero imbes na kulay ube, magkahalong itim at ginto naman ang kulay ng mga iyon. Malalapad ang kulay gintong kunrtina na nakasabit sa kristal na mga bintana. Napalingon sa kanila ang nadatnan nila. Sa pinakasentro ng pulong ay ang trono ng Hari na kakatwang simple at walang palamuti. Kung gaano kagarbo ang paligid ay kabaliktaran ang inuupuan ng pinakamakapangyarihang nilalang sa Iv. Muli, kulay itim ang kulay ng trono ng Hari. “Magandang gabi, Ama.” Napatayo ang Hari. Halata sa mukha nito ang disgusto sa ginawa ng anak. “Bakit ka nangahas na pumasok kahit ipinagbawal kong pumasok ang sino man?” Dumagundong ang boses ng Hari. “Sinunod ko lamang ang ipinagbilin ng isa sa mga kaibigan ninyo, Ama. Nagpadala ng mensahe si Aletha ng Oan sa pamamagitan ng aking Mantia. Sa tingin ko’y hindi pa ninyo natatanggap kung pagbabatayan ang inyong reaksyon sa aming pagdating.” “Si Aletha? Nakatitiyak kang si Aletha ang iyong nakausap?” Lumutang ang bulungan mula sa mga naroroon. “Opo, Ama. Maaari ninyong konsultahin ang Yono’Que para makasiguro,” patuloy ni Quiero. “Asler!” Mula sa gilid ng trono ay sumulpot ang isang lalaking nakatirintas ang mahabang buhok na umabot sa baywang nito. Puting roba ang suot ng lalaki abot hanggang tuhod, nakalabas ang isang bahagi ng balikat. Ginto naman ang kulay ng pang-ibaba nito. Yari sa kung anong uri ng halamang baging ang suot nito sa paa. Katamtaman lang din ang pangangatawan. Kung may isang bagay na kapansin-pansin dito ay ang kulay ng balat. Sa kaputian nito ay nagmumukhang nakakasilaw. “Narito po ang mensahe na inihatid ng Mantia.” May inabot itong kapsula sa hari. Kasing-laki lang ng kamao ni Cara iyon. Kulay berde ang nakabalot na mahikang proteksyon. Kakaba-kabang naghintay si Cara na mabasa ng Hari ang mensahe. Tuloy ay wala sa loob na napasiksik siya sa tagiliran ni Quiero. Naiilang siya sa uri ng tingin na ipinupukol sa kanya ng mga naroon. Napansin yata ng katabi ang nangyayari sa kanya, walang salitang hinapit siya ni Quiero. “Totoo ba itong sinasabi ni Aletha?” Bulalas ng Hari. Ipinilig nito ang ulo saka nag-angat ng tingin.  “Lumapit kayo, Prinsipe Quiero. Gusto kong makatiyak.” Dahan-dahang umagapay si Cara sa paghakbang ni Quiero. Lahat ng mata ay nakatuon sa kanya. Kung hindi dahil sa presensya ng Prinsipe ay baka kanina pa siya tumakbo palayo. Nakakatakot ang mga aura ng mga naroon, lalo na ang isang grupo ng kalalakihang nakaupo ng mas malapit sa Hari. Pakiramdam ni Cara ay napakahaba ng nilakad nila. Sa wakas ay nasa tapat na sila ng trono. Sa gulat ni Cara ay biglang napunta sa harapan niya ang Hari at tinabig ang kamay ng Prinsipe. Paanong nakababa agad sa isang kisap mata ang Hari? Hawak na siya nito sa magkabilang balikat at ngayon ay nanlalaki ang mga matang nakatitig sa kanya.  Unti-unting nangingig ang baba ng Hari. Ilang beses na bumukas-sumara ang bibig nito bago nakuhang magsalita. “F-Fria!” Lalong lumakas ang bulungan sa bulwagan sa narinig nila sa Hari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD