Ano Na?

1291 Words
Parang napasong mabilis siyang naitulak ni Quiero. Sa isang kisap-mata ay nabalot ng liwanag ang paligid. Masakit ang naging pagbagsak niya nang itulak siya ni Quiero pero hindi iyon ang importante sa ngayon. "P-paanong...k-kanina l-lang ay lalaki ka, tapos babae na ngayon?" naguguluhang tanong ni Quiero. Pakumpas-kumpas ang kamay nito habang palakad-lakad sa harap ni Cara. "Ano'ng mahika ang ginamit mo?" Madilim ang mukhang nilapitan siya nito. Napasinghap si Cara nang higitin ng binata ang kuwelyo ng t-shirt niya. "Paanong ang kakayahan naming mga Ivashan ay kaya mong gayahin?" Halos magdikit ang mga ilong nilang dalawa sa lapit ng binata sa kanya. Naamoy niya rin ang mabangong hininga nito. Mint, anang isipan niya. Lalong nataranta si Cara. Hindi siya makasagot, para siyang engot na nakatanga lang sa naniningkit na mga mata ni Quiero. Pakiramdam niya ay matatanggal ang ulo niya sa paulit-ulit na pagyugyog ni Quiero sa kanya. "Tinatanong kita, mortal. Sumagot ka!" "H-hindi ko a-alam." May halong nginig ang boses niya nang magsalita. Imbes na makuntento ay mas lumiit pa ang mga mata ni Quiero.  "Inaasahan mong maniniwala ako? Kung hindi mo pa alam, kaming mga Ivashan lamang ang nagtataglay ng kakayahang magpalit ng anyo. Bukod sa amin, mabibilang lang sa daliri ang mga nilalang na may kakayahang gayahin 'yon!" "Huwag kang matitiwala kahit kanino sa Plera," paulit-ulit na paalala ni Chris bago siya umalis. "Pero paano ko po malalaman kung sino ang pagkakatiwalaan ko o hindi bukod sa dalawang taong nabanggit n'yo?" tanong niya sa ama. "Trust your gut feeling. 'Wag kang mag-isip," sabi ni Chris. "In case you got discovered, ang una nilang itatanong sa'yo ay kung paano ka nakapagpapalit ng anyo. Plerans are naturally curious, Cara. Gamitin mo 'yon to your advantage." Mabilis na gumana ang isipan niya. Pumasok sa alaala niya ang kuwento sa likod ng pagkatao ng madrasta niya.  "Isang Ivashan ang Mommy ko, umibig siya sa isang mortal. Naipasa niya sa akin ang kakayahang magpalit ng anyo." "M-mommy? Ano 'yon?" Bahagyang lumuwag ang pagkakahawak ni Quiero sa kuwelyo niya pero hindi ito tuluyang bumitaw. "Tawag namin sa ina." "Kamatayan ang kaparusahan ng sino mang umibig sa isang mortal at nagtangkang bumalik uli sa Plera. Ibig sabihin ang presensya mo dito ay isang krimen. Ano ang pakay mo dito?" "M-may hinahanap lang ako. Importanteng matagpuan ko s'ya!" Hindi niya mapigil ang umahong emosyon sa dibdib. Naghahalo ang takot at paghihimagsik ng kalooban ng dalaga. Hindi kumibo si Quiero. Nanatiling nakatingin ito sa kanya na para bang tinitimbang kung nagsisinungaling o nagsasabi siya ng totoo. "Kapag nalaman kong nagsisinungaling ka, ihuhulog kita sa bunganga ng Izargo." "Hindi ako nagsisinungaling! Ikaw na rin ang maysabi, isang malaking krimen ang pagparito ko. Sa tingin mo ba, maglalakas-loob akong magpunta dito kung hindi mahigpit ang pangangailangan ko?" "Ano'ng malay ko sa tunay na pakay mo?" Tumayo si Quiero. Mula sa mesang kinainan ni Cara kanina ay nagsalin ito ng inumin sa isang makintab na kopitang itim. Ngayon lang niya napansin, itim, ginto at pula ang dominanteng kulay sa loob ng tent. Maging sa damit na suot ni Quiero hanggang sa hinubad nitong armor kanina. "Buhay ng ama ko ang nakasalalay kaya kinailangan kong magpunta dito." Tumikwas lang ang kilay ni Quiero sa narinig. Halatang hindi ito naniniwala sa kanya. Hindi niya obligasyong magpaliwanag pero ramdam niyang gusto niyang gawin. "Malubha ang kalagayan ng ama ko. Nasugatan siya ng sandatang gawa sa Plera..." "Nangangailangan ng lunas ang ama mo." "Oo." "May tutulong naman kayang Pleran sa ama mong mortal?" Napalunok si Cara. Hindi niya pwedeng ilantad kung sino ang sadya niya sa Plera. "Baka sakaling pumayag ang isa sa kakilala ng Mommy ko." Umismid si Quiero. "Gagawin mo lang kriminal ang sino mang pumayag, mortal. Mahigpit na ipinagbabawal ang makipag-ugnayan sa mga Pleran na tinalikuran ang Plera," dagdag pa ng binata. Napayuko si Cara. Nasabi na rin 'yon sa kanya ng ama pero hindi puwedeng wala siyang gawin. Alam nilang pareho na hindi sigurado kung tutulungan sila ni Horgrem o Aletha. Masyadong mabigat ang hinihingi nilang tulong. "Suntok sa buwan, oo. Pero bilang anak, kailangan may gawin ako. Hindi ko kayang panoorin na lang si Daddy na unti-unting hinihila ng kamatayan." Pabulong ang pagkakasabi ni Cara pero malinaw na narinig ni Quiero. "Kahit nangangahulugan ng posibleng kapahamakan mo?" Nag-angat si Cara ng tingin, sinalubong ang itim na mga mata ni Quiero na nangingislap sa tama ng liwanag. Nagsasayaw ang kulay lilang apoy sa mata ng binata, nakasilip sa likod ng itim na buhok na tumatabing sa kalahating mukha nito. Tumakas ang mga hibla sa pagkakatali. "Utang ko kay Daddy ang bawat hininga ko, Quiero. Kung ito rin ang hinihinging kabayaran ng kapalaran para mailigtas ang ama ko, hindi ako mangingiming ibigay." Inubos ni Quiero ang laman ng kopitang hawak. Pagkatapos ay natigilan ang binata sa pagkakatitig sa kanya. Nakaramdam si Cara ng alinsangan. Nagsimula sa dulo ng daliri niya sa paa ang ginaw, umakyat sa binti at tumuloy sa ulo. Sandali lang nangyari 'yon, sa tantiya niya ay wala pang isang minuto. Nang matapos ay natagpuan niya ang sariling pinagpapawisan. "What?" sita niya kay Quiero. Parang namatanda ang binata. Nakabitin sa ere ang kamay nito na akmang ilalapag sa mesa ang hawak. "H-ha?" litong tanong ng binata na hindi siya hinihiwalayan ng tingin. "Anong ha? Kako bakit ganyan ka makatingin?" "Nagbalik ka na sa pagiging lalaki. Tunay ngang naipasa sa'yo ng 'yong ina ang kakayahan naming mga Ivashan."  Sa narinig ay nakapa ni Cara ang dibdib. Flat! Sinunod niya ang braso at tiyan. May pecs at abs! Lalaki na uli siya. Horay! May adam's apple na uli siya. "Yes!" bulalas ng dalaga sabay suntok sa hangin. Agad din siyang natigil nang makita ang nalilitong mukha ni Quiero. "Kung wala ka nang tanong, matutulog na 'ko." Ipinilig ni Quiero ang ulo. Noon lang nito naalala ang hawakna kopita. "Dulo." "Ha?" "Doon ka sa dulo," anitong itinuro ang bahagi ng higaan na nakadikit sa tent. "Itong bahaging ito ay akin. 'Pag lumampas kahit buhok mo sa bahagi ko, tatagpasin ko." Wala sa loob na napahawak si Cara sa buhok. "Grabe naman. Tulog ako, wala akong malay o kontrol." "Wala akong pakialam. Binalaan na kita. Matulog ka na," pahinamad na taboy sa kanya ng binata. Tumalikod na ito kay Cara. "T-teka sandali..." Tumigil si Quiero pero hindi lumingon sa kanya. "Ngayong alam mo na ang sikreto ko, ano'ng gagawin mo?" kakaba-kabang tanong niya. Narinig ni Cara ang mahinang pagpalatak ng binata. Dahan-dahan itong lumingon sa kanya. Naglakbay ang mga mata nito mula ulo hanggang paa ng dalaga. Gumalaw-galaw ang panga nito na aprang nagpipigil na tirisin siya. Nakaramdam siya ng kilabot sa ginawang 'yon ng binata. Naiyakap niya sa sarili ang mga braso. "Pag-iisipan ko pa." "Wala ka namang mapapala kung isusumbong mo ako. Pwede bang hayaan mo akong manatili rito hangga't hindi pa dumarating o sumasagot ang Pleran na pinadalhan ko ng mensahe?" "At ano naman ang mapapala ko kung hahayaan kita?" "A-ano...pwede akong magtrabaho sa'yo. Gawin mo akong alila, okay lang. Wala akong kilala sa Plera, wala akong mapupuntahan. Ayaw ko namang magbakasakali sa gubat dahil alam kong maraming mababangis na hayop doon." Hinarap siya ni Quiero. "Kung sabihin ko sa'yo na hindi ka na makakabalik sa mundo ng mga mortal kapalit ng pagtulong ko?" Natigilan si Cara. Hindi pa niya agad na naintindihan ang sinasabi ng binata. Pero nang maproseso na ng utak niya, agad siyang namutla. "Sabi mo, kaya mong isakripisyo ang sarili mo para sa 'yong ama. O baka naman hanggang salita lang ang mga mortal na kagaya mo?" gagad ni Quiero. "Hindi totoo 'yan!" tanggi niya. "Talaga? Kung ganoon, ano na? Tutulungan kitang maipagamot ang ama mo kapalit ng pagsisilbi mo sa akin, o isusuplong kita sa Mataas na Konseho ng Plera at mamamatay ang ama mo?" 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD