Strange Tongue

1297 Words
Inis na hinawi ni Quiero ang mga dahon. Kakulay iyon ng suot niyang damit at baluti. Napadali ng parehas na kulay bughaw ang pagtatago niya. Orihinal na kulay itim ang lahat ng suot niya pero dahil sa magic ay nagpapalit ito ng kulay. Depende sa gusto ng may suot ang kulay nito. Hindi kaagad siya napansin ng mga kawal dahil nakatuon ang pansin ng mga ito sa isang pigurang nakasuklob ng itim na tela sa ulo. Nakatali ang magkabilang kamay nito sa likuran. Isang bihag? "Ginambala ninyo ang pangangaso ko," walang seremonyang sita niya. Sabay na naglingunan ang mga kawal at agad na nagsiyukod nang mapagsino siya. "Sino ang dapat kong parusahan sa pagkawala ng Talunon na isang oras ko nang tinutugis?" "Patawad Kamahalan." Nasisiguro niyang iyon ang pinuno ng mga kawal. May dalawang guhit na parang kalmot kung anong hayop sa kaliwang dibdib nito ang suot nitong baluti. Ang mga kasamahan nito ay walang ganoong marka. Ang dalawang marka ay nangangahulugan na mataas ang katungkulan nito sa hukbo ng Iv. Isang marka na lang ang kailangan para maging heneral ang kawal na ito. Nangunot ang noo niya nang maintindihan ang implikasyon ng presensya ng kawal. Gaano ba kaimportante ang sadya ng mga ito sa gubat at kinailangang magsama ang pangkat ng isang kagaya nito? Sa pagkakaalam niya ay sila ang uri ng nga kawal na pinagkakatiwalaan ng mga sensitibong impormasyon. Lalo na kung may kinalaman sa seguridad ng Iv. O hindi kaya ay mga operasyong kailangang ilihim sa kaalaman ng mga nakararami. "I can't breathe!" anang boses lalaki. Nagpapasag ito mula sa pagkakahawak ng dalawang kawal. "Sino siya?" aniya saka inikutan ito. Isang mahinang hangin ang umihip. Hindi niya inasahan ang matamis ang amoy na nanggagaling mula rito. May amoy pala ang matamis? Anong uri ng mahika ang makakagawa noon? "Wala po ako sa posisyon para sabihin sa inyo Kamahalan. Napag-utusan lamang ng inyong amang Hari," muling hinging-paumanhin ng pinuno ng mga kawal. Natigilan si Quiero. Mahina pero hindi siya nagkakamaling sagitsit ng pinakawalang palaso ang narinig niya. Bago pa siya nakakilos ay tumimbuwang sa mismong harapan niya ang isa sa mga kawal na may hawak sa bihag. Nakabaon sa pagitan ng mga mata nito ang isang palasong kristal. Mga Zuala! Agad siyang napaupo. Ni hindi niya namalayang nahawakan na pala niya ang bihag sa isang braso. Mula sa pagitan ng mga dahon nasilip niya si Yael. Tahimik na pinapanood nito ang mga pangyayari. Ilang sandali pa ay nagsilabasan na mula sa pinagtataguan ang mga Zuala. Sinalubong sila ng mga kawal na Ivashan at napuno ng tunog ng mga nagsasalpukang bakal ang gubat. "Take this off! Hindi sabi ako makahinga!" Napatingin siya sa katabi. Ano'ng pinagsasabi nito? Wala siyang maintindihan kahit isa. Isang matinis na tunog sumunod na narinig niya. Sa tinis ay napatakip siya ng tainga. Pinaningkitan niya ng mata ang nakatago pa ring si Yael. Alam nitong matalas ang pandinig niya kaya masakit ang dating ng ganoong tunog. Parang bale-walang kinambatan lang siya nito. Pero ano'ng gagawin niya sa bihag? Isasama ba niya o iiwan na lang doon? "Quiero! Utang na loob tara na!" Hindi na nakapaghintay ang kaibigan dahil lumabas na ito sa pinagtataguan. Binalewala na nito kung makikita ng kapwa Zuala o ng mga Ivashan. "Kung gusto mong mabuhay, sumama ka sa akin!" aniya sa bihag sabay hatak dito. Hindi niya alam kung naintindihan siya nito. Sana oo para hindi na siya mahirapang kaladkarin ito paalis sa lugar. "Bilisan mo!" ani Yael. "Bakit ka lumabas sa pinagkukublihan mo? Hindi ka man lang ba nag-iisip?" "Mamaya mo na ako pagalitan. Ang mahalaga ngayon ay makatakas tayo. Hindi ako duwag pero hindi ko laban iyon," ani Yael na magkahalong lakad-takbo ang ginagawa. Nakasunod si Quiero sa kaibigan pero mas mabagal. "Pinagbawalan na tayong magkita. Hindi ka man lang ba nag-aalalang makarating sa tiyuhin mo na nagkikita pa rin tayo ng palihim?" "Kung magsalita ka para tayong magkasintahang pumupuslit para magkasarilinan." Tatawa-tawang pakli ni Yael. Pero agad ding nabura ang ngiti nito nang lumingon sa kanya. "Sarili mo ang dapat mong tinatanong, Quiero. Ni minsan hindi ako pinagbuhatan ng kamay ni Haring Zoldik. At kilala ko rin kung ano'ng klaseng ama mayroon ka." "Hey, slow down! I can't see where I'm going!" Pareho silang natigil na parang ngayon lang nila naalalang may ibang nilalang pa pala silang kasama.  "Ano daw?" tanong ni Yael sa kanya. Nagkibit-balikat siya dahil hindi niya rin naiintidihan kung ano ang pinagsasabi ng bihag. Tinanggalan niya ito ng talukbong at tumambad sa kanilang dalawa ang anyo nito. Alun-alon ang buhok nitong lampas-balikat. Kasing-kulay ng gabi ang bawat hibla. Maliit ang mukha pati ilong. Lahat na yata sa lalaki ay maliit. Hindi man lang ito umabot sa balikat nilang dalawa ni Yael. Bilugan ang mga mata nitong kulay itim rin. Ngayon ay nanlilisik na nakatitig ito sa kanila. Ang pinakanakakatawag pansin sa anyo nito ay ang kulay ng balat at kasuotan. Mamula-mula ang kutis nitong parang mas lalo pang pumuti sa liwanag. "Finally!" Naglipat-lipat ang tingin nito sa kanila. "Where in the devil's name am I?!" Parang mga unggoy na nagtatalo ang dating ng sinasabi nito. Masakit sa ulo na wala silang maunawaan. Siniko siya ni Yael. "Gawin mo na." Napahugot na lang siya ng hininga. Inabot niya ang ulo ng bihag at ikinulong sa magkabilang kamay. Pinakatitigan ni Quiero ang mga mata nito. Tila nahihipnotismong sinalubong ng lalaki ang tingin niya. Makalipas ng ilang sandali ay binitiwan niya ang lalaki. Napaatras ito, sapo ang ulo. Pumitik sa hangin si Quiero. "Who are you people?" tanong ng lalaki. "Ikaw, sino ka?" si Yael. Ngising ngisi ang kaibigan niya. Ngayon ay maiintindihan na nila kung ano ang sinasabi ng lalaki. "Nasa Plera na ba ako?" Imbes na sagutin sila ay muli nitong tanong. Sa narinig sa lalaki ay nagdilim ang mukha ni Quiero. "Ano ang ginagawa ng kagaya mong mortal dito? Paano ka nakapasok sa mundo namin?" Hindi sumagot ang lalaki. Parang naagaw ng paligid ang atensyon nito. Nababanigan ng bughaw na d**o ang lupa. Nagtataasan din ang mga punong kahoy. Nasisilip sa pagitan ng mga sanga at dahon ang bughaw na kalangitan. Paroo't parito ang iba't ibang ibon na nagpapaligsahan sa kulay. Puti, asul, dilaw, pula at lahat na. Maaamo din ang mga maliliit na hayop. May ilan na parang batang nanonood sa kanila ngayon gaya ng mga usa. Nakatago sa puno ang ilang bayawak. Nakalambitin sa mga baging ang mga berdeng unggoy o di kaya'y nakasilip sa mga dahon. Nakakapagkatakang hindi sila maingay. "Tinatanong kita mortal," inip na paalala ni Quiero. "Nasa Plera na nga ako," tila wala sa sariling usal ng lalaki. Ang pananamit nito ang nagsusumigaw na hindi ito Pleran. Kulay itim ang pang-itaas nito na may maliit na manggas. Itim din ang pang-ibaba. Ang suot sa paa lang ang naiiba ang kulay. Pula ang sapin ng lalaki sa paa. May sukbit din itong kakaibang uri ng supot sa likod. "May sira yata sa utak," bulong ni Yael. Pinaikot pa nito ang hintuturo sa tapat ng sentido. "I'm not crazy. I don't want to be here kung hindi lang kailangan," matalim ang tinging sikmat ng lalaki sa kaibigan niya. Naitikom tuloy ni Yael ang bibig. Gusto niyang matawa. Sa kauna-unahang pagkakataon ay may nakapagpatahimik sa kaibigan. Ilang taon na niyang sinusubukan gawin iyon. Ni minsan ay hindi siya nagtagumpay. "Sagutin mo ang tanong ko mortal. Bago pa maubos ang baon kong pasensya." "Bago ko sagutin iyan, saang bahagi ba ako ng Plera ngayon?" "Sa masukal na gubat na sakop ng Dao." Si Yael ang sumagot. Tumango ang lalaki. Maya maya'y itinaas ang nakataling kamay. "Baka puwedeng kalagan n'yo ako? May kailangan akong gawin bago pa lumubog ang araw," anito. Nagkatinginan sila ni Yael. Nagturuan kung sino ang gagawa. Sa huli ay si Quiero ang bumigay at kinalas ang tali.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD