"Sorry pero mamaya na tayo magkuwentuhan. Kailangan ko munang gawin 'to," hinging paumanhin ni Cara. Lumuhod siya sa lupa, kinapa-kapa ang damuhan. Pagkatapos ay inilabas mula sa pantalon ang isang Swiss knife. Nagsimula siyang magbungkal.
"Ano'ng ginagawa niya?" bulong ni Yael. Kibit-balikat ang isinagot ni Quiero.
Nang makagawa ng sapat na lalim ay binuksan niya ang bag. Mabilis niyang inihulog sa butas ang isang itim na glass cylinder. Sealed iyon ng magic ni Cadmus. Ayon sa ama ay matagal na nitong naihanda iyon.
Hindi pa sila noon nakakaalis ng Plera. Naglalaman ng mensahe ang cylinder na 'yon. Sapat ang magic na ibinalot ni Cadmus sa sisidlan para umabot sa patutunguhan. Para iyon kay Aletha ng Oan. Lumikha ng dilaw na liwanag ang butas. Nang muling silipin ni Cara ay wala na ang cylinder.
"Paano kang nakapagpadala ng mensahe gayong wala kang mahika?" Hindi makapaniwalang tanong ni Yael.
Kaluskos mula sa kung saan ang nagpatigil sa kanilang tatlo. Itinapat ni Quiero ang daliri sa bibig. Dahan-dahan silang umupo at naghintay. Muli na namang bumalik ang kaluskos. Sa pagkakataong ito ay kasama na ang ilang boses.
"Hanapin ninyo. Nasa paligid lang sila. Malilintikan tayo sa Hari 'pag hindi natin natagpuan ang bihag!"
Palapit ng palapit ang mga boses. Hindi makagalaw si Cara sa pagkakaupo. Naunahan na siya ng takot. Tuloy ay kahit anong senyas ni Quiero ay nanatili siya doon. Sa inis ng lalaki ay hinatak siya nito. Isinandal siya ni Quiero sa likod ng malaking puno. Siksikan silang tatlo ngayon doon. Sa laki ng dalawang kasama, pakiramdam niya ay mapipisak siya.
Tumigil ang mga boses sa tapat nila. Halos hindi na siya huminga sa takot. Naipikit na lang niya ang mga mata. Nakakabingi ang dagundong ng dibdib ni Cara. Pagkalipas ng ilang sandali ay sinubukan niyang magmulat. Muntik na siyang mapasigaw kung hindi lang inagapan ni Quiero ang bibig. Pinandilatan siya ng lalaki.
Nakatukod ang mga kamay ni Quiero sa magkabilang gilid niya. Sa lapit ng binata ay halos magkapalit na sila ng mukha. Sa likod ni Quiero naman nakasandal si Yael. Kung hindi sa braso ng una ay nasubsob na siguro ito sa kanya. Dumoble ngayon ang bilis ng pagtambol sa dibdib ng dalaga.
Ew. Ang awkward.
Sapat ang lapit ni Quiero sa kanya para mapansin ang hindi dapat mapansin. The way his throat bobbed up and down. Strong jaw, aquiline nose, full lips, tanned skin, tousled long hair. Halatang bilad sa araw ang lalaki. Ang pasaway niyang mata, namasyal pa pababa. Napunta sa balikat at mga braso ng binata.
Wide shoulders, check. Corded arm muscles, isa pang check. Scars, check. Kumunot ang noo niya.
Maraming pilat sa braso ang lalaki. Maging sa bandang baba ng lalamunan nito ay may mga pilat. Ilang pilat pa kaya ang itinatago ni Quiero?
He looks like a warrior, thus the scars, silly.
"Itigil mo 'yan. Hindi ako pumapatol sa kapwa ko lalaki." Narinig niyang bulong ni Quiero. Agad ang pagkalat ng init sa pisngi ni Cara. Kahit hindi sa kanya nakatingin ang lalaki ay nakakahiya pa rin.
"Ano ba sa tingin mo ang ginagawa ko? Nandyan ka sa harapan ko natural nakikita kita!" Pigil ang boses na sikmat niya. Sumigaw na lang kaya siya para damay na lahat?
Niyuko siya ng binata. "Binabae ka ba?"
"Y-You!"
"Magandang lalaki ka. Sa liit mo, papasa kang babae." Sinuyod siya nito ng tingin. "Pwede."
What's infuriating was, ni walang bahid ng ngiti ang mukha nito. Aakalain mong seryoso sa sinasabi. Nabubwisit siya. Never mind na lang kung hindi malinaw kung ano talaga ang pinakadahilan.
"Aba't 'tong tarantadong 'to!" gigil na sikmat niya.
"Tara na. Malayo pa ang lalakarin natin." Hinaklit ni Quiero ang braso ni Cara. Kapagkuwa'y itinulak siya pasulong. Brusko, check. Confirmed na nga, napektuhan ng portal ang utak niya.
**********
Palubog na ang araw nang iluwa sila ng gubat sa hangganan ng Bundok Granito at Dao. Mula doon ay maaari na siyang sumakay sa kanyang kabayo. Sinadya niyang iwan doon si Gorj, ang alaga niyang Mantia. Sumingasing ang kabayo nang maamoy siya.
Makailang beses nitong ipinadyak ang mga paa sa damuhan. Sumagitsit ng ilang hibla ng maliliit na kidlat sa paligid. Hindi natutuwa ang kanyang alaga sa ginawa niyang pag-iwan dito. Tinapik niya ang pisngi ng kabayo na halatang nagtatampo pa rin sa kanya.
"Pasensya na, alam mong hindi kita maaaring isama dahil magkikita kami ni Yael. Kailangan kita dito para may magbantay at makasigurong hindi ako nasundan ng sino man. Naiintindihan mo naman, hindi ba kaibigan?"
Humalinghing si Gorj, ibinuka nito ang mga pakpak at iwinasiwas sa hangin. Mas lalong dumami ang mga sali-salimuot na kidlat sa paligid. Kabayong-kidlat ang mga Mantia, literal na mabilis kaya paboritong hayop-pandigma.
Iilang Pleran na lamang ang nagmamay-ari ng ganoong hayop. Wala na kasi ang mga Daoin na siyang may kakayahang paamuin ang maiilap na Mantia na naninirahan sa Bundok Granito. At isa siya sa mapalad na nilalang na biniyayaan ng kagaya ni Gorj.
Regalo ni Reyna Fria sa kanya ang hayop noong magdiwang siya ng sampung taong kaarawan. Kasabay ng pagtanggap niya kay Gorj ay ang paglabas din ng minana niyang magic mula sa mga magulang. Hindi lang iyon ang ipinagkaloob sa kanya ng matalik na kaibigan ng ama, pati ang lihim ng pagpaaamo at pakikipag-usap sa Mantia ay ibinahagi rin sa kanya ng Reyna.
"Hanggang dito na lamang, Quiero. Ikaw na ang bahala sa bihag natin. Paalam Gorj." Si Yael. Isang padyak sa damuhan ang isinagot ng Mantia.
"Ingat," pahabol ni Quiero. Itinaas lang ni Yael ang kamay.
"A-anong h-hayop yan?" tanong ng bihag.
"Mantia. Huwag kang mag-alala, hindi nangangagat 'to. Nangunguryente lang."
"S-sasakay tayo d-dyan?" mulagat ang matang tanong ng bihag.
"Aabutin tayo ng dalawang araw na pag-akyat sa bundok na 'yan. O baka naman gusto mong maiwan dito?"
"Hindi! Sasama ako."
"Sumampa ka na."
Muling umiling ang lalaki. "Hindi ako marunong."
Napabuga ng hangin si Quiero. Ano bang nakain niya at isinama pa niya ito? Iniwan na lang sana niya sa gubat. Wala na siyang magagawa kundi tulungan ito. Pinagsalikop niya ang palad saka nilingon ang lalaki.
"Umapak ka dito. Siguro naman kaya mo nang gawin 'yon?"
Ilang sandali pa ay umakyat na sa himpapawid si Gorj. Panay ang tili ng kasama niya. "Tumahimik ka nga! Pag nainis ako ihuhulog kita!"
Agad na natahimik ang kasama. Panay ang silip nito sa tanawin sa baba. Iniwan na nila ang bughaw na kagubatan ng Dao. Ngayon palapit na sila sa tuktok ng Bundok Granito. Sa liwanag ng papalubog na araw ay tila higanteng handa nang matulog ang bundok. Hindi muna agad sila bumaba. Umikot pa si Gorj ng tatlong beses bilang pag-iingat.
Lumapag sila sa isang maliit parang. Napapalibutan iyon ng mga puno. May nakatayong itim na tent doon. Gintong sinulid ang palamuting disenyo. Maluwag pa kahit sampung tao sa loob ng tent. Medyo madilim na kaya di niya masyadong makita ang dinadaanan. Binilisan niya ang mga hakbang, mas delikado kung aabutin sila ng tuluyang pagdilim. Yakap ang sarili, walang kibong sumunod sa kanya ang bihag.
Kinuha ni Quiero ang isang sulo sa tarangkahan. Nang hipan iyon ng binata ay agad na naglagablab. Dahil sakop ng mahika, nahawa ang iba pang sulo sa paligid. Si Gorj ay naghanap ng sariling lugar pahingahan. Nilingon niya ang kasama. Titig na titig ito sa sulo.
"The flames are freakin' beautiful! They're violet!" Manghang bulalas nito. Lihim siyang natawa sa mukha ng lalaki. Kung sabagay, walang ganoon sa mundo ng mga mortal.
"Pasok ka. May pagkain sa loob."