Napatingin si Cara kay Quiero sa inasal ng Hari. Natatakot siya sa mata ng Hari ng Iv. Bumabaon sa balat niya ang mga daliri nito. Sigurado siyang bukas ay magkakapasa siya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin o iisipin.
“Fria…” tila wala sa sariling sambit ng Hari.
“H-hindi po a-ako si Fria. C-Carl po ang pangalan ko.”
Noon natigilan ang Hari. Nabitin sa ere ang kamay nito, natigil sa pagtatangkang damhin ang pisngi ng dalaga. Pinakatitigan siya nitong mabuti. Pakiramdam ni Cara ay para siyang specimen sa ilalim ng miscroscope.
“Paumanhin. Sadyang kamukha mo ang iyong ina,” anito.
“Kilala ninyo ang ina niyang nagtaksil sa Plera, Ama?” hindi nakatiis na singit ni Quiero.
Sa narinig ay naningkit ang itimang mga mata ng Hari. Sa isang iglap ay binalot ng kula-ubeng awra ang Hari. Umigkas ang braso nito, kasabay ng pagtalsik ni Quiero. Kasamang sumadsad ng binata sa dulo ng bulwagan ang mga mesa at silyang binakante ng mga nagpupulong.
Lahat sila’y napatayo at nag-atrasan nang sumambulat ang makapanyarihang awra ng Hari. Nang lingunin ni Cara ang Hari ay kulay-ube na rin ang mga mata nito. Ang mga naroon sa bulwagan ay parang hinawi ng buhawi. Walang natirang malapit sa Hari maliban na lang kay Cara na parang nasemento ang paa sa kinatatayuan.
“Lapastangan! Nararapat kang putulan ng dila sa paglapastangan mo sa pangalan ng namayapang Reyna ng Dao!” sigaw ng Hari. “Asler! Ipatapon sa kulungan ang Prinsipe!”
Mabilis na lumapit ang tinawag na Yono’Que at yumukod sa Hari. Tinulungan nitong makatayo ang hilo pang si Quiero. Isang sulyap ang iniwan ni Quiero kay Cara bago mahinahong sumunod kay Asler. Nang mawala sa paningin niya ang binata ay dumoble ang takot na nararamdaman ni Cara.
“Huwag kang matakot, hindi kita sasaktan.”
Tumango lang si Cara. Umugong muli ang bulungan sa bulwagan pero wala siyang maintindihan. Muling nagsalita ang Hari.
“Tama ang narinig ninyo. Nagbalik na sa Plera ang nawawalang Prinsesa ng mga Daoin, ang nag-iisang anak ni Reyna Fria.”
“Maari ba akong magsalita, Kamahalan?” tanong ng isa sa grupo ng mga lalaking malapit ang pagkakaupo kanina sa Hari. Isang kumpas ng kamay ang isinagot ng Hari bilang permiso.
“Paano kayo nakakasigurong siya nga ang batang matagal na nating hinahanap? Sa pagkakaalam ko, babae ang isinilang ng Reyna Fria. Ang batang narito ay isang lalaki, Kamahalan.”
Napahalakhak ang Hari. Hinakawan nito si Cara sa kamay at sa isang kumpas ng hintuturo ay tumayo mag-isa ang natumbang silya sa di-kalayuan. Isa pang papitik ng daliri ng Hari ay nasa harap na nila ito. Maingat siyang pinaupo ng Hari at hinarap ang mga tauhan.
“Hindi ako kailanman maloloko ng sarili kong mahika. Ang nakikita ninyo ngayon ay balat-kayong iginawad ng Reyna gamit ang mahikang hiniram niya sa akin sa pamamagitan ng hangin. Baka nakakalituman ninyo, si Fria ang pinakamakapangyarihang nilalang ng angkang Doppia Magia.”
“P-pero…”
“Nauunawaan ko ang agam-agam mo, Garius. Pati na rin ng buong Edcei Pasde. Maaaring sa tagal ng panahon ay malabo na sa inyong alaala ang mukha ni Fria. Ngunit malinaw sa aking alaala ang anyo ng matalik kong kaibigan. Alam kong hindi sapat na patunay na kamukha ng batang ito ang kanyang ina. Hayaan ninyo akong ipakita ang sinasabi kong katibayan.”
Nagpunta sa likuran ni Cara ang Hari. Hinawakan siya nito sa balikat at mahinang pumisil. Yumuko ito sa kanya. “Maaari mo ba akong pagkatiwalaan, Cara?”
Bumalik sa isip niya ang habilin ng ama. Huwag kang magtitiwala kahit kanino bukod sa mga taong nabanggit ko.
“A-ano p-pong ga..gagawin n-yo?”
“Ilalantad ko ang tunay mong anyo na nararapat sana ay nangyari noong tumuntong ka sa ika-sampu mong kaarawan,” sagot ng Hari.
“Kung tunay kang anak ni Reyna Fria, malalantad ang kapangyarihang taglay mo sa sandaling malantad rin ang tunay mong pangalan,” sabi ni Garius. Halatang hindi siya nito gusto.
“Tunay na pangalan?” litong tanong niya.
“Tama. Bawat batang ipinanganak sa Plera ay may tunay na pangalan na ibinubulong ng kanilang ina sa sandaling sila’y isilang. Walang nakakaalam ng pangalang ‘yon maliban sa inang nagsilang sa anak. Para maprotektahan ang bata, sinasadyang burahin sa alaala ng ina ang pangalang ‘yon pagkatapos,” sagot ni Garius.
“Maraming itim na espiritong nagkalat sa Plera para magnakaw ng mahika. Mga bata ang kadalasan nilang binibiktima. Hindi pa kayang pangalagaan ng mga ito ang kanilang sarili hanggang sa takdang panahon na magising ang kanilang mahika. Sa ika-sampung kaarawan ng isang batang Pleran, nagdaraan siya sa seremonyang gigising sa taglay niyang mahika,” dugtong ng Hari.
“Hindi ko po alam ang tunay kong pangalan,” ani Cara. Ibig sabihin wala siyang kapangyarihan, hindi niya magagamit kung mayroon man.
“Maaaring hindi mo lang maalala dahil namuhay ka sa mundo ng mga tao. Kung pagkakatiwalaan mo ako, tutulungan kitang gisingin ang natutulog mong alaala ng Plera,” alok ng Hari.
Anong gagawin niya? Aminin man niya o hindi, sa lagay niya ngayon ay helpless siya. Hindi niya matutunton kung nasaan si Lizbeth. Lahat ng nilalang sa Plera ay makapangyarihan. Wala siyang laban kung sakali.
Aralin mo ang lahat ng ituturo nila sa’yo. Napalunok si Cara.
“Kapag nagising ang taglay kong kapangyarihan, kailangan kong matutunan kung paano kontrolin ito. Kung maipapangako mong sasanayin mo ako, bibigyan kita ng permisong gawin ang sinasabi mo.”
Malapad ang ngiting tumango ang Hari. “Marami akong magagaling na tagapagturo sa Iv. Ako na ang bahala. Ngunit kailangan muna nating malaman kung anong uri ng kapangyarihan ang naipasa sa iyo ng iyong angkan. Maaaring isa sa kapangyarihan ni Fria ay nasa iyo, maaari ring parehong dalawa. Puwede ring ibang uri.”
“Pumapayag na po ako.”
“Magaling. Ngunit lumalalim na ang gabi, kailangan mo na munang magpahinga. Bukas na bukas din ay ihahanda ko ang seremonya. Sa ngayon, sumama ka kay Asler para ihatid ka sa iyong silid.”
Siya namang paglapit ng Yono’Que. “Maaaring sumunod po kayo sa akin, Prinsesa.”
Hindi niya alam kung tama bang lumayas na lang siya ng basta. Sa huli ay ginaya niya si Asler. Yumukod rin siya sa Hari bago patakbong sinundan ang lalaki palabas ng bulwagan.
Silang dalawa na lang ni Asler sa pasilyo pero walang kibo ang lalaki. Mabilis ang lakad nito, hinihingal na si Cara sa pagsisikap na makasabay sa bawat paghakbang ni Asler. Sa huli, hindi siya nakatiis. Sasabog na ang baga niya hindi pa rin sila nakakarating sa patutunguhan.
“Wait!” Napahinto si Cara, nakatukod ang magkabilang kamay sa tuhod. “L-let m-me catch…my breath.”
“Mukhang wala sa kondisyon ang katawan mo, Prinsesa.”
Umiling siya. “I’m fit. Pero wala pa akong pahinga ngayong araw na ito. Well, hindi counted ‘yong tulog ko kanina habang sakay ng Mantia. And believe me man, sleeping on horse back is no way comfortable at all.”
"Nakapagtatakang banyaga ang mga salitang ginagamit mo ngunit naiintindihan ko," puna ni Asler. Isa na namang liko ang ginawa nila. Gaano ba karaming liko bago ang kuwarto niya?
"Oh. Quiero took care of it earlier. He had his hands on my head and casted his mojo or something."
Nagulat siya sa biglang pagtigil ni Asler. "Ommff! My nose!" bulalas niya habang hawak ang nasaktan ilong. "Singtigas yata ng bato 'yang likod mo!"
Parang walang narinig na bumaling sa kanya si Asler. Magkasalikop ang dalawang kamay nito sa bandang tiyan. Standard pose yata ng Yono'Que. "Nandito na tayo. Ito ang magiging silid mo habang narito ka sa Iv, Prinsesa."
Bumukas ang pinto sa pagtulak ni Asler. Tumambad kay Cara ang gintong silid. Lahat ng kulay ay ginto, mula sa kurtina hanggang sa bedsheets. Galit yata sa ginto ang nagdisenyo ng kuwarto. Pati kama at mga muwebles ay iisa ang kulay. Lihim na napangiwi si Cara.
"Wala na bang ibang kuwarto, Mister Asler?" nag-aalangang tanong niya.
"Hindi mo ba nagustuhan, Kamahalan?"
"Maganda siya. But this is not my style. Hindi ako magiging komportable sa ganito karangyang kuwarto," aniya.
"Baka gusto mong lumipat mabahong kulungan?"
Sabay silang napalingon sa pinto ni Asler. Yumukod ang Yono'Que nang makita kung sino ang sumingit. Nakasandal sa pinto ang lalaki. Mukhang wala namang nangyari dito simula noong umalis ito ng bulwagan.
"Akala ko ba nasa dungeon ka dahil binastos mo ang Mommy ko?" sita niya kay Quiero kahit ang totoo ay parang nabunutan siya ng tinik nang makita ang lalaki. Aprubado sa kanya na parusahan ang lalaki dahil nabastos ang namayapa niyang ina, pero hindi sa extent na ikamatay nito.
"Mahigpit si Haring Lemurion ngunit makatarungan. Naipaliwanag ko na sa kanya na hindi ko alam na ang Reyna Fria ang iyong ina."
"Still, may mali ka pa rin. Ang bilis mong manghusga, hindi mo pa naman alam ang buong kuwento."
Kibit-balikat lang ang isinagot ni Quiero. "Maaari ka nang umalis, Asler. Ako na ang bahala sa Prinsesa," anito. Walang kibong umalis ang Yono'Que. " Sumunod ka sa akin. May alam akong silid na maaari mong magustuhan."
"Maglalakad na naman tayo?" angal niya pero nakasunod naman sa binata. "Bibigay na ang mga binti ko, Quiero."
Tumigil ang binata. Nagulat pa si Cara nang umupo ito. "Sumampa ka na."
"What? You want me on your back? No, thanks. I'd rather sleep on the floor."
"Maginaw sa Iv, kung hindi mo napapansin. Dalawang oras lang sa sahig maninigas ka na," sabi ni Quiero na hindi lumilingon. "Mukhang may lakas ka pang magreklamo, maglakad ka na lang."
"Wait!" pigil niya sa tangkang pagtayo ng binata. "Sasakay na!"
"Bakit ikaw pa itong galit?"
"I'm not angry!" sikmat niya.
Nag-alangan pa siya noong una, parang ayaw niyang madikit kay Quiero. Pero wala siyang choice. Hindi ito oras para mag-inarte siya. Pikit-matang sumampa siya sa likod ng binata. Agad siyang binalot ng init na nanggagaling sa katawan ni Quiero.
Salamat na lang at wala nang komento pa ang Prinsipe. Hindi na niya kailangan pang madagdagan ang pagkapahiya. Hindi niya alam kung gaano kalayo ang silid na sinasabi ni Quiero. Habang tumatagal ay nahihirapan siyang pigilan ang pagpikit ng mga mata. Parang ugoy ng duyan ang bawat galaw ng binata.
Tuloy ay hindi niya matiyak kung guni-guni lang na narinig niyang pagtawa ni Quiero bago siya tuluyang niyakap ng antok.