"Hindi ko alam kung ano ang iniisip ng ama mo, Quiero. Ang alam ko lang, malapit sila ng ina ko. Kung ano man ang dahilan niya kung bakit niya ako tinutulungan ngayon, mabuting sa kanya mo na itanong."
Nagulat silang pareho nang umuga ang paligid. Parang may malalaking tipak ng bato ang gumugulong sa kung saan at paparating sa kanila. Nanigas si Cara sa kinatatayuan. Naririnig niya ang sigaw ni Quiero pero hindi siya makagalaw o makasagot. Unti-unting binalot ng kakaibang lamig ang paligid. Pero walang nagbago, wala pa ring nakikita si Cara dahil madilim pa rin.
"Cara! Sumagot ka! Cara!"
Bakit parang ang lakas-lakas ng boses ni Quiero? Parang nasa tabi lang niya ang prinsipe.
"Q-Quiero...nandito ako!"
Sa muling pagyanig ay nawalan ng panimbang si Cara. Sa sobrang takot ay naipit sa lalamunan niya ang isang sigaw. Pero bago pa siya bumagsak ay nahagip ng kamay niya ang isang pigura sa bandang kaliwa. Sigurado siyang si Quiero na 'yon kaya napakapit ang dalaga.
"Cara!"
"Q-Quiero. M-Mabuti't nahanap mo na 'ko," may nginig sa boses ni Cara nang magawa niyang magsalita.
"Sabi ko sa 'yo 'di ba? Hahanapin kita bago pa maubos ang dalawang oras," bulong ni Quiero sa buhok niya habang hawak siya nito. "Kailangan na nating umalis, paubos na ang oras natin."
"Dalawang oras na ba 'yon? Parang wala pang thirty minutes."
"Hindi pareho ang oras dito at sa mundo ng mga buhay, Cara. Maaaring mas mabilis dito o mas mabagal. Hindi natin nasisiguro kung alin ang tama. Ang alam ko, hindi magandang senyales ang nangyayaring pagyanig na 'to."
"What's this?" May nakapa siyang hawak ni Quiero sa isang kamay. Sa nipis ay parang sinulid.
"Ito ang maglalabas sa atin sa lugar na 'to. Tara na!"
Kung paano sila makakalabas sa pamamagitan ng sinulid na 'yon ay hindi na nagtanong si Cara. Tiwala siyang alam ni Quiero ang gagawin kaya lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ng prinsipe. Nang magsimulang tumakbo si Quiero ay tumakbo na rin siya kahit walang nakikita.
Tuloy-tuloy ang pagtakbo nila. Paminsan-minsan ay bumabagal silang dalawa sa tuwing niyayanig ang paligid. Pero kahit minsan ay hindi sila tumitigil. Pakiramdam ni Cara ay iyon ang pinakamahabang pagtakbo na ginawa niya. Lalo na't wala siyang makita. Kung paanong nasisiguro ni Quiero na tama ang direksyon nila ay hindi niya alam.
May ilang sandali na rin silang tumatakbo nang bumagal si Cara. Kinakapos na siya ng paghinga, pakiramdam niya ay puputok na ang dibdib niya sa kakulangan ng hangin. Habol ang hiningang tumigil siya.
"Cara, hindi ito ang panahon para tumigil ka. Malapit na tayo."
"Hah...ha...h-hindi ko na k-kaya Quiero. Bibigay n-na ang b-baga ko."
"Pilitin mo! Gusto mo bang manatili dito habang buhay? Mawawalan ng saysay ang kamatayan ni Reyna Fria at ang sakripisyo ni Ginoong Cadmus 'pag sumuko ka!"
"I-I s-should h-have worked out m-more."
"Pagkatapos ng seremonya ng paggising, marami tayong puwedeng gawin. Hindi maaaring manatili kang ganyan kahina ngayong nandito ka na sa Plera. Hindi ka tatagal sa labas ng Iv kapag nagkataon. Kapag nalaman ng mga kalaban mo na nakabalik ka na sa Plera, hindi ka nila titigilan hangga't humihinga ka pa."
"Y-You should t-train me."
"Oo," sabi ni Quiero pagkatapos ay biglang humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya. "Pumikit ka, lalabas na tayo."
She closed her eyes. Hindi niya inasahang ang pakiramdam na parang pinupunit siya. Pakiramdam ni Cara ay sagad hanggang bone marrows ang sakit. Pinigilan niya ang mapasigaw pero hindi na niya kaya. She screamed her throat raw until she heard Quiero's voice again.
"Cara...Cara! Dumilat ka, ligtas ka na."
Ramdam niya ang kamay ng prinsipe sa mukha niya. Mainit ang hininga nitong dumadapo sa mukha ni Cara kaya napadilat siya. Nakahiga siya sa sahig sa loob ng kuwarto ni Quiero. Nagkalat ang mga bubog sa paligid pati na sa sahig. Mataas na ang sikat ng araw na ngayon ay malayong nakakapasok sa malaking bintana.
"Q-Quiero?"
Inalalayan siya ng prinsipe na bumangon. Noon lang napansin ni Cara ang Hari na nakaupo sa higaan ni Quiero at katabi nito ang isang lalaking nakilala niya bilang healer sa palasyo. Ito rin ang nagbigay sa kanya ng panlaban sa ginaw nang nakaraang gabi.
"Kamusta na ang pakiramdam mo?" tanong ni Lemurion.
"Bukod sa parang sinagsasaan ako ng isang ten wheeler truck? Everything's peachy."
Natawa ang hari. "Maayos na nga ang lagay mo. Magpahinga ka muna. Itutuloy natin mamayang gabi ang seremonya ng paggising."
"Ama! Masyadong mapanganib kung sa gabi gaganapin ang seremonya. Mas malakas ang kapangyarihan ng mga ligaw na ispiritu sa gabi," protesta ni Quiero.
"Buo rin ang kapangyarihan niyang magigising, hindi paunti-unti. Hindi ko alam kung hanggang kailan natin siya maitatago sa buong Plera. Gusto kong maging handa siya sa anumang panganib bago pa man mangyari 'yon. Kailangang gising na ang buong kapangyarihan niya at alam niya kung paano gamitin," katuwiran ng hari.
"P-Pero..."
"Payag po ako," sabi ni Cara. Hinawakan niya si Quiero sa braso, "Your father is right. We're running out of time here."
Sunod-sunod na katok ang narinig nila sa may pinto. Hindi na nakapaghintay kung sino man ang nasa labas dahil agad na bumukas iyon kahit hindi nagbigay ng signal ang hari.
"Kamahalan! Paumanhin kung nangahas akong pumasok. May masamang balita!" Hingal-kabayo ang kawal na pumasok.
Dumilim ang mukha ni Lemurion. "Anong balita?"
Lumunok muna ng tatlong beses ang kawal bago nagpatuloy. "Nawawala ang tagasilbing huling nakasama ng Prinsesa Cara. Hindi namin siya mahanap!"
"Ano?!" Literal na nanginig sa kinatatayuan ang kawal nang mapatayo ang hari.
"Nadatnan ng isang kawal na patay na ang dalawang kawal na nagbabantay sa kanya sa kulungan. Ayon sa mangaggamot ay lason ang ikinamatay ng dalawa. Napag-alamang may kagat sila ng ahas sa leeg."
Parehong naningkit ang mga mata nina Quiero at ng Hari.
"Napasok tayo ng espiya," sabi ni Quiero.
"Gaano katagal simula nang makatakas ang tagasilbi?" tanong uli ng Hari.
"Ngayon lang kamahalan. Magpapalit na ho kasi dapat ng tagabantay."
"Hindi pa nakakalayo 'yon. Ipasara ang buong Iv! Lahat ng mangangalakal na nasa loob ay hindi maaaring lumabas, walang maaring pumasok!"
"P-Pero kamahalan, napag-alaman naming nasa Iv ang ilang dugong bughaw na galing sa Oan at Zul. Nasa kabisera sila at nangangalakal ng itim na buhangin."
"Mamatay man sila sa loob ng Iv ay wala akong pakialam! Unahin ninyo ang paghahanap sa nawawalang tagasilbi! 'Pag nakalabas ng Iv 'yon, maghanda kayo sa panibagong digmaan. Ipatawag ang Edcei Pasde, ngayon din!"
"Masusunod, Kamahalan."
"Kailangan kita sa pulong ngayon din, Prinsipe Quiero," matigas na sabi ng hari.
"Opo, Ama."
Naunang lumabas si Lemurion. Litong napatingin si Cara kay Quiero. Nakapikit ang prinisipe, nagtatagis ang mga bagang.
"Quiero? Are you really going to war?"
Matipid na ngumiti ang prinsipe. Mahinang pinisil ni Quiero ang kamay ng dalagang hawak pa nito.
"Magpahinga ka na. Mangyayari at mangyayari ang seremonya mamayang gabi, may digmaan man o wala."
Pagkatapos siyang ibilin nito sa manggagamot ay hindi lumilingon na umalis si Quiero.