Bola 11

2681 Words
NAKATULALA si Ricky sa itaas ng kanyang kwarto habang nakahiga. Gabi na, at pakiramdam niya ay hindi siya dadalawin ng kanyang antok dahil malalim ang kanyang iniisip. Parang napakaraming hindi inaasahang nangyari ngayong araw at hindi niya alam kung paano ito tatanggapin.   “Hindi na ako papansinin ni Andrea kapag niligawan ko siya.”   Sa mismong kaarawan ng dalaga, sinabi niya ritong liligawan niya ito. Sinabi niyang kahit tanggihan siya nito o i-reject ay gagawin pa rin niya ito.   Napabuntong-hininga siya at napatingin sa oras na makikita sa screen ng kanyang cellphone. Alas-dose na ng gabi, pero parang ang antok ay napakailap na siya ay dalawin. Naalala rin niya sandali ang mga mata ng mama ng dalaga, nang sandaling kinausap siya nito kanina.   Muli siyang napabangon. Pakiramdam niya ay may kung anong mangyayari rito kaya gustong-gusto niyang makita ang kanyang anak na may kasintahan. Isa pa, may kutob siya na hindi naman niya nagawang itanong dito dahil masyado nang pribado kung gagawin niya ito.   Kung ano man ang bagay na iyon, hiniling na lang niyang huwag sanang tumama ang kanyang kutob dahil sigurado siyang masasaktan ang kanyang kaibigan... at pati na rin si Andrea.   *****   MALIWANAG na at mataas na ang sikat ng araw nang magising si Ricky. Hindi na nga niya maalala kung anong oras ba siya nagising.   “A-ano’ng oras na ba?”   Alas-diyes na ng umaga kaya naman napabalikwas siya at napabangon. Mabilisan niyang niligpit ang kanyang higaan. Pagkalabas niya ng kwarto ay hinanap niya ang kanyang nanay at naabutan niya ito sa likod ng kanilang bahay na naglalaba. Siya na sana ang maglalaba, lalo’t bakasyon na, pero mukhang hindi na niya ngayon ito magagawa.   “O, gising ka na pala? Hindi na kita ginising. Pakiramdam ko kasi’y napuyat ka kagabi. Panay ang punta mo ng banyo kahit lampas alas-onse na,” wika ng kanyang nanay na kasalukuyan nang nagbabanlaw ng damit. Napangiti na nga lang si Ricky at humingi ng paumanhin dahil sinabi niyang siya na ang maglalaba ngayong bakasyon, pero hindi naman niya nagawa.   “Kumain ka na. Okay lang ito. Bakasyon na pati, mas mabuting mag-relax ka,” wika ng kanyang nanay na biglang may naalala.   “Kumusta na nga pala ang paglalaro mo sa Inter-Barangay? Nagsimula na iyon, tama? Bakit hindi kita nakitang pumunta noong isang gabi?” dagdag na tanong ng ginang sa kanyang anak.   Isang ngiti ang isinagot ni Ricky na kumamot pa sa magulo niyang buhok.   “Hindi na ako kasali nay,” sagot ni Ricky na ikinatingin kaagad nang seryoso sa kanya ang nanay niya. Sa pagkakaalam kasi nito ay napili siya. Isa pa, hindi pa rin naman niya ito nasasabi rito.   “Huh? Paanong hindi ka na kasali? Si Kap pa mandin ang nag-imbita sa ‘yo,” ani ng nanay niya matapos pigain ang mga damit na inilagay sa batyang may kalakihan. Dito na nga ikinwento ni Ricky ang nangyari at pagkatapos ay tinulungan niya muna sandali sa pagsasampay ang kanyang nanay bago bumalik sa loob at mag-agahan.   “Si Baron? Siya iyong palaging umuubos ng tinda kong mga kakanin. Kanina nga ay nakita ko siya sa may court. Naglalaro,” sabi ng nanay ni Ricky. Napatingin naman ang binata sa ina niya. Napansin niyang masaya itong nagkukwento na tila ba napakabait ni Baron. Ibang-iba ito sa ekspresyon ng mga nakasama niya sa loob ng court na kasali sa barangay team.   “Pinagbubuhat ako minsan niyan kapag nakakaabot ako sa kabilang barangay. Mabait iyan...”   “Pero naririnig ko rin naman ang mga sinasabi ng iba tungkol sa kanya. Na nagdodroga raw. Minsan nga ay kinakausap ako ng mga bumibili sa akin na layuan ko raw kasi baka raw may masamang pinaplano... pero wala naman.”   Hindi nga maiwasang magulat ni Ricky sa sinasabi ng kanyang nanay. Naalala niya nga ang ngiti ni Baron nang mag-dunk ito. Isa na iyong patunay na hindi talaga masamang tao ito.   “Hayaan mo at bukas, kakausapin ko siya na sumali para mapasali ka.” Nginitian pa si Ricky ng kanyang nanay nang matapos silang magsampay.   “Nay, huwag na po. Okay na ako sa mga narinig ko. Sige nay, kakain na ako,” masiglang wika ni Ricky na napatakbo patungo sa loob. Pagkakain niya ng agahan ay agad siyang naligo at nag-ayos ng sarili.   Isang bagay ang naisip niyang gawin sa araw na ito.   “Sa ayaw at sa gusto mo Kuya Baron, kukumbinsihin kitang sumali sa barangay team!”   *****   SA ISANG barangay sa Calapan City, makikita sa labas ng barangay court ang maraming bilang ng mga motor ang kasalukuyang naka-park dito. Maririnig din mula sa loob ang sigawan at ganoon din ang matinis na tunog ng mga swelas na kumikiskis sa makintab na sahig ng court dito.   Maririnig din ang tunog ng tumatalbog na bola mula rito at sa pagpasok dito ay bubungad kaagad ang mga kalalakihang naglalaro ng basketball. Makikita ang pawisang katawan ng mga ito. Ang kabilang koponan ay nakasuot ng berdeng jerseys habang ang kabilang panig ay nakahubad lamang, mga nakamaong at nakatsinelas lamang.   Sa pagsambot ng isang lalaking nasa 6’4 ang height ay siya namang pagsigaw ng “Boohh!” ng mga naroong nanonood.   Inismidan lamang ni Baron ang mga ito at mabilis niyang pinatalbog ang bola patungo sa kanyang defender. Binabaan niya sa pagdadala nito at sa paglapit niya sa bumabantay sa kanya ay isang biglaang pagtalikod ang kanyang ginawa. Tumungo siya sa kanyang kanan at sa ginawa niyang iyon ay naiwanan niya ang kanyang defender na halos kasing-taas lang niya. Kalbo ito at nangingintab pa nga sa liwanag ang makinis na nitong anit.   Isang tunog ng natapik na bola ang biglang narinig sa paligid na nagpahiyaw sa mga manonood. Ang kalbong defender ni Baron ay nagawang masira ang momentum na ibinigay ni Baron gamit ang magandang spin move nito.   “Naagawan na naman kita,” bulalas ng kalaban ni Baron na isang pasimpleng pagsagi pa sa katawan ang ginawa upang puntahan ang bolang tumalbog palayo.   Naramdaman ni Baron ang pwersa noon kaya nga napaatras siya at muntikan pang matumba nang nakaupo. Napakuyom na lang siya ng kamao dahil naisahan na naman siya nito. Dinayo nila ang barangay ng Palhi upang makipaghamunan ng pustahan sa mga players dito. Ngunit hindi niya inaasahan na may bagong player na kasali ang mga ito. Sa pagkakaalam nga niya ay kasali ang mga ito sa Inter-Barangay ng Calapan. Isa sila sa mga bagong kalahok dito dahil sa pagpapalit sa apat na barangay noong isang taon na kaagad na nalaglag sa torneyo.   Sila ay ang Palhi Realtors, at ramdam ni Baron na malakas ang bago nitong player na may numero tres sa likod na may apelyidong Vallada. Ngayon lang niya ito nakalaro at lahat ng kanyang ginawa ay nahuhuli nito. Hindi niya ito nagugustuhan, pero okay lang din sa kanya dahil isa itong challenge.   Tumalbog ang bola at nakuha ng isang nakaberde. Ang bilis nakababa ng kalabang team nina Baron, pero si Baron, nangibabaw pa rin ang kanyang bilis sa pagtakbo.   Ipinasa ng nakaberdeng player ang dalang bola kay Vallada at sa pagsambot nito ay siya namang pag-cheer ng mga nanonood.   Napangisi si Baron at nilampasan ang kalabang may dala ng bola.   “Bilib din ako sa iyo, kahit ilang beses kitang naagawan ng bola ay hindi nagbabago ang laro mo,” wika ng kalbong player at dito’y humawan ang kanyang mga kakampi at binigyan sila ng espasyo na didiretso sa basket.   Napatayo ang mga nasa loob ng court. Sinabayan ni Baron si Vallada sa mabilis nitong paglapit sa basket. Gamit ang lakas, isang pagtalon ang ginawa ng bagong player ng barangay Palhi.     Dadakdak ito at si Baron ay hindi naman nag-alinlangan na sabayan ito. Pareho lang sila ng taas, at kung titingnan ay halos magkasingtaas lang din ang kanilang talon. Pero mas malakas si Vallada. Batak na rin ito sa paglalaro sa Maynila at sa pagbalik niya ng Calapan ay inimbita kaagad siya ng kanilang barangay para makalaro sa Inter-barangay.   Naramdaman ni Baron ang pagbangga sa kanya ni Vallada at nagdilim ang kanyang paningin matapos iyon. Alam niyang magagawa nito ang isang dunk sa mukha niya at sa kabila ng pag-posterized nito sa kanya ay isang maliit na ngiti ang sumilay sa labi ni Baron.   Isang malakas na sigawan ang kumawala sa loob ng court at isang pagbagsak din mula sa itaas ang kinahinatnan ni Baron. Nagawa ni Vallada ang isang one-handed dunk sa mukha ng maangas na dayo sa kanilang court.   Ang dakdak ding ito ang nagpapanalo sa kanila sa score na 21-15.   “Tama lang sa iyo iyan Baron! Mayabang ka kasi!”   “Pahiya ka ngayon!”   “Tanggal ngayon ang yabang mo Baron!”   Narinig ni Baron ang lahat ng iyon. Napangisi na lang siya at napatawa nang bahagya. Tatayo na sana siya subalit nakita niya ang kamay ni Vallada na nakalahad sa kanyang harapan upang siya’y tulungang makatayo.   Natanggal ang puyod ng mahabang buhok ni Baron at lumugay ito, dahilan upang bahgyang matabunan ang kanyang mukha. Tinapik niya palayo ang kamay na iyon at tumayo nang mag-isa.   “Kaya kong tumayo mag-isa brad,” bulalas ni Baron at tumayo nang matikas sa harapan ni Vallada. Agad nga ring nagtakbuhan sa likuran niya ang kanyang mga kasamahang pare-parehong hubad at napagod sa paglalaro.   “Upakan nga ninyo iyan nang magtanda. Sila na nga ang tutulungan, sila pa ang maangas,” bulyaw ng isang kabataang nasa loob ng court. Pero itinaas ni Vallada ang kanyang kamay para patahimikin ang mga nagsasalita sa paligid.   “Kasali ba ang barangay ninyo sa inter-barangay? Sana oo, at sana kasali ka...” seryosong sinabi ni Mildred Vallada, ang bagong player ng Palhi at sinasabing magbibigay ng sakit ng ulo sa mga malalakas na barangay sa inter barangay na nagaganap sa kasalukuyan.   Naalala ni Baron ang pag-uusap nila ni Kap sa Canubing 1. Pinuntahan niya ito upang piliting ibalik si Mendez sa koponan... at ang kapalit nito ay ang kanyang pagsali sa team. Pero hindi agad ito tinanggap ng kapitan, bagkus, ay gusto nitong siya mismo ang magsabi rito.   “Gusto kong ikaw mismo ang magsabi sa kanya na maglalaro ka para makasali siyang muli sa team natin.”   Nginisian ni Baron si Vallada at pagkatapos ay dinukot nito sa kanyang bulsa ang tatlong libong piso na ipinusta nila. Mabigat ito para sa kanya at sa mga kasama niya, pero hindi naman sila palaging nananalo sa bawat barangay na kanilang hinahamon sa loob ng court. Ang pagkatalong ito ay isa lang sa mga talong naranasan nila magmula nang gawin nila ang bagay na ito.   “Hindi ako interesado sa paglalaro sa inter-barangay.” Ito ang sinabi ni Baron at pagkatapos ay pumunta na ito sa gilid ng court at kinuha ang kanyang tshirt. Pagkatapos ay dinampot din niya ang isang plastic bottle na puno ng tubig. Nilaklak niya ito at lumabas na siya ng court ng Palhi. Kasunod niya ang kanyang mga kasama na nalumbay dahil natalo sila, pero kita naman nilang malakas ang kalaban nila, lalo na ang kalbong tumapat kay Baron.   Kasabay ng pag-alis nila ay ang mga kantyaw at tawanan ng mga nanonood sa loob nito. Mga salitang kinasanayan na nila dahil madalas na nila itong nararanasan.   “Sayang, magaling ang isang iyon,” mahinang sinabi ni Vallada na narinig ng kakampi nitong may numero kwatro sa likod ng jersey.   “Siya si Baron, malakas siya... pero hindi siya pwedeng maglaro sa loob ng court dahil sa ugali niya,” wika ni Vladimir Hernandez, ang Point Guard ng Palhi Realtors.   Sa hindi inaasahang pangyayari ay nakaramdam si Vallada ng panghihinayang dahil ang binantayan niyang nagngangalang Baron ay hindi pala niya makakalaban sa inter-barangay.   Mabilis ding umalis sakay ng kanilang motor ang mga dayo at hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Vallada na makipagkilala rito. Isa pa, sa nakita niyang ugali ni Baron ay alam niyang hindi ito interesadong makilala siya.   Nakatingin lang naman si Baron sa malawak na palayang nasa gilid ng kalsadang dinaraanan nila. Naka-angkas siya sa motor ng isa niyang kasamahang kanina pa naghihimutok tungkol sa kanilang pagkatalo.   “Sayang, wala tayong pang-inom ngayon,” wika nito habang pinapaharurot ang kanyang maingay at mausok nang motor.   Walang lisensya si Baron, kaya naman hindi niya madala basta ang kanyang motor lalo’t bago makarating ng Palhi ay daraanan nila ang isang crossing na madalas na may checkpoint ng mga sasakyan.   Hindi naman ito pinakinggan ni Baron, bagkus ay bumalik sa alaala niya ang laro nila kanina. Ngayon lang uli siya nakaharap ng isang malakas na player at gustong-gusto niya itong mabawian sa loob ng court.   “Kasali ba ang barangay ninyo sa inter-barangay? Sana oo, at sana kasali ka...”   Bumalik sa pandinig niya ang sinabi ng kalbong taga-Palhi at ganoon din ang sinabi ni Kap sa kanya. Isa pa, bumalik din sa alaala niya ang mukha ni Ricky Mendez nang araw na hinamon siya nito.   "At kapag natalo ko siya..."   "Pasalihin po ninyo siya sa Barangay Team!"   Hindi malaman ni Baron kung bakit pumapasok sa isip niya ito, pero isang bagay lang ang gusto niyang gawin matapos ang pagkatalo nilang ito. Ang puntahan si Mendez para sabihing sasali siya sa team ng Canubing 1 para muli itong makapaglaro rito.   Kaso, pinangunahan siya ng hiya kaninang umaga. Naka-ilang pasimpleng pagdaan siya sa tapat ng bahay nito, ngunit hindi niya nakitang lumabas ito mula sa loob.   Ilang minuto lang naging byahe nila at mabilis silang nakabalik ng Canubing nang hapon ding iyon. Lumipas na ang isang araw at may hindi magandang nangyari dahil nalagasan sila ng pera na pang-inom sana nila sa gabing daraan.   Nagpaalam na si Baron sa mga kasamahan niya at sa pagbaba niya ay agad siyang bumili sa isang maliit na tindahan. Bumili siya ng isang yosi at binigyan niya ng kulang na bayad ang tsismosang nagtitinda rito.   Napangisi na nga lang siya matapos sindihan ang yosi na iyon. Nagbingi-bingihan din siya sa mga sinasabi ng tindera, dahil unang-una, wala siyang pakialam dito. At isa pa, isa ito sa mga numero unong nagpapakalat ng mga hindi totoong tsismis sa kanilang barangay.   Naglakad na siya pauwi at nilampasan niya ang court ng barangay. Nakita niyang may mga naglalaro roon na kung sino-sino. Nagpatuloy siya hanggang sa isang bahay ang kanyang nilampasan. Alam niyang bahay ito ni Mendez. Pasimple pa siyang sumulyap dito at umasang lalabas ang binata... pero ni anino nito ay hindi niya nakita.   “Bukas na lang,” sabi niya sa sarili matapos bumuga ng usok sa hangin. Nahihirapan siyang gawin ito, dahil unang-una... hindi ito ang kanyang ugali. Hindi ito ang kanyang nakasanayan. Alam niya sa kanyang sarili na hindi siya mabait, lalong hindi palakaibigan.   Narating niya ang isang bahay na may pulang gate at mabilis na binuksan ito sa pamamagitan ng pagpasok ng kanyang kamay sa siwang na nasa tabi ng bakal na pihitan nito. Binuksan na niya ang pinto hanggang sa nakarinig siya ng bolang tumatalbog sa kanyang tabihan.   “Kuya Baron! Sumali ka na sa basketball team ng barangay... Gusto kitang maging kakampi!” Boses na nagmula kay Mendez na pinapatalbog ang bolang dala nito. Kanina pa niya itong hinihintay at napangiti na nga lang siya nang makitang dumating na rin ito.   Ngumisi naman si Baron at ibinuga ang huling usok mula sa kanyang yosi. Inilaglag na niya sa lupa ang upos at tinapakan ito. Tiningnan na niya si Ricky at pagkatapos ay binuksan na niya nang tuluyan ang gate ng bahay niyang medyo may kalakihan. Ang asawa ng kanyang kuya at ang anak nito ang nakatira rito. Sa kabila nga ng pagiging masama niya sa mata ng mga kabarangay, itinuturing pa rin siyang kapamilya ng kasama niya sa bahay dahil unang-una, ang mga ito ang totoong nakakakilala sa kanya.   “Umiinom ka ba?” tanong ni Baron at pagkatapos ay tumango si Ricky.   “Kapag ba nakipag-inuman ako sa ‘yo sasali ka na sa barangay team?” Paniniguro ni Mendez at tiningnan lang siya ni Baron na sinundan ng maikli nitong sagot.   “Sige, may dalawang mucho ako sa ref.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD