Bola 12

1839 Words
PINAGMASDAN ni Ricky ang loob ng bahay ni Baron, at hindi niya akalaing dito ito nakatira dahil sa malinis at maayos na itsura nito. Isa itong tipikal na lugar na kung saa’y maayos na makikita ang salas, at sa likod naman ay ang kainang katapat ng kanilang lutuan. Pinagmasdan nga rin sila ng dalawang bata na busy sa panonood ng cartoons, pero pagkatapos nito ay natuon din muli ang pansin ng mga ito sa telebisyon.   "Sino iyan?" boses naman ito ng isang babae na galing sa pintong bukas sa dulo ng kusina.   Seryosong tiningnan ni Baron ang asawa ng kanyang kuya. Inaasahan na rin naman ng binata ito dahil ngayon lang siya nagdala ng bagong mukha dito sa bahay nila.   "Kakilala ko, diyan lang nakatira sa may court," wika naman ni Baron na dumiretso sa kusina at tumungo sa ref. Tiningnan pa nito si Ricky at sinabing magpapalit lang siya ng damit.   Nag-hi! naman si Ricky sa hipag ni Baron at isang maliit na ngiti naman ang itinugon nito sa kanya. Napansin din nito ang dala niyang bola at tinanong siya nito kung kakampi raw ba siya sa basketball ng kapatid ng kanyang asawa.   "Opo ate, magkakampi kami sa team ng barangay natin," tugon ni Ricky na umupo na rin sa salas dahil pinaupo na siya rito.   Seryosong napatingin ang babae kay Ricky na may hawak ng bola matapos ang sagot nitong iyon. Hindi niya alam kung tama ba ang kanyang narinig, at kung tama nga, alam na rin agad niya ang magiging resulta sa pagsali ng kanyang bayaw rito. Katulad lang din noong minsang umuwi ito at panay ang pagmumura sa labas habang umiinom ng alak nang mag-isa. Sinabing pinaalis daw siya ni Kap sa team dahil nakipag-away siya sa mga players ng kalabang barangay.   "Mendez! Pumunta ka na sa terrace, dadalhin ko na dun ang ating iinumin," wika ni Baron na lumabas na mula sa kwarto nitong nasa kaliwa ng salas. Naka-sando at shorts ito. Dumiretso ito sa kusina at binuksan ang cabinet sa tabi ng ref. Kumuha siya ng dalawang balot ng chicharong baboy at magkasabay na ibinato papunta kay Ricky.   "Padala na rin nito," wika ni Baron. Si Ricky naman ay mabilis at pansamantalang inilagay muna sa upuan ang bolang hawak upang masambot ang ibinato ni Baron na magiging pulutan nila.   "Huwag kuyang maraming alak. Medyo mahina pa akong uminom," nangingiting wika ni Ricky na tumayo na mula sa pagkakaupo. Hawak na niya ang dalawang chicharon at naglakad na siya papunta sa terrace ng bahay nina Baron. Napansin na niya kanina roon ang isang mesa at ash tray sa ibabaw. Mukhang ito ang lugar na palaging pinag-iinuman ng nakatira rito. Nakita rin kasi ni Ricky ang ilang walang lamang mga bote ng alak sa gilid.   Umupo na siya sa sementong upuan sa tabi ng lugar, ito ay iyong nakapaikot sa mga tipikal na terasa ng mga bahay na kung saan ay umuupo ang marami. Inilagay ni Ricky ang chicharon sa lamesa at bigla siyang napalunok ng laway nang maisip na iinom siya ng alak. Mapapalaban siya ng inuman nang wala sa oras, isa pa, wala pang laman ang kanyang tiyan kaya pakiramdam niya ay mabilis siyang malalasing.   Lumabas na rin si Baron at inilapag ang isang bote ng isang litrong alak na may tatak na pulang kabayo. Umuusok pa ito sa lamig at halatang maayos na nakaimbak sa refrigerator ng mga ito. Ibinaba na rin ng binata ang isang baso. Pagkatapos ay dinala naman ng ate nito ang isang bandehadong puno ng maraming maliliit na bloke ng yelo.   Gamit ang kutsara ay binuksan ni Baron ang alak. Agad niyang nilagyan ng mga ilang yelo ang basong katamtaman ang taas at sinalinan nang puno ang loob nito pagkatapos.   "Mendez," winika ni Baron na seryosong nakatingin sa binata. Iniabot nito ang basong puno ng alak na kinuha kaagad ni Ricky.   "Napasubo yata ako," sabi ni Ricky sa sarili at pagkatapos ay matapang na nilaklak ang laman ng basong iyon.   Napangiti nga kaagad si Baron nang makita ang pagkaubos ng alak. Nakangising inilapag ni Ricky ang baso sa mesa at pagkatapos ay dito na siya nagsalita.   "Kuya, dapat ay sumali ka sa basketball team ng ating barangay. Pumayag na akong makainuman ka..." nakangiting winika ni Ricky at si Baron ay naglaman muli ng alak sa baso at mabilisang inubos din ang laman noon.   "Oo! Basta ba, hindi ka magiging pabigat sa akin sa loob ng court!" sabi ni Baron at ang baso ay nagsimula nang umikot kasama na rin ng kwentuhan nilang dalawa.   *****   MASAKIT ang ulo ni Ricky nang magising siya mula sa alarm ng kanyang cellphone. Pinilit niyang bumangon at pagkatapos ay dumiretso kaagad sa banyo dahil ihing-ihi na siya.   "Anong oras ba ako nakauwi?"   "Nakadalawang bote lang kami ni kuya."   Naghilamos si Ricky at pagkatapos ay ginising ang sarili dahil inaantok pa siya. Kahapon kasi ay tinanghali siya ng gising dahil sa puyat. Naging dahilan tuloy iyon upang hindi siya makapag-ehersisyo. Kaya naman, ngayong umaga ay pinilit na niya ang kanyang sarili na gawin ito.   Mabilis siyang nagpalit ng damit at kinuha ang bola. Paglabas niya ng kwarto niya ay nakita niyang gising na rin ang kanyang nanay. Kasalukuyan na itong nagsasaing at nakita rin siya ng kanyang tatay na nanonood ng balita habang humihigop ng mainit na kape.   Binati niya ang mga ito ng magandang umaga at sinabing mag-e-excercise lang siya sa labas. Saglit pa siyang napatingin sa orasan sa may itaas ng telebisyon bago iyon.   "Alas-kwatro na ng umaga."   Paglabas ni Ricky at pagdating sa gate, ay isang lalaki ang naaninag niyang nakatayo. Nakasuot ito ng jersey at shorts. Napansin din niya ang sapatos nitong kulay gold at kumikinang pa dahil sa ilaw ng street light na malapit sa kanila.   "Ano? May hang-over ka? Weak mo Mendez," sabi ni Baron na tumatalon-talon pa nang sandaling iyon.   Sumilay ang ngiti ni Ricky dahil bigla niyang naalala ang usapan nila kagabi.   "Bukas, sasamahan kitang mag-jogging. Matagal-tagal na rin nang huli kong gawin iyan," sabi ni Baron matapos patayin ang upos ng yosi sa ash tray na nasa tapat nito.   "Iwanan mo muna ang bola sa bahay ninyo," wika ni Baron at ini-stretch niya ang kanyang binti sa pamamagitan ng pag-upo habang naka-unat ang isang hita palayo.   "Sige kuya," sagot ni Ricky at inilapag niya sa tabi ng pinto ng bahay nila ang bola. Nilapitan niya si Baron at dito na sila nagsimulang tumakbo nang mabagal.   "Hanggang saan tayo tatakbo kuya?" tanong ni Ricky na sinasabayan si Baron.   "Sa kabilang barangay," sagot naman ni Baron na nagsisimula nang bumilis ang pagtakbo. Napangiti naman si Ricky na sinabayan din ito.   Napangisi si Baron nang mapansing sinasabayan siya ng binata. Ngayon lang uli siya nakapagsuot ng sapatos, at sa tuwing naglalaro siya sa court ay naka-tsinelas lang siya.   "Tingnan ko ang bilis mo ngayon Mendez," mahinang winika ni Baron at dito'y mas bumilis ito.   Napangiti agad si Ricky dahil dito. Kahit kanina'y parang sumasakit ang kanyang ulo, ay nawala rin naman ito dahil nakikipagpabilisan sa kanya ang kuya Baron niya.   "Araw-araw ako kuyang nagja-jogging," sambit ni Ricky at kumaripas siya ng takbo. Nilampasan niya nga si Baron nang walang kahirap-hirap.   "Mabagal," bulalas naman ni Baron na nilampasan siya bigla na bahagya niyang ikinabigla. Hindi iyon pangkaraniwan at tila minaliit niya ang kanyang kuyang ito dahil sa mas madalas siyang tumatakbo sa umaga kumpara rito.   Nagpabilisan pa ang dalawa hanggang makarating sa kabilang barangay. May pagkakataon ngang binubusinahan sila ng mga ilang sasakyang dumaraan. Ang mga asong nakakulong naman sa mga bahay na nalalampasan nila ay agad na nagtatahulan dahil sa kanila.   Hindi ugali ni Ricky ang makipagyabangan, pero dahil nakikipagtagisan si Baron sa kanya ay sinabayan niya ito.   Hingal na hingal ang dalawa sa pagbalik nila ng Canubing. Nagtatawanan sila habang nakahawak sa kanilang mga tuhod habang nakayuko.   "Ano kuya? K-kumusta?" tanong ni Ricky kay Baron. Pero napabilib siya nito dahil nakasabay ito sa kanya sa kabila ng araw-araw niyang pagtakbo. Isa pa, ang bilis nito ay hindi matatawaran. Isa itong malinaw na patunay na may pambihirang mga hita at binti ang kanyang kuya Baron.   "Mabagal ka pa Mendez. Pinartidahan pa kita," winika ni Baron at matapos huminga nang malalim ay bahagya siyang nakahinga nang maluwag. Inayos na niya ang kanyang tayo at pagkatapos ay nagpaalam sa binata.   "Bibili pa ako ng pandesal. Mamaya, pumunta ka kay Kap. Sumama ka sa practice nila..." wika pa ni Baron at tumungo siya sa gripong malapit sa may street light sa may court. Binuksan niya iyon at uminom ng tubig. Aminado siyang na-challenge siya kay Ricky at natuwa siya dahil nasabayan pa rin niya ito na halos ikadagasa na niya kanina, huwag lang siyang malampasan. Pinilit niyang itago ang pagod at panginginig ng binti para magmukha pa rin siyang magaling sa mga mata nito.   "Ikaw kuya? Hindi ka sasama sa practice?" tanong ni Ricky matapos ding uminom ng tubig mula sa gripong binuhay ni Baron.   Umismid na lang si Baron. "Ayaw ko! Sumali lang ako dahil gusto kong sumali ka. Pagdating sa kanila, wala na akong pakialam."   Bahagyang napaseryoso si Ricky nang marinig iyon. Pero inintindi niya si Baron, lalo't mukhang ugali nito ito. Isa pa, hindi rin siya gustong kakampi ng mga nasa team ng barangay kaya siguro ganito na lang ang nasabi nito.   "Mag-practice ka na sa court. Mas kailangan mo iyan... Para masabayan mo rin ang laro ko dahil ayaw ko ng babagal-bagal ka kapag naglaro na tayo." Pagkasabi ni Baron nito ay iniwanan na niya si Ricky para pumunta sa sentro at bumili ng mainit na pandesal.   Bumalik na si Ricky sa bahay nila at kinuha ang kanyang bola. Pumunta siya sa court na ramdam pa rin ang pagod, at nang marating niya ang loob ay napangiti siya nang mapatingin sa ring.   "Magiging kakampi ko na si kuya Baron!" sambit niya at mula sa kanyang tayo ay isang jumpshot ang pinakawalan niya.   Tila musika ang naging paghalit sa net ng bolang pumasok doon. Pagkatapos, ay tinakbo ito ni Mendez at sa kabilang side naman tumingin.   "Maglalaro na uli ako... Excited na ako," sabi niya sa sarili at pinatalbog niya ang bola. Tumakbo siya nang mabilis habang ginagawa iyon.   Ang tunog ng pagtalbog ng bola sa sahig ay tila kabog ng dibdib sa may-ari ng pares ng mga mata na kanina pang hinihintay si Ricky na pumasok dito. Kahapon ay nagpunta siya rito, pero walang Mendez ang nagpakita sa lugar na ito.   Subalit sa pagkakataong ito...   Ang muli niyang pagtapak sa loob ng isang court upang makapanood ng basketball ay nangyari na. Bago siya maaksidente, iyon ang huli. Kapag nagkakaroon nga ng laro sa paaralan nila ay hindi siya nanonood, at wala na siyang pakialam dito. Iyon nga ay ang mga sandaling inakala niyang makakalimutan niya ang sports na ito.   "Akala ko, makakalimutan ko ang basketball..."   "Pero dahil sa iyo Ricky Mendez... Dinala mo muli ako rito."   Kasabay ng mahinang mga salitang ito ay ang pagpasok ng dulo ng saklay ni Rich sa loob ng guhit ng basketball court na sinundan pa ng kanyang isang paa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD