ANG TINOLANG natikman ni Andrea nang oras na iyon ang pinakamasarap na luto na kanyang natikman sa buong buhay niya. Dati, ang luto ng papa niya ang pinakamasarap para sa kanya, ngunit nang dumaloy sa dila niya ang lasa ng sabaw noon at ang lambot na may linamnam na laman ng manok na kasama nito, ay may kung ano'ng sensasyon ang tila dumaloy sa panlasa niya na humikayat sa kanyang muling tikman ito nang paulit-ulit. May kung anong lasa ang lutong iyon ang tila naging droga sa kanyang katawan na nagbigay ng dahilan upang magustuhan niya ito lalo at para mas hanap-hanapin ito ng kanyang panlasa.
Nang matapos niyang maubos ang laman ng nasa maliit na tasa, isang bagay lamang ang nasa isip niya nang sandaling iyon. Ang kung sino ang nagluto ng putaheng iyon? Kung sino ang gumawa ng tinolang may ganito kasarap na lasa? Bukod sa sisig, ay isa rin ito sa paborito niyang ulam dahil sa kanyang papa.
Ang halimuyak ng sabaw nito na pumasok sa kanyang ilong at ang tila may kumukulbit na kung ano sa kanyang dila nang malasahan niya iyon... Patuloy iyong nanatili. Ano pa kaya kung sasamahan niya ito ng kanin?
Tinanong niya ang kanyang mama kung sino ang nagluto noon sapagkat alam niyang hindi ito ang nagluto nito dahil wala itong talento sa pagluluto... gaya niya. Alam din niyang hindi iyon ang kanilang yaya dahil alam na niya ang luto ng mga ito na madalas na niyang natitikman araw-araw.
Pumasok ang kapatid niya sa kusina kasama ang binatang nakilala niya noon, si Ricky, ang kaibigan ng kanyang kapatid. Ang kanyang dating boyfriend.
Kasabay rin nito ay ang pagsasalita ng kanyang kasamang si Francis. Alam nito na ex-boyfriend niya si Ricky Mendez at dahil doon, nalaman ng kanyang kapatid na si Andrei ang tunay nitong pagkatao.
Hindi nga niya inaasahang narito ang kanyang mama kaya nga niyakap niya ito nang makita ito kanina, kasabay din noon ang pagbulong ng balak niya sa kapatid na si Andrei. Kagaya ng dati, nagkaintindihan ang mag-ina.
Ngunit ang paglitaw pala ni Ricky ang magiging dahilan para malaman ng kanyang mama na naging boyfriend niya ang kaibigan ni Andrei na ito. Hindi niya ito sinabi sa kanyang mama kahit na ito ang madalas niyang sabihan lalo na noong nililigawan siya ni Rio hanggang sa sagutin niya ito at makipaghiwalay.
Balak kasi niyang surpresahin noon ang kanyang mama tungkol doon ngunit hindi naman sila nagtagal ng binata. Ang mama niya ang palaging nagsasabi sa kanya na maghanap na ng boyfriend. Ibang-iba ang kanyang mama sa iba, dahil ito pa ang nagpu-push na gawin niya iyon. Ganoon na lang kalaki ang tiwala nito sa kanya na talagang ipinagpapasalamat niya.
Hindi na rin niya nasabi na naghiwalay rin sila ni Ricky dahil ayaw niyang sumama ang tingin nito sa binata. Kasi sa oras na malaman nito na niloko siya ni Ricky, posibleng magalit ito rito kagaya ng nangyari noon kay Rio.
Iba ang mama niya, na kahit sinaktan siya noon ni Rio ay ito pa rin ang nagtulak sa kanya na maghanap muli ng boyfriend. Para bang gusto nitong may kasintahan siya kaysa wala. Kaso, matapos siyang lokohin ni Rio, ay hindi na siya humanap ng iba at lahat ng mga nanligaw sa kanya ay hindi niya sinagot.
"Andrea, dapat may boyfriend ka na. Hahanapan na kita?" wika ng mama niya dati habang sinusuklay ang kanyang buhok.
"Ma, mas masayang single!" sagot naman niya habang nakatingin sa salamin.
"Basta, dapat ikasal ka. Gusto kitang makita na ikakasal," nakangiting wika ng kanyang mama nang oras na iyon.
"Mama! Ang bata ko pa! Wala pa akong twenty," wika naman ni Andrea na sinimangutan sa salamin ang nakangiti niyang ina na seryoso siyang pinagmamasdan nang oras na iyon.
*****
NANG sabihin ni Andrei at ng mama niya na si Ricky ang nagluto ay napatulala siya rito. Ayaw niyang maniwala. Ayaw niyang paniwalaan na ang dati niyang boyfriend ang nagluto ng napakasarap na tinolang natikman niya!
"Seriously?" naibulalas niya at ang kanyang mama ay napatingin sa kanya nang seryoso.
"Andrea, mag-usap tayo mamaya. Hindi ko alam na ex mo si Ricky?" mahinang sabi ng kanyang mama. Si Francis na kanyang katabi ay napangiti na lang nang pilit dahil doon. Parang hindi dapat siya nag-react nang makita si Ricky Mendez.
"M-mama. S-sorry..." sabi naman ni Andrea na napapangiti na lang nang pilit.
"But, this is your birthday kaya, kumain na tayo," wika ng mama ni Andrea na biglang tumayo at may kinuhang kahon na malapit sa may refrigerator. Inilagay nito ang kahon sa mesa at binuksan. Isang cake iyon na may design ng bola at court.
"Ang cute mama!" biglang wika ni Andrea na tila naging bata.
Inalis ng mama niya ang kahon noon at inilagay ang kandila sa gitna. Nakangiti iyong sinindihan ng kanyang mama at pinagmasdan ang mga naroon.
Napatingin ito kay Ricky.
Napalunok naman ng laway si Ricky dahil seryoso ang tingin nito. Parang may gusto itong sabihin pero hindi ito pwedeng sabihin sa sandaling iyon.
"Happy birthday anak. Ang lagi kong wish? Magka-boyfriend ka na," nakangiting wika ng mama niya.
Si Andrea, inaasahan na iyon dahil ito palagi ang wish nito nang nag-18 siya. Ni hindi nga niya alam kung bakit ganoon ang wish ng kanyang mama. Isa pa, hindi rin niya malaman kung bakit gusto nitong makita siyang ikasal o kung bakit gusto nitong ikasal na siya.
"As always mama. Thank you po!" nakangiting wika ni Andrea at niyakap niya ang ina habang nakatayo ito.
"Ate, happy birthday. 21 ka na, sana maging matured ka na," pabirong wika naman ni Andrei na biglang may kinuha sa upuan niya na kanina pang nakalagay roon. Isa iyong regalo at napangiti ang magkapatid.
"Baliw ka Andriano! Ano na naman ito?" ani Andrea na inabot ang regalo at kinalog.
"Secret!" ani Andrei na umupo na uli.
"Beshy! Happy birthday! Wish ko na magka-jowa ka na para maging happy si tita," sabi ni Francis na may halong landi ang boses. Tumingin pa ito kay Andrei at napatawa tuloy si Andrea.
Natapos na ang pagbati. Si Ricky, wala sanang balak magsalita dahil parang gusto na lang niyang maglaho sa kanyang kinauupuan. Pakiramdam niya ay dapat yata ay wala siya rito lalo na't alam na ng mama ng kanyang kaibigan na siya ay ex-boyfriend ni Andrea.
"Mag-message ka kay ate," mahinang sabi ni Andrei sa kaibigan. Tumingin si Ricky rito at parang sinabi na ayaw niya kaso, tumikhim ang mama nito dahilan upang mapaayos ito ng upo.
"Narito ka na, kaya batiin mo si Andrea," seryosong sinabi ng mama ni Andrei kay Ricky.
Si Francis ay nagtimping matawa habang si Andrea ay parang nahihiya. Si Andrei naman ay gusto na ring mapatawa dahil halatang kinabahan ang kanyang kaibigan dahil sa kanyang mama.
"H-happy birthday. Smile. Sana maging healthy ka..." wika ni Ricky na hindi magawang matingnan si Andrea.
"S-sorry rin kung ano man ang nag--"
Naputol ang pagsasalita ni Ricky nang biglang magsalita si Andrea.
"Stop! Batiin mo lang ako. Okay na! Blow ko na itong candle," nakangiting wika ng dalaga kay Ricky.
Okay na siya. Nalimutan na niya ang sakit na dulot ng ginawa sa kanya ni Ricky. Isa pa, wala siyang makitang dahilan para magtanim ng galit sa binata dahil hindi naman ito masamang tao. Hindi nito intensyon na saktan siya. Hindi pa lang talaga nito nakakalimutan si Mika. Ayaw na niyang balikan ang nangyaring iyon at gusto niyang maging okay ang lahat.
Hinipan niya ang kandila kasabay ng pagpikit niya. Hiniling niya ang mabuting kalusugan sa pamilya niya. Sa papa niya na busy sa trabaho at sa mama niya na katulong nito. Ganoon na rin sa kapatid niya na kahit palagi silang nag-aasaran ay mahal niya.
May isa pang tao ang biglang sumagi sa isip niya nang hindi inaasahan pero iminulat niya agad ang kanyang mata.
"Kain na tayo!" wika ni Andrea sabay tingin kay Francis.
"Beshy, huwag mahiya. Mamaya, ipapakilala ko sa iyo si Andrei," dagdag pa nito at si Andrei, muntik nang mapabuga ang tubig na nasa bibig dahil kasalukuyan itong umiinom ng tubig.
"Sira ka ate," ani Andrei na nagsimula nang maglagay ng kanin sa kanyang plato.
"Pre, 'wag mahiya. Kain na," ani pa nito kay Ricky na nakita niyang parang nahihiya.
"Kumain ka Mendez. Parang others ka pa rito," pasimple namang winika ni Andrea sa binata dahilan para mapatangin dito ang mama niya at si Francis na tila may ibig-sabihin.
Kumain na nga sila at doon ay natikman nila ang tinolang luto ni Ricky. Napakasarap noon para sa kanila. Mas naging ganado silang kumain dahil doon. Hindi nila akalaing makakakain sila nang ganito kasarap na ulam.
"Hindi ko alam na may talent ka palang magluto," pasimpleng wika ng mama ni Andrei kay Ricky matapos uminom ng tubig.
"By the way Ricky, maya-maya, punta ka sa may salas. Gusto kitang kausapin," wika pa nito na seryosong tiningnan ang binata sa mga mata nito.
Kinabahan si Ricky. Parang may hindi magandang mangyayari mamaya.
Makalipas ang ilang minuto ay pumunta na ang mama nina Andrei sa salas at sumunod naman si Ricky dito.
"Lagot ka pre," pabiro pa ni Andrei na nakuha pang matawa dahil kita niya sa mukha ni Ricky ang takot.
Gusto pa sana ni Ricky na umatras, pero hindi pwede. Nakita niya na seryoso ang itsura ng mama ni Andrea habang nakaupo ito.
"Umupo ka, may itatanong lang ako sa iyo Ricky," panimula nito at si Ricky ay umupo sa tapat nito.
"A-ano po iyon?" tanong ni Ricky na parang maiihi na dahil sa kaba. Kung hindi pa nga siya huminga nang malalim ay hindi mababawasan iyon.
"Ricky, hindi ko alam na naging kayo ni Andrea. She didn't told me. Hindi niya sinabi sa akin na nagka-boyfriend pala siya. Gaano katagal na naging kayo at paano kayo naghiwalay?" tanong nito kay Ricky.
Nablanko si Ricky sa tanong na iyon. Parang nahihiya siyang magsalita. Malalaman ng mama ni Andrea na niloko niya ito. Sigurado siya na magagalit ito sa kanya.
Pero kailangan niyang magsalita. Hindi siya dapat matakot at ang totoo lamang ang dapat niyang sabihin.
"Mabilis lang po. Ilang weeks... Niloko ko po si Andrea... Kami pa po, pero bumalik ang babaeng dati kong gusto..."
Doon na nga sinabi ni Ricky ang totoo at nakita niya na nagdilim ang mga mata ng mama ni Andrea matapos iyon. Sino ba namang ina ang hindi magagalit sa ginawa niya sa dalagang anak nito? Isa pa, tama lang na magalit ito sa kanya dahil sa pagiging manloloko niya.
"Ricky... Kanina, naisip kong ireto ka sa anak ko. Nakikita kita rito sa bahay madalas dahil kay Andrei at alam kong mabait kang bata. At iyong sinabi mo sa basketball, ganyan din si Andrea. She really loves basketball at kapag naglalaro siya, nakikita ko siyang masaya."
"Mukhang hindi siya nagsabi sa akin na naging kayo. Gusto kong pagalitan ka, but... I don't know..."
Ngumiti ang mama ni Andrea kay Ricky at biglang tumulo ang luha nito. Si Ricky, nagulat doon pero mabilis din namang pinahid iyon ng ginang gamit ang panyo nito sa bulsa.
"S-sorry po," wika ni Ricky na napayuko na lang.
"Ricky... Alam kong mabuti kang bata. Nakikita kita minsan na kasama si Andrei at iyong mga kaibigan niya. Ikaw yata ang pinaka-kakaunti ang kalokohan," wika ng mama ni Andrea habang nakatingin sa binata.
"May request ako sa 'yo Ricky..."
Sandaling nabalot ng katahimikan ang usapang iyon. Doon ay pinakinggan ni Ricky ang request nito na ikinagulat niya.
"May reason ako kung bakit gusto kong magka-boyfriend na si Andrea at kung bakit gusto kong ikasal agad siya... Pero, hindi ko sa iyo pwedeng sabihin sa iyo iyon."
Seryosong pinagmasdan ng ginang si Ricky na seryoso rin ang itsura.
"So ano Ricky? Can you do it for me?" tanong ng mama ni Andrea sa binata.
Lumunok muna ng laway si Ricky at pagkatapos ay nagsalita na ito.
"Opo. Gagawin ko po," sambit ni Ricky at pagkatapos ay tumayo na ang mama ng kanyang kaibigan. Tinapik siya nito sa balikat at iniwanan na sa salas.
Hindi alam ni Ricky kung ano ang gagawin matapos iyon. Tinanggap niya ang request ng ina ni Andrea at sinabi niyang gagawin niya ito. Kahit gustuhin man niyang tanggihan iyon dahil parang ang unfair kay Andrea... ay tinanggap pa rin niya iyon dahil nakikita niya sa mga mata ng ginang na seryoso ito sa request na iyon.
Bahala na! Ito ang dalawang salita na sinabi ng isip ni Ricky, pero umiling siya. Hindi dapat palaging bahala na. Tumayo na siya at ikinalma ang sarili. Dumiretso siya ng kusina at doon ay naabutan niya si Andrea na kumakain ng cake.
"Na-nasaan si Andrei?" tanong ni Ricky sa dalaga. Si Francis nga ay napalingon dito at napangiti.
Tumayo ang baklang kaibigan ni Andrea at bumeso sa dalaga.
"Magpapaalam na ako kay Tita. May pupuntahan pa kasi akesh beshy," ani nito at lumabas na ito ng kusina. Ngumiti pa nga ito sa dalaga na tila may ibig-sabihin na sinundan ng malanding pagtawa. Nilakihan tuloy ito ng mata ni Andrea.
"Oo na. Thank you. Ingat ka pag-uwi, sabi ni Andrea sabay tingin kay Ricky.
"Nasa CR. Ilang araw na yatang hindi nagbabanyo ang abnormal na iyon," wika ni Andrea na tumingin na sa kinakain na piraso ng cake.
"Gusto mo ng cake? Kuha na," dagdag pa ng dalaga. Gusto niya sanang itanong kung ano ang sinabi ng kanyang mama rito, kaso, naisip niyang huwag na lang dahil hindi naman niya dapat pang alamin iyon.
Umupo si Ricky at kumuha ng isang maliit na platito at kumuha rin ng isang hindi kalakihang piraso ng cake. Chocolate ang flavor noon na mabilis din niyang tinikman.
"Hindi ko alam na marunong kang magluto. May talent ka pala," ani Andrea na biglang napadighay nang hindi inaasahan.
Pagtingin niya kay Ricky ay parang nahiya siya. Namula ang kanyang pisngi at pagkatapos ay nakita niya ang binata na nakangiti sa kanya.
"Sorry, nabusog ako e. Sarap ng luto mong tinola. Ikaw ba talaga nagluto noon?" pasupladang wika ni Andrea sa binata na kasalukuyan nang umiinom ng tubig.
"Hindi ka ba naniniwala? Gusto mo ipagluto uli kita?" biglang winika ni Ricky na tils gustong bawiin pagkatapos.
Si Andrea, napatingin bigla sa binata.
"Ipagluluto mo uli ako? No. Tama na iyong luto mo now. Oo, naniniwala na akong ikaw nga," sabi ni Andrea na sandaling napatingin sa malayo.
Ayaw na niyang magkaroon uli ng malalim na uganayan kay Ricky. Okay na sa kanya ang ganito. Tama na para sa kanya ang nag-uusap na sila at iniimikan siya nito.
Hanggang doon na lang. Kung tatanungin siya kung may posibilidad bang maging sila muli? Isang sagot lang ang nasa isip ni Andrea. Ayaw niya! Para sa kanya ay wala na siyang dahilan para muling magustuhan ang binata.
Nawala na ang nararamdaman niya rito. Iyon ang sinasabi ng kanyang isip sa kanya. Ang Ricky na nakikita niya sa kanyang harapan ngayon ay ang kaibigan ni Andrei.
Ang kaibigan nitong, boring ang dating at halatang walang magkakainteres na babae. Tama na! Hindi na raw siya babalik pa sa isang Ricky Mendez.
"Andrea... Gusto kitang ligawan!" biglang winika ni Ricky na ikinabigla ni Andrea.
Hindi alam ni Andrea kung ano'ng mga salita ang kanyang narinig o kung si Ricky Mendez ba ang nagsalita.
"A-ano? Ano'ng sabi mo Mendez?" tanong ni Andrea habang nakakunot ang noo sa binata.
"Gusto kitang ligawan," muling sagot ni Ricky at seryoso ito.
Si Andrea, biglang napatawa. Kung hindi lang niya birthday ay baka raw sinampal na niya ang binatang nasa harapan niya.
"Are you crazy Mendez? Saan mo nakukuha ang lakas ng loob mong iyan? Hindi ganyan ang Mendez na nakilala ko," ani Andrea na medyo napataas ang boses. Napatingin pa nga ito sa may daanan kasi baka biglang pumasok ang mama niya.
Tumayo ito at naglakad.
"Pumunta ka nga sa likod," seryosong sabi ni Andrea kay Ricky at ang dalawa nga ay nagpunta sa likod ng bahay, sa may basketball court.
Pagdating nilang dalawa doon ay siya namang pagtingin ni Andrea nang masama kay Ricky.
"Kung iniisip mong magkakabalikan pa tayo. Please, itigil mo iyan! Wala na. End na tayo. Saka, saan ka nakakakuha ng lakas ng loob na iyan?"
"Binabasted na kita! So please, stop saying those non-sense words sa akin. Okay na tayo! Okay na ako sa ganito tapos out of the blue, sasabihin mong liligawan mo ako?"
"Baliw ka Ricky! Please, birthday ko ito. Huwag kang ano!" wika ni Andrea na tila naiinis sa titig sa kanya ni Ricky.
Nababalot ng kaba si Ricky sa sinabi niyang iyon. Pero kailangan niyang gawin iyon. Hindi dahil gusto niya... kundi ito ang gusto ng mama ni Andrea. Ito ang request sa kanya nito... ang ligawan at maging girlfriend muli ang anak nito.
Ang babaeng kanyang niloko. Ang babaeng palaging nasa tabi niya noon. Ang babaeng pinaiyak niya at ang babaeng unang nagturo sa kanya ng basketball.
"Kahit ilang beses mo akong ipagtabuyan at i-reject. Liligawan kita sa ayaw at sa gusto mo..."
Nagdilim ang paningin ni Andrea at napakuyom ng kamao nang marinig iyon. Naiinis siya sa ipinapakita ni Ricky nang mga sandaling iyon. Alam din niyang napipilitan lang ito sa ginagawa nito.
"Ewan ko sa 'yo. Napaka-wrong timing mo! Kapag itinuloy mo iyan... Hindi na kita papansinin. Bahala ka nga!" naiinis na wika ni Andrea at pagkatapos ay iniwanan niya ang binata sa labas. Pumasok na siya sa loob ng bahay at dumiretso sa loob ng kwarto kung saan naroon ang mama nito na hinihintay siya.
Napasandal naman sa gilid ng bahay si Ricky matapos iyon. Parang nanghina siya sa kanyang pinaggagawa. Labag iyon sa kagustuhan niya, pero nasabi na niya. Ang dapat na lang niyang isipin ay kung magagawa ba niyang panindigan ang sinabi niyang iyon sa dalaga.
"Kaya ko ba itong panindigan?" tanong niya sa kanyang sarili na napatingin na lang sa malayo.
"Kaya ko! Kaya ko!”