BAGO umalis ang mga players ng barangay Canubing 1 kinagabihan, ay nag-goodluck si Ricky sa mga ito. Hindi na siya makakasama para panoorin ang laro dahil tutulungan niya ang kanyang nanay sa paggawa ng ibebenta nitong kakanin para bukas ng umaga.
"Next game Kap! Manonood na ako!" masayang winika ni Ricky sa kanilang kapitan na halata sa itsura na nanghihinayang pa rin sa kanya. Maging ang mga nasa team ay ganoon din... pero kung ayaw ni Ricky, wala na silang magagawa dahil iyon ang kagustuhan nito.
Nang gabi ring iyon, nabasa niya ang chat ni Andrei. Pinapapunta siya nito sa bahay nila bukas.
"Pre, punta ka ri2. Bday ni ate. Tayo-tyo lang nman. Nd hilig ni ate na mghanda. Iyong mga frends nito, pu2nthan niya raw bukas at kakain cla sa labas," chat ni Andrei sa kanya.
Napabangon si Ricky, hindi niya alam na birthday ni Andrea.
"Punta k pre ng mga 9am. Tulungan mo q. Ipaglu2 natin ang ate," chat pa muli ni Andrei.
Tinanong naman ni Ricky kung pupunta sina Mike at Roland, kaso hindi raw kasi may gagawin ang mga iyon.
"Tau lang?" chat ni Ricky na nagdadalawang-isip dahil tatatlo lang sila.
"Mauwi si Mama, galing Manila. 22lungan tau... Di nga alam ng ate. Haha! Surprise daw."
Napatingin sa malayo si Ricky nang mabasa iyon. Kailan nga ba niya huling nakita ang mama ni Andrei? Noong birthday ni Andrei.
Kilala siya ng mama ng kanyang kaibigan, pero hindi niya alam kung nakwento kaya ni Andrea na naging sila nito. O kung nakwento ba ng dalaga ang nagawa niya rito. Sa pagkakaalam niya, close si Andrea sa mama nito. Minsan nga ay nakikita niyang kausap ng dalaga sa phone ang mama niya nang minsang nagkakasama pa sila.
Napailing na lang si Ricky nang mga sandaling iyon. Natatawa siya dahil bigla siyang kinabahan. Ano ba ang dapat niyang ikakaba? Para siyang sira na humiga at tumingin sa itaas na tila ba lumalampas ang paningin niya sa bubong ng kanyang bahay.
"Hoy! punta ka! 9am. msarap kng mgluto. ikaw mgluto ng isa sa pboritong ulam ni ate... Tinola."
Nang mabasa ni Ricky iyon ay napailing na lang siya. Hindi na nga niya maalala kung kailan ba siya huling nagluto. Mula nang mag-basketball siya, ay parang wala na.
"Hnd n yta aq marunong mgluto pre? Hahaha!" reply ni Ricky sa kaibigan.
"Gagu! Bsta bukas, ready na ang sangkap pgdating mo rito. Ska, mauwi rin sa tanghali ang ate. Di nun trip gumala pg bday nun! Usapan iyan!"
Napa-oo na lang si Ricky sa chat na iyon ni Andrei. Pagkatapos noon ay nag-offline na siya.
Bago siya mapunta sa basketball, isa siyang binata na palaging nasa kusina. Isa sa hobby niya dati ang pagluluto at palagi siyang nagpe-presinta na magluto ng kanilang mga ulam dito sa bahay. Hindi niya ipinapaalam sa iba ito, hanggang may isang beses ay napaglutuan niya sina Andrei ng kaldereta nang minsang kumain ang mga ito sa kanila.
Kaso, nang mag-pokus siya sa basketball, naging bihira na niyang gawin iyon.
"Marunong pa ba akong magluto?"
Natatawa na lang mag-isa si Ricky. Hindi ba niya alam kung alam ba ni Andrea na nagluluto siya o kung nai-kwento ba iyon ni Andrei rito. Pero wala rin namang nababanggit ang dalaga sa kanya tungkol doon dati, kaya siguro'y hindi iyon alam nito.
*****
KINABUKASAN, araw ng Lunes, alas-otso pa lang ng umaga ay nagpunta na kaagad siya kina Andrei. Pagdating niya sa bahay ng kaibigan ay nakita niya si Andrei na nasa labas ng bahay at patingin-tingin sa labas.
"Bilisan mo! Magluto ka na, uuwi si ate ng 11," wika ni Andrei sa kanya na agad siyang pinagbuksan ng gate at pinapasok kaagad sa loob ng bahay. Nakita niya sa pagpasok niya ang yaya ng kanyang kaibigan na naglilinis ng salas.
Dinala nga kaagad siya ng kanyang kaibigan sa kusina nila at doon ay naabutan niya ang mama ng kanyang kaibigan na tila may bini-bake.
"Ma, itong si Ricky, masarap itong magluto. Promise! Quality!" pagmamalaki ni Andrei kay Ricky nang pumasok sila sa kusina.
Si Ricky, napatingin sa kaibigan. Parang kinabahan siya kasi, pakiramdam niya ay dapat masarap talaga ang magawa niya.
"Totoo ba iyon? Ricky, right?" tanong ng mama ni Andrei sa binata habang naglalagay ng kung ano sa isang tray.
"P-po? H-hindi naman po. Marunong lang. Baka po mag-expect si Andrea na masarap iyong uulamin niya," tugon ni Ricky na natatawa na lang.
"Sige na pre, simulan mo na. Lampas 9 na. Kapag need mo ng maghihiwa ng bawang at sibuyas. Sabihin mo sa akin," wika ni Andrei na dinala si Ricky sa mga sangkap na binili niya kanina nang umalis ang kanyang ate nang alas-otso.
"May kulang," wika bigla ni Ricky nang pagmasdan niya ang mga binili ng kanyang kaibigan.
"H-huh? Ano iyon pre?" tanong agad ni Andrei at ang mama niya ay napatingin sa kanila.
"Wala kang biniling talbos ng sili," wika ni Ricky na kinuha ang papayang binili ng kaibigan. Tiningnan niya iyon at tila ba kinikilatis ito. Hinipo-hipo rin niya ang manok.
"Bumili ka na agad Andrei ng chili leaves, baka meron diyan sa may talipapa," wika ng mama ni Andrei rito at mabilis itong umalis.
"Una muna ako pre," wika ni Andrei na nagmadaling umalis. Maya-maya pa'y narinig ni Ricky ang pagbukas ng gate at pagbusina ng kotse ng kanyang kaibigan.
Naiwan si Ricky at ang mama ni Andrei sa loob.
Parang kinabahan si Ricky nang hindi inaasahan.
"Ricky, rare sa mga boys ang marunong magluto. Iyang si Andrei, 'di marunong," wika ng mama ng kanyang kaibigan na binuksan na ang oven na gagamitin sa gagawin nitong cookies.
"Same kay Andrea. Mukhang namana nila sa akin iyon," dagdag pa nito habang naghuhugas ng kamay sa lababo. Napatawa pa nga ito nang bahagya.
"Ang papa nila ang marunong magluto sa family. Never akong mag-try magluto para kina Andrei, kasi, I know, hindi nila kakainin," wika pa muli ng mama ni Andrei na kasalukuyang nagpupunas na ng kamay.
Si Ricky, kinuha na ang mga bawang at sibuyas. Hinugasan din muna niya ang ilang sariwang sangkap.
Sinimulan na nga niyang hiwain ang bawang gamit ang kutsilyo. Marahan lang iyon, pero pulido nang makita ng mama ng kanyang kaibigan.
"Okay lang po iyan, marami namang ibang luto na madaling gawin. Kagaya ng mga prito," wika ni Ricky na medyo nagbiro rin.
"Yap, kaso, may times na nagiging sunog luto ko. Kaya nga pinapalayas ako ng papa nila sa kusina. Pang-baking lang daw ako," wika ng mama ni Andrei na umupo sa harapan ng lamesang ginagamit ni Ricky.
"Sa inyo po siguro namana ni Andrea ang paggawa ng cookies. Masarap po siyang gumawa," sabi naman ni Ricky at biglang napatingin sa kanya ang mama ni Andrea.
"Really? Pinatikim ka ni Andrea ng baked cookies niya?"
Napatingin si Ricky sa mama ng kanyang kaibigan at parang kinabahan siya dahil seryoso itong nakatingin sa kanya.
"B-bakit po?" tanong ni Ricky matapos ilagay sa isang maliit na platito ang mga ginayat niyang bawang at sibuyas. Isinunod naman niyang balatan ang papaya. Pulido rin niya itong ginayat at maayos na inilagay sa isang lalagyan.
"Nagulat lang kasi ako. Ako lang ang pinapatikim niya ng kanyang na-baked. Si Andrei at ang papa nila, ninanakawan lang siya tuwing gagawa siya noon," nakangiting wika ng mama ng kanyang kaibigan.
Si Ricky, napalunok sa sinabi ng mama ni Andrea. Tapos, napansin bigla niyang walang luya.
"W-wala pa po palang luya," wika ni Ricky.
"Wait, tawagan ko si Andrei," ani naman ng mama ng kanyang kaibigan na tumayo agad para kuhanin sana ang phone nito.
"H-h'wag na po tita. Ako na lang po, may malapit naman pong tindahan diyan sa may labas," wika ni Ricky na nagmadaling lumabas at nagpaalam sa ginang.
Napangiti na lang nga ang mama nina Andrei nang makitang nagmamadaling tumakbo ang binata palabas. Naisipan pa nga nito na nalimutan niyang bigyan ito ng pambili, kaso, huli na rin naman dahil malayo na si Ricky.
Mga ilang minuto ay bumalik agad si Ricky na humahangos. Hinihingal ito kaya agad itong uminom ng tubig mula sa gripo.
"O? What happened to you?" biglang tanong ng mama ni Andrei na biglang pumasok muli sa kusina.
"S-sarado po pala iyong tindahan diyan sa tapat, sa may kanto po ako bumili," natatawang wika ni Ricky na kinuha ang panyo sa bulsa ng pantalon nito at pinunasan ang sarili.
"Tinakbo mo lang?" gulat na tanong sa kanya.
"O-opo?" wika ni Ricky na mabilis na ginayat ang luya.
"Ang bilis mong bumalik iho?" takadong tanong uli sa kanya.
"Basketball player po kasi ako. Kaya po siguro, mabilis akong nakabalik," sagot ni Ricky na sinimulan nang ayusin ang paglulutuan. Binuhay na niya ang electric stove matapos mahugasan ang manok na ginayat niya kanina.
"Really? You are playing basketball?"
"Ba't wala akong maalala na naglalaro ka niyan? Matagal ka nang kaibigan ni Andrei ah," wika ng mama ni Andrei sa kanya.
"Ngayon lang po ako nag-start ng basketball. Noong una po mahirap, pero nasanay na po ako," wika ni Ricky matapos isalang ang kalderong paglulutuan niya.
"Hmmm. So kumusta ang paglalaro ng basketball?"
Tanong uli kay Ricky na ikinangiti ng binata.
"Masaya pong maglaro ng basketball. Iba po. Si Andrea nga po ang nagturo ng depensa sa akin. Siya po ang reason kaya ako napili sa try-out ko sa CISA," wika ni Ricky na sinimulan nang lagyan ng mantika ang kaldero. Nang uminit na iyon ay inilagay na niya ang sibuyas at bawang. Maya-maya ay inilagay na rin niya ang ginayat niyang luya.
"I think, may mga bagay na hindi sa akin nasasabi si Andrea," wika ng ginang na bahagyang napangiti habang nakatingin sa binatang nagluluto sa kanyang harapan.
"Maiwan na kita iho. Sarapan mo ng luto. Kasi si Andrea ang unang titikim niyan," wika pa nito at si Ricky napalingon na lang kaso, wala na roon ang mama ng kanyang kaibigan. Nakalabas na ito.
Dito na nga sinimulan ni Ricky na lutuin ang tinola. Inilagay na niya ang manok at nilagyan iyon ng tubig. Umupo muna siya saglit at hinintay na kumulo ito.
Dumating na rin nga si Andrei. Napatingin naman si Ricky sa relo at nakita niyang lampas 10 na. Hindi na nga rin niya namalayang maraming minuto na ang lumipas. Iyon ay dahil sa pakikipagkwentuhan niya nang kaunti sa mama ng kanyang kaibigan.
Iyon ang unang beses na makausap niya ito nang medyo mahaba. Kahit na palagi siyang narito ay hindi niya iyon nagagawa.
"Ano pre? Mukhang masarap ah?" tanong ni Andrei na lumapit sa hinahalo ni Ricky. Inilagay na rin nito ang papaya. Nilagyan na rin niya ito ng patis at paminta.
Tinikman niya ito at pagkatapos ay muli niyang dinagdagan ng patis. Tinakpan mga niya uli iyon habang kumukulo.
"Hindi ko pre alam. Huwag mo sasabihin sa ate mo na ako ang nagluto ah," wika ni Ricky na sandaling ibinaba ang sandok at hinugasan na niya ang talbos ng sili. Pinagtatanggal niya ang dahon niyon at inilagay sa isang tabi.
"Bakit naman? Nahihiya ka?" natatawang tanong ni Andrei at si Ricky ay sumeryoso bigla.
"Sira-ulo! Basta, nakakahiya. Bakit kasi ako pa ang pinagluto mo? Mamaya, magalit sa akin iyon. Alam mo naman," wika ni Ricky na muling binuksan ang takip ng niluluto. Lumabas ang usok noon at humalimuyak sa paligid ang kaunting amoy rito.
Si Andrei, inalis na ang saksak ng rice cooker na nasa gilid lamang, dahil luto na ang kanin.
"Alam mo pre, tapos na iyon. Okay na ang lahat. Saka, mukha namang good boy ka na, kaya no problem sa akin," nangingiting wika ni Andrei. Gusto kasi niyang magkaayos ang dalawa. Hindi man bilang magkasintahan, kahit magkaibigan man lang, lalo't parehong hilig ng dalawa ang basketball.
Tumunog ang cellphone ni Andrei. Parating na raw ang ate nito.
"Pauwi na ang ate. May kasama raw siya," wika ni Andrei.
"S-sino?" biglang tanong ni Ricky habang inilalagay ang dahon ng sili sa niluluto.
"New friend daw niya," sagot ni Andrei.
*****
SINIMULAN na nilang ihain ang kanin at ang ulam na luto ni Ricky sa lamesa. Narinig na nga nila ang pagbukas ng gate. Lumabas agad ang mama ni Andrei at nagpakita sa dalaga.
"Happy birthday anak!" nakangiting wika nito.
"M-mama!" bulalas ni Andrea na nagmadaling tumakbo sa nanay nito at binigyan agad niya ng mahigpit na yakap.
"You didn't told me na uuwi ka?" wika ni Andrea na agad ding kumalas sa pagkakayakap.
"Surprise, may gift ako sa 'yo. Nasa room mo," wika ng mama ng dalaga.
Sina Ricky at Andrei, biglang napatingin sa kasama ni Andrea. Pormado iyon at gwapo. Matangkad din at maayos na nakasuklay ang buhok. Naka-plain black shirt din ito at puting shorts.
"Whose this handsome guy, anak?" tanong agad ng mama nila sa dalaga.
"Ma, meet Francis, new friend ko!" masiglang wika ng dalaga at pagkatapos ay may ibinulong ito sa kanyang mama.
"Hi! Tita, ang ganda n'yo po," wika nito na may maginoong boses.
Ngumiti naman ang ginang at nagpasalamat.
Si Ricky, napangiti na lang.
"Pre, CR lang ako," nakangiting wika ni Ricky kay Andrei.
"S-sige, okay ka lang pre?" natatawang tanong ni Andrei na binigyan ng makahulugang ngiti ang kaibigan.
"Sira ulo! Oo naman!" sabi ni Ricky na mabilis na pumunta ng CR.
Pagpasok nina Andrea ay sinalubong ito ni Andrei.
"Ate, new boyfriend mo?" tanong ng binata.
Si Andrea, napatingin sa mama niya.
"No! Friends lang kami nito."
"Francis, meet Andrei, kapatid kong usbaw," pagpapakilala ni Andrea at napatawa ito bigla.
"Hanep ka ate, ganyanan na?" ani Andrei.
"Nice meeting you bro," wika naman ni Francis at nakipagkamay ito kay Andrei.
"Magbihis ka na iha, at samahan mo kaming kumain. Nagluto kami ng favorite mo..." wika ng mama nila.
"Tinola!" masiglang sabi pa nito at si Andrea ay napangiti agad.
"R-really? Tamang-tama pala at kaunti lang kinain ko kanina," natatawang sabi ni Andrea na nagmadali nang pumunta sa kwarto nito.
Iniwanan niya si Francis at sinabi naman ng mama nila na pumunta na ito sa kusina para kumain.
Si Ricky, nakalabas na ng CR, pero naisipan muna niyang pumunta sa likod ng bahay nina Andrei. Parang nakaramdam siya ng hiya na pumasok sa loob, lalo na nang nakita niya ang kasama ni Andrea.
Napatingin siya sa court at sa bola sa ibaba ng basket ring. Tila may kung ano siyang naalala na nagpaseryoso ng kanya.
Samantala, nakabalik agad si Andrea sa kusina dahil excited na siyang matikman ang tinolang niluto para sa kanya.
"Ma, kayo nagluto? Hindi ko siya titikman if kayo?" pabirong tanong ni Andrea na nakasuot na ng pambahay. Isang simpleng tshirt na may apelyido niya sa likod at shorts. Nakapuyod din ang buhok nito nang maayos.
"Mamaya ko mama bubuksan iyong gift mo. Mas na-excite ako sa tinola na pinaluto ninyo for me," dagdag pa ng dalaga.
"Someone cooked it for you," nangingiting wika ng mama nito.
Napakunot ang noo ng dalaga nang marinig iyon.
"Ah, baka si yaya," sabi nito at sinulyapan ang nakaupo sa gilid na si Francis.
"Huwag ka mahihiya Francis," nakangiting wika pa nito habang si Andrei naalala bigla si Ricky na magsi-cr daw.
"Ma, tikman ko nga," ani Andrea matapos itong umupo.
"Go!" ani ng mama niya at napatingin ito kay Andrei.
"Saan ka pupunta Andrei? Umupo ka na," ani pa nito.
"Opo mama, hanapin ko lang 'yung chef," pabirong wika ni Andrei na agad umalis.
Si Andrea naman ay kumuha na ng sabaw gamit ang kutsara sa tinolang nakalagay sa isang maliit na tasa na nasa harapan niya. Doon nga ay tinikman niya iyon.
Naubos niya ang laman ng kutsara sabay tingin sa mama niya.
Muli siyang kumuha ng sabaw at hinigop iyon. Napatingin uli siya sa mama niya at biglang napangiti.
"Ma! Sino nagluto nito? Hindi si yaya ang nagluto nito?" nagtatakang tanong ni Andrea sa mama niya na napapangiti sa kanya.
"Bakit anak? Ano’ng taste?"
Muling humigop ng sabaw si Andrea.
"Kay papa lang ang masarap na tinola na natikman ko. Pero, this is not Papa’s!"
"So, ano ang verdict ng anak ko sa tinola na iyan?" nakangiting tanong uli ng mama niya.
"Cooking show ba ito 'Ma?" natatawang tanong ni Andrea na inubos na ang sabaw ng tinolang nasa harapan niya.
Kinain rin niya ang manok na nasa tasa at pagkakagat dito ay napatingin muli siya sa kanyang mama.
Malambot ang laman, at malinamnam. Parang may kung anong pumitik sa dila niya at nang nguyain niya iyon ay napangiti siya nang hindi namamalayan.
"Mama! Sino'ng nagluto nito!? Ang sarap! This is the best tinola na natikman ko! Sino nga!? Imposibleng si yaya and imposible lalong kayo ni Andriano!"
"Ipakilala mo ako sa nagluto nito! Gusto ko siyang makilala! Ma! Huwag mo akong ngitian," wika ni Andrea at hinawakan na sa braso ang mama niya.
Doon nga ay pumasok na si Andrei kasama si Ricky. Nagulat naman si Andrea rito.
"Ate, inimbita ko si Ricky," wika ni Andrei na napapangiti.
"Ay bongga, si ex mo!" biglang naibulalas naman ni Francis sa dalaga.
Ang mama ni Andrei ay nabigla sa pagkarinig ng salitang ex, habang si Andrei ay nagulat sa unang dalawang salita na sinabi ni Francis.
"Ex mo si Ricky?" wika ng mama ni Andrea.
"Isa kang..." sabi naman ni Andrei habang nakatingin kay Francis na nakatitig sa kanya.
Si Andrea, hindi maintindihan kung matatawa o hindi. Pero bago pa man siya mag-react sa mama niya at sa kanyang kapatid, ay naalala muli niya ang lasa ng tinolang nasa kanyang dila pa rin.
"Ang gusto kong malaman ay kung sino ang nagluto ng tinolang ito?" nangingiting tanong ng dalaga.
Napatingin si Andrei at ang mama nila sa dalaga.
"Si Ricky ang nagluto niyan," sabay na sabi ng mag-ina. Kasabay noon ay napatili nang mahina si Francis habang nakatingin sa kaibigang si Andrea.