Bola 8

2195 Words
DALAWANG araw bago magsimula ang inter-barangay sa Calapan.   Karamihan sa labing-anim na barangay ay naghahanda na para sa torneyo. May ilan ngang kumuha pa ng import mula sa ibang bayan at pinapalabas na taga-rito ito. Bawal daw iyon, pero hindi naman ito nagagawan ng paraan upang mapigilan ng City, kaya sa huli, nakasanayan na rin lang ito ng mga kasali.   Ang mga import na ito ay binabayaran nila upang maglaro para sa kanilang koponan. Ilang team lang din naman ang gumagawa nito, at ang mga ito ay kadalasang ang malalaking barangay tulad ng Lalud at ng Defending-champion na Barangay Camilmil.   Umaga nang muli at ginawa ni Ricky ang tipikal niyang ehersisyo at practice tuwing ganitong oras, pagkagising. Dama niya ang medyo sakit ng kanyang tagiliran dahil sa laro niya kahapon pero ayos lang daw iyon sapagkat hinahanap daw ito ng kanyang katawan... ang sakit sa katawan na dulot ng paglalaro ng basketball. Ramdam din niya ang sugat sa kanyang tuhod, ngunit kaya naman niyang maglakad nang maayos sa kabila nito.   Nilampasan niya ang bahay kung nasaan ang aso na palaging hinahabol siya, ngunit kakaiba nang umagang iyon dahil nakasara lang ang gate ng lugar na iyon. Nilingon pa nga ni Ricky nang bahagya ang loob noon pero walang tahol siyang narinig mula roon. Naninibago siya, pero ayos lang din naman daw sapagkat hindi siya tatakbo nang mabilis. Isa pa, masakit pa raw nang bahagya ang kanyang hita kaya medyo umiinda siya habang tumatakbo at nagdi-dribble ng bola.   Pagdating niya sa court na malapit sa kanila ay agad siyang nag-practice ng shooting. Naalala niya ang nangyari kahapon. Hindi niya iniisip na dinaya siya ni Baron, dahil sa ibang laro, may mga pagkakataon talagang mangyayari iyon.   "At para hindi masira ang laro mo... Ikalma mo ang sarili mo kahit inaasar ka ng iyong kalaban. Hayaan mong ang laro mo ang magpakilala sa iyo. Hayaan mong ang kakayahan mo ang magpatahimik dito!"   Naalala ni Ricky ang sinabing iyon ni Macky. Iyon nga ang ginawa niya kahapon, kaso, masyadong malakas si Baron at sanay na sanay na ito sa pagba-basketball kung titingnan.   Isa pa, naka-tsinelas lang at maong ang kanyang kalaban, paano pa kaya kung naka-jersey ito?   "Ibig-sabihin, marami pa akong bigas ba dapat kainin para matalo si Kuya Baron," wika ni Ricky at mula sa kinatatayuan niya, binitawan niya ang isang jump shot.   Pumasok iyon sa basket nang walang kahirap-hirap. Ang bola nga ay dumiretso sa baba at tumalbog papalayo.   Tinakbo na iyon ni Ricky nang bigla na lang may isang lalaki ang lumitaw mula sa madilim na bahagi ng court.   Kinuha ng lalaki ang bola at ngumisi kay Ricky.   "Kuya Baron? Ano'ng ginagawa mo rito? Maglalaro ka?" wika ni Ricky rito na hindi man lang nagulat o nabigla sa paglitaw nito mula sa kung saan.   Pinatalbog ni Baron ang bola at pinagmasdan ang binata na nakangiti na parang sira sa kanya. Napuyat siya dahil sa lalaking ito. Hindi siya kaagad nakatulog dahil sa laro niya kahapon.   "Bakit ka umalis sa barangay team? Hindi ko naman sinabing gawin mo iyon?" seryosong tanong ni Baron sa binata. Bago siya makauwi sa kanila ay aksidente niya itong narinig mula sa mga lumalabas na tao mula sa barangay court. Kahit nga kilala siyang mahilig mang-asar at magyabang, tila ba may kung anong bagay ang nag-alis noon nang makita niya si Ricky sa court na ito nang ganito kaaga.   "E kuya, natalo ninyo ako. Isa pa, ako ang nagsabi noon, kaya ginawa ko bilang isang lalaki..."   Napatingin sa malayo si Ricky at may sandaling naalala.   "Gusto ko kasi kuyang magkaroon ng paninindigan sa mga bibitawan kong salita. Isa pa, natalo ninyo ako. Masyado akong mayabang kasi hinamon ko kayo... Kaya, okay lang siguro ito bilang punishment," wika pa ni Ricky na natatawa pa pagkatapos noon.   "Bakit ka nagpasalamat sa akin kahapon? Ano'ng dapat mong ipagpasalamat sa marumi kong laro? Isa pa, hindi ka man lang ba nabwiset sa akin?" tanong muli ni Baron kay Ricky. Hindi kasi niya maisip kung paanong ang may isang tulad ni Mendez ang gagawin iyon.   Nasanay siyang nagagalit o naiinis sa kanya ang mga tinatalo niya. Nasanay siya na madalas ay hinahamon siya ng suntukan tuwing matatapos ang mga larong tulad noon. Pero iba nang ang binatang ito ang kanyang tinalo sa harapan ng mga manonood.   Si Ricky, biglang inagaw ang bola mula sa mga kamay ni Baron. Pagkatapos ay pinatalbog nito ang bola at umatras.   Imbis na sagutin niya ang tanong ni Baron ay isa ring tanong ang ibinato nito rito.   "Kuya, hindi ba masayang maglaro ng basketball?"   Biglang humarap si Ricky sa basket at mula sa posisyon niya na malapit sa three-point line ay pinakawalan niya ang bola. Umarko ang bola mula sa pinulsuhan niyang kanang kamay at pagkatapos, ang bola ay pumasok ito sa loob ng basket nang walang kasabit-sabit.   "Tss... Sige, aalis na ako. Bumalik ka Ricky sa barangay team. Samahan mo ang mga gurang na iyon. Magaling ka. Baka mapag-champion mo ang Canubing 1," wika na lang ni Baron at pagkatapos ay seryosong tumalikod mula kay Ricky. Nagsimula na itong lisanin ang court.   Naisip niyang bakit nga ba siya nagbabait-baitan gayong hindi naman siya mabait? Hindi magandang halimbawa ang tingin ng lahat sa kanya. Isa siyang walang kwentang taga-Canubing na nambuburaot sa kung sino-sino.   Alam niyang iniisip ng lahat na nagda-drugs siya... pero ang totoo, ni minsan ay hindi niya iyon ginawa. Nagpa-tattoo siya noong labing-limang taong gulang siya kasi gusto niya. Naglagay siya ng aritis sa tainga kasi gusto niya. Ginawa niya iyon dahil malaya siyang gawin ang kanyang gusto.   Naging mayabang siya dahil iyon ang tingin sa kanya ng lahat. Bigla nga niyang naalala nang minsang pumunta siya bayan para bumili. Isang ale ang nakalaglag ng wallet noon, dinampot niya iyon at hinabol para isauli ito, ngunit imbis na pasalamatan siya... ay ipina-blotter pa siya ng matandang iyon. Nahusgahan siya dahil sa pagkakaroon niya ng tattoo at aritis. Napagsalitaan niya tuloy nang hindi maganda ang aleng tinulungan niya.   Magmula noon ay naisipan na niyang huwag tumulong. Tumutulong pa rin siya ngunit ito ay sa mga taong hindi siya hinuhusgahan at bibihira na ang mga ito.   Wala na siyang mga magulang noon pa man. Tanging ang kuya niya ang kasama niya sa bahay. Pero wala ang kanyang kuya mula nang mag-ibang bansa ito at ang asawa’t pamangkin na lang niya ang kanyang kasama. May nakakain naman siya dahil sa kanyang kapatid.   Isang bagay rin ang hindi nawawala sa kanya, iyon ay ang paglalaro ng basketball. Kahit ilang ulit siyang husgahan, hinding-hindi siya humihintong maglaro nito.   Dumadayo siya ng kanyang mga tropa sa iba't ibang barangay para makipagpustahan. Maraming beses na nga siyang napapaaway dahil sa pagiging mayabang niya at alaskador, ngunit kung susuriing mabuti ang bawat laro ni Baron.   May talento talaga ito. Malakas itong maglaro. May kakayahan itong maging isang magaling na player kung gugustuhin nito.   Noong hindi pa siya tumitigil sa pag-aaral, nakakasali lagi siya sa basketball team ng paaralang papasukan nito. Kaso, dahil sa ugali nito... marami itong nakakaaway.   Noong una naman ay hindi ganito si Baron, kaso, noong nasa edad itong walo, nang magsimula na itong mag-aral ng basketball. Dito siya nakaranas ng mga pang-aalaska mula sa mas matanda sa kanya at nang ilang kaedadin niya dahil sa pagiging bano niyang maglaro.   Magmula noon, nag-practice na nang nag-practice ang binata hanggang sa hindi nito namamalayan na naging magaling na siyang player. Dahil sa paggaling niya sa paglalaro, nagsimula na niyang tingnan nang mababa ang mga natatalo niya.   "Masaya bang maglaro ng basketball?"   "Syempre hindi! Paano ako magiging masaya kung mga walang kwenta ang kasama ko?"   Iniisip iyon ni Baron, pero bago pa man siya tuluyang makalabas ng court ay bigla na lamang nagsalita si Ricky.   "Nakita kita kuya kahapon na ngumiti. Nang idakdak mo ang bola sa basket..." wika ni Ricky na ikinahinto ni Baron.   "Hindi ba kuya? Masayang maglaro ng basketball!" wika pa ng binata na nagpadilim ng paningin ni Baron.   "Ano ba iyan Baron, wala ka na namang kasamang magulang. Ang kuya mo naman hindi ka iniintindi," wika ng teacher nito noong elementary siya.   Halos taon-taon ay ganun ang nangyayari kapag Parent's Week o kung kailangan na kasama ang magulang sa paaralan para sa ilang events.   Palaging nag-aaway ang nanay at tatay niya noong bata pa siya. Ni hindi na nga sila naiintindi nito dahil babaero ang kanyang tatay habang ang kanyang nanay ay may lalaki ring iba.   Noong una ay ayos pa sila kaso nang nagtagal ay nawasak na ang pamilya nila. Naghiwalay ang kanyang mga magulang at napabayaan silang magkapatid.   Sinusustentuhan pa rin naman sila noong una, ngunit nang makapagtrabaho na ang kanyang kuya, ay hindi na sila tumanggap ng kahit anong tulong mula sa mga magulang nila na masaya na sa bago nitong mga pamilya.   Palagi siyang nag-iisa at palagi siyang inaasar ng kapwa bata dahil wala siyang magulang.   Tuwing uuwi siya ay sa court ng Canubing siya tumatambay. Palagi lang siyang nanonood ng nagba-basketball dito. Hanggang isang araw, tumalsik ang bola papunta sa kanya.   "Bata, iabot mo rito ang bola," wika ng isang naglalaro. Pawisan na ang mga naglalaro sa loob, pero kahit ganoon ay nakikita ni Baron na masayang naglalaro ang mga ito.   Bago ibato ni Baron ang bola ay pinagmasdan muna niya ang bola niyang hawak. Doon ay bigla niyang inihagis ang bola papunta sa ring. Bastahan lang iyon. Medyo malapit din naman siya sa basket sapagkat naglakad siya paloob para iabot sana ang bola sa mga naglalaro.   Pinagmasdan niya ang bola at biglang dumiretso iyon sa loob ng ring. Sa pagpasok noon, doon na biglang napangiti ang batang si Baron. Nakita na niya ang isang bagay na mag-aalis sa kanya sa reyalidad. Ang isang larong magpapasaya sa kanya... Ang basketball!   Kahit na hindi siya magaling noong una at kahit na madalas siyang paglaruan ng mga kalaro... ay nagpakahirap siya para lumakas. Pinagpaguran ni Baron na maging isang magaling na basketball player.   Kahit bente-kwatro na siya, hindi pa rin niya maiwanan ang basketball. Sapagkat ang larong ito... ito ang pansamantalang naglalagay ng panandaliang saya sa mapag-isa niyang buhay.   "Hindi ko alam ang sinasabi mo Ricky! Basta bumalik ka sa team ng barangay. Kakausapin ko si Kap para kuhanin ka uli," wika ni Baron na hindi pa rin naglalakad palayo.   "Sige kuya, sasali uli ako kung sasali ka rin sa team. Sayang kuya ang galing mo. Isa pa..."   "Iyon lang ang magpapabalik sa akin sa barangay team. Kung sasali ka rin!" seryosong winika ni Ricky na ikinatahimik sandali ni Baron.   "Ang kulit ng isang ito!" wika ni Baron sa sarili.   "Bahala ka! Hindi kita pipilitin kung ayaw mo," wika pa nito at tuluyan na siyang umalis ng court.   Sa pag-alis niya ay biglang sumagi sa isip niya ang binatang palagi niyang nakikitang naglalaro ng basketball sa loob ng court tuwing alas-kwatro ng umaga. Palagi niya itong nakikita magmula noong ikalawang buwan ng pasukan ng mga estudyante.   Hindi niya gaanong pinagpapapansin ang lalaking iyon pero tuwing gigising siya at maglalakad nang maaga para bumili ng mainit na pandesal sa sentro ay natatanaw niya ito na naglalaro. Minsan nga ay pasimple niya pa itong pinapanood.   "Isang baguhan," iyon ang nasambit ni Baron nang makita niya ang binatang palaging nagpa-practice sa loob ng barangay court.   Dito ay naalala rin niya bigla ang player na ikinwento sa kanya ni Trey Agoncillo. Nabanggit nito ang pangalang Ricky Mendez.   Kilala niya ang pangalang iyon, kapitbahay niya iyon at ilang lakaran lang mula sa kanila ang bahay. Ni minsan nga ay hindi niya nakikita iyon na naglalaro sa court, hanggang dumating nga ang araw na palagi na niya iyong nakikita roon. Tuwing umaga, kung saan madilim pa ang paligid.   Palaging nagpa-practice si Ricky Mendez... at kahapon, nakalaro niya ito. Hindi na ito ang baguhan na nakita niya noon. Nang larong iyon, nalaman niya kung bakit ito nabanggit ni Trey sa kanya nang matapos ang CBL.   "May isang player akong nakalaban. Ricky Mendez... Baka kilala mo? Magaling ang isang iyon at magiging delikado ang aming team kapag gumaling pa ang isang iyon..." wika ni Trey nang minsang pumunta ito sa bahay nila para sandaling mag-inuman ng ilang bote ng alak.   Habang papalayo si Baron ay narinig niya ang pagtalbog ng bola na nagmumula mula sa court. Ito rin ang tunog na tila musika sa pandinig niya tuwing nadadaanan niya ito kapag nagja-jogging siya sa umaga, kasabay ng pagbili ng pandesal sa sentro.   Napailing na lang si Baron matapos maalala iyon at tuluyan na nga siyang naglakad papunta sa bakery na ilang takbo pa mula rito.   *****   NAGSIMULA na ang Calapan Inter-Barangay, at nakalaban ng koponan ng Canubing 1 ang defending champion na Camilmil. Nabigyan nga kaagad ng talo ang barangay nina Ricky. Isang pagkatalo pa, at laglag na kaagad ang koponan nina Kap sa ligang ito.   Kinabukasan, mga alas-nuwebe ng umaga, bigla na lang bumukas ang pinto ng maliit na opisina ni Kap sa loob ng Barangay Hall. Pagkakita niya sa kung sino iyon ay napatayo siya bigla dahil isang hindi inaasahang bisita ang kanyang nakita.   "Kap! Isali nga ninyo ako sa team! Para lang sumali uli ang Ricky Mendez na iyon!" seryosong sinabi ni Baron sa kapitan na ikinagulat naman ng mga nakarinig noon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD