Bola 7

2863 Words
NAGULAT sina Kap sa ginawa ni Ricky. Hindi nila maisip na magagawa iyon ng binata sapagkat napanood  na nila ito sa CBL semis. Nakikita rin nila kung paano ito maglaro sa court nila rito, pero hindi pa nila nakikita na ganito ito gumalaw. Kinuha ni Kap ang binata para sa depensa ngunit sa ipinakita nito, mukhang may ibubuga na ito sa opensa.   Si Martin, naging seryoso habang pinagmamasdan si Ricky. Palagi niya itong nakakalaban sa 3v3 nila pero ni minsan ay hindi niya ito nakikitang gumalaw nang ganoon. Aminado siyang noong una ay parang wala itong ibubuga sa kanya, pero nitong huli, napapansin na niya ang unti-unting pinagbago ng laro nito.   Kinuha naman ni Baron ang bola at napangisi na lang sa ipinakita ni Ricky. Aminado siyang naisahan siya roon ng kanyang kalaban, pero, hindi na iyon mauulit pa.   "Ayos iyon totoy..." wika ni Baron na ipinasa muna ang bola kay Ricky. Pagkatapos ay ibinalik din ito sa kanya ng binata. Kanyang muli ang possession. May mangilan-ngilan na nga rin ang nagpupuntahan sa court nang oras na iyon sapagkat naririnig nila ang tunog ng tumatalbog na bola.   Seryosong tumayo sa harapan ni Ricky si Baron habang nakahawak sa bola. Walang ano-ano'y tumira na lang ito bigla mula sa posisyong iyon.   Hindi na iyon nagawang depensahan ni Ricky at nang lingunin niya ang bola ay dumiretso na iyon papunta sa butas ng ring. Narinig nga sa paligid ang tunog ng hinalit na net at ang bola ay tumalbog palayo.   "3-1!" sambit ni Baron dahil nasa three-point area ito. Si Ricky ay seryoso namang tumakbo para kuhanin ang bola. Hindi niya inaasahan iyon. Ibig-sabihin daw noon, may outside shooting din daw pala ang kanyang kalaban.   Pagkakuha ni Ricky sa bola ay ipinasa niya muna ito kay Baron. Doon ay tumakbo siya sa harapan nito at sa muli niyang pagsambot sa bola... ay siya namang mabilis niyang paglampas sa kanyang defender.   "Kailangang unahan mo ang iyong defender bago pa man ito mag-react. Ito ang magagawa mo laban sa mga matatangkad at mga malupit na babantay sa ‘yo," sabi ni Macky habang tinuturuan siya.   Si Baron, napalingon na lang dahil masyado siyang naging kampante. Pero hindi iyon hadlang upang malusutan siya ni Ricky. Ayaw na niyang muli pa iyong nangyari kanina, kaya naman, binilisan niya ang paghabol dito.   "Hindi mo na ako maiisahan toy," bulalas ni Baron na unti-unti nang nilalampasan si Ricky.   "Ang isang bagay na kailangan mong matutunan talaga ay ang dribbling at ball handling. Kung makakapanood ka ng mga laro sa Youtube nina Allen Iverson, Isiah Thomas ng 90's Pistons, Kemba Walker at kahit si Curry... Mga point guard sila na pinaglalaruan ang kanilang mga guwardiya nila gamit ito."   "Malakas ka para sa height mo, pero magkakaroon ka talaga ng defender na hindi mo matatalo kung lakas lang... kaya bago mo magawa ang mga itinuro ko sa iyong paraan ng pagpuntos..."   "Dapat magawan mo muna ng paraan kung paano mo ito magagawa sa totoong laban!"   Tumatatak sa isip ni Ricky ang mga sinabi sa kanya ni Macky. Lalo na nang mga oras na iyon, isang malakas na player ang kanyang defender. Biglang huminto ang isa niyang paa, dahilan upang mapatigil si Baron at mabilis nito siyang maharapan.   Narinig sa buong court ang mabilis na pagtalbog ng bola.   Pinatalbog ni Ricky ang bola mula sa isa niyang kamay patungo sa kabila. Ginawa niya ito habang nakaupo nang bahagya sa ere. Pinadaan niya iyon nang mabilis sa ilalim ng kanyang pwetan. Kasunod noon ay napansin niya ang pag-abante ni Baron palapit sa kanya na sinabayan niya nang bahagyang pagtalikod. Sinandalan niya ito upang hindi siya malapitan at pagkatapos noon ay bigla na lang tumalon si Ricky gamit ang kanang paa nito.   Dahil sa pwersa ng pagsandal ni Ricky, hindi kaagad nakatalon si Baron.   Napatingin ang lahat sa ginawa ni Ricky. Paatras itong tumalon at hinarapan ang basket, habang si Baron ay tatalon pa lamang. Isang one-foot fade away iyon!   "Isa sa pinakamahirap depensahan na jumpshot... Ang fade-away!" sambit ni Ricky sa sarili at doon ay pinakawalan niya ang bola. Hindi lang iyon, mas pinataas niya iyon sapagkat baka ito mabutaan ni Baron.   Si Baron, buong-lakas namang tumalon, ngunit walang naabot ang mahaba niyang braso kundi ang hangin sa harapan ni Ricky. Sa paglapag nga nito ay napatingin na lamang ito sa bola na kasalukuyan nang umaarko patungo sa basket.   Napahiyaw ang ilang manonood nang pumasok ang bola sa loob ng ring. Kasabay noon ay ang paupong pagbagsak ni Ricky sa court.   "Nagawa ko!" sabi niya sa sarili na napakuyom agad ang kanang kamay.   "Kailangan mong maging isang shooter at magaling na ball handler sa sunod na CBL!" seryosong sinabi ni Macky sa kanya habang tinuturuan siya nito.   Si Baron, naging seryoso matapos iyon. Kinuha niya ang bola at ipinasa iyon kay Ricky. Sa pagsambot niya sa bola ay siyang mabilis niyang paglampas sa binata.   "Hindi ako papayag na maisahan mo ako..." sabi ni Baron sa sarili. Hindi siya papayag na ilampaso ng kagaya ni Mendez na hindi naman katangkaran.   Ang lahat ng mga manonood ay nagulat nang biglang maglaho sa kamay ni Baron ang bola.   Na-steal ito ni Ricky!   "At isa pa Ricky... Huwag na huwag mong kakalimutan ang depensa!" wika ni Macky sa kanya.   "Oo. Hinding-hindi mawawala sa akin ang depensa..." sagot naman ni Ricky. Dahil sa depensa, nagawa niyang pasukin ang mundong ng larong ito. Kaya hinding-hindi niya aalisin iyon. Ang depensa!   Mabilis namang kinuha ni Ricky ang bola at sa paghawak niya roon ay mabilis niya iyong inilabas sa three-point arc. Si Baron, mabilis na tumakbo patungo roon. Naiinis na siya dahil naagawan siya.   "Tsamba lang iyan!" bulalas nito at buong-lakas na tumalon upang pigilan si Ricky dahil nakita niyang naka-porma ito na titira ng tres.   Pero mali siya!   Pinatalbog ni Ricky ang bola at humakbang pakaliwa. Doon ay mabilis siyang tumalon at pinakawalan ang bola mula sa kanyang mga kamay.   Bumalik sa alaala niya ang hindi na niya mabilang na three-point shots na araw-araw niyang ginagawa. Hindi lang ilang daan iyon, dahil mula nang pinag-aralan niya ito... libo-libong mintis at libo-libo na ring tres ang kanyang nagawa.   Ang sensasyong nararamdaman niya mula sa pulso ng kanyang kanang kamay tuwing gagawin niya ito... malinaw na niya itong na nararamdaman. Kabisado na niya ito. Sa sandaling malibre siya sa tres, wala nang makakapigil sa pagpasok ng bola sa basket.   Umarko ang bola sa ere at sa paglapag ng sapatos ni Ricky sa court ay ang pagkuyom ng kanyang kanang kamao.   Isang magandang tunog ng nahalit na net ang narinig ng lahat. Walang kasabit-sabit na pumasok ang bola sa basket.   3-4, lamang na si Ricky ng isang puntos.   Ang mga kasamahan ni Ricky sa barangay team ay napatayo mula sa pagkakaupo. Hindi nila makilala ang binatang pinaglalaruan si Baron. Hindi ito ang Ricky na napanood nila at hindi ganito maglaro ito kapag nakakalaro nila.   Hinihingal si Ricky matapos iyon. Ganoon din si Baron na naging seryoso matapos iyon.   "Magaling ang kalaban ko... Hindi ako dapat magpatalo..." wika ni Ricky sa sarili na humanda na para dumepensa.   Si Baron, seryosong pinagmasdan si Mendez. Napailing siya. Dito niya naalala ang kwento ng kanyang kakilalang player ng DWCC.   "Kung ganoon, ikaw pala ang Ricky Mendez na tinutukoy ng mokong na iyon," seryosong sinabi ni Baron sa kanyang sarili. Sandali pa siyang bumuntong-hininga.   "Pinapakitaan mo ako... Papakitaan din kita!" bulalas nito at ginulat nito si Ricky sa biglaang paglihis nito pakaliwa.   Si Ricky mabilis na dinikitan ito. Nararamdaman niya ang lakas ni Baron. Tila nag-iba ito. May diin na ang galaw nito. Dinala siya nito sa may basket. Sinandalan pa siya nito at pinostehan.   Sinubukan pa ni Ricky na labanan iyon. Ibinaba niya ang kanyang mga binti at inialalay ang kanyang isang paa para hindi matumba.   Si Baron, iginalaw ang katawan pakaliwa. Hawak niya ang bola. Pagkatapos noon ay tumalon ito at dahil sa dikit nito sa defender ay hindi siya nito nasabayan.   Gamit ang kanang kamay, isang hook-shot ang kanyang ginawa. Tumama muna ito sa board at pagkatapos ay dumiretso ito sa loob ng basket.   "Tingnan ko ngayon kung makalusot ka pa sa akin Ricky Mendez," mahinang sinabi ni Baron dito.   4-4 na ang score.   Na kay Ricky na muli ang bola at seryoso lang siyang inaabangan ni Baron. Dito na si Ricky mas naging alerto. Napansin niyang siniseryoso na siya ng kanyang kalaban.   Dito na si Ricky nagpatalbog ng bola habang kaharap ang kanyang defender. Nakaalalay siya habang iniisip ang gagawin.   "Mukhang hindi na ako basta makakalusot ngayon..." sabi ni Ricky sa sarili.   Bigla niyang ibinato ang bola na ikinabigla ni Baron.   "Anong klaseng tira iyan? Mukhang nagkamali ako sa iniisip sa iyo ah," sabi ni Baron sa sarili ngunit nang tingnan niya si Ricky... dito na siya nagulat. Wala na ang kanyang binabantayan.   Nilampasan agad ni Ricky si Baron at mabilis na sinambot ang bola. Dumiretso siya sa basket at mabilis na ginawa ang isang lay-up.   Isang malakas na tunog ang umalingawngaw sa buong court. Nagawa pa rin iyong i-block ni Baron. Ang bolang dideretso sa basket ay hinampas niya gamit ang kanang kamay dahilan upang tumama iyon sa board at tumalsik palayo.   "Hindi mo pa ako kaya Ricky Mendez!" sabi ni Baron nang lumapag sa court ngunit nawala sa kinatatayuan nito si Ricky.   "Nasaan na?" nasabi na lang ni Baron at nakita niya si Ricky na hinahabol pa rin ang bola na tumalsik palabas ng three-point arc.   Si Kap, hindi maiwasang mapakuyom sa nasaksihan kay Ricky. Hindi siya nagsisising pinasali niya ito sa barangay team. Ang ganitong player ang gusto niyang makita. Hindi niya akalain na malapit lang pala ito sa bahay nila.   Pagkakuha ni Ricky sa bola, agad itong humarap sa basket. Doon ay mabilis niyang pinakawalan ang bola.   Pumasok muli ang tira mula sa labas at 6-4 na ang score. Ang mga manonood ay napahiyaw na lang nang muling pumasok ang tira ni Mendez. Hindi sila makapaniwala na makakakita sila ng ganitong klaseng laro mula sa taga-barangay lang nila.   "Tss. Ricky Mendez..." bulalas ni Baron na muling kinuha ang bola. Dinipensahan siya ni Ricky habang sinusubukan niyang lumapit sa basket.   Kahit na may height advantage siya, namalayan na lang niya na hindi siya makalusot sa depensa nito. Dito na siya napangisi. Sinalubong niya si Ricky.   "Tingnan natin kung mapipigilan mo ako..." wika ni Baron at binunggo niya si Ricky.   May pasimple siyang tulak dito sa katawan dahilan upang mawalan ito ng balanse. Sa pagtumba nang paupo ni Ricky ay siya namang pagtalon ni Baron para gumawa ng isang dunk.   Napangiwi na lang si Ricky dahil masakit iyon pero mabilis niyang ininda ito.   Sina kap, napakuyom ng kamao nang makita iyon. Lumalabas na ang maruming estilo ni Baron. Ganito ito maglaro kahit sa torneyo. May mga hawi at tulak itong nagagawa nitong itago sa referee kaya madalas ay nagagalit o nakakaaway nito ang kalaban.   Hindi lang iyon... sinusundan niya rin ito ng pang-aasar.   Naghiyawan ang mga kasamahan ni Baron. Paglapag ni Baron sa court ay pinagmasdan at nginisian niya si Ricky.   "Mahina ka... Weak!" wika nito na inilabas pa ang dila pagkatapos. Nagdilim naman ang paningin ni Ricky pagkatapos noon. Tumayo ito na medyo paika-ika.   Nang nasa kanya na ang bola ay dinikitan agad ito ni Baron. Naging madikit ang depensa sa kanya nito at nang malulusutan niya ito ay sumiple si Baron ng pagsagi rito gamit ang balakang.   Nawalan ng balanse si Ricky at nabitawan ang bola. Si Baron, pasimpleng kumapit sa tagiliran ng binata at hinabol ang bola.   Pagkakuha ni Baron ay dumiretso ito sa three-point arc. Doon ay nagpakawala ito ng tres.   6-7 at lamang na muli si Baron matapos iyon. Ang mga manonood ay natahimik. Alam nilang ginagamitan ni Baron ng gulang si Ricky lalo't walang referee na tatawag ng foul dito.   Muling naagawan ni Baron si Ricky. Halos magdagasa na nga ang binata sa dikit ng depensa ni Baron dito.   Muli ngang nagpakawala si Baron ng tira mula sa tres dahilan upang maging 9-6 na ang score.   "Bulok mo Ricky Mendez..." pang-aasar pa ni Baron sa binata na sinundan pa ng pagtawa.   "Tay, tama na... Nagtitimpi lang si Ricky. Isa pa at mukhang papatulan na nito si Baron," wika ng konsehal sa tatay niya. Ganoon din ang sinabi ng ilan sa mga kasama nito sa kapitan.   Sa bawat pagbagsak ni Ricky ay ramdam nito ang pasimpleng balya at tulak sa kanya ni Baron. Masakit iyon at nagalusan nga siya nang magdagasa siya sa sunod niyang possession.   Doon ay isang malakas na dunk ang ginawa ni Baron at ang mga tropa nito ay naghiyawan. Inalaska nila si Ricky na dumurugo ang tuhod matapos iyon.   10-6 na ang score at isang shoot na lang at talo na si Ricky.   "Ano Ricky Mendez... Hindi mo kaya? Mabubugbog ka lang sa inter-barangay. Kung hindi mo ako matatalo... Hindi ka tatagal sa ligang iyon. Tandaan mo... Hindi mga college student ang lalabanan mo roon!" nakangising sinabi ni Baron sa tumatayong si Ricky.   Humihingal ang binata at seryosong kinuha ang bola. Makikitang medyo umiika ang tuhod nitong may sugat. Halatang iniinda ni Ricky ang sakit ng katawan nito at mula sa sugat na iyon. Pinatalbog nga niya ang bola at pagkatapos ay seryosong pinagmasdan si Baron sa mga mata nito.   "Kuya Baron... Okay lang. Kasama ito sa basketball..."   "Kahit ilang beses akong masugatan. At kahit ilang beses akong magdagasa... Kahit pa manakit ang katawan ko... Hinding-hindi ako mawawalan ng ganang maglaro nito..."   Sumilay ang ngiti sa labi ni Ricky. Pinakawalan niya ang isang malayong tres kasabay ng pagbigkas ng ilang mga salita na mula sa kanyang puso.   "Dahil masayang maglaro ng basketball!"   *****   HIRAP na hirap na tumayo si Ricky nang matapos ang kanilang laban. Kahit na bugbog-sarado na siya ay sinubukan pa rin niyang sabayan si Baron. Sa huli, natalo siya dahil hindi niya ito mapigilan.   "Mahina ka Mendez! Wala kang binatbat sa akin..." wika ni Baron na hinihingal habang nakatingin sa kanya.   Huminga naman nang malalim si Ricky at ngumiti.   "M-ma...maraming salamat sa magandang laban kuya Baron. Sa sunod... Ma-matatalo na kita... T-tatalunin kita sa sunod na magkaharap tayo k-kuya..." wika ni Ricky na ikinagulat ni Baron. Nakita pa nga nito ang kanang kamay ni Ricky na nakaabang para sa pakikipag-kamay.   "Tss... Kalokohan..." wika ni Baron. Doon ay nagdilim ang paningin nito at dumiretso patungo sa mga katropa nito.   "Ang galing mo p're. Sisiw sa iyo ang bansot na iyon..." wika ng isa sa mga kasamahan ni Baron. Sinundan pa iyon ng mga salita ng iba pero lahat ng iyon, lumampas lang sa pandinig ng binata.   Umalis ang mga ito mula sa court. Kasunod noon ay ang pagpunta nina Kap kay Ricky na mabilis nilang inabutan ng tubig.   Mabilis na inubos ni Ricky ang tubig na iniabot ng mga ito at pagkatapos ay kumuha ito ng hininga. Ramdam na ramdam niya ang pagod at mukhang mapapasarap siya ng tulog mamaya. Nararamdaman nga niya ang kirot ng kanyang katawan at lalo na ang kanyang sugat sa kaliwang tuhod.   "Ricky, ano? Kaya mo pa?" nag-aalalang tanong ni Manong Eddie rito.   "Okay lang iyan. Masyado pang malakas si Baron para matalo mo. Isa pa, magulang maglaro iyon," wika naman ni konsehal.   "Wala namang bisa iyong usapan ninyo ah. Wala namang sinabi si Baron. Ang galing mo bata kahit natalo ka," wika naman ni kuya Kaloy sa kanya.   Dito na ngumiti si Ricky.   "Kap, marami pong salamat... Kahit walang sinabi si kuya Baron, gagawin ko pa rin ang sinabi ko. Hindi na po ako sasali sa team," seryosong sinabi ni Ricky na ikinaseryoso lalo ni Kap.   Inaasahan na ni Kapitan iyon. Alam niyang tutuparin ni Ricky ang sinabi nito at ayaw niyang pigilan ito. Ginawa iyon ni Ricky dahil gusto nitong itaya iyon kapalit ng pagpapasali kay Baron.   "A-ano'ng sinasab---"   Napatigil sa pagsasalita si Konsehal nang biglang magsalita ang ama nito.   "Huwag ninyong pigilan si Ricky. Kung tunay kayong lalaki, gagawin ninyo ang napag-usapan ninyong iyon..." wika ng kapitan na tinapik na lang sa balikat si Ricky.   "Tama po si Kap. Natalo ako at masyado akong naging mayabang kasi iyon ang itinaya ko. Akala ko kasi ay matatalo ko si kuya Baron. Pero mukhang hindi ko pa siya matatalo sa ngayon," wika ni Ricky. Dito na niya inisa-isang pasalamatan ang mga kasamahan niya.   "Magkakalaro pa rin po tayo rito, 'wag po kayong mag-alala... Mas gagalingan ko pa para next year, makasali na talaga ako. Tapos matatalo ko na si Kuya Baron," wika pa ni Ricky. Napatawa pa nga ito na ikinatahimik ng mga nakarinig. Kahit natalo ang binata, hindi nila makitang na-frustrate ito.   Isa pa, hindi nito pinatulan si Baron sa mga ginawa nito... bagkus, pinasalamatan pa nito ang nakalaban niyang iyon.   Nang gabing iyon, maagang nakatulog si Ricky dahil sa pagod habang nang gabi ring iyon...   Hindi makatulog si Baron dahil naaalala niya ang laro ng kanyang nakalaban. Sa tagal na niyang naglalaro at sa tagal na niyang nanggugulang at nang-aasar ng mga nakakalaban niya... tanging si Ricky Mendez lang ang nakangiti siyang pinasalamatan pagkatapos.   "Dahil masayang maglaro ng basketball!"   Napabangon na lang si Baron nang tila may narinig siya sa kanyang isip. Paulit-ulit iyong winika ng kanyang utak. Tumatak sa isip niya ang sinabi ni Ricky tungkol sa basketball na matagal na niyang nilalaro.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD