Bola 6

2072 Words
IKINAGULAT ng lahat ang sinabing iyon ni Ricky sa harapan ni Baron. Alam naman nilang magaling din itong maglaro, pero iba ang galaw ng nasa harapan nito pagdating sa basketball. Hindi pang-college ang laro nito. Isa pa, sa taas ni Ricky ay mahihirapan siyang pumuntos o mapigilang umiskor man lang ang mas matangkad na si Baron.   "Totoy, hindi kaya nabibigla ka lang?" tanong ni Baron kay Ricky na napapatawa na lang sa ginawa nitong paghamon sa kanya.   Pero imbis na masindak si Ricky, ay nginitian lang nito si Baron. Pagkatapos noon ay seryoso niyang tiningnan ito sa mga mata.   "Hindi ako nabibigla... Hindi ko naman alam kung kaya ba kitang talunin. Isa pa..." Sandaling pinutol ni Ricky ang kanyang sasabihin at bahagyang tiningnan ang kanyang kaharap.   "Ang galing ng dunk na ginawa mo kuya!" masiglang sinabi ni Ricky sa kaharap na lalaking nakahubad at nakasuot ng medyo fit na maong pants.   Bigla namang sumeryoso ang itsura ni Baron matapos marinig iyon. Nakita rin niya ang kasiglahan sa mukha ng kanyang kaharap. Walang bahid ng pagsisinungaling iyon. Kasunod noon ay ang paghawak niya sa bola gamit ang kanyang kanang kamay.   "Ricky! Tama na iyan. Hindi mo dapat hamunin si Baron!" winika ni Kap na mabilis na pumagitan sa dalawa.   "Oo nga Ricky, ibang maglaro si Baron. Baka may mangyari sa iyong hindi maganda," dagdag naman ni konsehal Wilbert na kasunod na rin agad ng ama nitong kapitan. Kasunod na rin nga nito ang mga kasamahan sa team.   Si Baron, umiling nang bahagya at ngumisi. Tiningnan nga niya sa mga mata si Ricky.   "Oo nga totoy. Tama ang mga matatandang kasama mo. Isa pa, hindi ako sasali sa barangay team. Wala akong interes na maging kakampi ang mga gurang mong mga kasama," wika ni Baron na tumawa pa nang bahagya.   Si Manong Eddie, biglang napakuyom ng kamao dahil nababastusan siya sa sinasabi ni Baron. Humakbang na ang isa niyang paa ngunit bigla siyang hinawakan ni konsehal Wilbert.   "Kuya Eddie, huwag mong patulan si Baron," mahinang sabi ng konsehal dito.   Si Manong Eddie ay ikinalma kaagad ang sarili. Kung hindi siya napigilan ay baka nasuntok na niya ang bibig ni Baron. Naisip din niya, nang pigilan siya ni Konsehal, na bilang siya ang matanda ay hindi na nga niya dapat itong patulan sapagkat, ugali na talaga nitong mang-asar ng sinuman.   "Kapag natalo mo ako, magba-back-out ako sa team! Okay ba sa iyo 'yon kuya?"   Napatingin ang lahat kay Ricky Mendez nang bigla na naman itong nagsalita. Hindi nila napigilang magsalita ito. Akala nila ay hindi na ito tutuloy sa paghahamon pero sa sinabi niyang iyon... seryoso talaga ito sa paghamon kay Baron.   Nabigla naman nang bahagya si Baron nang marining niya iyon. Doon ay sandaling sumeryoso ang itsura niya. Doon na nga rin sumilay sa kanyang labi ang pagngisi habang pinagmamasdan ito.   "Ricky Mendez... Minamaliit mo ba ako?" tanong ni Baron na inilapit nang bahagya ang mukha sa mukha ni Ricky.   Doon na nga muling nagmadaling pumagitna si Kap. Ngunit sa pagpunta nito sa pagitan ng dalawa ay muli na namang nagsalita si Ricky.   "Kap... Nagpapasalamat ako sa pagpapasali ninyo sa akin sa team," nakangiting winika ni Ricky. Masaya siya dahil makakapaglaro na uli siya ng basketball kahit bakasyon. Mapapalaban na naman siya at masusubukan niya ang kanyang galing kung saan na nga ba ang maaabot nito.   Pero nang sandaling makita niya ang ginawa ni Baron. Mabilis na pumasok sa isip niya na magaling ito. Isa pa, nakita niya ang sandaling pagngiti ni Baron bago ito dumakdak. Isa lang ang ibig-sabihin noon... na gusto rin ni Baron ang larong basketball!   "Gusto ko pong maging kakampi si kuya Baron! Alam ko po Kap, wala akong karapatang magdesisyon sa mga ganitong bagay..."   "Pero, susubukan ko po siyang pasalihin sa team ninyo... Sa pamamagitan ng basketball!"   "Gusto po ninyong mag-champion... 'di ba?"   "Coach?"   Ang huling salitang sinabi ni Ricky ay biglang nagmarka sa pandinig ng kapitan. Tinawag siya nitong coach. Ibig-sabihin ay kinikilala siya nito. Ibig-sabihin, isang basketball player ang batang ito.   Dito na nga sumeryoso si Kapitan. Alam niya sa sarili niya na magaling at malakas maglaro si Baron. Bata pa lang ito ay madalas na niyang nakikitang naglalaro ito ng basketball sa court na ito. Minsan na niya itong pinasali noon, subalit palaging nagkakagulo ang mga laro nila noon dahil dito. Wala na nga siyang nagawa kundi ang tanggalin si Baron.   Magaling sa loob ng court ang lalaking ito, ngunit masyado itong mayabang kapag naglalaro na. Iyon ang dahilan kaya palaging may nakakaaway itong kalaban o kahit minsan ay sariling mga kakampi.   "Kung matalo man ako Coach... Hindi naman ito magiging kabawasan sa kagustuhan kong maglaro ng basketball. Ipinusta ko po ang pagpasok ko sa team dahil... Gusto kong maging kakampi si kuya Baron..."   "At para malaman ko na rin po kung gaano na ako kagaling sa basketball!" seryoso iyong sinabi ni Ricky. Doon na nga rin siya hinarap ni Kap.   Pinagmasdan ng kapitan ang mga mata ng binatang si Ricky. Pagkatapos ay nginitian niya ito at tinapik sa balikat matapos lampasan.   "Talunin mo si Baron at pasalihin mo siya sa Barangay team natin..." mahinang sinabi ni Kap na ikinabigla ng kanilang mga kasamahan.   *****   ISANG hindi inaasahang one-on-one game ang naganap nang hapong iyon sa court ng Canubing 1. Sandali tuloy dumami ang nanonood sa court dahil doon. Binuksan na rin nga ang ilaw ng court dahil medyo dumidilim na rin ang paligid.   "Tay, bakit pinayagan mo si Ricky? Hindi pa niya kaya si Baron," wika ni konsehal Wilbert sa ama nito na kasalukuyang nakatayo sa labas ng court.   "Tumahimik ka Wilberto, at manood ka na lang ng laro," seryosong winika ng kapitan. Wala siyang dahilan para pigilan si Ricky sa gusto nito. Nang marinig niya ang mga salitang lumabas sa batang iyon...   Sino siya para pigilan itong maglaro ng basketball?   Nasa free-throw line na si Ricky. Kasalukuyan nitong pinapatalbog ang bola. Pagkatapos ay pinagmasdan niya ang basket at hinawakan ang bola. Sandali siyang huminga nang malalim at pinakawalan niya iyon patungo sa basket.   Kumawala ang tunog na idinulot ng pagtama ng bola sa dulo ng ring. Tumalbog iyon palayo.   Nagmintis ang tira ni Ricky.   Napatawa si Baron at ang mga kasamahan nitong nasa gilid ng court.   "Nice Ricky Mendez!" wika ni Baron na kinuha kaagad ang bola. Sa kanya nga ang possession ng bola dahil nagsala ang tira ni Ricky.   Wala namang salitang lumabas sa bibig ni Ricky, bagkus ay inihanda nito ang kanyang sarili para sa pagdepensa. Si Baron ay nasa harapan na niya at kasalukuyan nang pinapatalbog ang bola.   Race to 11 ang larong ito at lahat ng tira sa tres ay may katumbas na 2 points.   "Game na totoy!" sambit ni Baron at si Ricky ay dahan-dahan na ngang nilapitan ito.   "Ipapakita ko sa 'yo na hindi mo ako kaya," mahinang sabi ni Baron at sa paglapit ni Ricky ay bumilis ang dribbling nito. Salitan nitong pinapatalbog ang bola gamit ang dalawang kamay. Sandaling tumalikod si Baron at humarap kaagad sa kanyang defender. Yumuko siya habang pinapatalbog nang mababa ang bola gamit ang kanang kamay.   Kasunod noon ay ang biglang pag-angat ng katawan ni Baron at tumakbo ito sa kaliwang bahagi ni Ricky.   Si Ricky naman ay naalarma. Sinabayan niya ang pagbwelo ni Baron pero nakaalalay rin ang isa niyang paa sapagkat posibleng mag-crossover ito pa-kanan.   Ngumisi si Baron at biglang lumikot ang galaw at dribbling.   "Panoorin mo ito..." mahina nitong sambit at kasunod noon ay ang biglaan nitong pag-iba ng direksyon. Lumihis pakanan ni Ricky ang katawan nito. Ang bola naman ay mabilis niyang idinaan sa kanyang likuran gamit ang kanan niyang kamay.   Si Ricky, mabilis na humakbang patungo sa direksyon na pupuntahan ni Baron. Ngunit nang tingnan nito ang bola ay wala na ito sa parehong kamay ng kanyang binabantayan.   Hindi iyon napunta sa kabilang kamay ni Baron. Gamit ang kanang kamay, pinatalbog ito ni Baron patungo sa pagitan ng mga binti nito. Hindi lang iyon, dahil sa paghakbang ni Ricky, naging malawak ang espasyo ng mga binti nito.   Dumiretso rin doon ang bola.   Si Baron, mabilis na hinabol ang bola. Isang pasimpleng hawi gamit ang kanyang kanang bisig ang itinuon niya sa kanyang defender. Kasunod noon ay ang paglampas niya kay Ricky.   Mabilis niyang naabutan ang bola at pinatalbog niya iyon ng isa. Nang malapit na siya sa basket ay buong-lakas siyang tumalon habang hawak ng dalawang kamay niya ang bola.   Naghiyawan ang mga kasamahan nito at ang iba ay natulala nang gawin ni Baron ang isang two-handed dunk.   Mataas itong tumalon at iba ang athleticism nito dahil mula pagkabata pa lang ay nagba-basketball na ito at hindi lamang basta kaedad niya ang kanyang nakakalaro kundi mga mas matatanda pa sa kanya.   "1-0!" bulalas ni Baron matapos lumapag sa court. Kinuha nito ang bola at mabilis na ipinasa kay Ricky.   Doon ay mabilis niya itong nilapitan para depensahan.   *****   PINATALBOG na ni Ricky ang bola, nabigla siya sa ginawa ni Baron. Nawala sa isip niya ang posibilidad na padaanin nito sa kanyang mga binti ang bola.   "Subukan natin kung makakapuntos ka sa akin," sabi ni Baron na dinikitan kaagad siya. Mukhang hindi siya nito hahayaang makapuntos kaagad.   Dito na sumeryoso si Ricky at maingat na pinatalbog ang bola. Naging mas maingat siya sapagkat sumusundot-sundot ang kamay ni Baron. Inilalayo tuloy niya ang bola para hindi ito masagi o matamaan. Pero mahirap iyon para sa kanya dahil mahaba ang kalis ng kanyang defender.   Binabaan ni Ricky ang dribbling. Pasimple siyang gumagalaw at sinasabayan siya ng kanyang madikit na defender.   "Babaan mo ang dribbling para hindi ka maagawan..."   "Kapag mas matangkad at mas malaki sa iyo ang kalaban, mas maging maingat ka."   "Pero paano ako makakalusot sa makulit na defender?" tanong ni Ricky kay Macky.   "Gamit ang mga braso mo. Kapag ang kabilang kamay mo ang nagpapatalbog ang kabila ang gagamitin mo. Simpleng hawi lang iyan... Hindi ka basta tatawagan ng foul..." sagot ni Macky sa kanya.   "Kailangan mo ring maging mautak Ricky. Karamihan ay alam na ang teknik na iyan..."   Sa pasimple-simpleng galaw ni Ricky ay hindi namalayan ni Baron na nasa loob na pala sila ng midrange area. Dito na sinandalan ni Ricky si Baron at ginamitan niya ng pwersa ang pagsandal dito.   Napangisi si Baron.   "Ikaw pa talaga ang may lakas ng loob na postehan ako?" sambit nito na nilabanan din ng pwersa ang lakas ni Ricky.   Si Ricky naman ay mabilis na umikot nang sandaling labanan siya ni Baron sa pagpwersa. Kumaliwa siya at itinuon niya ang kanyang kaliwang braso sa katawan ni Baron.   Napangisi si Baron doon. Alam niyang makakalampas ito pero hinanap kaagad niya ang kabilang kamay nito. Hinanap nito ang bola. Aabangan niya ang paglampas nito at doon na niya gagawin ang isang mabilisang steal.   "Kaya mong kontrolin ang bola sa kamay mo, kahit hindi mo ito kayang dakutin gamit ito. Basta masanay ka lang sa dribbling ay makakaya mo ito!" wika ni Macky.   Nakarinig si Baron ng pagtalbog bago pa man siya lampasan ni Ricky. Naglaho ang bola sa kabilang kamay ng kanyang binabantayan nang patalbugin nito ang bola patungo rin sa pagitan ng kanyang mga binti.   Nagulat ang lahat sa ginawa ni Ricky.   Nasambot ni Ricky ang bola at seryosong dumiretso sa basket.   "Akala mo lusot ka na..." sambit ni Baron na mabilis na hinabol si Ricky.   "Ricky... Kailangan mong matutunan ang fake... Mahirap para sa mga hindi katangkaran ang basta na lang pumasok sa ilalim. Kailangan mong magawang linlangin ang defender sa gagawin mo. Ito ang palagi mong pag-aralan..."   "Sa oras na magawa mo iyan... Makakaya mo nang pumuntos kahit pa ang pinakamatangkad na defender ang humarang sa iyo."   Hinawakan ni Ricky ang bola at dumiin na ang kanyang isang paa para sa pagtalon. Naramdaman niya ang paglapit ni Baron. Dito na niya iniwanan sa kanang kamay ang bola at dahan-dahang iniangat.   "Hindi ka sa akin makakapuntos!" bulalas ni Baron na tumalon para pigilan ang gagawing lay-up ni Ricky. Ngunit, sa pag-angat niya sa ere, bigla siyang natigilan. Biglang humakbang uli ng isa si Ricky at bago pa man maging travelling iyon ay tumalon agad ito gamit ang nasa una nitong paa.   Sa direksyong medyo malayo sa kamay ni Baron, ginawa ni Ricky ang isang lay-up habang nakatalikod sa basket.   Isang reverse lay-up!   Pumasok sa basket ang bola at ang mga nakasaksi roon ay nagulat.   Kayang pumuntos ng isang 5'6 sa defender na 6'4!   Si Ricky, napakuyom ng kamao matapos iyon. Napangiti siya dahil sa wakas... totoong basketball na ito!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD