Bola 5

1981 Words
ILANG araw bago pormal na magsimula ang Inter-Barangay na sasalihan ni Ricky, ang mga players na kinuha ng kanilang kapitan ay ipinatawag na nito sa kanilang court. Hapon na iyon sapagkat ang ilan sa mga kasali rito ay may mga trabaho sa araw.   Si Ricky nga ay nag-chat sa kaibigan at teamate niyang si Rodel kung ito ba ay kasali. Ang sagot naman ng kanyang kasamahang ito ay tinanggihan daw nito ito, sapagkat tutulong siya sa kanyang nanay sa palengke at magkakargador siya sa araw para may pandagdag sa pambaon nito sa darating na pasukan.   Gustuhin man ni Rodel na sumali at tanggapin ang alok ng kanilang kapitan ay hindi na niya ito napaunlakan dahil mas inuna nito ang mas kailangan.   Pagdating ni Ricky sa covered court na malapit lang sa kanilang bahay ay napansin agad niyang may mangilan-ngilan na nakaupo sa palibot ng lugar. Mga ka-barangay niya ito. May mga bata rin, may mga matatanda at may mga kababaihan din dito. Hindi man halata sa mga taga-Canubing 1, pero pagdating sa liga ng barangay o kahit sa inter-sitio na ginaganap dito tuwing lilipas ang tatlong taon... ay masasabing maraming taga-rito ang nanonood at handang suportahan ang kanilang koponan.   Pagtapak pa lang ng sapatos ni Ricky sa court ay siyang pagtingin sa kanya ng mga nasa loob ng court. Naroon ang kanilang kapitan at ang mga SK Officials sa pangunguna ng chairman nito.   "Hello! Ricky! Mabuti't tinanggap mo ang alok ni Papa," ito ang binungad sa kanya ng katabing babae ng kanilang kapitan na si Mei. Ka-edad ito ni Ricky at kaklase niya ito magmula elementary hanggang high school.   Ngumiti naman si Ricky matapos tingnan nang mabilis ang dalagang si Mei.   "Ricky Boy! Ayos ah, kasali ka sa amin... Galingan natin!" nakangiting wika naman sa kanya ni Manong Eddie.   Sa pagkakaalala ni Ricky ay isa si Manong Eddie sa matagal nang naglalaro ng basketball dito sa kanila at parang alam niyang madalas nang kasali ito sa liga palagi taon-taon.   "Oo nga po. Makakalaro ko kayo," masayang tugon ni Ricky na lumapit agad kay Manong Eddie at nagngitian.   Naroon din si Kuya Kaloy at si Kuya Tristan niya. Binati rin siya ng mga ito. Ganoon din nga ang kanyang Kuya Alfredo na mukhang kakagaling lang sa trabaho dahil nakikita pa niya ang ilang bakas ng semento sa suot nitong pantalon. Mukhang hindi pa ito nakakauwi sa kanilang bahay sa itsura nito.   Napansin din ni Ricky ang kanyang Kuya Martin at nginitian niya ito.   "Kuya! Sa wakas, magiging magkakampi na rin tayo," winika ni Ricky. Sa tuwing maglalaro kasi sila ay palagi itong nasa kabilang team.   Hindi nga lang siya pinansin ni Martin at inaasahan na rin naman iyon ni Ricky.   Napatingin din siya sa iba pa nilang mga kasama. May apat pang narito bukod sa kanila. Ang ilan dito ay namumukhaan niya pero bihira niyang makalaro ang mga ito kumpara sa limang mga kakilala na niya.   "Ricky Mendez..."   Biglang nagsalita ang isa sa mga iyon. Tila ka-edad-in niya ito at kilala ito ni Ricky sa mukha. College na rin ito at sa CLCC ito nag-aaral kung hindi siya nagkakamali.   "Magiging kakampi ka pala namin. Napanood kita sa CBL. Hindi ko akalaing naglalaro ka pala..." wika ng binatang ito na kulot ang buhok. 5'7 ang taas nito at makikitang medyo payat ito.   "O-oo, kahit ako. Hindi ko rin akalain," natatawang sagot ni Ricky rito.   "Nga pala. Jimwel. Jimwel Albañez. Nag-try-out ako sa CLCC kaso... Hindi pinalad," pagpapakilala nito at nakipagkamay agad ito kay Ricky.   "Ricky Mendez pre..." tugon naman ni Ricky at pinagmasdan naman niya ang natitirang tatlo. Mga may edad na ang mga ito at mukhang sila ni Jimwel ang pinakabata sa grupo. Sa kabuuan ay mayroon silang sampung miyembro.   Nakipagkilala rin sa kanya ang mga natitirang tatlo. Ang dalawang moreno at medyo bombay-in ang itsura ay ang magkapatid na Adolfo at Florante Karim. May halong dugong-banyaga ang mga ito at parehong may taas na 6'6. Parehong may mga pamilya na ang mga ito at sa pagkakatanda ni Ricky, itong dalawa ang nagmamay-ari ng malaking grocery sa sentro.   Ang huli nga nilang kakampi ay ang konsehal ng kanilang barangay na si Sir Wilbert Torres, medyo malaki ang tiyan nito pero sabi ng marami ay isa itong shooter. May taas ito 6'0 at may galing at gulang din sa basketball. Mabait itong konsehal at sinasabing ito ang sunod na tatakbong kapitan... kapag nag-retiro ang ama nitong si Kap Ronaldo.   "Team! Kagaya ng palaging nangyayari... Ako ang tatayo ninyong coach," panimula ng kanilang kapitan. Sa pagkakaalam ni Ricky, isang fan ng basketball ito at dati ring naglalaro noong kabataan nito.   "Ilang taon na tayong hanggang first round... at hindi ko alam kung mag-iiba ang ihip ng hangin ngayon. Kung makikita ninyo... Nagpasok ako ng dalawang kabataan. Sina Ricky at Jimwel."   "Laro-laro lang ito para sa inyo... Pero para sa akin... Gusto kong manalo tayo. Gusto kong mag-champion!"   "Tay! Iyan na naman kayo... Nadadala na naman kayo sa emosyon ninyo," biro ni konsehal dahilan upang mapatawa sila.   "Tumigil ka Wilberto! Hindi kita paglalaruin..." wika ni Kap kaya napatawa na naman ang lahat.   "Papa, 'wag mong galitin si Lolo," biglang saway naman ni Mei sa ama nitong si konsehal Wilbert.   "Tama na nga ito. Gusto ko lang magkasama-sama kayo. Gusto kong magkakila-kilala kayo kahit magkakakilala na naman kayo," wika pa ng kapitan.   "Bukas pa ilalabas ang schedule ng mga laro at kagaya ng madalas na format. Double Elimination uli," dagdag pa ni kap habang pinapaypayan ng apo nitong si Mei.   "Ibig sabihin, kapag natalo kami ng dalawang beses, laglag na kaagad kami," sabi ni Ricky sa kanyang sarili.   Sa pagkakaalam ni Ricky, mayroong 16 barangays ang kasali rito. Sa unang round, magkakaroon ng walong laban at ang mananalo ay tataas samantalang ang mga matatalo ay maglalaban para hindi malaglag. Kapag nanalo sila ng tatlong sunod ay nasa Finals na agad sila. Pero iyon ay nakadepende pa rin sa kanilang makakalaban. Paano na lang kung mapatapat agad sila sa isang malakas na barangay? May tsansa na kaagad silang makatanggap ng unang pagkatalo kung sakaling mangyari iyon.   Hindi ito ang tipikal na format ng mga inter-barangay o kahit sa mga barangay na liga na kadalasang round rovin. Mabilis lang kasi ang ligang ito ng lungsod at ang unang apat na koponang malalaglag ay may pagkakataong palitan ng ibang barangay sa susunod na taon.   "Pwedeng maglaro muna kayo kung gusto ninyo. Kung gusto ninyo ay maghati kayo sa dalawa."   "Alam ko ang ilan sa inyo ay nakasama na ang isa't isa sa paglalaro, pero may dalawang bago sa inyo. Kailangan nilang ma-adopt ng style ninyo."   Napatingin kay Ricky at Jimwel si Kapitan matapos sabihin iyon.   "Iba ang laro rito kumpara sa college basketball. Kinuha ko kayo kasi nakikita ko ang potensyal ninyo. Maaari kayong matuto sa ligang ito. Maaaring magamit ninyo sa paglalaro ninyo sa hinaharap," seryosong sinabi pa ng kapitan na ikinangiti ng apo at anak nito konsehal.   Pagdating sa basketball, hindi talaga nila pwedeng pigilan ang kanilang ama at lolo na madala sa emosyon nito. Nasa puso nito ang larong ito. Kung hindi nga lang ito tumanda at humina ang tuhod... ay baka pipilit pa rin itong maglaro rito.   Pagkasabi ni Kap noon ay biglang nag-usap-usap ang sampung mga players nito. Pinag-usapan nila ang hatian ng maglalaro. Ngunit bago pa man sila magsalita ay may ilang kabataan ang bigla na lamang pumasok sa loob ng court.   Mga walang pang-itaas ang mga ito, at naka-shorts at naka-tsinelas lamang. Ang isa rin sa mga ito ay may dalang bola.   Lima ang mga ito at ang nasa unahan ay isang lalaking mahaba ang buhok na nakapuyod sa likod nito. May ilang tattoo rin ito at makikita ang makinang na aritis nito sa magkabilang tainga.   Mas matanda ng limang taon ang mga ito kay Ricky.   "Kap... Kami ba? Bakit hindi mo kami pasalihin sa barangay team? Alam mo namang magaling kami... Bakit ba mga ulyanin na ang pinapasali mo?" wika ng tila pinuno ng grupong ito.   Nakikita ito minsan ni Ricky na naglalaro sa court at madalas ay walang ibang nakikipaglaro sa mga ito kundi ang mga taga-kabilang barangay na nakikipagpustahan sa kanila.   Minsan na niyang nakita ang galawan ng mga ito lalo na ang lalaking may mahabang buhok na nasa unahan ng mga ito.   Magagaling at magagaslaw mag-dribbling ang mga ito at nakakamangha ang mga freestyles nila.   Sa pagkakaalam ni Ricky, minsan na itong sumali sa barangay team, kaso, nagkaroon ng gulo ang isang laro ng mga ito, at ang mga ito ang naging dahilan noon. Magmula noon, hindi na ito pinapasali ni Kap at pinapabayaan na niya ang mga ito na maglaro sa barangay court para walang gulo.   May bali-balitang nagdo-droga ang mga ito at gumagawa ng iligal, pero hindi naman nila ito mahuli sa akto. O kung may ginagawa ba ang mga ito o baka wala naman talaga.   O pwede ring, sadyang ugali na ng mga ito na magsiga-sigaan sa loob at labas ng court.   "Baron, pwede kayong maglaro rito pero alam naman ninyo... Mabilis uminit ang ulo ninyo sa laro... Gustuhin ko man kayong pasalihin... Kaso, mahirap," seryosong winika ng kapitan sa mga ito.   "Hay naku kap... Kaya hindi kayo manalo-nalo. Kasi mga ulyanin na mga kinukuha mo," wika ng lalaking nagngangalang Baron habang pinagmamasdan ang mga kasali sa barangay team.   "Baron!" saway ni konsehal Wilbert na parang hindi nagugustuhan ang sinasabi ng mga ito.   "S-sorry konsehal... Peace!" natatawang tugon ni Baron na nakuha pang mag-peace sign sa harapan nito.   "Alam mo namang gusto rin naming isali kayo... Lalo ka na Baron... Kaso..." wika ng konsehal.   Umiling-iling si Baron at ngumisi.   "Kaso, ganito kami? Ganito ako?" natatawang sinabi ng binata na mabilis na hiningi ang bola sa kasamahan nito.   Pagkakuha nito sa bola ay bigla nito itong pinatalbog. Kung saan-saan nito ito pinadaan. Pagkatapos ay mabilis niyang nilampasan ang mga players ng barangay sa pamamagitan ng pag-ilag sa mga ito na hindi man lang nasisira ang dribbling.   Kahit nga ang mga manonood sa paligid ay hindi maiwasang mapahanga sa nakita nilang iyon.   Paglapit ni Baron sa basket ay buong lakas itong tumalon. Sa height nitong 6'4 ay masasabing mataas itong tumalon. Nagagawa nitong dumakdak na palagi niyang ipinagyayabang sa mga nakakalaban nila at mga nakakakita sa kanya sa loob ng court.   Gamit ang kaliwang kamay, hinawakan ni Baron ang bola habang nasa ere.   Sinundan niya iyon ng mabilis na pag-angat ng kanang tuhod at mabilis din niyang sinundan ng mabilis na pagpapadaan ng bola sa ilalim noon. Dinakot iyon ng kaliwang kamay niya at sa pagbulusok niya palapit sa ring ay ang mabilis na pagtaas niya sa bola patungo rito.   Nayanig ang board at ang lahat ay hindi maiwasang humanga sa isang between-the-leg dunk ni Baron. Maging si Ricky ay hindi maiwasang mapatulala dahil doon.   Paglapag ni Baron sa ibaba ay siya namang pagtaas ng dalawa niyang kamay sa ere na naka-angat lamang ang gitnang daliri.   "Panis!" bulalas pa nito at pagkatapos ay mabilis na kinuha ang bola. Tiningnan niya ang kanilang kapitan.   "Ano kap? Kaya ba ng mga players mo iyon?" pagyayabang nito.   Si Martin nga ay napakuyom na lang ng kamao. Minsan na nga niyang hinamon si Baron ng one-on-one, kaso, kinain lang siya nang buo nito sa court.   "Magaling ka Baron... Kaso al---"   Nagsasalita pa ang kapitan nang mga sandaling iyon nang bigla nitong nakita si Ricky Mendez na humakbang. Naglakad ito papunta sa harapan ni Baron.   "Kuya Baron?" nakangiting wika ni Ricky sa harapan ng binata.   "Sino ka nga totoy?" tanong naman ni Baron na natatawa sa binatang 5'6 na nagmukha lalong maliit sa harapan niya.   "Ricky Mendez, kuya..." biglang sinabi ni Ricky at ang sunod nitong winika ang bumigla sa lahat ng mga naroon.   "Kap! Mawalang-galang na po... Gusto ko pong makalaban ng one-on-one si Kuya Baron!"   "At kapag natalo ko siya..."   Dito na sumeryoso si Ricky. Kumuyom ang kamao nito at nakaramdam ng excitement.   "Pasalihin po ninyo siya sa Barangay Team!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD