Bola 4

2119 Words
PINAG-ISIPAN ni Ricky kung sasali ba siya sa team ng kanilang barangay. Pinag-isipan niya nang bahagya, pero isa lang naman ang sigurado sa kanyang magiging desisyon. Hindi niya ito matatanggihan dahil basketball ito.   Isa na ang larong ito sa mga bagay na nakasanayan niya, kaya wala siyang ibang gagawin kundi ang tanggapin ito. Isa pa, para sa kanya, hindi pa siya talagang magaling sa larong ito. Wala pa siya sa kalingkingan ng mga nakalaban niya sa CBL na gaya nina Ibañez, Umali, at ang kambal na sina Trey at Troy, at iba pang malalakas sa bawat team na nakalaban nila.   Lalo na rin kay Macky.   Si Macky na tinuruan siya nang matapos ang CBL. Itinuro nito sa kanya ang mga pwede nitong maituro. Marami siyang natutunan ngunit lahat ng iyon ay hindi pa niya nagagawa sa aktwal na laro. Hindi pa niya iyon nasusubukan kahit sa mga laro-laro nila sa team at sa basketbolang malapit sa kanila.   Kinagabihan nang araw na iyon, napagdesisyunan na nga ni Ricky na tanggapin ang pagpapasali sa kanya ng kanilang Kapitan sa barangay team nila.   KINABUKASAN, normal na gawain lang ang ginawa niya nang umaga. Ang araw-araw niyang exercise na kanya nang nakasanayan at ang tumakbo habang nagpapatalbog siya ng bola.   Muli nga niyang nilampasan ang bahay na palagi niyang pinaghahandaan. Naririnig niya ang tahol ng aso mula roon, pero kakaiba nang umagang iyon. Sa paglampas niya sa bahay na iyon ay isang babae ang nadaanan ng kanyang paningin.   May ilaw sa labas ng bahay noon at maliwanag din ang mga street lights sa gilid ng kalsada kaya nakita niya iyon nang malinaw.   Isang babaeng nakasuot pa ng pantulog ang nakita niyang nakatitig sa kanyang pagdaan. Nakangiti ito at hindi niya alam kung bakit.   Nilampasan niya lang iyon. Isa pa, hindi niya iyon kilala kaya hindi na niya pinakaisip pa ito.   Samantala, muli namang pumasok sa loob ng bahay ang dalagang iyon. Makikita sa mukha nito ang saya dahil nakita siya ni Ricky Mendez at para sa kanya ay ayos ‘yon. Simula na ito ng kagustuhan niyang makilala siya ng binata.   Pumasok ang dalaga sa loob ng kanyang kwarto na napapaligiran ng maraming posters ng mga basketball players mula sa PBA, NBA at kahit sa Euro Leagues. Mayroon ding mga posters doon ng mga players mula sa UAAP at NCAA.   Malinis ang loob ng kanyang silid at mahahalatang mahilig sa basketball ang tumutulog dito. Sa isang parte nga ng kanyang hindi kalakihang kwarto ay may isang nakatayong basketball ring at sa baba nito ay may makikitang bola.   Sa dingding ay may makikita rin na mga naka-frame na jerseys. May isang pula at isang puti. Melendrez ang apelyidong nakalagay roon at may numero na tres ito sa ibaba.   Naglakad ang dalaga patungo sa isang nakasandal na saklay. Kinuha niya iyon at pagkatapos ay dahan-dahan niyang inabot ang kanyang kanang paa.   Tinanggal niya ang kanyang improvised na binti. Siya ang gumawa nito pero hindi naman niya ito ginagamit kapag lumalabas siya at pumapasok sa paaralan. Kapag nasa bahay lang niya ito sinusuot dahil dito lang siya komportableng gamitin ito.   Pumunta na siya papunta sa kanyang upuan. Tumalon-talon siya gamit ang kanyang kaliwang paa para marating iyon habang nakahawak sa mga pwede niyang hawakan sa kanyang tabi. Pagkaupo niya ay ngumiti siya sa imaheng nakikita niya sa kanyang salamin. Inayos at sinuklay niya ang kanyang hanggang balikat na buhok at ngumiti.   "Makikilala mo rin Ricky Mendez ang cute na ito," sabi niya sa sarili at pagkatapos ay pinagmasdan niya ang mga picture frames na nakatayo sa kanyang mesa. Mga litrato iyon ng isang babaeng nakasuot ng jersey at may hawak-hawak na bola.   "Bakit ba nagba-basketball ka? Mas bagay sa iyo Rich ang indoor sports. Tsaka, pwede ka ngang sumali ng beauty competition?"   "Saan ka pupunta?"   "Magbabasketball ka na naman? Baka masusugatan ka lang sa larong iyan. Marami namang ibang sports diyan, huwag basketball."   Itinaob ni Rich Melendrez ang isa sa mga picture na nasa mesa niya. Bumuntong-hininga siya at ngumiti matapos maalala iyon.   "Okay na. Hindi na ako makakapaglaro ng basketball... Hindi na kahit kailan..."   Dalawang taon ang nakakalipas, kilala si Rich ng mga estudyanteng taga-Calapan pagdating sa basketball. Siya ang sinasabing pinakamagaling na babaeng basketball player nang minsang ganapin ang isang maliit na torneyo para sa mga babaeng estudyante rito.   Siya si Rich Melendrez, 5'9, ang sinasabi ng mga kalalakihang nakakakita rito na... pinakamagandang basketball player na babaeng nakita nila.   Maraming beses nang inalok si Rich na sumali sa mga pageants, ngunit tinanggihan niya iyon. Dahil wala ang puso niya para rito. Wala sa mga bagay na ganoon ang kagustuhan niya. Ang asset niyang mahabang buhok ay pinutol nga niya, at kasabay nito ay ang patuloy na paglalaro sa sports na kanyang gusto.   Ang basketball.   Tumigil lang siya sa paglalaro nito nang dahil sa isang aksidente.   Nagkaroon ng imbitasyon ang team nila na makipaglaro laban sa isang school sa Pinamalayan, isang bayan sa parteng timog ng probinsya. Ngunit sa kasagsagan ng byahe, ay isang trak ang bumangga sa sinasakyan nilang van. Napakaswerte pa rin nila dahil walang namatay sa kanila, ngunit nasa unahan, sa tabi ng driver nakaupo si Rich. Naipit at napinsala ang kanang binti ng dalaga. Isa pa, natalsikan din ng mga bubog ang kaliwang bahagi ng kanyang mukha.   Para sa lahat ay napakaswerte ni Rich dahil nabuhay pa ito sa kabila ng pinsalang tinamo ng kanilang sinasakyan.   Ilang linggo namang tulala ang dalaga dahil sa aksidenteng iyon. Nagkaroon ng ilang mahahaba at malalalim na sugat ang kanyang mukha. Pero ang labis niyang ikinalungkot nang mga oras na iyon... iyon ay ang malamang kailangang putulin ang isa niyang binti. Durog na durog ang buto ng kanang binti niya hanggang sa kanyang mga paa. Iyon na lang ang dapat gawin kaya makalipas ang ilang araw, matapos siyang magising ay ginawa na agad ang operasyon upang maiwasan ang impeksyon mula rito.   Dahil sa pangyayaring iyon, nawala ang masayahing imahe ng dalaga. Ang masigla nitong aura ay naglaho. Dahil sa aksidenteng iyon, ang lahat ng saya sa kanya ay nawala. Mapapansin nga sa kaliwang pisngi niya ang mga pilat na dulot ng aksidenteng iyon. Wala na ang gandang nakikita sa kanya ng marami at ang pinakamasakit para sa dalaga... Ang katotohanang hindi na siya makakapaglaro ng basketball dahil putol na ang isa niyang binti.   Napuno ng lungkot ang dating masayahing si Rich at sa kabila ng mga nangyari, sinisisi pa rin ng mga taong nakapaligid sa kanya ang basketball.   "Dahil sa basketball na iyan kaya ka naaksidente."   "Wala kang mapapala sa basketball. Panglalaki iyan."   Pansamantalang lumayo si Rich sa mundo ng larong iyon. Ni hindi na nga siya nanonood ng mga laro na palagi niyang ginagawa. Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay ang basketball din pala ang makakapagpabalik ng sigla niya. Hindi niya alam kung paano nangyari ito... Nangyari lang ang lahat ng ito dahil sa isang lalaking napanood niya kamakailan lang sa CBL Semis.   Ricky Mendez, ito ang pangalang narinig niya nang minsang malampasan niya ang mga estudyante ng DWCC na nanood ng laban ng school nila kontra sa CISA.   Ito rin ang pangalang naririnig niya sa ilang taga-ibang paaralan nang minsang kumain siya sa night market na malapit sa palengke. Kakatapos lang daw noon ng laban ng CISA at CU.   Dati-rati ay updated naman si Rich pagdating sa CBL, pero dahil sa mga nangyari, ay wala na siyang naging pakialam dito. Inilayo niya ang kanyang sarili sa larong iyon. Ang mga posters nga sa kwarto niya ay wala na rin at itinatago na lamang niya sa ilalim ng kanyang kama.   Naging normal na estudyante na lamang siya. Nakalimutan na rin ng lahat na ang palagi nilang nakikitang naglalakad na may isang saklay ay ang dating chini-cheer nilang si Melendrez number 3. Ang player na kahit maganda ay hindi nahihiyang pagpawisan at magdagasa sa loob ng court.   "Biruin mo, nakapasok ang CISA sa Final 4?"   Alam ni Rich na winless school ang CISA pagdating sa CBL at nang marinig niya iyon ay tila may kung anong bagay ang humikayat sa kanyang malaman kung paano iyon nangyari. Sa pagsapit ng Semis, nasa bahay lang siya nang araw na iyon. Dito na nga niya naisipang manood nito.   Isang taon na rin magmula ang huli niyang panonood ng may kinalaman sa basketball. Ito ay noong hindi pa siya naaksidente.   Nakita niya ang laro ng CISA sa telebisyon, at maganda naman ang ipinakita ng koponang ito laban sa school niya. Napansin niyang magaling ang player na may Romero at Cunanan na apelyido. Pero sa kabila noon ay alam niyang DWCC pa rin ang mananalo dahil napapansin niyang mas malakas ang line-up nila.   Parang normal na nanonood lang si Rich noon nang biglang papasukin na nga ng CISA si Mendez.   Naalala ni Rich na ito ay ang laging nababanggit ng ilan.   "Siya pala iyon. Hindi pala siya matangkad? Mala-Iverson ba ang galawan nito?"   Sa pagsisimula ng panonood niya kay Mendez, ay parang wala siyang nakikitang galawan dito. Bantay-sarado rin ito ni Trey na alam niyang magaling na defender.   Napailing na nga lang siya nang biglang itinira ni Mendez ang bola. Alam niyang bitin iyon base sa galaw ng bola sa ere. Hindi niya makitang gagawin ng isang magaling na player iyon. Isa pa, pwede naman daw ipasa iyon sa kakampi. Kaya parang hindi siya bumilib sa style ng player na madalas niyang naririnig mula sa iba.   Pero, habang nasa ere ang bola ay nabigla na lang si Rich nang si Mendez pa rin ang sumambot noon. Hindi iyon bastahang ginawa ng lalaki, dahil planado ang tirang iyon.   "Sinadya niya?"   Napahawak sa kinauupuan si Rich nang biglang tumalon si Mendez at sinabayan ito ng matangkad at malaking si Williams.   "Hindi mo iyan kaya!"   Napatayo na lang bigla si Rich matapos ipasa ni Mendez ang bola habang nasa ere. Ipinasa nito ang bola papunta sa kakampi nitong libreng nakaabang sa tres.   Nagpatuloy ang laro. Hindi nga napapansin ni Rich na nagche-cheer na pala siya sa CISA. Nakita niya na kahit si Mendez ang pinakamaliit sa loob ay nagagawa pa rin nitong makipagsabayan sa iba. Nakita rin niya ang paghabol nito sa bola kahit papalabas na ng court. Isa rin sa napansin niya ay magaling din itong defender.   Pagkatapos ng larong iyon ay sinimulan na niyang hanapin ang highlights ng mga laro nito sa CISA. Ang alam niyang winless team sa CBL ay ngayon ay nasa Final 4 na. Dito na nga niya nakita ang highlights ni Mendez. Ang mga steals, ang block, at ang hustle. Isa pa, nakikita niya na masaya ang binata sa paglalaro ng basketball.   Kagaya niya nang nakakapaglaro pa siya.   Hindi niya napansin na pagkatapos na mapanood niya si Mendez ay parang biglang nagbalik ang kanyang interes sa larong ito. Napansin ito ng mga kasama niya sa bahay sa mga araw na lumilipas. Ang mga magulang niyang tutol dati sa kanyang paglalaro, ay hindi na nga siya pinigilan sa muli niyang pagdidikit muli ng mga basketball posters sa kanyang kwarto.   Nalungkot ang mga magulang ni Rich nang tila nawala na ang sigla nito sa sarili noon. Na kahit nga tutol sila sa paglalaro nito ng basketball, ay umuuwi pa rin ito nang masaya. Nagsisi na lang sila nang makita nilang nalungkot ang anak nila dahil sa aksidenteng iyon.   Noong una ay sinisisi nila ang basketball sa nangyari rito, ngunit sa huli, napagtanto nila ang kanilang kamalian. Nalimutan nilang bilang magulang ay sinusuportahan dapat nila ang kanilang anak. Pakiramdam tuloy nila ay napakasama nila dahil ni isa sa mga naging laro ni Rich noon ay hindi man lang nila pinanood. Sila ang numero unong tumutol sa kaligayahan ng kanilang nag-iisang anak. Pero hindi nila naisip na sila pala dapat ang numero unong sumusuporta rito.   Kaya nga nang nakita nila si Rich na ibinabalik na muli ang mga nakatago nitong basketball posters at mga bagay na may kinalaman dito... ay masaya silang sinuportahan ito. Gusto nilang makitang totoo na ang ngiting ipinapakita ng kanilang anak sa kanila. Gusto nilang bumalik ang dating Rich na kilala nila.   Iyong may kompyansa sa sarili. Iyong palaging totoo ang saya. Iyong Rich na kagaya nang nakikita nila noong kapag umuuwing pawisan dahil sa basketball ay panay pa rin ang kwento sa kanila kahit hindi sila interesado rito.   *****   KAHIT alam ni Rich sa sarili niyang hindi na siya makakabalik sa basketball, ay gusto pa rin niyang muling maging fan ng larong ito. Gusto na niyang maibalik ang sayang dating dinudulot nito sa kanya.   Dahil ito kay Mendez, hindi niya alam, pero dahil sa player na kagaya niyang may numero tres sa likod ng jersey... naisip niyang dapat niyang makilala ito nang personal.   "Ikaw ang may kasalanan kaya bumalik ang loob ko sa basketball... Kaya sana, makilala kita sa personal... Ricky Mendez!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD