Pilit kong inalis sa utak ang huling sinabi sa'kin ni Trey upang patuloy na mapanatili ang pagiging kalmado sa harapan ng pamilya niya. Hindi ko maitatanggi na sa kabila ng nonchalant attitude na pinapakita ko ay may nangyayari nang pagpa-panic sa loob ko. Hindi pa nakatulong na nakasunod sa bawat kilos ko ang mga titig niya na para bang hindi niya maaalis-alis ang sariling paningin sa'kin partida magkatabi pa kami ng kinauupuan. Kung pwede lang sana ay pipiliin kong pumuwesto malayo sa kanya pero bilang magkasintahan ay alam kong inaasahan ng lahat na magkatabi kami. "Stop staring," hindi ko mapigilang utos kay Trey habang nasa kalagitnaan kami nang pagkain. Nabubwesit na kasi ako. Binabantayan ko pa ang dalawa kong kapatid at pinsan tapos nariyan pa siya na dumagdag sa isipin ko.