KABANATA 10

3633 Words
MALAKAS ang ulan nang nagdaang gabi kaya napahimbing ang tulog ni Queenie. Hindi niya narinig ang pagtunog ng alarm clock. Tinanghali tuloy siya ng gising. “Mang, bakit po hindi n’yo ako ginising?” malambing pa rin na tanong niya sa ina kahit nagmamadali na siyang lumabas ng banyo. Ligo-uwak lang ang ginawa niya dahil wala ng oras. “Ang sabi mo kasi kahapon, magpapalit kayo ng day off ni Dindy. Kaya akala ko wala kang pasok ngayon.” Napakamot na lang sa ulo niya ang dalaga. Oo nga pala. Nakalimutan niyang banggitin uli sa Mama niya na hindi natuloy ang pagpapalit nila ng schedule ng kabigan niya. Pagkatapos magbihis, hindi na muna nag-makeup si Queenie. Sasakay na lang siya ng tricycle at sa biyahe na siya mag-aayos. Hindi na rin niya sinuklay nang maayos ang buhok niya. Sa biyahe na rin niya iyon patutuyuin at saka ipupusod. ‘Buti na lang at hindi na maulan! Nagsusuot na ng kaniyang sapatos si Queenie nang may marinig siyang motorsiklo na huminto sa tapat ng bakod nila. Pero hindi na siya sumilip para alamin kung sino iyon. Malamang, bumbay iyon na inuutangan ng kaniyang ina. Araw-araw at umagang-umaga iyon kung maningil. “Ate Queenie!” sigaw ni Cindy mula sa sala. “Bilisan mo diyan. Naghihintay na sa’yo si Kuya King.” Dali-daling lumabas ng silid niya ang dalaga nang marinig ang pangalan na binanggit ng kapatid. Baka namali lang siya ng dinig. Muntik pa siyang matapilok sa heels niya! Nakita niya ito na nasa bukana ng pinto, katabi ang Mama nila at kausap nga si King na nakatalikod naman sa kaniya. Nakakunot ang noo niya nang lumapit siya sa mga ito. “Anong ginagawa mo rito?” bakas ang inis sa boses niya. “Kung nandito ka para mangulit, huwag mo nang ituloy. Wrong timing ka at male-late na ako,” agad na bungad ni Queenie kay King. Dahan-dahan naman itong lumingon sa kaniya. Napalunok ang dalaga nang magtama ang kanilang mga mata. And there he goes again with his aquatic eyes. “Good morning, kamahalan.” At yumukod pa si King sa harapan niya kahit katabi lang nito ang ina at kapatid niya. Lumang T-shirt at kupas na pants na naman ang suot nito pero bagong ligo. Halatang hindi pa nga lang nagsusuklay dahil parang sinabunutan pa ang buhok nito. May kahabaan pa naman ang buhok nito na parang si Jake Cuenca ng Passion de Amor. At iilan sa mga actor na kilala niya dahil isa lang din ang teleserye na iyon sa paminsan-minsang sinusubaybayan niya. Pero bakit ang guwapo pa rin ng taong ito? Ang unfair talaga ng mundo! Naka-tsinelas lang si King pero hindi hamak na mas hot ito kaysa sa mga nakikita niya na nakasuot ng mamahaling sapatos. Puwede itong ihanay sa mga modelo kung tangkad at katawan lang naman ang pag-uusapan. Malapad ang mga balikat, matitipuno ang mga braso at malalaki ang mga kamay. ‘Tall and strong build’ ang sabi nga ng iba. Dagdag pogi points din talaga ang kaputian nito. Hindi na kailangan ng mamahaling damit para magmukhang guwapo. Effortless na kaguwapuhan, ‘ika nga! Kumukurap-kurap si Queenie bago ipinilig ang kaniyang ulo nang mapagtanto niya ang ginagawa. Agad niyang binura sa isip ang ibinubulong ng isipan niya. Bakit kasi ang dami niyang napapansin kay King nitong mga nakaraang araw? Pati ang makakapal at mahahaba nitong pilik-mata ay napansin na rin niya. “Ate Queenie, kung ice cream lang si Kuya King, baka kanina pa iyan natunaw.” Para siyang nanigas sa kinatatayuan at napalunok siya nang wala sa oras nang marinig niya ang paghagikhik ni Cindy. “Ikaw naman, Cindy. Parang nagu-guwapu-han lang sa akin ang Ate Queenie mo, eh,” sakay naman ni King sa biro ng kapatid niya, sabay ngisi at kindat sa kaniya. “Kayo na kaya ang magkapatid? Kasi pareho naman kayong mga timang!” pabalang na sagot ni Queenie at saka mabilis na nagpaalam sa kaniyang ina. Napahinto lang siya nang makita niya ang isang motorsiklo na nakaparada sa labas ng bakod nila. At hindi iyon mukhang motorsiklo ng bumbay. Wala iyong bag na may mga lamang kumot at kulambo sa harapan na pinapautang din. “Ihahatid ka na raw ni Kuya King, Ate Queenie. T-in-ext ko kasi siya at sinabi ko sa kaniya na baka ma-late ka sa trabaho mo kasi tinanghali ka ng gising.” Muling nagsalubong ang mga kilay niya. At kailan pa naging mag-text mate ang kapatid niya at si King? Eh, siya nga, never pa niyang ibinibigay ang cellphone number niya rito kahit anong pangungulit nito. Pipihit sana paharap sa kapatid si Queenie nang maramdaman niya ang malaking pigura sa likuran niya. Literal na napigil niya ang paghinga nang manuot sa kaniyang ilong ang natural na amoy ni King. Hindi agad siya nakakilos dahil pinakalma pa niya ang puso na bigla na lang tumibok nang mabilis nang maramdaman niya ang mainit na hiningang tumama sa batok niya. King is so close. Very close. Sigurado siya do’n! Saka lang nakakilos mula sa sandaling pagkaka-estatwa si Queenie nang maramdaman niya ang paghawak ng binata sa pulsuhan niya. “Tara na at baka ma-late ka nga.” Tila napapaso na binawi niya ang kamay. “H-hindi na kailangan. Magta-tricyle na lang ako.” Lumipat si King sa harapan niya. Natural na napatingala na naman siya rito. “Wala kang masasakyan na kahit ano ngayon dahil may strike ang mga driver para sa dagdag-pasada. Hindi mo ba nabalitaan sa TV kagabi?” “Hindi po mahilig manood ng TV si Ate, Kuya King,” sabat ng madaldal niyang kapatid. “Mas gusto pa niyang makinig ng Lumayo Ka Man Sa Akin sa favorite FM Station niya. Kung nanonood man ‘yan, piling-pili lang.” Hindi agad siya nakapagsalita sa kadaladalan ni Cindy dahil totoo naman talaga. “Seryoso, Mang?” baling ni Queenie sa ina. “May strike po ngayon?” Napakamot sa ulo ang ina. “Pasensiya ka na, anak. Nakalimutan ko nga palang sabihin sa’yo ang bilin ng Papang mo bago umalis. Na agahan mo nga raw kung papasok ka dahil wala kang masasakyan.” Napabuga na lang ng hangin ang dalaga. May choice pa ba siya? Pero… “May pasok ka, ‘di ba?” Hinarap niya uli ang binata. “Baka ikaw naman ang ma-late.” Tumikhim ito bago sumagot. “Nagpaalam na ako kay foreman na male-late ako ng pasok. Mga thirty minutes lang naman. Sabi pa nga, okay lang daw kahit mag-absent pa ako nang sabihin kong ihahatid kita.” Napangisi na naman si King. Nasilayan na naman tuloy niya ang malakas na karismang taglay nito. “Baliw ka. Half day ka na nga kahapon kasi tinulungan mo sa bukid si Papang. Ano pa ang sasahurin mo niyan sa Sabado?” Lingguhan daw ang sahod nito. At lihim siyang nag-aalala na baka nagpapalipas na ito ng gutom. Lalo at hindi na naman ito umuutang sa tindahan nila o kahit sa mga kalapit nilang may mga tindang pagkain. Tumawa lang si King. “May limang araw na pasok pa naman ako. Hindi na ako magugutom no’n. Kayang-kaya nga kitang buhayin sa sahod kong iyon, eh,” biro pa nito na ikinatawa lang ng kaniyang ina’t kapatid. “Sira! Hindi ka makakabuhay ng pamilya kung panay ang absent mo sa trabaho.” “Siyempre, magsusumikap naman ako kapag nagkapamilya na tayo. Hindi ko kayo gugutumin ng mga anak natin, kamahalan. Patatayuan pa nga kita ng mansiyon o palasyo, ‘di ba?” Muling uminit ang buong mukha ni Queenie dahil sa banat na naman ni King. At ipinarinig pa talaga sa Mama niya at kay Cindy? Tapos ang dalawa naman, parang tuwang-tuwa pa. Kahit ang Mama niya, parang maiihi na sa kilig. Inis na sinabunutan niya ang mahabang buhok ng binata. “Baliw ka talaga! Sinabi ko na nga sa’yo na tigilan mo na ang pagsasabi ng ganiyan sa akin at baka isipin na naman ng mga makakarinig na mag-boyfriend tayo. Ni hindi ka nga nanliligaw tapos gusto mo na agad bumuo ng pamilya na kasama ako?” “Ano? Hindi ka pa ba nanliligaw kay Ate, Kuya King? Ang bagal mo naman pala, Kuya!” kantiyaw naman dito ni Cindy. Akala ni Queenie, mapipikon ang binata nang humalakhak pa ang kapatid niya pero tumawa lang ito. Ngayon niya napatunayan na hindi nga ito seryoso at nagbibiro lang sa mga banat sa kaniya. Pero bakit parang lihim na nadismaya ang puso niya? “Huwag mo na akong ihatid. Maglalakad na lang ako.” Hindi niya alam kung bakit bigla siyang napasimangot. “Pumasok ka na lang sa trabaho mo.” “Pero paano kapag na-late ka? Ang sabi mo, wala kayong matatanggap na bonus sa December kapag may late at maraming absences?” Doon napaisip ang dalaga. Totoo ang ganoong policy sa pinapasukan niya. Hindi pa naman puwedeng mawala ang bonus niya sa December dahil idadagdag niya iyon sa ipon niya para sa pagapapagamot ni Cindy. “Sige na, anak. Umalis na kayo at anong oras na,” mayamaya ay taboy sa kanila ng Mama niya. “King, ingatan mo iyang anak ko, ha? Dahan-dahan lang sa pagmamaneho.” Bandang huli, pumayag na siyang ihatid ni King. Pero kailangan ba talaga na hawakan nito ang kamay niya habang palabas sila ng bakuran? “HUWAG mo nang intindihin ang sahod ko. Sanay naman ako sa simpleng buhay,” untag sa kaniya ni King habang hininila siya nito papunta sa nakaparadang motorsiklo at wala siyang kibo. “Mas importante sa’kin na ligtas ka at maging maayos ang trabaho mo, Queenie. Kasi makita lang kita na masaya, masaya at maayos na rin ako. Kahit puro nilagang okra at talbos ng kamote pa ang ulamin ko araw-araw.” Hindi niya inaasahan ang biglang paghinto at pagharap ni King sa kaniya kaya hindi agad nakaatras si Queenie. Ang lapit tuloy nila sa isa’t isa. Kaunti na lang at magbubungguan na ang kanilang mga noo habang nakatingala siya rito. “Basta para sa’yo, magtitiis ako,” bulong nito sa medyo paos na boses. Wala sa sarili na pinagsalikop ng dalaga ang mga kamay niya nang hilahin niya ang isa mula sa pagkakahawak ni King. Pakiramdam niya kasi, bigla siyang nilamig at nanginginig ang mga kalamnan niya. Para siyang mabibingi sa sobrang lakas ng t***k ng puso niya. Pati ang mga tuhod niya ay biglang nawalan ng lakas habang nakikipagtitigan siya sa asul nitong mga mata. Ano ba itong nangyayari sa akin? Dati naman, hindi ganito ang epekto sa kaniya ni King. Todo-irap pa nga siya rito, ‘di ba? “Akin na nga uli ‘yang mga kamay mo. Baka matumba ka pa diyan bigla, eh.” Abot-tainga ang ngisi ng binata nang hilahin at hawakan uli nito ang nanlalamig na mga kamay niya. At sa pagkakataong iyon ay pinagsalikop na nito ang mga daliri nila. Malakas na tumikhim si Queenie para linisin ang lalamunan niya nang makabawi siya ng tingin. “A-at bakit naman ako matutumba?” “Kasi kinikilig ka sa’kin!” walang gatol nitong sagot, sabay pisil sa pisngi niya na alam niyang namumula na naman. “At huwag mo nang i-deny dahil kitang-kita sa magandang mukha mo.” Sa halip na kumalma ang puso niya ay lalo lang iyong naghurumentado nang walang ano-ano na binuhat siya ni King pasakay sa motorsiklo. Sa liit niya ay nagmistulang papel lang si Queenie nang buhatin nito. Dahil naka-mini skirt siya kaya patagilid siyang pinaupo nito. “Hindi mo naman kailangang buhatin—” Kinuha nito ang helmet at isinuot kay Queenie kaya nalulon na lang niya ang iba pang salita. Dumikit pa ang kamay nito sa pisngi niya. Hindi naman mawari ng dalaga kung kinilabutan o kinilig ba siya nang maramdaman niya ang mainit nitong balat. “Hayan.” Tinapik nito ang helmet sa ulo niya. “Magiging safe na niyan ang kamahalan ko.” Kumunot ang noo ng dalaga nang mapansin niyang sasampa na sa harapan si King na walang suot na helmet. “Bakit wala kang helmet?” “Puwede namang hindi magsuot ng helmet kasi malapit lang naman.” “Pero ikaw na rin ang nagsabi na mas safe kung may suot na helmet habang nasa biyahe.” “Gano’n na nga. Pero walang extra helmet ang may-ari nitong motor na hiniraman ko, eh.” Nakahawak na ito sa manibela pero hindi muna pinaandar ang motorsiklo nang bumaling sa kaniya. “Bakit? Concern ka ba sa hari mo, kamahalan?” Inilapit pa nito ang mukha sa mukha niya habang diretso ang tingin sa mga mata niya. Pakiramdam ni Queenie ay na-hipnotismo siya ng mga titig na iyon ni King at hindi siya nakapagsalita o kahit nakagalaw man lang. Para siyang kinikiliti na hindi niya maintindihan habang nalalanghap niya ang mainit nitong hininga. “Kapag naging akin ka, hindi na kita isasakay sa hiram na motorsiklo. Bibili na ako ng bago o kaya, kotse na ang bibilhin ko. Kasi hindi ka nababagay sa ganito, eh.” Seryoso ang mukha na hinawakan nito ang chin niya. “Masiyado kang maganda para libreng makita ng iba. At ayaw ko pati na may ibang nakakakita ng legs mo, lalo na kung mga lalaki. Baka mapaaway pa ako.” Bakit naman ito makikipag-away nang dahil sa kaniya? Pagkatapos nitong sulyapan ang mapuputi at makikinis na hita ni Queenie na bahagyang nakahantad dahil sa puwesto niya, kinuha ni King ang jacket nito na nakasampay sa manibela at marahang itinakip sa mga hita niya. Speechless na napatitig na lang siya habang iniipit nito ang jacket sa mga binti niya para hindi siya makitaan kapag nilipad iyon ng hangin. May kung anong bahagi ng puso niya ang nasagi dahil ramdam niya ang pag-iingat sa bawat kilos ni King. Na para bang ayaw nitong masagi ng kamay ang hita niya dahil punong-puno ito ng respeto sa kaniya. “S-salamat…” iyon na lang tuloy ang lumabas sa bibig niya dahil wala siyang ibang masabi sa pagiging gentleman nito. “Puwede bang mag-request sa boss n’yo na palitan ang uniform n’yo?” sa halip ay tanong nito. “Hindi ako komportable sa tuwing pumapasok ka na ganiyan ang suot mo, eh.” Natawa siya habang hinahamig ang sarili dahil sa pagrigodon pa rin ng puso niya. “A-at ikaw pa talaga ang hindi komportable, ha?” “Ah, basta.” Sumimangot si King. “Tutusukin ko ang mga mata ng mga lalaking mahuhuli kong nakatingin sa legs mo.” “Ewan ko sa’yo!” She laughed again. Pero ang totoo, parang kinikilig na naman siya. “Tara na kaya bago pa ako ma-late at lumipad sa hangin ang bonus ko sa December?” pabirong saad ni Queenie at saka humawak sa likurang parte ng motorsiklo. Gusto sana niyang humawak sa balikat ni King pero nahihiya at siguradong maiilang siya. “Tara.” Ngunit bago nito tuluyang binuhay ang makina ng motorsiklo, kinuha nito ang kamay ng dalaga na nakahawak sa likuran. Pagkatapos ay kinuha rin nito ang isa pa niyang kamay at walang gatol na iniyakap sa beywang nito, kaya naman nabigla si Queenie at sumubsob siya sa malapad nitong likod. ‘Buti na lang, alerto siya bago pa man lumapat ang dibdib niya at maramdaman iyon ni King. Pakiramdam niya ay muntik na itong kinapos ng hininga, “Baka mahulog ka kapag nag-preno ako. Pero huwag kang mag-alala dahil mabagal lang naman akong magmaneho. Nananamnamin ko itong moment na ‘to na kayakap ko ang kamahalan ko. Baka kasi hindi na maulit, eh.” “Timang!” Binatukan niya ito. “Mag-drive ka na nga at anong petsa na. Ang dami mo talagang pakulo!” Tumawa lang ang loko. Pero ang hindi nito alam, nakangiti rin si Queenie habang nasa likuran nito. ANG saya ni Queenie na dumating sila ni King sa pinagtatrabahuan niya, bente minutos pa bago siya mag-in. May oras pa siya para mag-ayos. Ipinarada nito ang motorsiklo sa isang bakanteng gusali para maging komportable siya. “Huwag ka nang mag-makeup. Maganda ka naman na kahit wala ‘yan,” komento ng binata habang nakatingin ito sa kaniya na naglalagay ng blush on at lipstick. “Timang! Kailangan ‘to sa trabaho, ‘no?” depensa niya. “Pero kung ako ang boss mo, i-e-exempt kita sa makeup. Pakikiligin lang kita, siguradong magba-blush ka na.” Diretso ang tingin ni Queenie sa mukha ng binata kaya huling-huli niya ang pilyong ngiti sa mga labi nito. ‘Buti na lang talaga at nakapaglagay na siya ng blush on. Hindi na nito iisipin na tama ito. “Puwes, hindi ka karapat-dapat na maging boss. Kasi ang tunay na boss, pantay-pantay ang tingin sa lahat ng empleyado niya,” katuwiran pa niya at saka nagpusod ng buhok. Mahangin sa biyahe nila kanina kaya natuyo na iyon. Bigla na naman itong ngumisi. “Hindi ko naman kailangang tumingin sa iba. Kasi itong mga mata ko…” Idinilat pa nito nang husto ang mga mata, “ay para lang sa isang Queenie Poblacion. Kaya hindi niya kailangang makihati sa atensiyon ng iba.” Dahil huli na naman ni King ang kiliti ng puso niya kaya wala tuloy siyang naibato na banat dito. Sa halip ay inirapan na lang niya ang binata. “Sira!” Kapagkuwan ay tumingin siya sa suot na relo at nagwika, “Kailangan ko na palang umalis. Magta-time in pa kasi ako,” paalam niya rito at gumuhit ang genuine na ngiti sa mga labi niya. “Siya nga pala, maraming salamat sa paghatid, ha? Nang dahil sa’yo kaya hindi ako na-late. Hindi mawawala ang bonus ko.” “Sabi naman sa’yo, eh. Ikaw lang itong walang tiwala sa’kin!” Kinindatan siya ni King na ikinangiti lang niya. Tatalikod na sana si Queenie nang pigilan siya nito. “Sandali. Parang hindi pantay ang lipstick mo, kamahalan.” Dumukot ito ng panyo sa bulsa at walang ano-ano na pinahid ang gilid ng kaniyang mga labi. Inilapit pa talaga nito ang mukha sa mukha ng dalaga para matitigan nito nang mabuti ang ipinahid niyang lipstick. Natural na naghurumentado na naman ang puso ni Queenie. Hindi niya napigilan ang mapalunok sa harapan nito. She was paralyzed for a moment. Paano ba niya pigilan ang ganitong pakiramdam sa tuwing nagkakalapit sila ni King bago pa man nito mapansin ang pagbabago sa feelings niya rito? Baka mauna pa siyang umamin sa nararamdaman kaysa ang seryosohin nito ang panliligaw sa kaniya. “Huwag mo na uli gawin iyan sa harapan ko,” kapagkuwan ay reklamo nito at bigla na lang itinigil ang pagpahid sa lipstick ni Queenie. Inosenteng tumingin siya rito, “Ang alin?” “Ang mag-pout. Baka…” Lalo lang naguluhan ang dalaga. “Baka…?” “Wala…” Umiling-iling ito at hinawakan ang pulsuhan niya. “Tara na. Ihahatid na kita hanggang sa entrance. Ang daming nakatambay na lalaki do’n sa tapat.” “H-ha? Pero—” “Kailan ba ako yayaman para maialis na kita sa ganitong trabaho?” sansala ni King. Puno ng frustration ang mukha nito nang lingunin niya na sumulyap sa mini skirt na suot ni Queenie. Ano na naman ba ang problema ng lalaking ito? “Tumaya ka sa lotto. Baka sakaling tumama ka at maging instant milyonaryo,” biro niya rito para patawanin. Bigla na lang kasi itong sumeryoso at dumilim ang anyo nang mapadaan sila sa mga nakatambay na kalalakihan at pasimpleng tumitingin kay Queenie. Akala nga niya susugurin na ni King ang isang lalaki na lantarang tumitig sa kaniya. Kaya hinawakan niya ang kamay nito. Pero isang malaking pagkakamali yata ang nagawa niya dahil sinamantala iyon ng binata at pinagsalikop ang mga daliri nila. Pagsasamantala nga bang matatawag iyon kung lihim naman niyang nagustuhan? “Hindi ako tumataya ng lotto dahil ayokong yumaman sa ano mang sugal,” sagot nito sabay baling sa kaniya. “Ang gusto ko, yayaman ako sa sariling sikap ko para maging proud ka sa’kin.” Napahinto si Queenie at napatitig dito. Hindi niya alam kung bakit niya iyon ginawa. ‘Buti na lang at bigla niyang narinig ang pagtawag sa kaniya ni Dindy. Mabilis siyang bumitaw sa pagkaka-holding hands nila ni King bago pa man iyon mapansin ng kaibigan niya at tudyuhin na naman siya. “Sige na. Papasok na ako,” paalam niya kay King. “Maraming salamat uli sa paghatid at mag-ingat ka pauwi.” “Susunduin kita mamayang uwian. Hihiramin ko uli ang motor,” anito bago umalis. “Huwag na—” “Sige na, pumasok ka na.” Nag-wave na ito sa kaniya kaya wala na siyang nagawa. Umalis na rin ito pagkatalikod niya. “ Bye, kamahalan!” At sa lakas ng boses nito, siguradong narinig iyon ni Dindy kaya sinalubong siya ng tukso ng kaibigan niya. Bukas na lang daw ito magde-day off kaya pumasok nang araw na iyon. Nakita pala nito ang hindi dapat makita, “Hindi raw nobyo. Pero kung maka-holding hands, ha? Tapos may ‘kamahalan’ pang nalalaman. Landi mo, dai!” “Loka-loka!” Namumula na hinila ni Queenie ang buhok ng kaibigan. “Ni hindi ko nga siya manliligaw, eh.” “Hindi? Baka naman saksakan ka lang ng manhid? Eh, ako nga, mag-boyfriend na ang tingin ko sa inyo, eh. Sobrang sweet n’yo kaya! Baka magulat na lang ako na pinikot ka na ng lalaking ‘yon. Mukhang patay na patay sa’yo, dai!” “Hoy, lukaret! Maghunos-dili ka!” pahiyaw na sagot ni Queenie at tinawanan lang siya nito. Maaari ngang may iba na siyang nararadaman para kay King. Dahil hindi naman talaga mahirap magkagusto sa kabaitang taglay nito. Pero sigurado si Queenie na hindi pa rin nagbabago ang standard niya pagdating sa mga lalaki. Dahil ang kapakanan pa rin ng kaniyang pamilya ang mahalaga sa kaniya. At higit sa lahat, hindi pa siya handang pumasok sa isang relasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD