KABANATA 11

3140 Words
PAWISAN na si Queenie dahil kanina pa siya nagdidilig ng mga pananim nilang gulay sa likod-bahay. Isa iyon sa pinagkakaabalahan nilang mag-anak kapag libreng araw. Sayang din kasi ang bakanteng lote kaya tinataniman nila ng mga gulay kahit pangkain lang nila. “Ako na ang tatapos nito, Cindy. Magpahinga ka na sa loob at baka mapagod ka na naman,” saway niya sa kapatid nang makitang hindi pa rin ito tumitigil sa pagdadamo. Pinatay naman muna niya ang hose ng tubig para marinig siya nito. “Pero hindi pa naman ako pagod, Ate. Wala ka nang katulong dito kung aalis ako. Magluluto na kasi ng tanghalian si Mamang.” “Basta ako na ang bahala rito,” giit niya. “Mag-abang ka na lang ng Kapamilya Gold. Ano nga ang pinapanood mo do’n? Tubig at Langis ba?” “Opo, ate. Tubig at Langis nga. Siyempre, bida do’n ang Papa Zanjoe ko, eh!” kinikilig na namang wika nito na ikinatawa lang niya. Wala naman siyang nakikitang masama kung humanga man nang ganoon sa isang artista ang nakababatang kapatid. At saka isa pa, hindi naman sila nagkulang ng kaniyang mga magulang sa pangaral dito na hanggang crush-crush lang muna dahil bata pa. At batid nilang nauunawaan naman iyon ni Cindy. Mabait at responsible naman kasi ito. Sadyang may kakulitan lang talaga, “At saka mamaya pa namang hapon ‘yong Kapamilya Gold, ate. Kaya tulungan muna kita. Promise! Sasabihin ko rin agad sa’yo kapag pagod na ako.” Wala na ring nagawa si Queenie sa katigasan ng ulo ng kapatid kaya bandang huli ay pumayag na rin siya na tulungan siya nito. Itinuloy na niya ang pagdidilig habang malakas ang tugtog mula sa maliit na radyong dala-dala nila sa labas. Masigla nila iyong sinasabayan ni Cindy. Kahit hindi ito mahilig sa musika, pero kapag siya ang kasama, napapakanta at napapaindak na rin ito kung minsan. “Kamahalan!” Narinig ni Queenie ang pamilyar na boses na tumawag sa kaniya mula sa likuran. Pero hindi niya akalain na nakalapit na pala ito dahil sa ingay ng radyo at kantahan nila ni Cindy. Sa pagharap niya habang hawak pa rin ang hose na may lumalabas na tubig, nagulat ang dalaga nang biglang may malaking bulto ang bumulaga sa harap niya at natamaan ng tubig. “Kamahalan!” Si King habang sinasangga sa mukha ang dalawang braso. Natataranta na pinatay at inilayo naman agad ng dalaga ang water hose. “King! Ano ba kasi ang ginagawa mo diyan sa likuran ko? At bakit ka nanggugulat?” “Kanina pa kaya ako nandito. Tinatawag ko kayo ni Cindy pero hindi n’yo ako naririnig,” katuwiran nito at saka pinagpag ang T-shirt na basang-basa. Pero hindi niya ito makitaan ng iritasyon sa mukha. “Ang sabi kasi ng Mamang mo, nandito kayo sa likod-bahay kaya dumiretso na ako dito.” “Ano na naman ba kasi ang kailangan mo?” “Dinalhan kita ng maraming mangga. Rumaket kasi ako sa farm kagabi, kasama ang mga ka-trabaho ko. Bukod sa bayad, binigyan din kami ng pinsan mong si Josephine ng isang kaing na mangga.” “Wow! Hinog na po, Kuya King?” excited na sabat naman ni Cindy. Pareho silang mahilig sa manggang hinog. Pero mas matakaw ito. “May mga hinog na at merong hindi pa.” “Puwede akong makahingi, Kuya? Hindi naman iyon mauubos ni Ate Queenie, eh.” “Oo naman!” mabilis na sagot ng binata. “Lahat naman ng dinadala ko para sa Ate Queenie mo ay para na rin sa buong pamilya n’yo. Kaya nga palagi kong dinadamihan. ‘Buti na lang mabait si Josephine. Dinagdagan niya ang para sa’kin.” Matutuwa at kikiligin na naman sana ang dalaga dahil sa mga narinig niya kay King. Pero hindi niya mawari kung bakit mas nainis pa siya dahil mukhang hangang-hanga ito sa kabaitan ng pinsan niya. “Mabait talaga ‘yon at maganda pa. Kung ako sa’yo, ligawan mo na.” Hindi alam ni Queenie kung bakit lumabas iyon sa bibig niya. At mas lalong hindi siya sigurado kung mukha ba siyang bitter sa lagay na iyon. “Si Ate Queenie talaga. Selos naman agad,” tudyo sa kaniya ni Cindy kaya pinanlakihan niya ito ng mga mata na ikinatawa lang nito. “At bakit naman magseselos ang kamahalan ko? Eh, wala naman akong balak na ligawan si Josephine o kahit sino mang babae, dito o sa labas man ng hacienda,” pang-aalo naman sa kaniya ni King, sabay kindat. “Ewan ko sa’yo! Umuwi ka na nga. Istorbo ka lang sa ginagawa ko, eh.” Tinalikuran na niya ito at muling hinarap ang pagdidilig. “Paano naman ako uuwi kung ganitong basang-basa ang damit ko?” reklamo ng binata. “Bawal magpakalat-kalat sa kalsada ng nakahubad, ‘di ba? Huhulihin ng mga tanod.” Saka lang na-konsensiya si Queenie at muling humarap kay King. “Sorry na. Papahiramin na lang muna kita ng damit ni Papang. Teka, ikukuha muna kita sa loob.” Akmang aalis na siya nang pigilan siya ni Cindy. “Ako na po ang kukuha, Ate. Magba-banyo na rin ako at naiihi na ako sa sobrang kilig sa inyong dalawa ni Kuya King.” Hahabulin pa sana niya nang kurot sa tagiliran ang kapatid pero mabilis na itong nanakbo papasok sa kanilang kubo. Natigilan na lang siya nang mapansin niya ang pagtitig sa kaniya ng binata nang maiwan silang dalawa. Hindi niya maipaliwanag ang emosyong nakasungaw sa mga mata nito ngunit ramdam ng dalaga na may kakaibang dulot iyon sa sistema niya. “Anong nangyari sa’yo?” usisa ni Queenie nang bigla na lang niyakap ni King ang sarili na parang nilalamig. Nanginginig ito. Pati ang mga labi ay nangangatal din. “Nilamig ako bigla.” Muntik nang mag-alala ang dalaga kung hindi lang nito ibinuka ang mga braso at lumapit sa kaniya na namumungay sa kapilyuhan ang mga mata. “Puwede mo ba akong yakapin?” Kaya sa halip ay sinabunutan na lang niya ito. “At bakit naman kita yayakapin? Hindi mo naman ako girlfriend, ah.” Naaaliw na tumawa lang si King. “Ayaw mo pa kasi akong sagutin, eh. Baka gusto mong ikaw ang yakapin ko.” Hindi napaghandaan ni Queenie ang sunod na ginawa ng binata dahil akala niya ay nagbibiro lang ito. Kaya nagulat siya nang malamang nasa likuran na niya ito at niyakap nga siya mula roon. Naramdaman niya ang pagrigodon ng kaniyang puso, sabay ng pag-iinit ng kaniyang magkabilang pisngi. Lalo yatang nagwala ang puso niya nang maramdaman niya ang matigas nitong katawan. Ngunit bago pa man mahalata ng binata ang paninigas niya, agad na binaklas ni Queenie ang mga braso nitong nakapulupot sa beywang niya at lumayo rito. “Loko-loko ka talaga, King! Isusumbong kita kay Papang. Nananantsing ka na.” Ngumisi lang ito. “Parang nilalamig lang ‘yong tao, eh. Sino kaya ang may kasalanan kung bakit ako nabasa?” “Kuya King! Ito na ang damit ni Papang, o.” Lumapit sa kanila si Cindy at iniabot sa binata ang kulay-asul na damit ng kanilang ama. “Medyo malaki daw iyan kay Papang. Baka kasya sa’yo.” “Salamat, Cindy, ha? Ang bait talaga ng future hipag ko.” “Iyan ang gusto ko sa’yo, Kuya, eh!” At nag-apir pa ang dalawa. Napailing na lang si Queenie. Magkasundong-magkasundo talaga ang mga ito. “Tumalikod ka muna.” Mayamaya ay utos ni King sa kapatid ni Queenie. “Isusuot ko lang ‘to.” Tumalima naman si Cindy. Samantalang nanlaki na lang ang mga mata ni Queenie nang maghubad na agad ang binata kahit hindi pa man siya nakakatalikod. Feeling niya ay nag-slow motion ang lahat habang pinapanood niya ang dahan-dahan na paghubad nito sa kaniyang harapan. Tumigil ang mga mata niya sa malapad nitong dibdib. Lalong nagrigodon ang puso niya. Ang yummy talaga ng lalaking ito! Kung hindi pa dahil kay King, hindi niya matutuklasan na natatakam din pala siya sa mga lalaking may magagandang hubog ng katawan. Akala niya noon, hindi pa siya interesado dahil wala pa sa isip niya ang pagnonobyo. Iyon pala, wala lang siyang nakitang lalaki na papasa sa taste niya. Si King pa lang! “Ang sabi ng matatanda, magkaka-kuliti ka raw sa mga mata kapag nanilip ka,” narinig niya na komento nito. Nahuli pala nito ang malagkit na pagtitig niya rito. Tumawa lang si Cindy. Pero si Queenie, namumula ang buong mukha na sinabunutan na naman niya si King. “Timang!” NAGISING si Queenie sa kalaliman ng gabi dahil sa naririnig niyang komosyon sa labas ng silid niya. Parang nagkakagulo ang mga magulang niya kaya napabalikwas siya ng bangon at patakbo na lumabas, para lang matigilan nang makita si Cindy na karga-karga ng Papang niya habang walang malay. “M-mang, P-pang! A-ano ho ang nangyari kay Cindy?” ninenerbiyos na usisa ni Queenie nang patakbo rin na lumapit siya sa mga ito. “Hindi ko nga alam, anak. Nagpasama lang siya sa akin na iinom ng tubig dahil nauhaw daw siya tapos bigla na lang siyang nawalan ng malay,” umiiyak na sagot ng Mama niya. Matapang ito sa halos lahat ng pagkakataon. Pero pagdating talaga sa pamilya nila, mabilis itong panghinaan ng loob. Mas nerbiyosa pa ito kaysa kay Queenie. Lalo na kapag ganitong inaatake ng sakit si Cindy. “Kung gano’n ho, dalhin na natin siya sa ospital!” Sa sobrang pag-aalala at pagkataranta ni Queenie kaya hindi na siya nag-abalang bumalik sa silid at magsuot ng brassiere. Hindi na niya alintana kung manipis na pantulog lang ang suot niya nang tumakbo siya palabas ng bahay para magtawag ng tricyle. Ang gusto lang niya ay maagapan at mailigtas ang kapatid. Pero dahil gabi na kaya wala nang dumadaang tricycle sa tapat ng bahay nila. Masiyadong malayo kung pupunta pa siya ng paradahan. Baka kung mapaano na si Cindy. Ngunit mas mapapahamak ito kung magdamag siyang maghihintay sa wala. Lakad-takbo ang ginawa ni Queenie habang papunta sa paradahan. Umiiyak na siya sa sobrang pag-aalala sa kapatid. Marami namang poste ang may mga ilaw kaya maliwanag sa kalsada. Padaan na siya sa gusaling ginagawa ng grupo ni King nang makita niya ang mga ka-trabaho nito na nag-iinuman pa. Pero hindi kasama ng mga ito ang binata. “Kano! Ang kamahalan mo! Mukhang may susugurin!’ narinig niya na sigaw ng mga ito mula sa barracks. Hindi na sana iyon papansinin ni Queenie dahil nagmamadali siya. Ngunit mabilis na lumabas si King na parang naalimpungatan pa at tumakbo para salubungin siya. “Queenie! Gabing-gabi na, ah! Saan ka pupunta?” Alalang-alala ang mukha nito nang harangan ang daraanan niya. “At saka bakit ka umiiyak? Ano’ng nangyari?” “Tatawag ako ng tricyle, King. Dadalhin kasi namin sa ospital si Cindy kasi bigla na lang siyang nawalan ng malay,” umiiyak na sumbong ng dalaga. “Ano?” Lalong nag-alala ito ngunit nanatiling kalmado para aluin siya. “Huwag ka nang umiyak. Dadalhin natin sa ospital ang kapatid mo. Hintayin mo lang ako dito, ha? Hihiramin ko lang ang pickup truck ni foreman. Tamang-tama na hindi pa siya umuuwi dahil nag-iinuman pa sila. Tumahan ka na.” Hinimas muna nito ang likod ni Queenie para patahanin siya bago ito patakbo na bumalik sa barracks. Hindi naman nagtagal ay nakita na niya ito na may bitbit ng jacket at saka kinausap ang foreman nito. Nakahinga siya nang maluwag nang makita niyang lulan na ng pickup truck ang binata. Marunong din palang magmaneho ng sasakyan si King. “Queenie, sakay na. Susunduin na natin si Cindy at mga magulang mo.” Binuksan nito ang pinto sa passenger’s seat nang tumigil ito sa tapat niya. Walang sinayang na sandali ang dalaga at sumampa agad siya. Hindi pa rin mawala ang takot at kaba sa dibdib niya pero nabawasan dahil sa pagtulong ni King. Eksakto namang nasa labas na ng bakuran ang mga magulang niya nang dumating sila. Nagmamadali namang bumaba si King para alalayan ang Papa niya na maisakay si Cindy. Pagkatapos ay saka nito pinaharurot ang sasakyan papunta sa ospital habang kasama ang buong pamilya ni Queenie. “HUWAG ka nang umiyak. Siguradong magiging okay din si Cindy,” pang-aalo uli ni King sa dalaga habang nasa ospital na sila at sinusuri na ng doctor ang kapatid niya. Tanging ang kaniyang ama lang ang nasa loob ng emergency room dahil isang bantay lang ang pinayagang pumasok. Habang ang kaniyang ina naman ay nagpaalam na pupunta sa chapel para magdasal. “Hindi ko pa rin mapigilang mag-alala, King. Paano kung sabihin ng doctor na kailangan nang operahan ni Cindy? Saan kami kukuha ng milyones?” Sinabi na niya rito ang tungkol sa totoong kalagayan ng kapatid. Inayos muna ng binata ang jacket nito na suot ni Queenie. Ipinasuot nito iyon sa kaniya kanina nang mapansin ang suot niyang pantulog lang. “Basta magtiwala ka lang sa Diyos. Mabait na bata si Cindy. Hindi Niya pababayaan ang kapatid mo.” Aminado ang dalaga na nakatulong ang presensiya ni King para gumaan ang pakiramdam niya. Pero hindi pa siya nakapagpasalamat dito simula kanina. “Maraming salamat nga pala sa pagtulong mo, King, ha? Kung hindi dahil sa’yo, hindi ko alam kung naagapan namin si Cindy. Mabuti na lang talaga at gising ka pa kanina. At maraming salamat din sa foreman mo na nagpahiram ng sasakyan.” “Katutulog ko lang din nang marinig ko ang pangalan mo. ‘Buti nga at mabait si foreman kaya pinahiram niya ang pickup niya.” “‘Buti nga ka’mo at hindi ka nakipag-inuman. Paano na lang kung lasing ka? Masiyadong malayo ang paradahan.” “Hindi naman talaga umiinom nang sobra kaya malabong malasing ako. Paisa-isa o dalawang tagay lang ako. Pakikisama lang ba. Minsan naman, isang bote lang ng beer kapag sobrang pagod ko talaga para makatulog agad ako.” Napangiti si Queenie na parang hindi makapaniwala. “Weh? Totoo?” “Aw. Ayaw mong maniwala na hindi ako lasenggo? Porke’t construction worker lang ako? Dapat ba mukha akong Tanduay na Lapad?” “Sira ka! Wala akong sinasabing gano’n!” Napaigtad ito nang kurutin niya sa tagiliran. “Ang sinasabi ko, parang iilan na lang kasi ngayon ang lalaking hindi palainom.” “Puwes, isama mo ako sa ‘iilan’ na ‘yon, kamahalan,” nakangising sagot nito. Napailing si Queenie habang nakangiti. “Oo na!” Mukhang nagsasabi naman ito nang totoo. Kung gano’n, masuwerte ang babaeng mapapangasawa ni King. Mayamaya ay bumalik ang lungkot at pag-aalala niya nang mapasulyap siya sa pinto ng emergency room at hindi pa rin lumalabas ang ama. “Hays. Ang hirap talagang maging mahirap, ‘no? Kung mayaman lang kami, matagal na sana naming naipagamot si Cindy,” wala sa loob na turan niya at napabuntong-hininga. “Sayang nga at hindi ako mayaman, eh. Hindi ka na sana namroroblema nang ganito,” narinig niyang wika rin ng binata na para bang problema rin nito ang problema niya. “Kaya hindi muna ako nagno-nobyo at lalong hindi pa nag-aasawa, eh. Dahil ang gusto ko, iyong lalaking kahit hindi naman sobrang yaman basta matutulungan naman niya akong iahon sa hirap ang pamilya ko. Hindi ko sila kayang iwan sa ganitong sitwasyon,” dagdag pa ni Queenie. Wala naman siyang intensiyon na paringgan si King. Gusto lang niyang ilabas ang nararamdaman na frustration sa mga oras na iyon. Kaya nga nagtaka siya nang bigla na lang itong manahimik. “May nasabi ba akong mali?” Napasinghap lang si King. Inilagay nito ang dalawang kamay sa likod ng ulo at saka sumandal sa pader. Seryoso na ang mukha nito nang tiningnan uli si Queenie. “Kung gano’n, kailangan ko pala munang magpayaman?” “Ha? Ano?” Lalo lang siyang naguluhan. At kung kailan naman naunawaan na niya ang sentimyento nito ay saka naman bumukas ang pinto ng emergency room at iniluwa mula roon ang kaniyang ama. “’Pang!” Nagmamadali na sinalubong niya ito habang kasunod niya si King. “Kumusta ho si Cindy? Ano ho ang sabi ng doctor?” Mukhang problemado ang Papa niya pero nagawa pa nitong ngitian si Queenie para siguro hindi na siya mag-alala pa. “Huwag ka nang mag-alala, anak. Okay naman ang kapatid mo. Ang sabi ng doctor, sa awa ng Diyos, hindi pa naman kailangan na operahan ang puso ni Cindy ngayon. Baka nasobrahan lang daw sa pagod kaya hinimatay.” Noon lang nakahinga nang maluwag ang dalaga. “Hay! Salamat sa Diyos!” Sa sobrang tuwa niya ay napayakap tuloy siya kay King. Kapwa sila natigilan sa ginawa niyang iyon. Nagkatinginan silang dalawa. Kapagkuwan ay parang napapaso na lumayo rito si Queenie nang mapagtanto ang nangyari at naalalang kaharap nga pala nila ang Papa niya. “Dito ka lang muna, anak, ha? Bantayan mo muna ang kapatid mo,” kapagkuwan ay bilin nito. “Kapag hinanap ako ng Mamang mo, sabihin mong uuwi lang ako sandali para kukuha ng pera. May kailangan kasi tayong bayaran, at mga gamot na dapat bilhin bago lumabas si Cindy.” Tumango naman siya. “Sige ho, ‘Pang. Mag-ingat kayo.” “Gusto n’yo ho bang samahan ko na kayo, Mang Dodoy? Para makabalik din ho kayo agad,” suhestiyon ni King. “Baka kasi wala na kayong masakyan pagbalik n’yo rito. Mapapamahal naman ho kayo sa pamasahe kung aarkila kayo ng tricycle dahil masiyadong malayo.” Aminado si Queenie na na-touch na naman siya sa pagiging thoughtful ng binata. Kapag ganitong nasasaksihan niya ang kabaitan nito, lalo lang tumitindi ang kakaibang damdamin niya para rito na hindi pa niya kayang aminin sa sarili. “Maraming salamat na lang, King. Pero puwede bang samahan mo na lang dito ang anak ko? Mas kailangan ka niya rito, eh.” Sumulyap sa kaniya ang Papa niya. “Ako na ang bahala. Babalik agad ako.” “Sige ho, Mang Dodoy. Sasamahan ko na lang dito sina Queenie. Pero ihahatid ko na lang ho kayo sa labas.” Tumingin din sa kaniya ang binata at nagpaalam. “Babalik agad ako. Huwag ka nang umiyak diyan, okay?” Masuyong pinisil pa nito ang chin ng dalaga na ikinangiti lang niya. Hindi napigilan ng dalaga na sundan ng tingin ang papalayong bulto ng kaniyang ama at ni King. Hanggang sa huminto ang mga ito sa pinto palabas ng ospital. Kumunot ang noo niya nang makita niya ang pag-abot ni King ng pera sa Papa niya. Todo-iling ang kaniyang ama at halatang tinatanggihan ang pera. Pero mapilit ang binata at ito pa mismo ang naglagay ng pera sa palad ng Papa niya. Para saan kaya ang perang iyon? Naalala niya na Sabado nga pala ngayon at sahod ni King. Ano pa ang kakainin nito sa mga susunod na araw kung ibinigay nito sa Papa niya ang pera na siguradong tamang-tama lang sa pang-isang linggong gastusin nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD