NAPAHINTO sa paghuhugas ng pinggan si Queenie nang marinig niya ang boses ni King sa sala ng kanilang bahay.
“Magandang hapon ho, Mang Dodoy, Aling Sylvia, at pati na rin sa’yo, Cindy,” magalang na bati nito sa kaniyang kapatid at mga magulang. “May dala nga ho pala akong kwek-kwek at fishball. Pasensiya na ho at iyan lang ang nakayanan ng sahod ko.”
“Magandang hapon din sa’yo, Kuya King! Maraming salamat po sa pasalubong!” boses iyon ng kapatid niya pagkatapos na bumati rin ng kaniyang mga magulang sa binata. “Si Ate Queenie po ba ang hanap mo, Kuya?”
“Sana…” sagot ni King sa boses na medyo nahihiya pa. “Maaga kasing natapos ang trabaho namin kaya naisipan kong dumalaw. Kung okay lang ho sa inyo.”
“At bakit naman hindi? Ikaw talagang bata ka,” boses niyon ng Papa niya. Kung gaano ito ka-strikto sa mga manliligaw noon ni Queenie, ganoon naman ito kagiliw ngayon kay King. “Para ka namang bago rito sa bahay.”
“Oo nga naman, King. Welcome na welcome ka dito sa bahay ano mang oras,” sang-ayon naman ng Mama niya.
“Maraming salamat ho!” narinig niya ang masiglang sagot ng binata. “Baka ho may gusto kayong ipaayos, Mang Dodoy. Gawin na natin habang bakante pa ako. Naalala ko ho na nabanggit n’yo sa’kin na sira na ang lababo n’yo.”
“Oo nga. Sira-sira na ang lababo namin. Hindi ko naman maasikaso at abala nga ako sa bukid.” Ang kaniyang ama. “Kung hindi sana nakakaabala at nakakahiya sa’yo, papatingnan ko sana at magpapatulong na rin ako. Bibigyan na lang kita kapag nakaani ako ng munggo.”
“Naku, si Mang Dodoy talaga parang others! Manang-mana ho sa inyo si Queenie.”
Hindi napigilan ng dalaga ang mapangiti sa biro na iyon ni King. Hindi makakaila na palagay na rin ang loob nito sa kaniyang pamilya sa paraan ng pakikipag-usap nito.
Narinig niya ang marahang pagtawa ng kaniyang mga magulang at kapatid.
“Halika, ipapakita ko sa’yo ang sinasabi kong sira sa lababo.”
Nang marinig ni Queenie ang sabi ng Papa ay saka lang siya natataranta na nagsuklay ng buhok gamit ang kaniyang mga daliri. Dali-dali rin niyang hinubad ang suot na apron at inayos ang bahagyang nagusot na damit. Mabilis din na humarap pa siya sa maliit na salamin para tingnan kung may dumi ang mukha niya o kung hindi ba siya mukhang losyang. Inamoy-amoy din niya ang sarili kung amoy-pawis ba siya.
Pagkatapos ay saka na lang siya natawa sa pinagagawa niya. Iba na talaga ang epekto sa kaniya ni King.
Hanggang sa marinig niya ang papalapit na mga yabag. Napalingon siya sa bukana ng kusina at pumasok doon ang kaniyang ama at kasunod naman nito si King. Pero lumagpas lang ang tingin ni Queenie sa Papa niya. Sa binata agad humayon ang mga mata niya.
Awtomatikong napangiti naman si King nang makita siya. “Hi, kamahalan. Magandang hapon sa’yo. Nandiyan ka pala.”
Pinamulahan siya ng mukha dahil sa lantaran nitong pagtawag sa kaniya na ‘kamahalan’ kahit kaharap pa nila ang kaniyang ama. Sabagay, hindi naman iyon bago sa kaniya. Kahit sino ang kaharapa nila, consistent si King sa endearment nito sa kaniya. Kaya nga napapagkamalan silang mag-nobyo kapag tinatawag din niya ito na ‘King’. Lalo na iyong mga hindi nakakakilala sa kanila at hindi alam na iyon ang pangalan nito.
“M-magandang hapon din sa’yo. Ano nga pala ang ginagawa mo rito?” patay-malisya na tanong ng dalaga. Kunwari na lang na hindi siya nakikinig sa usapan ng mga ito kanina para lang may sabihin siya.
“Dinalhan ka niya ng kwek-kwek at fishball, anak. Kaya lang mukhang inubos na ng kapatid mo,” ang kaniyang Papa ang sumagot. “Kanina pa yata binanatan. Nakakahiya tuloy dito kay King kasi para talaga sa’yo ‘yong mga dala niya, eh,” dagdag pa ng ama ni Queenie sa himig nanunudyo.
Nagkatinginan tuloy silang dalawa ni King at nag-blush na naman siya nang kumindat pa ito sa kaniya.
“Wala hong problema, Mang Dodoy. Dahil para talaga sa inyo ang kwek-kwek at fishball. Ito talaga ang pasalubong ko sa kay Queenie.” May kinuha ito mula sa likod ng pantalon. Nagulat pa siya nang makita na isang tangkay ng rosas iyon. “Para sa’yo, kamahalan,” anito, sabay abot sa kaniya ng bulaklak.
Hindi na matapos-tapos ang pag-iinit ng buong mukha ng dalaga dahil sa harap pa talaga ng Papa niya inabot sa kaniya ni King ang rosas. Lalo lang tuloy silang tinudyo nito. Gayon man ay walang naramdaman na pagkainis si Queenie. Imbes ay mas nakaramdam pa siya ng tuwa saa binata. Kasi patunay lang na kung ano man ang intensiyon nito sa kaniya ay malinis iyon.
At hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit kinikilig siya.
Kinikilig na naman siya!
“Tanggapin mo na, anak. ‘Buti nga hindi na Baho-baho ang dala niya, eh,” pabiro na sulsol sa kaniya ng ama, sabay nguso sa bulaklak na naiwan sa ere dahil hindi pa niya tinatanggap mula kay King.
Tila nahihiya na napakamot sa ulo ang binata. “Pasensiya ka na kung Baho-baho ang unang ibinigay ko sa’yo no’n, ha? Gusto ko talagang magpapansin sa’yo noon pa man kaya iniba ko ang pagbibigay ng bulaklak.”
“Hay. Para naman akong bumabalik nito sa panahon na nililigawan ko pa lang ang Mamang mo, anak,” tukso uli ng ama niya bago ito nagpaalam kay King. “Sa susunod na araw na lang natin aayusin ang lababo kapag bakante ka na uli.” Kapagkuwan ay lumapit ito sa binata at saka bumulong.
Kumunot naman ang noo ni Queenie. Pero hindi na niya naitanong sa ama kung ano ang ibinulong nito kay King dahil bumalik na ito sa sala. Ilang sandali pa ay narinig na nila na nagpatugtog ito ng paboritong musika niya. Ang Lumayo Ka Man Sa Akin ni Rodel Naval.
Medyo nagkailangan pa sila ng binata nang maiwan silang dalawa sa kusina. Walang nakapagsalita agad. Tila nagpakiramdaman pa. Hanggang sa hindi na nakatiis si King sa nakakabingi na katahimikan.
“Pumunta nga pala ako sa trabaho mo kanina para sunduin ka sana. Pero nag-half day ka lang pala.”
“Hala! Pumunta ka pala?” Nasorpresa si Queenie. “Nag-half day nga ako kasi biglang sumakit ang ulo ko.”
Mabilis na gumuhit ang pag-aalala sa guwapong mukha ni King. “Sumakit pala ang ulo mo? Kumusta ang pakiramdam mo ngayon? Okay ka na ba? Uminom ka na ba ng gamot? Baka kailangan mong magpa-check para makasiguro.”
Parang gusto niyang matawa sa reaksiyon nito. Medyo OA o overacting iyon. Pero aminado si Queenie na kinilig na naman siya. “Nalipasan lang siguro ako ng gutom kasi hindi na ako nakapag-almusal. Ang lakas kasi ng ulan kanina kaya tinanghali ako sa pagpasok. Tapos naambunan pa ako. Pero okay na ako ngayon. Nakainom na rin ako ng gamot.”
“Sabi na nga ba, eh. Ihahatid sana kita kanina sa pagpasok.” Pagka-dismaya at pagsisisi naman ngayon ang nakalarawan sa mukha nito. “Hindi ka sana mababasa sa ulan at hindi sana sasakit ang ulo mo.” Lumamlam ang mga mata nito nang tumingin kay Queenie. “Pasensiya ka na talaga, ha? Hindi kasi ako makaalis sa puwesto ko kanina kasi naghahalo kami ng semento. Nagbuhos kasi kami ng mga poste.”
“Ano ka ba? Hindi mo naman kailangang magpaliwanag,” natatawa na saway niya rito.
Pero lalo lang nitong sinisi ang sarili. “Sa susunod, hindi na talaga ako papayag na hindi ka maihatid-sundo. Lalo na kapag masama ang panahon. Puwede naman akong um-absent, eh.”
Hindi makapaniwala na napatingin siya rito. “Kinukulang na nga lagi ang sahod mo tapos a-absent ka pa.”
Hanggang ngayon, palaisipan pa rin kay Queenie kung bakit palaging kinakapos sa budget si King ayon sa mga kasamahan nito. Sobrang tipid na nga raw nito sa pagkain. Kaya sinasaway niya ito kapag bumibili ito ng kung ano-ano para sa kaniya at sa pamilya niya.
“Sus, pera lang ‘yon. Mabilis lang kitain,” katuwiran pa ng binata. “Pero ikaw, kapag nagkasakit ka, iyon ang mas mahirap.”
Napangiti si Queenie. “Nakakainis ka. Bakit ba ako na lang palagi ang iniisip mo? Hindi ko pa narinig na inuna mo ang sarili mo.” Totoo iyon. Isa sa mga nagustuhan na niya kay King habang patagal nang patagal ang pagkakakilala nila.
“At bakit naman hindi kita uunahin?” Natawa pa ito nang pisilin nito ang kanang pisngi niya. “Eh, ikaw ang source of energy ko. Daig mo pa ang Cobra energy drinks sa lakas ng tama sa’kin.”
“Ewan ko sa’yo!” Ngingiti-ngiti na umiling si Queenie. Saka lang niya naalalang tanggapin ang rosas na inabot sa kaniya ng binata. “Saan mo na naman pinitas ‘to?”
“Hiningi ko kay Aling Mareng. Marami pala niyan sa bakuran niya. Nakita ko kahapon nang mag-ayos ako ng sirang upuan nila.” Napahawak ito sa batok. “Pasensiya ka na kung iyan pa lang ang nakayanan ko, ha? Hindi ako mangangako. Pero sisikapin ko na susunod, isang boquet ng rosas na talaga ang maibibigay ko sa’yo, kamahalan.”
Natural na tumalon na naman ang puso niya. Kahit papaano, nasasanay na siya sa ganoong feelings sa tuwing pinapakilig siya ng binata.
Hindi pa man binabanggit uli sa kaniya ni King ang tungkol sa panliligaw nito pero unti-unti na iyong tinatanggap ng sistema ni Queenie. Bagaman at hindi pa niya alam ang isasagot niya kung sakaling magtatapat na nga ito sa kaniya nang seryoso.
“Gaya nga ng sabi ni Papang kanina, at least, hindi na Baho-baho,” tumatawang sagot ng dalaga.
Kumislap ang mga mata ni King. “Sana nagustuhan mo ang rosas na iyan kahit hiningi ko lang.”
“Siyempre naman, gusto ko. Nag-effort ka pa rin naman sa panghihingi kay Aling Mareng,” biro niya uli.
“Eh, ako kaya? Gusto mo rin ba ako?” Kumindat sa kaniya ang binata kaya kumabog na naman ang dibdib niya.
Literal talaga na hindi agad nakapagsalita si Queenie. Dahil ang totoo, iyon din ang tanong niya sa isipan. May gusto na nga ba siya kay King? O natutuwa at naaaliw lang siya rito? Lalo na at natuklasan na niya ang mabubuting pag-uugali nito. Isa roon ay ang pagiging matulungin nito sa kapwa. Kaya iyong pag-aayos nito ng upuan ni Aling Mareng, siguradong libre iyon dahil hindi nagpapabayad ang binata sa tuwing may nagpapagawa rito na mga kapitbahay nila.
“Nalunok mo na ang dila mo diyan,” untag sa kaniya ni King, sabay pisil sa chin niya. “Huwag mo nang problemahin ‘yong sinabi ko. I can wait.” Tumawa ito. “English ‘yon, ha?”
“Ewan ko sa’yo, King!” Tatawa-tawa na umiling lang si Queenie bago ito tinalikuran at muling humarap sa lababo. “Hintayin mo lang ako sa sala. Tatapusin ko muna itong mga hugasin ko.”
Ang akala niya ay tumalima na ito kaya natahimik. Palibhasa nakatalikod kaya hindi na nakita ng dalaga ang pagsunod sa kaniya ni King at pagtayo sa tabi niya.
“Tutulungan na kita para matapos ka agad,” anito at walang kiyeme na dumampot ng baso at sinabunan iyon.
Hindi makapaniwala na napatitig lang ang dalaga kay King habang seryoso ito na naghuhugas ng mga baso. Wala yatang gawain na hindi nito alam gawin.
Tapos na silang maghugas nang biglang kinuha nito ang kamay ni Queenie at itinapat sa gripo. “May mga bula pa, o.”
Napansin ng dalaga na hindi naman totoong may mga bula pa ang kamay niya dahil nakapagbanlaw na nga siya. Parang gusto lang talaga nitong hawakan ang kamay niya. Gayon man ay hindi iyon ang focus ng isip niya sa mga sandaling iyon kundi kaba na bigla na lang umatake sa dibdib niya habang marahang hinuhugasan ni King ang mga kamay niya. Iniisa-isa pa talaga nito ang mga daliri niya na para bang dinadama. Pakiramdam niya ay may kuryente na dumaloy sa kamay niya at lumukob sa buong sistema niya.
“Balang araw, kapag may pambili na ako, susuotan ko ng mamahaling singsing itong daliri mo, kamahalan,” biglang komento ni King habang tintitigan ang ring finger niya, na ipinagtaka ng dalaga.
“At bakit mo naman ako bibigyan ng singsing?” Wala talaga siyang ideya sa gustong ipahiwatig nito.
Hindi sumagot si King at matiim na tumitig lang kay Queenie. Doon lang niya naintindihan ang gustong sabihin nito, “Dahil pakakasalan kita,” walang preno na deklara nito.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga. “Anong pakasalan ka diyan? Sapak, gusto mo?” Hindi niya napigilan at nahila niya ang buhok nito. “Hindi ka pa nga pormal na nagsasabi kung nanliligaw ka ba o ano. Tapos gusto mong asawahin agad ako?”
Tumawa lang nang malakas si King habang sinasabunutan niya ito. "Ikaw naman masiyadong seryoso. Nagbabakasakali lang naman ako na makalusot, eh. Pero kung ang pinoproblema mo pala ay ang pormal na panliligaw ko, ikaw na lang po ang hindi nakakaalam, kamahalan. Dahil matagal na akong nagpaalam sa Mamang at Papang mo na liligawan kita. Kahit kay Cindy." Ngumisis ito sa kaniya. "Hindi ko naman alam na ganiyan ka pala ka-manhid para hindi mo maintindihan na panliligaw na itong ginagawa ko."
"Puwes, hindi ako manghuhula, King, Malay ko bang naglalaro ka lang."
Napakamot na naman ito sa ulo. "Sorry naman. Ngayong alam mo na, papayag ka ba na ligawan kita?"
"Sa isang kundisyon," sa halip ay sagot ni Queenie. "Tigilan mo na ang pagtawag sa'kin na 'kamahalan'. Alam mo ba na iniisip na nila na magnobyo na tayo?"
Lumapad lang ang pagkakangisi ni King. "Sige. Pero okay na ba sa'yo ang 'mahal'?"
"King!" Inis na pinandilatan niya ang binata pero naaaliw na tumawa lang ito.