KABANATA 8

3061 Words
ILANG MINUTO din na magkatabi sina Queenie at King habang pinapanood ang mga sumasayaw sa dancefloor habang malamyos ang tugtugin. Kasama na sa mga iyon sina Justin Tee at Josephine. Pero wala silang kibuan. Bigla kasi siyang nawalan ng sasabihin pagkatapos ng mga sinabi ni King kanina. O baka naiilang na lang din siyang magsalita dahil kanina pa ito tahimik. Hindi siya sanay na hindi ito nangungulit. Ang sama din ng tingin nito kay Justin Tee simula pa kanina. Nagtataka na tuloy ang dalaga. Ano ba ang ginawa ng kinakapatid niya at parang ang init agad ng dugo ni King dito? Ilang sandali pa ay natapos na ang kasalukuyang sweet music. Tumigil na sa pagsayaw sina Justin Tee at pinsan niya. Pabalik na ito sa puwesto nila nang sa wakas ay binasag ni King ang katahimikan. “Puwede ba kitang maisayaw, kamahalan?” Nagulat si Queenie nang bigla nitong inilahad ang kamay sa harap niya habang nag-iisip pa rin siya kung bakit ganoon na lang ito kasama kung tumingin kay sa kababata niya. “Ayoko!” mabilis na sagot ng dalaga. “Hindi ako marunong sumayaw. Siguradong maapakan lang kita dahil parehong kaliwa ang mga paa ko,” paliwanag pa niya. “Ako ang bahala sa’yo. Dancer itong hari mo. Kayang-kaya kitang alalayan,” nakangising depensa nito. Kung ibang lalaki lang, baka matagal na siyang nakokornihan sa mga banat ng binata. Pero ewan ba niya. Hindi niya maramdaman iyon kapag tinatawag ni King na ‘hari’ ang sarili. Natural lang siguro dahil pangalan naman talaga nito iyon. Hindi ito tumigil sa pangungulit sa kaniya hangga’t hindi siya pumapayag. Napilitan na lang tuloy na tumayo si Queenie. Pero sinalubong siya ni Justin Tee nang tuluyan itong nakalapit sa kanila. “Gusto mo bang turuan din kitang sumayaw sa sweet music, Queenie?” nakangising tanong nito sa kaniya. “Hindi na kailangan. Kaya ko siyang turuan,” mabilis na bara dito ni King na ikinakunot niya ng noo. Nagtataka rin na napatingin dito ang kababata niya, “Pero baka mahirapan ka dahil hindi ‘yan marunong sumayaw si Quee—" “Dancer ako. Kayang-kaya ko siyang turuan,” bara na naman uli dito ni King. Hindi na niya nagustuhan ang paulit-ulit na pambabara nito sa kinakapatid niya kaya si Queenie na ang naghila rito papunta sa gitna ng dancefloor. “Bakit ba ang sungit mo kay Justin Tee? Wala namang ginagawang masama sa’yo ang kaibigan kong ‘yon, ah.” Nakasimangot na humalukipkip siya nang harapin niya ito. “Ang bastos kasi. Nakita naman niya na isasayaw kita pero niyaya ka pa rin niya. Nasaan ang manners niya?” tila naiinis na depensa ni King. “Tapos gusto ka pang ipahiya. Kailangan ba talagang ipaalam niya sa lahat na hindi ka marunong sumayaw?” “Hindi bastos si Justin Tee. Gano’n lang talaga ‘yon dahil sanay sa biruan namin,” pagtatanggol niya sa kababata. “Hindi pa rin magandang biro ‘yon. Kung ako ‘yon, hindi ko sisiraan ang kaibigan ko sa harap ng ibang tao.” “Ikaw nga, mayabang. Ipinamukha mo pa talaga na dancer ka,” sarkastikong sagot ni Queenie. “Nagsasabi lang naman ako nang totoo. Dancer talaga ako noon pa man.” He grinned. “Pero dahil ayokong ma-turn off ka sa’kin kaya sige na… simula ngayon, hindi na ako magbubuhat ng sariling bangko. Alam ko naman na kahit hindi ko sabihin, na-g-guwapuhan ka sa’kin,” dagdag pa nito sabay kindat. Gusto na niya itong tampalin sa pagiging presko nito. Pero dahil lihim namang aminado si Queenie na totoo ang sinabi ni King kaya inirapan na lang niya ito. “Nagyabang ka pa rin!” “Huwag ka nang magsungit. Isasayaw na lang kita,” sa halip ay sagot nito sa malambing na boses. Aayaw pa sana ang dalaga. Pero bakit natagpuan niya ang kaniyang sarili na nakapatong ang mga kamay sa balikat ni King habang masuyo namang nakapulupot sa beywang niya ang mga braso nito. Sumasabay na rin siya sa mabining galaw ng katawan nito na ayon sa malamyos na tugtugin. He was right. Magaling nga itong sumayaw at magaling magturo kaya hindi man lang naramdaman ni Queenie na natuto na agad pala siyang sumayaw. “Ang ganda mo naman ngayong gabi,” puri sa kaniya ni King. Naramdaman niya na mas humigpit pa ang pagyakap ng mga braso nito sa beywang niya, dahilan para mas maglapit pa ang kanilang mga katawan. “Ang ibig kong sabihin, maganda ka na kapag hindi nag-aayos. Lalo ka lang gumanda ngayon.” Lihim muna siyang lumunok para lang hindi mautal o ano kapag nagsalita siya. Hindi niya kasi maintindihan kung bakit parang tumalon ang puso niya sa papuri na iyon ni King. “Sus, nambobola ka na naman. Baka nga pati si Josephine, sinabihan mo na rin niyan kanina, eh.” “Hindi, ‘no!” agad na tanggi nito. “Kahit tamaan man ako ng kidlat ngayon. Sa buong buhay ko, ikaw pa lang ang babae na sinabihan kong maganda.” “Ows? Huwag mong sabihin na wala ka pang naging girlfriend o kahit niligawan?” Ngintian siya nito habang may kakaibang kislap ang mga mata. “Magiging sinungaling ako kung sasabihin ko sa’yo na wala pa akong naging girlfriend. Aaminin ko, ilang babae na rin ang dumaan sa mga kamay ko. Pero maniwala ka man o hindi, isa man sa kanila, wala akong matandaan na pangalan. Ang alam ko lang, ako ang niligawan nila kaya hindi ko sila kailangang purihin.” Sumeryoso si King. “At totoo naman talaga na sa lahat ng babaeng nakilala ko, sa’yo pa lang ako nagandahan. Kaya nga hindi ako mahilig sa mga artista.” “Talaga lang, ha?” He laughed. “Ayaw talagang maniwala nito. Pero okay lang. Hindi kita pipilitin. Basta ikaw lang ang magandang babae para sa’kin.” Narinig ni Queenie ang sarili na tumatawa rin. Bakit parang kinikilig siya? “Bakit nga pala ang sungit mo na agad sa’kin noong bago pa lang tayong nagkakilala?” oout of the blue ay usisa sa kaniya ng binata. “Mukha ba akong babaero sa paningin mo kaya iniiwasan mo ako?” “Hindi naman. Ayaw ko lang ng kinukulit ako ng mga lalaki kasi nga wala pa akong balak na mag-boyfriend.” Lalo na kung katulad mo na wala sa standard ko. Akala ko kasi noon, wala kang pangarap sa buhay. dagdag ni Queenie sa isipan niya. “O ayaw mo lang sa’kin dahil isa lang akong construction worker?” Napatingin siya kay King. Halata naman na nagbibiro lang ito. Pero agad din siyang nagbawi ng tingin dahil nahihiya siya na nabasa pala nito ang tumatakbo sa isip niya. “Huwag kang mag-alala, sabi ko nga sa’yo noon, may inspirasyon na ako para lalong magsumikap sa buhay,” pabulong na sabi pa ng binata. Hindi na naman siya nakasagot. Ngunit nang ibalik niya ang tingin dito, para siyang napaso sa pagkakatitig nito. Lalo lang kumabog ang dibdib niya dahil ramdam niya ang init ng kamay nito na marahang humahaplos sa likod niya. Even his breath that was touching her face was warm. She didn’t know. Pero dapat sawayin niya si King dahil sa pagdama nito sa likod niya. Ngunit hindi niya magawa dahil nagugustuhan niya ang init na bumabalot sa kaniya. Napansin din ni Queenie na halos hindi na sila na gumagalaw ng binata. Para na lang silang nakatayo sa gitna ng dance floor. Staring each other. Ngayon lang din niya napagtanto na nakalapat na pala sa malapad nitong katawan ang mga braso niya. Samantalang kanina lang ay todo-distansiya siya rito. Halos dumikit na nga rin sa tainga niya ang mga labi nito. Hindi kayang tagalan ng dalaga ang kakaibang damdaming iyon na ngayon lang niya naramdaman. Natatakot siya sa sobrang lakas ng t***k ng puso niya. Na para bang ano mang oras ay sasabog na ang dibdib niya. “U-upo na tayo? Nangangawit na kasi ako,” palusot ni Queenie para makaiwas. Tumango lang si King. Hindi pa rin nawawala ang kaseryosohan ng mukha nito nang ihatid siya nito sa upuan. Nagulat pa sila dahil hindi na nila nadatnan doon sina Josephine at Justin Tee. “Nasaan na kaya ang dalawang ‘yon?” nagtatakang inilibot niya ang tingin sa paligid pero bigo siyang makita ang mga ito. “Baka umuwi na,” sabi ni King habang tumutulong din sa paghahanap sa kababata at pinsan niya. “Pero ang sabi ni Justin Tee, ihahatid daw niya ako pauwi. May dala daw siyang kotse, eh.” Wala naman siyang ibang intensiyon nang sabihin niya iyon. Kaya nga ipinagtaka niya kung bakit biglang nagbago ang reaksiyon ni King. “Wala akong kotse o kahit motorsiklo. Pero kaya kitang ihatid nang buo at ligtas sa bahay n’yo,” malungkot nitong saad. “Para kang sira diyan! Nagda-drama ka na naman. Ayaw pang sabihin na gusto akong ihatid.” King instantly smiled at her. “Papayag ka ba?” “May choice pa ba ako kung wala naman akong ibang kasamang uuwi?” sabi niya, sabay talikod. Saka lang niya napansin ang pigil na ngiti sa kaniyang mga labi. Kapag si King talaga ang kasama niya, naguguluhan na rin siya sa sarili niya. Sariling damdamin pero parang hindi niya maintindihan. PAGKATAPOS ng fiesta at pumayag si Queenie na ihatid ni King nang gabing iyon ay naging mas malapit na sila sa isa’t isa. Iyon na ang simula para pumayag na rin siyang ihatid-sundo nito sa trabaho niya kapag kaya ng oras nito. Nasasanay na nga siya na palaging nakikita si King. Kapag wala ito sa paligid, feeling niya ay hindi buo ang araw niya. Napapadalas na rin ito sa bahay nila. Nagdadala ng kung ano-ano, tumutulong sa mga gawain, lalo na ng mga trabahong hindi kayang mag-isa ng Papa ni Queenie, nakikipagkuwentuhan sa Mama niya, nakikipagkulitan kay Cindy… Kaya nga close na close na ito ng kaniyang pamilya. Gayon man, hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan si Queenie sa kaniyang sarili kung bakit naglaho bigla ang pagkainis niya kay King. Sa halip ay nag-e-enjoy na siya sa company nito. MAS maaga ang out ni Queenie sa trabaho ng araw na iyon, kasama niya ang kasamahan at kaibigan na si Dindy. Niyaya siya nito na mamasyal daw muana sila pero tumanggi siya. “Ang KJ mo talaga kahit kailan,” pabiro na reklamo nito. “O baka naman dahil susunduin ka ng boyfriend mo?” “Sinong boyfriend?” “Iyong lalaking palaging naghahatid-sundo sa’yo rito. ‘King’ ba ang pangalan no’n?” “Ahem!” Sabay silang napalingon ni Dindy nang marinig nila ang malakas na tikhim na iyon. Mabilis na lumingon si Dindy. Her cheeks immediately flushed when he saw King standing behind her. Ilang hakbang lang layo nito sa kanila kaya siguradong narinig nito ang malakas na sinabi ng kaibigan niya. “O! nandito na pala ang boyfriend mo. Kaya pala ayaw mong sumama sa’kin, ha?” malakas na dagdag uli ni Dindy kaya agad niya itong binalingan at pinanlakihan ng mga mata. Magsasalita pa sana ito pero natakot sa pandidilat ni Queenie kaya dali-daling umalis. Pero dinig na dinig niya ang hagikhik nito habang papalayo sa kanila. “Kamahalan! Sorry kung nahuli ako ng dating, ha?” nakangiting bungad sa kaniya ni King. “Nag-overtime kasi ako. Sayang din ang dagdag-sahod.” Kinuha nito ang kili-kili bag ni Queenie at isinukbit sa balikat nito. Dahil sanay na siya na ito ang nagdadala ng bag niya kaya hindi na siya tumanggi. Hindi rin naman ito papayag kahit ano man ang mangyari. “Okay lang. Halos kaka-out ko lang din. Hindi mo na lang sana ako sinundo. Mukhang pagod na pagod ka pa, eh.” She looked at him. Hindi naman ito pawisan. Nanunuot nga sa ilong niya ang pabango nito. Ang guwapo rin nito kahit simpleng T-shirt at maong pants lang ang suot. Naka-tsinelas lang din ito pero hindi man lang nakabawas sa kakisigan nito. “Bakit, kamahalan? Pasado na ba ako sa taste mo?” biro ni King sa kaniya nang mapansin nito ang pagsipat niya. Napasimangot si Queenie nang mapansin niya ang basang-basa pa nitong buhok. “Naligo ka naman kahit katatapos mo lang magtrabaho. Ilang beses ko pa bang kailangang ipaalala sa’yo na huwag kang maligo o kahit magbasa ng kamay kapag pagod ka?” Nang sumilay ang kinikilig na ngiti sa mga labi ng binata, saka lang niya napagtanto ang tono ng pananalita niya. “Ibig bang sabihin ng pag-alala mong iyan sa’kin, gusto mo na rin ako?” Her heart skipped a beat. Sa totoo lang, hindi na uli binanggit sa kaniya ni King na mahal siya nito. Hindi pa rin malinaw sa kaniya kung nanliligaw ba talaga ito o ano dahil wala naman itong pormal na sinasabi. Basta. Para lang niya itong anino na ayaw nang humiwalay sa kaniya. At isa ang mga iyon sa pumipigil sa damdamin ni Queenie. “Ayan ka na naman. Iniiba mo na naman ang usapan para hindi kita ma-sermunan.” Inirapan niya ito. “Gusto mo yata talaga na mamatay nang maaga dahil sa pasma.” “Sus, ayaw mo lang na mamatay agad ako dahil mami-miss mo ako, eh.” And he winked at her. “Sino pa ang maghahatid-sundo sa’kin kung wala ka na?” ganting biro ng dalaga na lalong ikinangiti ni King. “Hindi naman ako mawawala. Kahit mamatay man ako, palagi pa rin akong nakabuntot sa’yo.” At um-acting pa ito na tinatakot siya. “Hindi ka naman takot sa poging multo, ‘di ba?” “Baliw ka talaga! Puro ka kalokohan!” Mabilis na tumalikod si Queenie. Bakit parang ang lungkot-lungkot niya sa ideyang mawawala sa tabi niya ang binata? BAGO umuwi ay niyaya muna siya ni King na mamasyal daw. Buti na lang at hindi nag-krus ang landas nila ni Dindy. Siguradong kakantiyawan siya nito. Bukod sa pagwiw-window shopping sa isang maliit na shopping center, tumambay at naglakad-lakad din mula sila sila sa malapit na park. Aminado si Queenie na masaya talaga siya kapag magkasama sila ni King. Ang sarap kasi nitong kakuwentuhan at kasama sa food trip. Pareho sila ng mga gusto, lalo na pagdating sa mg street food. Halos takip-silim na nang magdesisyon silang umuwi kaya nag-trcicyle na sila. Medyo makipot ang loob ng tricycle na nasakyan nila. Mas sumikip pa iyon dahil sa laki ng bulto ng katawan ni King. Bumunggo na nga ang ulo nito sa bubong. Dikit na dikit tuloy sila sa isa’t isa. “Okay ka lang ba?” baling nito sa kaniya nang umandar ang tricycle. Ito ang nasa bungad ng pinto at siya naman ay nasa kalapit ng driver. “Hindi ka ba nasisikipan? Gusto mo bang sa likod na lang ako umupo?” “Huwag na!” mabilis na sagot ng dalaga. “I mean, okay lang ako dito. Hindi naman gano’n kasikip, eh.” Ibinaling na niya sa kalsada ang kaniyang mga mata kaya hindi na niya nakita ang matamis na ngiting sumilay sa mga labi ni King. Palibhasa pagod sa maghapong trabaho at idagdag pa ang pamamasyal nila ng binata, at malamig ang hangin na sumasalubong sa kaniya, inantok si Queenie sa kalagitnaan ng kanilang biyahe. Hindi niya napigilan na ihilig ang ulo sa balikat ni King. Nang maramdaman nito ang ginawa niya, inakbayan naman siya nito para kabigin pa at alalayan para mas maging komportable. Hinayaan lang niya na nakaakbay ang binata sa kaniya dahil nakatulong iyon para tuluyan siyang makatulog. Nagustuhan niya ang mainit nitong palad na humahaplos nang marahan sa kaniyang balikat para ihele siya. Nagising na lang si Queenie nang maramdaman niya ang pagtigil ng tricycle. Saka na lang siya nagulat nang malaman niyang halos magkayakap na pala sila ni King. Gayon man ay wala siyang naramdaman na ano mang malisya. Imbes, lihim pa niya iyong ikinangiti. Hinawakan pa nito ang kamay niya at inalalayan sa pagbaba. Pagkatapos ay ito na rin ang nagbayad ng pamasahe nila. Isa na iyon sa mga nakasanayan ng dalaga kaya hindi na siya nagpumilit pa na magbigay ng pamasahe. “Maraming salamat sa pagsundo at paghatid, ha?” wika ni Queenie nang ihatid siya ni King sa loob ng bakuran nila. “Pumasok ka kaya muna? Baka nagluto ng gulay na langka sina Mamang at Papang. Magdala ka.” Naging paborito na kasi nito ang pagkaing iyon simula nang matikman nito ang luto ng kaniyang mga magulang. Napangiti ang binata. “Gusto ko. Pero mas gusto kong makapagpahinga ka na. Alam kong pagod ka. Bukas na lang ako hihingi kung meron man,” pabiro pa pahabol nito. “Basta huwag mong ubusin, ha?” Kahit si Queenie ay napangiti rin. “Sige, titirhan kita.” Pagkatapos niyang magpasalamat muli kay King ay nagpaalam na siya na papasok na sa loob. Ngunit nagpahabol pa ang loko. “Wala man lang bang…” Ibinitin nito ang sasabihin at saka ngumuso sa kaniya. Natatawa na hinampas lang ito ni Queenie sa balikat. “Baliw ka! Itak talaga ni Papang ang iki-kiss mo kapag nakita ka no’n.” At saka sila nagkatawanang dalawa. “Pakisabi na lang kina Mamang at Papang mo na tumuloy na ako, ha? Gabi na at ayaw ko nang makaistorbo,” sabi ni King bago ito tuluyang umalis. Nag-flying kiss na lang ito sa kaniya habang papalayo. Samantalang ngingiti-ngiti na napailing naman si Queenie. At hindi iyon nakaligtas sa kaniyang mga magulang at kapatid na kanina pa pala nakasilip sa bintana at nakikinig sa kanila ni King. “Oy, si Ate Queenie. Mukhang na-i-in love na kay Kuya King…” tudyo sa kaniya ni Cindy na agad naman sinuportahan ng kanilang mga magulang. “Hindi na masama kung si King man ang maging unang nobyo mo, anak. Ilang buwan na rin siyang nanliligaw sa’yo,” sabi ng Papa niya. “At nakita naman namin na masuwerte ang babaeng mapapangasawa niya.” “At mas masuwerte ang mga magiging anak niya dahil napakasipag at napaka-responsableng lalaki,” anang Mama naman niya. Namumula na pinaikot lang ni Queenie ang eyeballs niya. “Asawa agad? Anak agad? Ni hindi ko nga ho alam kung nanliligaw ba talaga siya sa akin o hindi, eh.” Parehong nanlalaki ang mga mata na nagkatinginan ang kaniyang pamilya. “Anak, naman,” sabi uli ng ina niya sa tonong dismayado. “Hindi naman kita ipinaglihi sa anesthesia. Pero bakit ang manhid mo?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD