KANINA pa paulit-ulit na sinisipat ni Queenie ang sarili sa harap ng salamin habang ang kaniyang magulang at mga kapatid ay naghihintay na sa labas. Mas nauna pang natapos ang bakla na nag-ayos kay Cindy kaya umalis na ito. Hindi rin niya maintindihan kung bakit parang gusto niyang mag-ayos ng gabing iyon.
Kahit araw-araw siyang nagme-makeup dahil kailangan sa trabaho niya, hindi pa rin siya sanay. Kahit lipstick ay hindi siya nagpapahid kung hindi lang din naman papasok sa trabaho. Kahit sa pagsusuot ng damit, palaging jeans at T-shirt lang ang suot niya. Nagsusuot lang talaga siya ng maiksing mini skirt dahil iyon ang uniporme nila. At ang maitim at mahaba niyang buhok ay palagi lang nakapusod.
Pero ngayon, suot-suot na ng dalaga ang mini dress na regalo pa sa kaniya ng mga magulang niya noong last birthday niya. Inilugay din niya ang kaniyang buhok at ginamit naman ang hairclip na regalo rin sa kaniya ni Cindy last year din. Nagpahid pa siya ng pulang lipstick at manipis na blush on kaya lalong namula-mula ang makinis niyang pisngi. Halos ipaligo rin ni Queenie ang Victoria’s Secret na pabango na pinaka-tinitipid niya. Pasalubong pa iyon ng Mommy ni Josephine mula Dubai, noong nakaraang taon din.
Bago tuluyang lumabas ay sumulyap pa uli sa salamin si Queenie para siguruhing okay lang ang hitsura niya. At hindi niya napigilang mapangiti sa transformation na nakikita niya sa salamin. The woman she now saw in the mirror was the better version of her. She admits it.
Bagaman at hindi pa rin maiwasan ni Queenie na mailang habang naglalakad.
“Akala namin, kasama mo na pati ang salamin, anak,” biro sa kaniya ng mga magulang nang sa wakas ay nakalabas siya ng silid.
Nahihiya na ngumiti si Queenie sa mga ito. “Nahirapan ho kasi akong maghanap ng isusuot. Puro labahan pala ang mga pantalon ko,” palusot niya dahil siguradong kakantiyawan na naman siya ng mga ito.
“Wow! Ang ganda mo naman, Ate Queenie. Parang mukhang kandidata ka pa kaysa sa’kin, ah,” namamanghang bulalas naman ng kaniyang kapatid niya. Nakasuot na ito ng gown. “Ngayon lang kita nakita na nag-ayos ng ganiyan, Ate, ah. Siguro may pinapagandahan ka, ‘no? Si Kuya King ba?”
“Ang OA mo, Cindy. Araw-araw naman akong nagme-makeup, ah,” patay-malisya na depensa niya. Kumunot ang noo niya kapagkuwan. Kailan pa nito tinawag na ‘kuya’ si King?
“Pero kapag papasok lang sa trabaho, Ate.” Napangiti pa ito nang mapasulyap sa ulo niya. “Hays. Sa wakas, ginamit mo na rin ang hair clip na ibinigay ko. Akala ko, inamag na ‘yan sa drawer mo, eh.”
“At suot mo naman ang damit na regalo namin ng Papang mo,” natutuwang dagdag naman ng kaniyang ina.
Yumukod si Queenie para muling sipatin ang sarili. “Medyo naiilang nga ako. Hindi ko alam kung bagay ba talaga sa’kin o ako lang ang nagagandahan sa sarili ko.”
Lumapit sa kaniya si Cindy habang hawak-hawak ang gown para itaas ang laylayan niyon. “Ano ka ba, Ate? Ang ganda-ganda mo kaya! Mukha ka ng artista, o.” Iniharap pa siya nito sa salamin na nasa munting sala nila. “Tingnan mo nga, o? Lalo mo nang naging kamukha si Bea Alonzo.”
Hindi napigilan ni Queenie ang mapangiti. Dahan-dahan na humarap siya sa kapatid at bahagyang inayos ang gown nito. “Ikaw nga itong napakaganda, eh. Bagay na bagay kang maging ‘Queen of the Night’.”
“Oo na. Maganda na kayo pareho dahil mana kayo sa Mamang n’yo,” natatawang wika ng kanilang Papa. “Pero tama na ang bolahan at baka mahuli tayo sa coronation night.”
MARAMING TAO na sa covered court nang dumating sila, kung saan gaganapin ang coronation night at sayawan. Pero dahil uunahin muna ang coronation night kaya wala pang sumasayaw sa dancefloor. Nakakalat pa sa mga upuan at ang iba naman ay nasa labas pa ang mga tao at nagkakasiyahan. Nakakadagdag sa saya ng mga tao ang masiglang tugtugin, lalo na ang makukulay at patay-sindi na mga ilaw sa gitna.
Panay naman ang linga ni Queenie sa paligid habang naglalakad sila patungo sa likod ng stage para samahan si Cindy. Nakaalalay din sa kanila ang kanilang mga magulang. Ang Papa nila ang nakahawak sa laylayan ng gown nito dahil sayad iyon sa lupa. Hindi niya alam pero parang may hinahanap ang kaniyang mga mata. Isang partikular na mukha ng lalaki. Pero dahil sa dami ng tao kaya imposibleng makita niya si King.
Pumunta kaya talaga siya? At kasama nga ba talaga niya si Josephine?
“Sino ang hinahanap mo, Ate Queenie?” siko sa kaniya ni Cindy nang mapansin nito na panay ang silip niya sa labas ng stage.
“W-wala. Nagbabakasakali lang ako na makita ko si Josephine.”
“Hindi mo pala siya nakita sa labas kanina, Ate? Kasama niya si Kuya King, ah. Mukhang sasakay yata sila ng ferris wheel.”
Pakiramdam ni Queenie ay bigla siyang nanamlay sa narinig. Ano ba itong nangyayari sa kaniya? Siya itong nagtulak sa dalawa,’di ba? At pake ba niya kung magkasama man ang mga ito sa ferris wheel. Kahit nga ligawan pa ni King ang pinsan niya, okay lang sa kaniya. Hindi naman siya nililigawan ng lalaking iyon, ‘di ba? Malay ba niyang biro lang pala ang mga pasaring at pangungulit nito sa kaniya?
Mabuti na lang at naging abala na si Cindy sa mga sumunod na sandali nang magsimula na ang coronation night. Kaya hindi na nito napansin ang pananamlay ni Queenie. Kung hindi, baka natudyo na naman siya nito.
Matamlay pa rin siya habang nagpapatuloy ang coronation night. Nagsimula nang magbilang sa second counting at nasa fifth place pa lang si Cindy. Malaki nga ang perang nalikom ng pinalitan nitong kandidata pero hindi hamak na mayaman ang nangunguna. Palibhasa foreigner ang ama nito. Tapos negosyante pa ang ina.
Hanggang sa natapos nga ang coronation night at iyon ang nanalo na ‘Queen of the Night’. Habang third place naman ang nasungkit ng kapatid niya. Pero ito naman ang may pinakamaraming special awards na nakuha at ang isa roon ay dahil sa kakaibang ganda na taglay daw nito. Doon na lang muling sumigla si Queenie dahil masaya siya na nakikitang masaya rin si Cindy.
“Okay lang ‘yon, little sis. Hindi na masama ang third place,” nangingiting bati ni Queenie kay Cindy. “At saka ikaw ang may pinakamaraming sash. Sabi ko naman sa’yo na ikaw ang pinakamaganda ngayong gabi, eh.”
“Maraming salamat, Ate. Masaya na nga ako sa third place, eh. At ang saya ko pa sa mga sash ko!” masayang bulalas ng kapatid.
Kahit ang kanilang ina ay tuwang-tuwa rin. Pero dahil pagod na raw si Cindy kaya nagyaya na itong umuwi.
“Nasaan nga pala ang Papang n’yo? Parang kanina ko pa hindi nakikita iyon.” Luminga sa paligid ang Mama nila, gayon din ang magkapatid.
Ngunit mayamaya lang ay humahangos na dumating ang kanilang ama. Pawisan ito at parang balisa. “Saan ho kayo galing, ‘Pang? At bakit pawis na pawis kayo?” usisa ni Queenie.
“H-ha? Ah, eh… Galing ako sa sabungan. Pinanood ko ang laban ng manok ni Manong Toryo,” tukoy nito sa kapitbahay nila na ubod ng sabungero kaya palaging inaaway ng asawa.
Bukod kay Manong Toryo, marami pa sa mga ka-lugar nila ang lulong sa iba’t ibang uri ng sugal. Laganap kasi ang pasugalan sa Hacienda Lorenzo, isa sa mga inaayawan ni Queenie sa hometown niya. Pero hindi naman nila puwedeng i-reklamo dahil ang may-ari ng mga pasugalan na iyon ay walang iba kundi ang biyudo at may-ari ng mismong hacienda na si Don Lorenzo. Takot lang nila na palayasin sila roon.
“Hindi mo naman pinang pusta ang nakuha nating loan sa SSS, ano?” pabirong tanong ng Mama nila. Dahil alam naman nilang lahat na kailan man ay hindi nagsusugal ang kanilang ama. “Nakalaan pa naman iyon sa pagpapagamot ni Cindy. Kulang na kulang pa nga ‘yon, eh.”
Bahagyang kumunot ang noo ni Queenie nang mapatingin siya sa ama. Hindi kasi ito umimik at nakayuko lang. Ngunit hindi na niya iyon nabigyan ng pansin dahil nagsalita na uli ang kanilang ina.
“Kung gusto mo, anak, magpaiwan ka na muna rito. Makipagsayawan ka,” suhestiyon nito nang tumingin kay Queenie. “Sayang naman ang bihis mo kung uuwi ka agad.”
“Oo nga naman, Ate. Maranasan mo naman ang makipagsayawan kahit ngayong gabi lang,” sang-ayon naman ni Cindy. “Para naman hindi nila masabing KJ ka.”
“Inaantok na rin ako. At wala naman akong makakasama rito,” matamlay niyang sagot dahil hanggang ngayon, hindi pa rin niya nakikita sina King at Josephine kahit nagsisimula na ang sayawan.
“Ninang Sylvia! Ninong Dodoy!” anang boses-lalaki na sumulpot sa likuran ni Queenie. Paglingon niya, nakita niya ang kinakapatid na si Justin Tee. Inaanak ito ng kaniyang mga magulang at mas matanda lang sa kaniya ng ilang taon. Sa Maynila na ito nag-aral at nagtatrabaho. Umuuwi lang dito sa Hacienda Lorenzo kapag may espesyal na okasyon, tulad nitong fiesta. Mula pagkabata ay close na sila nito. Pero naputol lang simula nang mag-aral na ito ng kolehiyo sa Maynila.
Paboritong singer at artista ng nakakatandang kapatid nito si Justin Timberlake kaya ginawang ‘Justin Tee’ ang pangalan.
“Justin Tee, inaanak! Umuwi ka pala?” masayang tinanggap naman ng mga magulang ni Queenie ang pagmamano nito.
“Oho. Hindi ko ho kayang palampasin ang masayang fiesta dito sa lugar natin,” sagot ng kinakapatid niya at saka sila binati ni Cindy. “Mabuti naman at nakikipagsayawan ka na pala, Queenie. Tamang-tama at wala akong kasama ngayon. Hindi nagre-reply ang mga dating kaklase ko, eh.” Palibhasa magkababata sila kaya hindi lingid kay Justin Tee ang pagka-allergic ni Queenie sa sayaw.
“Iyon naman pala, Ate, eh. ‘Di ba wala ka ring kasama?” sabat naman ni Cindy. “Kayo na lang ni Kuya Justin Tee ang mag-partner sa sayaw.”
“Oo nga naman, anak. Minsan lang naman umuwi dito ang kinakapatid mo, eh. Samahan mo na,” dagdag pa ng Mama at Papa niya.
“At huwag kang mag-alala. Dahil dala ko ang kotse ko. Ihahatid kita pauwi,” pangungumbinse pa ng kinakapatid niya.
Hindi na nakasagot si Queenie dahil bigla na lang siyang hinila ni Justin Tee papunta sa gitna ng dance floor nang pumailanlang ang masiglang tugtugin. Wala na siyang nagawa kundi ang mapakamot na lang habang hinahatid niya ng tanaw ang kaniyang mga magulang at kapatid na palabas na ng covered court.
Sa una, nahihiya pang gumalaw si Queenie. Palibhasa ngayon lang siya makakasayaw nang ganoon kaya hindi niya alam kung paano umindak. Pareho pa namang kaliwa ang mga paa niya. Pero dahil freestyle naman ang mga dance step at hindi siya tinitigilan ni Justin Tee hangga’t hindi siya umiindak, namalayan na lang ng dalaga na sumasabay na pala siya rito. Kapwa pa sila pawisan nang matapos ang isang tugtog at nagyaya na siyang umupo dahil pagod na siya.
“ANO? Nag-enjoy ka ba? Sabi ko naman sa’yo na mabilis lang matutunan ang pagsasayaw,” sabi sa kaniya ni Justin Tee habang nakaupo na sila at nagpapahinga. Pinapanood na lang nila ang iba pang mga sumasayaw sa gitna na tila walang kapaguran kahit sunod-sunod na disco song pa ang isinalang ng operator ng sound system.
“Oo nga. Pero ilang beses ko namang naapakan ang mga paa mo.” Nahihiyang napakamot siya sa ulo. “Buti na lang hindi ako naka-heels. Kung hindi, na-murder ko na sana iyang mga paa mo.”
They both laughed.
“Okay lang ‘yon. Ang importante, nag-enjoy ka at sa wakas ay nakasama na rin kitang sumayaw,” sabi pa ni Justin Tee at saka nito pinunasan ang pawisang mukha niya gamit ang sariling panyo nito.
Pero hindi iyon binigyan ng malisya ni Queenie dahil alam niyang noon pa man ay kapatid lang talaga ang turingan nilang dalawa.
“Cous!”
Sabay silang napalingon ni Jutsin Tee sa pinanggalingan ng boses na iyon. Hindi napigilan ni Queenie ang mapasimangot nang makita niya si Josephine at kasama nito si King na mukhang kapapasok lang sa covered court. Kaya pala hindi niya nakita ang mga ito kahit anong hanap niya.
Saan kaya galing ang dalawang ito?
Ano naman ang pake mo? pamimilosopo naman ng isip ni Queenie.
Paglapit ng mga ito sa kanila ay napansin agad ng dalaga ang madilim na anyo ni King habang nakatingin ito sa mukha niya na pinupunasan ng panyo ni Justin Tee. Nakasuksok ang dalawang kamay nito sa magkabilang bulsa ng pantalon habang walang kangiti-ngiti ang mukha.
Biglang kumabog ang puso ni Queenie. Bakit parang galing si King?
“Nandito ka rin pala, cous. Akala ko ba hindi ka pupunta? Ano ang nakain mo?” biro sa kaniya ni Josephine. Saka lang niya napansin na nakaangkla pala ito sa braso ni King. Pero nang makita nito si Justin Tee ay mabilis itong lumayo. Hindi lingid sa kanilang lahat na childhood crush ni Josephine ang kinakapatid ni Queenie. Pero dahil matinong lalaki si Justin Tee at alam nito ang pagiging playgirl ng pinsan niya kaya dedma lang ito. “U-umuwi ka pala, Jus. Akala ko sa Pasko ka pa magbabakasyon dito.”
Hindi inaasahan ni Queenie ang biglang pag-akbay ni Justin Tee kay Josephine. “Gusto kasi kitang makita, Jo,” anito, sabay kindat sa pinsan niya.
Naging playboy na rin ba ito porke’t taga-Maynila na?
Kilig na kilig na naman si Josephine at nakalimutan bigla ang presensiya ni King. Ni hindi nga ito nagdalawang isip na sumama nang yayaaing sumayaw ni Justin Tee nang mapalitan ng sweet music ang nakasalang sa sound system. Hindi na nga niya naipakilala ang kinakapatid niya kay King.
Naiwan tuloy silang dalawa ni King na hanggang ngayon ay wala pa ring imik sa tabi niya.
“Akala ko ba hindi ka pupunta?” wala pa rin kangiti-ngiti na tanong nito kay Queenie pagkalipas ng ilang sandali.
“Ano naman ngayon kung pumunta ako?” pagtataray din niya.
Mas kumulimlim lang ang mukha ni King. “Kasi ako ang nagyaya sa’yo pero ibang lalaki ang kasama mo. Dapat sinabi mo sa’kin na pupunta ka para sinundo kita sa inyo.”
“Hindi ibang lalaki si Justin Tee. Kababata at kinakapatid ko siya.” Hindi niya alam kung bakit nagpapaliwanag pa siya. “At paano mo naman ako susunduin? Eh, mukhang kanina pa kayo magkasama ni Josephine? Baka nga hindi na kayo naghiwalay simula nang umalis kayo sa bahay, eh. At saka boyfriend ba kita para ipaalam ko sa’yo lahat ng desisyon ko?” mahabang katuwiran ni Queenie.
Sa pagtataka niya ay biglang lumiwanag ang mukha ni King. “Sagutin mo na kasi ako para may karapatan na akong magselos. Para kapag ibang lalaki na ang lumapit at humawak sa kamahalan ko, may karapatan na rin akong bugbugin sila,” nakangising sabi nito. “Ipapakita ko sa kanila na akin lang ang mahal ko.”
Umawang ang bibig ni Queenie. Bumilis ang t***k ng puso niya. Tama ba ang narinig niya? King loves her? Ang buong akala niya kasi, nagbibiro lang ito sa tuwing sinasabing liligawan siya. Hindi naman niya akalain na mahal na pala siya nito.
Hindi tuloy siya nakapagsalita. Nalunok na yata ng dalaga ang dila niya.
Gayon man ay pilit niya iyong itinago kay King. Pati ang malakas na t***k ng puso niya ay hindi nito puwedeng marinig. Kaya lumayo siya nang bahagya. “A-ano ba ang pinagsasabi mo diyan? Hindi ka naman nanliligaw, ah. At saka, kanina lang, si Josephine ang kasama mo. Sumakay pa nga kayo ng ferris wheel, ‘di ba?”
Kumunot ang noo ng binata. “H-ha? Anong ferris wheel? Hindi nga ako sumasakay sa gano’n kasi parang babaligtad ang sikmura ko kapag nasa ere ako. At saka, ngayon lang kami nagkita sa labas. Hindi nga sana ako pupunta kahit anong pilit niya sa’kin kanina dahil ang akala ko, wala ka naman dito. Pinilit lang ako ng mga kasamahan ko. Pauwi na nga sana ako kung hindi ko lang nakasalubong sa labas ang mga magulang at kapatid mo. Sila ang nagsabi sa’kin na nandito ka raw kaya sumama na ako kay Josephine nang yayain niya akong pumasok dito.”
“Ano?” Naguguluhan na napaisip si Queenie habang nakatingin kay King. Mukhang nagsasabi naman ito nang totoo dahil napansin niya na fresh pa ito at bagong ligo. Hindi mukhang pagod sa pamamasyal.
Pero ano iyong sinabi ni Cindy kanina na pasakay daw ng ferris wheel sina Josephine at King? Nagkamali lang ba ito nang makita?
Kaya rin ba ang bilis sumama ni Josephine kay Justin Tee kanina? Dahil wala naman talagang namamagitan dito at kay King?
He grinned. “Nagseselos ka ba sa pinsan mo, kamahalan?”
Bago pa man nito mabuko ang nararamdaman niya ay umirap na si Queenie. “Selos mo mukha mo! Para kang baliw diyan!” aniya at saka bumalik na sa pagkakaupo para itago ang pamumula ng kaniyang buong mukha.
Bakit parang ang saya ng puso niya nang malamang hindi naman pala magkasama sina King at Josephine?