“PUPUNTA ka ba mamaya sa plaza, kamahalan? Maraming palabas daw do’n, ah,” tanong ni King kay Queenie habang inihahatid niya ito palabas ng bakuran nila. Nagpaalam na ito na uuwi na sa barracks.
She shrugged her shoulders. “Hindi ko alam. Parang tinatamad nga ako, eh. Parang mas gusto ko pang matulog at magpahinga na lang dito sa bahay.”
Ang totoo niyan, hindi naman talaga mahilig mamasyal tuwing fiesta si Queenie. Hindi naman sa KJ o killjoy siya katulad ng madalas na sinasabi sa kaniya ni Cindy o mga kaibigan at ka-trabaho niya na nagyayaya sa kaniya at tinatanggihan niya. Umiiwas lang talaga siya sa gastos. Mas gusto pa niyang ipunin na lang ang pera kaysa ang ibili o i-gastos sa kung ano-ano.
“Eh, sa sayawan mamayang gabi?” usisa uli ng binata.
“Mas lalong hindi ako pupunta.” Tumawa siya nang marahan. “Sa tanda kong ito, isa o dalawang beses pa lang yata akong nakapunta sa sayawan, dito man o sa mga katabing bayan. At ‘yon ay noong nag-muse ako noong bata ako at noong high school ako.”
Nalungkot bigla ang mukha ni King na lihim niyang ipinagtaka. “Sayang naman. Yayayain sana kita, eh. First time kong um-attend ng sayawan sa probinsiya, eh. Puro disco bar pa lang sa Maynila ang napuntahan ko.”
Umiling si Queenie. “Hindi talaga ako pupunta. Iba na lang ang yayain mo.”
“Bakit hindi ka pumupunta sa sayawan?”
“Maraming lasing do’n. At ang kukulit! Magagalit pa kapag nagyaya ng sayaw tapos tinanggihan mo.” Napailing ang dalaga. “Baka mapaaaway pa ako do’n.”
“Walang mangungulit sa’yo do’n mamayang gabi kasi nando’n ako,” paniniguro pa ni King. “Ako ang bahala sa’yo.”
Pero mariin pa rin na umiling si Queenie. Kahit sino pa ang magyaya sa kaniya, kapag sayawan na ang pinag-uusapan, todo talaga ang tanggi niya. Hindi siya katulad ng ibang mga kadalagahan sa kanilang lugar na sobrang excited kapag ganoong fiesta na. Dahil pagkakataon na raw nila iyon na makasayaw ang kanilang mga crush o nobyo.
“Ayaw mo talaga?” mas pinalungkot pa ni King ang boses nito. “Kahit ipaalam pa kita sa Mama at Papa mo?”
“Hindi talaga!” puno ng pinalidad na sagot ng dalaga. At kapagkuwan ay ipinagtabuyan na niya ito. “Sige na, umuwi ka na at marami pa akong ligpitin sa loob. Maraming salamat na lang uli sa pag-aayos mo sa bubong ng kulungan ni Blondie. Tuwang-tuwa ang alaga ko dahil hindi na raw siya mababasa kapag umuulan.” Nangingiti na nilingon ni Queenie ang maayos ng bubong ng kulungan ng kaniyang alagang baboy bago siya muling bumaling kay King. “Enjoy ka mamaya sa sayawan. Maraming magagandang dilag dito sa Hacienda Lorenzo.”
“Ikaw lang naman ang nakikita kong magandang dilag dito sa lugar n’yo. Pero dahil hindi ka pupunta kaya hindi na rin ako pupunta. Wala akong kasama—”
“Hello, cous!”
Sabay silang napalingon ni King nang biglang may tumawag sa kaniya mula sa labas ng bakod. At nakita niya ang isa sa mga pinsan niya at pinaka-close sa lahat. Sa Hacienda Lorenzo rin ito nakatira at kapatid ng Papa niya ang ama nito. Pero sa kabilang sitio naman nakatira at may trabaho rin kaya bihirang magawi sa bahay nila. “Josephine!” sigaw din ni Queenie sa pangalan nito. “Halika, pasok ka.” Pinagbuksan pa niya ito ng bakod na kawayan. “Naligaw ka yata?” biro pa niya nang makapasok ito sa loob. Ka-edad at kaklase niya ito pero nakapagtapos ng college at ngayon ay supervisor na sa isang farm sa hasiyendang iyon.
“G*ga! Nandito ako para yayain ka sa sayawan mamayang gabi—” Awtomatikong naputol ni Josephine ang pagsasalita nito nang mapansing may ibang kasama si Queenie at lalaki. Kitang-kita niya kung paano nangislap ang mga mata nito. Naalala niya na mahilig nga pala ito sa guwapo. Kaya nga isa ito sa pinaka-playgirl sa lugar nila. “May kasama ka pala, cous,” sabi ng pinsan niya at biglang nagpa-cute kay King. Nag-flip pa talaga ito ng hair.
Saka lang naman naalala ni Queenie ang presensiya ng binata at ipinakilala ito sa kaniyang pinsan. “Ay, Jo, si King nga pala. Isa siya sa mga trabahador diyan sa ginagawang university. Taga-Maynila.” Kapagkuwan ay bumaling naman siya sa binata. “At King, si Josephine nga pala. Pinaka-close ko sa lahat ng pinsan ko.”
“At ako naman ang pinakamagandang dilag dito sa Hacienda Lorenzo. Kaya ako ang naging Reyna Elena noong nakaraang fiesta,” sabat pa ng kaniyang minsan sa boses na may pagmamalaki at kumindat pa kay King. “Dalawang beses na rin akong naging ‘Queen of the Night’.”
Ewan.
Kung tutuusin, sanay naman na si Queenie sa pagiging kalog ni Josephine. Pati na ang lantaran nitong pagyayabang sa kagandahan at kasikatan nito sa kanilang lugar. Sa tuwina, hindi na lang niya pinapansin kapag nasasabihan ito nang hindi maganda ng mga ka-lugar nila. Kasi totoo naman talaga na maganda ito, matangkad at s*xy. Katunayan, marami ang mga lalaking nagkakandarapa rito.
Pero sa mga sandaling iyon, hindi niya maipaliwanag kung bakit parang bigla siyang nainis sa kayabangan nito. Lalo na sa lantarang pagpapa-cute nito kay King.
“Nice meeting you, King.” At ito pa talaga ang unang nakipagkamay.
Si King naman, palibhasa gentleman kaya tinanggap nito ang kamay ni Josephine. Pero nakita ni Queenie ang pagkamot nito sa ulo nang ayaw pa rin bitawan ng pinsan niya ang kamay nito. Titig na titig pa si Josephine na parang kulang na lang ay lalamunin nito nang buo ang binata.
Parang si Queenie na lang tuloy ang nahiya at tinapik niya ang pinsan. “Cous, baka naman matunaw na niyan si King,” nakasimangot niyang sabi, sabay hila ng kamay nitong ayaw pa rin bumitaw sa pakikipag-shake hand sa binata.
Parang kiti-kiti naman na kinilig lang si Josephine. Habang si King naman, ewan kung bakit biglang napangiti. Kinilig din kaya ito sa pinsan niya?
Mas lalong hindi maipaliwanag ng dalaga kung bakit mas napasimangot pa siya. “’Ayan, pala, King. ‘Di ba naghahanap ka ng makakasama sa sayawan mamayang gabi? Si Josephine na lang ang yayain mo.”
“Ay gusto ko ‘yan!” mabilis namang sabat ni Josephine. Kulang na lang ay mamilog ang mga mata nito at mapatalon sa tuwa. “Naghahanap din talaga ako ng makakasama mamayang gabi. Nagbakasakali lang ako na sasama itong pinsan ko kahit alam ko naman na hindi.”
“Kung gano’n, tamang-tama pala ang dating mo. Dahil naghahanap din ng makakasama itong si King,” sagot pa ni Queenie. At least, nakaligtas siya sa pangungulit ng binata.
Napakamot sa ulo nito si King. “Pero—”
“Masarap kasama iyang pinsan ko. Mas kabisado niyan ang buong Hacienda Lorenzo,” dagdag pa ng dalaga at kinalabit ang pinsan. “Samahan mo na rin pala iyan sa pamamasyal mamayong hapon, cous. Mukhang hindi pa niya nalilibot itong lugar natin, eh.”
Lalong namungay sa saya ang mga mata ni Josephine. “Huwag kang mag-alala, King. Ako ang bahala sa’yo.” At um-abrisyete pa talaga sa binata na animo’y matagal nang kakilala at close na close na.
Napansin ni Queenie ang pagtutol sa mukha ni King nang mapatingin siya rito at nagtama ang kanilang mga mata. Hindi niya alam kung bakit parang ayaw nitong makasama ang pinsan niya gayong maganda at s*xy naman ito. Ngayon lang yata siya nakakita ng lalaking umayaw kay Josephine.
Baka naman na-turn off lang sa pagiging easy-to-get ng pinsan niya?
Ah, bahala na!
Bahala nang mag-usap ang dalawang iyon. Tutal, wala naman siyang dapat ikabahala kay Josephine dahil sanay naman itong humarap at makisama sa mga lalaki. At si King naman, mukhang mabait. Hindi naman siguro nito ipapahamak ang pinsan niya. At ang importante, hindi na siya nito kukuliting yayain sa sayawan mamayang gabi.
“Sige na. Kayong dalawa na ang bahala mag-usap,” pagtataboy ni Queenie sa mga ito. “Babalik na ako sa loob at magliligpit pa ako bago sila dumating nina Papang at Mamang. Punta na lang kayo mamayang tanghali. Maghahanda yata sila kahit kaunti lang.”
Hindi nakaligtas sa paningin ng dalaga ang lalong pagprotesta sa mukha ni King pero wala na itong nagawa nang hilahin na ito ni Josephine palabas ng kanilang bakuran.
“Bye, cous!” mabilis na paalam nito habang nakaangkla pa rin sa braso ng binata at nagmamadali na hinila ito.
Napabuntong-hininga na lang si Queenie habang hinahatid niya ng tanaw ang dalawa. Wala na talaga siyang masabi sa pagiging playgirl ni Josephine. Sa pagkakaalam niya, kabi-break lang nito sa latest boyfriend at kasalukuyang may ini-entertain na manliligaw.
Hindi siya umalis sa kinatatayuan hangga’t hindi nawawala sa paningin niya ang dalawa kaya narinig pa niya ang malakas na tawanan ng mga ito. Lalo na ni King. Mukhang nagustuhan na rin nito ang pagiging kalog ng pinsan niya.
Bakit parang may pagsisisi siyang naramdaman?
“Ako? Magsisisi?” mabilis na depensa ni Queenie sa sarili at saka iiling-iling na pumasok na sa loob ng bahay.
“SIGE ho. Sasamahan ko kayo mamayang gabi,” sabi ni Queenie sa kaniyang mga magulang nang hilingin ng mga ito na sumama siya sa sayawan mamayang gabi.
Si Cindy daw kasi ang kinuhang kapalit ng kandidata sa kanilang sitio dahil umurong daw ito at nagkaroon ng emergency sa kabilang bayan. Wala naman daw silang poproblemahin pa dahil ipinahiram na rin ng umurong na kandidata ang lahat ng mga gagamitin sana nito. Pati na rin ang perang nalikom nito. Hindi lang kasi ganda ang labanan sa kandidatahan tuwing fiesta kundi higit sa lahat ay pera. Kung sino ang mas maraming pera ang naipasok sa tinatawag na ‘lata’, siya ang tatanghalin na ‘Queen of the Night’. Kaya nga kulelat si Queenie noong nag-muse siya nang dalawang beses. No choice lang talaga siya noon dahil wala naman ibang babae na pasok sa edad sa sitio nila ng mga panahong iyon.
“Malaki rin daw ang chance ko na manalo, Ate Queenie. Dahil bukod sa may kaya sa buhay iyong papalitan ko at nangakong magbibigay ng pera mamayang gabi, malaki rin daw ang na-solicit nila sa mga kamag-anak nilang mayayaman din sa first counting pa lang,” excited na sabi naman ng kapatid niya.
“Mabuti naman kung gano’n. Pero okay lang naman kung hindi ka manalo,” nakangiting saad ni Queenie sa kapatid. “Dahil para sa amin, ikaw na ang panalo dahil sa kagandahang taglay mo. Ikaw kaya ang prinsesa namin.”
“Si Ate Queenie talaga. Masiyadong pinapalaki ang ulo ko. Siyempre, mana lang ako sa’yo, Ate.”
“At mana naman kayo sa’kin,” hindi rin patatalo na sabat ng kanilang ina. At sinundan naman ng kanilang ama kaya napuno na naman ng masayang tawanan ang kanilang munting tahanan.
Ngunit sa isip-isip ni Queenie, hindi pa rin pala siya makakaligtas sa sayawan mamayang gabi. Pero okay lang dahil pupunta naman siya roon para suportahan ang kapatid at hindi para makipagsayaw.