KABANATA 5

2147 Words
NAGISING si Queenie nang makarinig siya ng sunod-sunod na pukpok ng martilyo mula sa likod ng kanilang bahay. Linggo ngayon. At fiesta din pala sa kanilang lugar na ngayon lang niya naalala dahil sa sobrang dami ng iniisip. Dahil dakilang deboto ng kanilang patron ang may-ari ng grocery store na pinapasukan niya kaya wala silang pasok ngayon hanggang bukas. Nagmumog at nagpusod lang ng kaniyang buhok ang dalaga bago tumungo sa likod-bahay para alamin kung ano ang inaayos ng Papa niya. Ayaw niya kasi na gumagawa ito ng Linggo dahil ito lang ang araw na pahinga nito sa pagbubukid. Lalo na at fiesta ngayon. Siguradong maraming kaibigan ang magyayaya rito. Nang makarating sa likuran ay natitigan pa ni Queenie ang lalaking nasa bubong ng kulungan ni Blondie at may hawak na martilyo. At nagulat siya dahil hindi iyon ang kaniyang Papa kundi si King. Wala itong suot na pang-itaas dahil nakatali sa ulo nito ang itim na T-shirt. Kaya imbes na ang bagong yero sa kulungan ng alagang baboy niya, mas nauna pang napansin ng dalaga ang pawisan na katawan ng binata habang abala ito sa pagpupukpok. Muntik na niyang makagat ang ibabang labi dahil hindi niya napigilan ang sarili na pasadahan ng tingin ang katawan ni King. Bukod sa taglay na kaputian, tangkad at kaguwapuhan, pinagpala din pala ito sa abs. Ilang beses na niya itong nakitang nakahubad pero ngayon lang kalapit nang ganito. Masarap kaya himasin ang abs niya? Agad din namang sinaway ni Queenie ang sarili dahil sa matagal na pagkatitig niya saa binata. Pinatay na lang niya ang kuryosidad na gumugulo sa isip niya habang nakatingin sa katawan nito. Huminga siya nang malalim at tumikhim muna para alisin ang tila bara sa kaniyang lalamunan bago niya kinuha ang atensiyon ni King na wala pa ring kamalay-malay sa presensiya niya. “Ano ang ginagawa mo diyan—” “Aray!” gulat na napasigaw si King nang mapukpok nito ang sariling kamay at saka bumaling sa gawi niya. Pero agad din itong napangiti nang makita siya. “Magandang umaga, kamahalan. Sorry, ha? Nagising yata kita.” “Bakit ka kasi nandito? Sinabi ko naman sa’yo na wala pa akong pambayad sa labor mo.” “At sinabi ko rin sa’yo na wala akong balak maningil,” depensa rin nito. Tumigil ito sa ginagawa at pasalampak na umupo sa yero habang nakaharap kay Queenie. Mula sa pagkakatingala kay King, dahan-dahan na nagbaba ng mukha ang dalaga dahul hayon na naman ang mga titig nito sa kaniya na nagdudulot ng hindi maipaliwanag na pakiramdam sa loob ng dibdib niya. “Pero dahil mukhang tapos mo na kaya wala na akong choice,” kapagkuwan ay sagot niya na hindi pa rin tumitingin dito. “Babayaran na lang kita pagkasahod ko sa katapusan.” “Huwag na nga, eh. Ang kulit nito!” Saka lang siya napatingin uli sa binata nang marinig niya ito na tumalon mula sa bubong. Hindi naman iyon ganoon kataas. At siya pa raw ang makulit? “Kapag pinilit mo talaga sa’kin ang bayad, pipikutin na kita,” walang ligoy na deklara nito habang papalapit sa kaniya. Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Queeni. “Timang ka talaga! Subukan mo at siguradong hindi lang itak ni Papang ang hahabol sa’yo kundi mga itak ng buong Hacienda Lorenzo. Hindi mo ba alam na sagrado ang kasal sa lugar na ito? Walang lugar dito ang pamimikot. Subukan mong gawin iyon at hindi ka na makakauwi nang buhay sa Maynila.” Totoo na sagrado ang kasal kung ituring ng mga taga-Hacienda Lorenzo, lalo na ng matatanda. Pero hindi totoo na walang namimikot sa lugar na iyon. Katunayan, marami na siyang kaklase noon na napikot lang din. Panakot lang niya iyon kay King dahil baka seryosohin ng kumag na iyon ang banta. Pero mukhang walang epekto sa binata ang pananakot na iyon ni Queenie. “Okay lang ‘yon. Ang sabi nga sa national anthem natin, ‘Ang mamatay nang dahil sa’yo’.” “Ang dami mo talagang alam!” Napailing na lang siya, sabay ikot ng eyeballs niya. Pero tumigil ang tingin niya sa guwapong mukha ni King na tagaktak ng pawis. Bigla siyang naawa. “Sandali nga at ikukuha kita ng towel. Ipagtitimpla na rin kita ng kape.” Hindi na niya hinintay na sumagot pa ito at pumihit na pabalik sa loob ng kubo nila. Nagtaka pa si Queenie nang pagkabalik niya sa loob ay saka lang niya napag-alaman na wala pala roon ang kaniyang mga magulang at si Cindy. “NAPANSIN mo bang umalis sina Papang at Mamang? Pati na rin si Cindy?” tanong niya kay King nang balikan niya ito. Nakaupo na ito sa upuang kawayan na nasa ilalim ng aratiles kaya inilapag niya ang kape at nilagang kamote sa katapat nilang lamesa. “Wala kasi sila sa loob, eh.” “Ah! Umalis nga pala sila. Sabihin ko raw sa’yo na mamimili sila ng panghanda n’yo mamayang tanghali.” Saka lang umayos ang pagkakasalubong ng mga kilay ni Queenie nang maalala niya na nabanggit na nga pala iyon sa kaniya ng mga magulang niya kagabi. Pero ang hindi niya maintindihan, iniwanan siya ng mga ito na tulog habang may ibang tao at lalaki pa sa loob ng bakuran nila. Samantalang masiyadong protective ang kanilang ama. Hindi ito basta-basta nagpapasok ng lalaki sa bakuran nila. In fact, si King pa lang itong pinayagan ng kanilang mga magulang. Kahit nga ang mga manliligaw niya noon ay hanggang hatid lang sa labas tapos uwi agad. Ganoon ba ka-tiwala ang mga ito kay King? “Kanina pa ba sila umalis?” “Hmm.” Sandaling nag-isip ang binata. “Baka mga dalawang oras na rin. Pagkadating ko kasi, umalis agad sila. Pero kagabi pa lang, nagpaalam na ako sa Mama at Papa mo na pupunta ako rito nang maaga para magawa ko agad ang bubong ng kulungan ni Blondie kasi iyon ang ipinangako ko sa’yo. Para matapos din ako nang maaga at makapasyal sa fiesta mamayang hapon.” Wala na rin naman na siyang magawa kung patuloy man siyang magsisintemyento sa basta-basta na lang pagtitiwala ng mga magulang niya kay King dahil nangyari na. Pero paano nga kaya kung ginawan siya nito nang masama? Wala siyang kalaban-laban kung sakali dahil tulog na tulog siya. Nang dahil sa ideyang iyon kaya napasulyap si Queenie sa mukha ni King at napatitig dito. Kahit ubod ito ng kulit, maamo naman ang mukha. Ito ‘yong tipo na kahit pumitik ng babae ay baka hindi kaya. Saka lang niya inabot dito ang hawak na towel. “Ito. Hiramin mo muna at ipunas diyan sa mukha mong pawis na pawis. Baka sabihin mo pa na masiyado na kitang inaalila. Libre na nga ang labor mo, eh.” “Wala namang kaso sa’kin kung alilain mo man ako, kamahalan,” nakangising sagot ni King pero hindi pa rin tinatanggap ang inaabot niyang towel. “Sa’yong sa’yo naman ako pati ang puso’t kaluluwa ko. Pati nga ang atay at balon-balunan ko, sa’yo na rin.”’ Hindi niya napigilan ang mapahagalpak ng tawa sa sinabi nito. “Sira-ulo ka talaga!” aniya sabay hampas ng towel dito. “Bakit ba hindi ka nauubusan ng pambanat?” “Hindi talaga ako mauubusan basta ikaw ang kaharap ko.” At may pakindat pa talaga itong nalalaman. Kapagkuwan ay napailing na lang si Queenie at muling inabot dito ang tuwalya.” Sige na. Magpunas ka na bago ka pa matuyuan ng pawis.” “Ang puti-puti naman niyan. Nakakahiyang hawakan.” Ipinakita nito ang maruming kamay na may mga kalawang pa. Gusto sana niyang sabihin kay King na maghugas ito ng kamay. Pero kung kanina pa ito gumagawa, malamang na pagod na ang mga kamay nito. Nakakakonsensiya naman kung mapapasma pa ito dahil sa libreng gawa. At hindi rin kaya ng konsensiya ni Queenie kung matuyuan man ito ng pawis at nagkasakit. “Ibalik mo na lang ‘yan sa loob, kamahalan. Salamat na lang pero sanay naman na akong matuyuan ng pawis.” Mukhang wala na talaga siyang choice. Umusog siya palapit dito pero may natitira pa rin namang malaking espasyo sa pagitan nila. Eksakto lang para maabot niya ang mukha nito.” H-humarap ka kaya rito para mapunasan ko nang maayos iyang mukha mo.” “Ang sweet naman ng kamahalan ko.” Ang lapad ng ngiti ni King nang humarap nga ito sa kaniya. Kulang na lang ay mapunit ang bibig nito. “Ito na yata ang pinakamahal na sahod na natanggap ko sa buong buhay ko.” “Shut up, okay? Nalalanghap ko ang hininga mo, eh,” reklamo ni Queenie dahil totoo namang tumatama ang mainit nitong hininga sa mukha niya. At sa bawat init na humahaplos niyon sa kaniyang balat ay nagdudulot naman ng kakaibang pagrigodon ng puso niya. Ang bango kaya! Hindi sumagot si King. Parang feel na feel yata ang pagpunas na ginagawa ng dalaga sa mukha nito. At ganoon na lang ang gulat ni Queenie nang bigla na lang nitong inilapit pa ang mukha sa mukha niya, sabay sulyap sa mga labi niya. Pakiramdam niya ay unti-unti siyang kinapos ng hangin. Lumunok pa si King habang titig na titig sa lips niya. Pinamulahan tuloy siya ng mukha dahil parang nahulaan na niya ang tumatakbo sa isip nito ng mga sandaling iyon. At bago pa man nito maisakatuparan iyon ay mabilis itong itinulak ni Queenie at saka niya itinakip sa mukha nito ang tuwalya. “Pagnasaan mo na lahat ng babae pero huwag ako, King! Hindi pa nakakatikim ng first kiss ang lips ko. Dahil ibibigay ko lang iyon sa first boyfriend ko at sa lalaking pakakasalan ko.” “BALANG ARAW, hindi na lang bubong ng kulungan ni Blondie ang gagawin ko dito. Kundi bahay naman. At hindi lang basta bahay kundi palasyo para sa kamahalan ko.” Mabilis namang napabaling kay King si Queenie nang marinig niya ang deklarasyon nito habang nagkakape at kumakain na ng kamote. Ipinagbalat na rin niya ito dahil hindi pa rin niya pinayagang maghugas ng kamay. “Palasyo talaga? Ni sariling bahay nga, wala ka.” “Sa ngayon, wala pa. Pero magsusumikap ako. At makikita mo, bahay mo na ang pinakamalaki rito sa buong Hacienda Lorenzo,” puno ng kumpiyansa at determinasyon na sagot ni King. “Kung gusto mo nga, bibilhin ko pa itong hasiyenda para sa’yo, eh.” She just laughed. “Ang taas naman ng pangarap mo. Alam mo ba na marami nang negosyante ang sumubok na bilhin itong Hacienda Lorenzo pero walang nagtagumpay dahil sa sobrang yaman ni Don Lorenzo?” “Walang imposible sa taong nagsusumikap, kamahalan. Basta samahan mo lang ng sipag at tiyaga, naniniwala ako na matutupad mo lahat ng mga pangarap mo.” Hindi siya nakakibo. Aminado si Queenie na tinablan siya ng mga sinabi ni King. Dahil totoo naman talaga na walang imposible sa taong nagsusumikap, masipag, at matiyaga. Ganoon din naman ang pananaw niya, ‘di ba? Tumitig siya sa seryosong mukha ng binata habang nakatingin ito sa kawalan. Punong-puno ng pangarap ang mga mata nito. Kahit ang guwapong mukha nito ay may taglay na kakaibang determinasyon. At hindi niya ikakaila na napahanga siya nito. Akala niya kasi noon, kaya puro construction lang ang naging trabaho nito dahil kuntento na lang ito sa ganoong buhay. Pero tulad din pala niya ito na may mataas na ambisyon. “Sa totoo lang, mataas din ang pangarap ko, King. Gusto kong maiahon sa kahirapan ang pamilya ko balang araw,” parang wala sa loob na sambit ni Queenie at napatingin din sa kawalan. “At tama ka, basta masipag at matiyaga ka lang, walang hadlang sa pag-abot ng pangarap.” “Gusto mo ba ng kasama?” Awtomatikong napahinto sa pagpapangarap niya nang gising si Queenie. Nilingon at kinunutan niya ng noo si King. “Kasama saan?” “Sa pag-abot ng mga pangarap mo.” “Oo naman!” mabilis niyang sagot. “Ang pamilya ko. Sila ang magiging kasama ko at sila rin ang pag-aalalayan ko kung sakali,” kumpiyansadong sagot ng dalaga. “’Buti ka pa. Ako kasi, wala pang kasama.” Bigla nitong pinalungkot ang boses nang tumingin sa kaniya. “Pero pag-alalayan, meron na.” Nakagat ni Queenie ang ibabang labi niya. Bakit parang nagdulot ng paninikip sa dibdib niya ang huling sinabi ni King. “M-may pag-aalayan ka na? Sino? ‘Di ba ang sabi mo, ulilang lubos ka na.” “Meron na, ‘no! Inspirasyon nga meron na rin!” masiglang bulalas nito, sabay ngisi habang tumataas-baba ang kilay na nakatingin sa kaniya. “Hinihintay ko na lang na mapansin niya ako.” Gusto sana niyang usisain pa kung sino ang tinutukoy nito. Pero baka sabihin pa nito na tsismosa siya. Ows? O baka naman natatakot ka lang malaman na ibang babae pala ang sinasabi ni King at hindi ikaw? anang pabida niyang isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD