“HINDI mo siya asawa o kahit nobyo, Queenie. Hindi mo siya obligasyon.”
Sinilip muna ni Queenie kung nasa sala ba si King at baka marinig nito ang pinag-uusapan nilang mag-ama.
Isang linggo na rin simula nang makalabas ito ng ospital. Dahil in-advise ng doctor na kailangan muna nitong magpahinga kaya nagpaalam ang dalaga sa kaniyang mga magulang na kung puwede, sa kanila muna titira ang binata. Bukod sa hindi maayos ang pahingaan nito sa barracks, wala ring mag-aalaga kay King. Sumang-ayon naman ang Mama niya. Pero ang Papa niya, isang linggo lang daw ang kaya nitong ibigay na pabor kay King.
“Hindi rin naman ho tayo kaano-ano ni King, ‘Pang. Pero noong mga panahon na tayo ang nangailangan, lalo na nang isugod natin sa ospital si Cindy noon, hindi rin naman siya nagdalawang-isip na tulungan tayon, ‘di ba?” may himig paghihinampo na sagot ni Queenie bagaman at may paggalang pa rin. “Hindi lang talaga kaya ng konsensiya ko na pabayaan siya sa ganitong sitwasyon. Wala naman siyang pamilyang maaasahan dito, eh. Hindi naman siya pabigat sa’tin pagdating sa pera kasi nagbibigay naman siya kahit nga ayaw namin ni Mamang.”
Hindi nakasagot ang ama ni Queenie.
“At saka hindi naman ho habang buhay na dito titira si King, ‘Pang. Ngayon lang naman siya nangangailangan ng tulong,” dagdag pa niya habang hindi pa rin nawawala ang hinanakit sa tono niya.
Sa bawat araw na dumadaan na patuloy ang hindi magandang ipinapakita ng Papa niya kay King, patindi nang patindi rin ang tampo niya rito. Hindi kasi deserve ng binata na tratuhin nang ganoon dahil sa kabutihan nito. Hindi naman ito nagdadamot ng tulong kahit kanino kapag may maitutulong ito.
Iyon lang ba talaga ang rason, Queenie? O dahil sa kakaibang damdamin mo para sa kaniya?
“Basta, sa oras na gumaling siya, ayaw ko nang makita ang pagmumukha niya rito sa bahay, Queenie,” maawtoridad na wika ng ama niya kapagkuwan. “Mga babae ang anak ko at hindi magandang tingnan na may lalaking hindi natin kaano-ano ang nakatira dito,” sabi uli nito bago siya iniwanan para pumasok na sa bagong trabaho nito sa farm na inalok daw ni Don Lorenzo.
Naintindihan naman niya ang sintemyento ng ama. Malaki lang talaga siguro ang tiwala niya kay King na hindi ito gagawa nang hindi maganda sa kanilang pamilya. Na hindi nito kayang sirain ang tiwala nila, lalo na ang tiwala niya. Katulad nang sinabi nito sa kaniya noon.
“Queenie, anak,” untag sa kaniya ng Mama niya.
Ngayon lang niya na-realize na kasama na pala niya ito sa kusina. “M-mang, nandiyan po pala kayo.”
Tinapunan siya nito ng malungkot na tingin. “Narinig ko ang usapan n’yo ng Papang mo. Naiintindihan ko siya na gusto lang niya kayong protektahan ni Cindy sa posibleng sabihin ng mga tao. Lalo na at dayo lang dito sa atin si King. Alam mo naman ang mga tsismosa dito sa atin.” Napabuntong-hininga na hinawakan nito ang kamay niya. “Pero gusto kong malaman mo na naiintindihan ko rin ang desisyon mo, anak. Dahil kahit ako, gusto ko rin namang tulungan si King dahil mabuti at mabait siyang tao. Marami na rin tayong utang na loob sa kaniya. At bilang isang ina mo, alam ko rin na hindi lang basta iyon ang rason kung bakit mo siya tinutulungan. Siguro nga maitatago mo sa lahat ang totoong nararamdaman mo para sa kaniya, pero sa akin, hindi. Alam ko na may gusto ka na rin sa kaniya…”
Pinamulahan ng mukha ang dalaga nang tumingin siya sa ina. Bigla siyang nahiya dahil nabuko nito ang feelings niya para kay King. “Mamang,” sa halip ay mahina niyang anas. Sa totoo lang, hindi niya kasi talaga alam ang sasabihin niya sa ina.
Nakangiti na pinisil ng Mama niya ang palad ni Queenie. “Gusto ko ring malaman mo na botong-boto ako kay King para sa’yo, anak. Wala akong makitang dahilan para hindi ko gustuhing maging nobyo siya ng dalaga ko. Hindi naman sa ipinagtutulakan na kita, pero ano ba talaga ang plano mo? Hihintayin mo pa ba na maagaw siya ng iba o mapunta ka sa ibang lalaki bago mo siya sagutin?”
Kumunot ang noo niya. Hindi man direktang sabihin ng ina pero alam niya na ang tinutukoy nito ay walang iba kundi si Don Lorenzo. Bakit nga kaya nagmamadali ito na sagutin niya si King? May nangyayari ba na hindi niya alam?
“Pero kahit ano man ang mangyari,” pagpapatuloy ng Mama niya, “huwag ka sanang magalit sa Papa mo, ha? Mahal na mahal ka no’n, kayong dalawa ni Cindy. At lahat ng ginagawa niya ay para sa pamilya natin. Bilang isang ina, may mga desisyon lang talaga siya na hindi ko kayang suportahan. Lalo na kung tungkol sa kaligayahan n’yo ang pinag-uusapan.”
Uminit ang bawat sulok ng mga mata ni Queenie. Hindi niya napigilang yakapin ang ina kahit naguguluhan siya sa mga sinasabi nito. “Maraming salamat, ‘Mang. Alam n’yo rin ho na mahal na mahal ko ang pamilya natin. At hindi ko magawang magalit sa inyo, kahit kay Papang, sa kahit anong dahilan.”
Isang matipid na ngiti lang ang itinugon nito bago ito nagpaalam na tutungo na sa tindahan.
“ATE QUEENIE!”
Nilingon ni Queenie ang kapatid na nasa bukana ng kusina habang naghuhugas siya ng mga pinggan. “O, bakit?”
“Si Kuya King. Nag-iigib na naman ng tubig. Ang sabi ng doctor, bawal pa siyang magbuhat, ‘di ba?” sumbong ni Cindy.
“Oo nga! Ang tigas talaga ng ulo ng isang—” Hindi na niya natapos ang pagsasalita dahil sumulpot na lang bigla si King na may buhat-buhat ng isang timbang tubig.
“Lagot ka kay Ate Queenie, Kuya King! Sinabi ko na nga po sa inyo na bawal kayong magbuhat pa, eh.”
Nameywang si Queenie at pinandilatan niya ng mga mata si King. “Gusto mo bang gumaling o hindi?”
Ibinaba nito ang timba na may lamang tubig bago nakangisi na humarap sa kaniya. “Magaling naman na ako, kamahalan. Kaya huwag ka nang mag-alala pa. Tingnan mo nga, o.” Nag-flex pa ito ng mga muscle na ikinatawa ni Cindy. “Ang lakas-lakas ko na uli!”
Lalo lang niya itong pinandilatan. “Mister, hindi naman ang katawan mo ang may problema kundi iyang sugat sa ulo mo. Hindi pa iyan tuluyang magaling. Kapag bumuka uli iyan, babalik ka na naman sa doctor. At posibleng lumala pa ang sitwasyon mo,” patuloy na sermon niya rito.
“Makinig ka po kasi kay Ate Queenie, Kuya King. Alam mo naman na takot iyan na magka-amnesia ka at makalimutan mo siya,” pabirong sabat ni Cindy kaya pati ito ay pinandilatan din niya.
“Tulungan mo na sa tindahan si Mamang bago pa kita makurot sa singit diyan,” pagtataboy ni Queenie sa kapatid.
Tatawa-tawa namang tumalima ito.
Nang makaalis si Cindy ay saka lang niya napansin ang lalong paglipad ng ngisi ni King. “Isa ka pa,” baling niya uli rito. “Makukurot na rin kita dahil sa katigasan ng ulo mo.”
“At saan mo naman ako kukurutin?” Inisang hakbang nito ang pagitan nilang dalawa kaya napaatras si Queenie hanggang sa mapasandal siya sa dingding. Itinukod nito ang kamay sa sinasandalan niya at yumukod sa kaniya hanggang sa ilang dangkal na lang ang layo ng mga mukha nila. “At bakit ganiyan ka na lang kung mag-alala sa’kin?”
Pasimpleng napalunok ang dalaga sa huling tanong ni King. At nang tingalain niya ito, kumabog nang sobra ang dibdib niya nang magtama ang kanilang mga mata.
Hayun na naman ang pasaway niyang puso. Na hindi niya mapigilang tumibok nang mabilis sa simpleng pagtatama lang ng kanilang mga mata ni King. At batid ni Queenie na hindi na talaga normal ang nararamdaman niyang iyon.
“Dalawang beses na kitang nahalikan pero hindi ka naman nagalit. Gusto ko sanang isipin na sign na ‘yon na may gusto ka rin sa’kin,” wika ni King nang hindi siya kumibo. Napaka-seryoso na ng mukha nito kumpara kanina, “Pero ayokong mag-assume lang, Queen. Gusto ko na marinig ko mismo sa’yo ang sagot.”
“A-ano ba ang tanong mo?” pagmamaang-maangan ng dalaga dahil wala siyang mahagilap na ibang salita sa sobrang lakas ng kalabog sa dibdib niya. Parang tinatambol.
Paano ba siya hindi mate-tense kung ganoon sila kalapit sa isa’t-isa? Nagsasalubong na ang kanilang mga hininga habang nagsasalita.
Puno ng kaseryosohan pa rin ang guwapong mukha ni King na tinitigan siya nang direkta sa mga mata. “Kung mahal mo rin ba ako?” mahina pero punong-puno ng emosyong sagot nito. “Kasi ako, mahal kita, Queen. Mahal na mahal. Akala ko noon, mga babae lang ang nakakaramdam nang ganitong pakiramdam ko ngayon. Iyong tumitibok nang mabilis ang puso ko kapag tinitigan mo ako o kaya kapag sa gabi, bago matulog, habang inaalala ko ang matatamis na ngiti mo. Iyong napapangiti ako nang mag-isa na parang timang kapag naaalala ko ang magandang mukha mo. Iba ang kilig ko kapag ikaw ang kasama ko.” His face softened. “Kapag kausap kita, at nakatitig ako sa magagandang mata mo, pakiramdam ko, ikaw at ako lang ang tao sa buong mundo.
“Nakakalimutan ko ang lahat kapag ikaw ang kasama ko. Nakakalimutan kong may trabaho pa pala ako, na hindi pa pala ako kumain, na hindi pa pala ako nakatulog dahil sa kakaisip ko rin sa’yo. Kapag nasa tabi kita, nakakalimutan ko na nag-iisa na lang pala ako sa buhay. Nakakalimutan ko ang lungkot, ang mga katanungan ko sa Diyos kung bakit kinuha Niya nang maaga si Nanay at naiwan akong mag-isa. Lahat ng hirap at problema ko, nawawala basta marinig ko lang ang mga halakhak mo. Wala akong ibang maramdaman kundi ang maging masaya kapag nakikita kita. ‘Di ba? Ang tindi ng tama ko sa’yo.” Tumawa ito nang marahan. “Handa akong kalimutan ang lahat, makasama ka lang, kamahalan. At noong hinalikan kita…”
Napasinghap si Queenie nang hapitin siya ni King sa beywang. Palapit nang palapit ang mga labi nito sa kaniya kaya nangatog ang mga tuhod niya. Lalo na nang maalala niya ang huling halik na pinagsaluhan nila noon sa ospital. Nagpanggap lang pala ito na may amnesia para makaalis si Josephine at mahalikan siya. Miss na miss na raw kasi siya nito. At tandang-tanda pa ni Queenie kung paano niya ginantihan ang halik na iyon ng binata. Akala nga niya, iyon na ang araw na iisipin nitong may espesyal ng namamagitan sa kanila.
Tumindi ang antisipasyong naramdaman ng dalaga dahil halos magdikit na ang kanilang mga labi ni King. Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na pag-iinit sa kaniyang katawan.
“K-King…” Sinubukan niya itong itulak pero aminado siya na kulang sa lakas ang kamay niya kaya hindi man lang ito natinag.
“Noong hinalikan kita, pakiramdam ko, iisa lang tayo, Queenie,” madamdaming saad pa nito at binalewala ang pagtulak niya, sabay sulyap sa mga labi niya. “Pero aminado ako na kinabahan ako no’n, ilang araw akong hindi nakatulog. Hindi kasi mawala sa isip ko ang malalambot na labi mo, ang mabangong hininga mo. Hindi ko matandaan kung ilang beses akong nagigising nang nakangiti sa tuwing naaalala ko ‘yon.” Ubod ng tamis na hinaplos nito ang pisngi niya. “Marami na rin akong nahalikan pero ikaw ang hindi ko talaga makalimutan. Nagayuma mo yata ako na hanggang ngayon, kapag nagkakalapit tayo nang ganito, walang ibang laman ang isip ko kundi ang matikman uli ang mga labi mo…”
Her heart beat even faster. Parang ang daming paro-paro na nakapaligid sa kanila sa mga oras na iyon, “K-King…”
Huminga ito nang malalim, “Ikaw pa lang din ang tanging babae na nanakit at nagpaiyak sa akin, maliban noong nawala si Nanay… Sa’yo lang ako nakaramdam ng ganitong takot.”
Kinunutan niya ito ng noo. “Sinaktan kita? At kailan kita pinaiyak?” totoo na wala talagang ideya si Queenie sa sinabing iyon ni King. Wala siyang maalala na ginawa niya iyon maliban sa pagsusungit niya rito.
“Siguradong tatawanan mo ako kapag narinig mo ‘to. Pero aaminin ko pa rin sa’yo.” Animo’y nahihiya na hinaplos ni King ang batok nito. “Na umiyak ako no’ng sinabi mong ayaw mo akong kausap for life. Alam ko na do’n pa lang, busted agad ako. Ang sakit no’n, ha? Hindi ko lang ipinapakita sa’yo kasi baka isipin mo na sumusuko agad ako. At no’ng nakita ko kayo ni Justin Tee na magkasama, nasaktan ako nang sobra no’n. Nagselos talaga ako sa kaniya. Lalo na ngayon kay Don Lorenzo, inaamin ko na hindi lang basta sakit at selos ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita ko na mas gusto siya ng Papang mo kaysa sa’kin. Hindi ko mapigilan na manliit minsan sa sarili ko kapag nakikita ko na kaya niyang ibigay sa’yo ang mga bagay na hindi ko kayang ibigay sa’yo.” Lumamlam ang mga mata nito at bahagyang lumungkot ang boses. “Natatakot ako na baka hindi sapat ang pagmamahal at malinis na intensiyon ko sa’yo para piliin mo ako…”
Queenie blinked at him. Parang hindi pa rin siya makapaniwala sa mga narinig. Pero ang sarap sa puso ng mga sinabi nito. Sa parteng iyon, aminado siya. “Para mo namang sinabi na pipiliin ko lang si Don Lorenzo dahil mayaman…” nasasaktang sabi niya.
“Hindi ‘no?” mabilis na tanggi nito. “Alam ko naman na hindi ka gano’ng babae. Pero hindi mo maalis sa akin ang mag-isip. Na sa aming dalawa ni Don Lorenzo, mas may future ka sa kaniya kaysa sa’kin na isang hamak na construction worker lang.”
Ngayon lang yata narinig ni Queenie na hinamak ni King ang sarili. Sa kabila ng mababang estado nito sa buhay, ngayon lang niya narinig na na-insecure ito nang ganoon. Palagi itong positibo. Kaya nga nahahawa siya, eh!
“Pero siyempre, hindi pa rin ako basta-basta susuko, kamahalan. Sabi ko nga, hangga’t hindi mo sinasabi na hindi mo ako gusto, liligawan at liligawan kita,” masigla na uli na deklara ng binata.
Napangiti lang si Queenie. Ito na nga ang King na kilala niya. At ang King na nagustuhan niya. Ang King na gusto niyang makasama sa buhay kahit hindi man pasado sa standard niya ang katayuan sa buhay. “Eh, paano naman kung sasabihin ko na gusto rin kita? Na ang sagot ko sa tanong mo ay mahal din kita.” naghahamon ang boses na tanong niya. At sigurado ang dalaga na hindi siya basta nabigla lang.
She truly meant it. From the bottom of her heart.
Nanlaki ang mga mata ni King. Daig pa nito ang nalulon ang dila na nakatitig lang sa kaniya.
She smiled teasingly. “O, ba’t natahimik ka? Akala ko ba gusto mong malaman ang sagot ko?”
“W-wala ka bang lagnat?” kinakabahan na sinapo nito ang noo niya.
Pero ang ginawa ni Queenie, kinabig niya ang batok ni King at siya ang kusang humalik sa mga labi nito. Mabilis na halik lang naman iyon. Kaya nga muntik na siyang matawa nang makita niya ang biglang pamumuo ng pawis sa noo nito. “Wala ka pala, eh. Ang dami-dami mong sinabi kanina pero sa isang halik ko lang, parang mahihimatay ka na.”
Nang makabawi si King ay unti-unting gumuhit ang pilyong ngiti sa mga labi nito. “Dahil hindi naman ganiyan ang tunay na halik, eh. Ganito,” wika nito at saka mabilis na sinunggaban ang mga labi ni Queenie at siya naman ang pinanlakihan ng mga mata.