BINUKSAN ni Queenie ang radyo nang magising siya sa madaling araw. Alas kuwatro y media pa lang. Kailangan niya kasing pumasok nang maaga dahil may meeting sila.
Napangiti pa siya habang sinasabayan ang paboritong kanta. Sinadya niyang hinaan lang ang boses, pati ang volume ng radyo dahil sa sala lang natutulog si King. Baka magising ito.
“Mga sandaling ligaya. Kung ikaw ang siyang kasama. Sana ay ‘di na natapos pa. Wala nang nais pang iba.” Bago tumuloy sa kusina ay sinilip muna niya ang nobyo. Mahimbing pa rin ang tulog nito.
Tatlong linggo na rin pala simula nang sagutin niya si King at ipinagkatiwala rito ang puso niya. At bagay na hindi niya pinagsisisihan. Dahil masasabi ni Queenie na sa loob ng mga panahong iyon ay walang oras na hindi siya nakaramdam ng saya dahil kay King. Isang kasiyahan na ngayon lang niya naramdaman sa buong buhay niya. Siguro dahil araw-araw ipinaparamdam sa kaniya ng binata kung gaano siya nito kamahal. Kung paano siya nito pinapahalagahan, nire-respeto. Kahit magkasama sila sa iisang bubong dahil hindi pa tuluyang gumagaling ang sugat nito, kahit minsan ay hindi ito nag-take advantage. Kahit nga madalas ay solo nila ang bahay kapag pumupunta sa bukid ang ama niya at nasa tindahan naman ang ina at kapatid niya.
Kuntento na ang binata sa pahawak-hawak lang sa kamay ni Queenie, payakap-yakap, paak-akbay. Kahit nga ang paghalik nito sa mga labi niya ay palagi nitong iniingatan na hindi sila matutukso at madadala. Bagaman at ramdam niya na nahihirapan na itong mag-kontrol kung minsan. Ngunit nangingibabaw pa rin ang respeto nito sa kaniya at sa pamilya niya.
Daig pa nga nila ang mga teenager sa pagiging wholesome ng kanilang relasyon.
Tuwang-tuwa naman ang Mama niya at si Cindy para sa kanilang dalawa nila ni King. Bagaman at disgusto pa rin ang ama niya, wala naman itong nagawa sa desisyon ni Queenie dahil hindi naman na siya bata. Nakakalungkot lang dahil lalo lang lumayo ang loob sa kaniya ng ama. Bihira na siya niton imikin. Lalo na at natanggal daw ito sa trabaho dahil sa pagkabigo ni Don Lorenzo kay Queenie.
Gayon man ay hindi naman siya tumitigil sa pagsuyo sa ama, silang dalawa ni King. Umaasa sila na balang araw ay matatanggap din ng Papa niya ang kasintahan kapag nakita nito ang malinis na hangarin ni King.
Patuloy pa rin ang mahinang pagsabay ni Queenie sa kantang Lumayo Ka Man Sa Akin habang nag-iinit ng tubig nang bigla na lang may yumakap mula sa likuran niya. Kinikilig na napangiti siya nang makilala ang boses ng nobyo.
“Good morning, mahal.”
Humarap siya rito at nginitian ito. “Good morning din. Bakit ang aga mong nagising? Naistorbo ba kita?”
Umiling ito. “Gumising ako nang maaga kasi ihahatid kita sa pagpasok. Madilim pa sa kalsada mamaya. Baka mapaano ka pa.”
Lalo lang niya itong nginitian. “Pero mamaya pa naman ako aalis. Kakain at maliligo pa ako. Gigisingin na lang kita kapag aalis na ako.”
Hinawi ni King ang ilang hibla ng buhok ni Queenie na nakatabing sa mukha niya. “Sasabayan na lang kita sa pagkain at pati sa pag—”
“Sige ituloy mo at isusumbong kita kay Papang,” mabilis na sabi niya nang mahulaan ang sunod na sasabihin ng nobyo.
Kaagad na natahimik pero ngumisi lang ito sa kaniya. “Si mahal talaga, hindi na mabiro. Alam mo naman na hindi ko ‘yon gagawin nang walang permiso galing sa’yo, ‘di ba? At hangga’t hindi pa tayo ikinakasal.”
Tumango si Queenie at saka matamis na ngumiti. “Thank you, mahal. Kasi tinutupad mo ang pangako mo sa’kin at sa pamilya ko na hindi mo sisirain ang tiwala namin.”
Mas matamis na ngiti ang iginanti nito sa kaniya. “Siyempre naman, mahal. Basta para sa’yo. Hindi naman kita niligawan para lang do’n, eh. Hindi naman sa pagmamayabang pero good boy ‘tong boyfriend mo at hindi f*ckboy.”
“Alam ko. Kaya nga kita minahal, eh.” Nangingiti na pinisil niya ang tungki ng ilong nito. “Dahil nakita ko na ibang-iba ka sa mga lalaking nakilala ko.”
Mahinang natawa ang binata. “Ang aga-aga pero binobola ako ng mahal ko.” Muli siyang niyakap ni King at hinalik-halikan ang buhok niya.
Ngunit aminado si Queenie na kapag ganoong magkadikit ang mga katawan nila ng nobyo, matinding pagpipigil din ang ginagawa niya sa sarili. Kung alam lang nito kung paano rin niya nilalabanan ang kakaibang init na nabubuhaay sa katawan niya dahil dito. “Nagsasabi lang naman ako nang totoo, eh. Hindi ka papayagan ng pamilya ko na tumira pa rito kahit mag-nobyo na tayo kung hindi nila nakikita na malinis ang hangarin mo sa’kin. Kahit si Papang… hindi man niya sinasabi pero alam ko na unti-unti na rin niyang nakikita ‘yon. Kaya huwag natin siyang sukuan, ha?”
Pinadulas ni King ang mga daliri nito sa buhok niya upang ikulong sa mga palad nito ang mukha niya. “Maniwala ka man o sa hindi, wala akong sama ng loob sa Papang mo kahit katiting. Hindi dahil Papa mo siya kundi nirerespeto ko ang pagiging ama niya. At huwag kang mag-alala, mahal. Dahil gagawin ko ang lahat para magustuhan niya ako. At maibalik sa dati ang closeness namin.”
She smiled at him. “Salamat, mahal. Naniniwala ako na mangyayari iyon sa tamang panahon.”
“Alam mo ba kung gaano kita ka-mahal?” kapagkuwan ay bulong nito habang nakakulong pa rin sa mga palad nito ang mukha niya.
“Sige nga. Tell me.”
“Handa akong lunukin ang pride ko, mabigyan lang kita ng magandang buhay.”
Doon nagsalubong ang mga kilay niya. “H-ha? Ano ang ibig mong sabihin?”
“Wala.” Mabilis na umiling si King. “Ang ibig kong sabihin, magsusumikap ako para mabigyan ng magandang buhay ang kamahalan ko. Dahil ikaw ang inspirasyon na tinutukoy ko noon, ang babaeng pag-aalayan ko ng mga pangarap ko.”
“Ako itong pinapakilig mo umagang-umaga, mahal.” May pigil na ngiti sa mga labi ni Queenie at saka bumitaw dito. “Mag-almusal na tayo bago pa man ako ma-late.”
“Masusunod, aking kamahalan!” Dinampian siya nito ng isang mabilis na halik sa mga labi niya. Pagkatapos ay kumunot ang noo nito nang mapansing kape at tinapay lang ang inilabas niya sa lamesa. “Iyan na ang kakainin mo? Baka naman magutom ka niyan sa trabaho?” pag-aalala pa nito.
“Wala na kasing oras kung magluluto pa ako. Maliligo at magbibihis pa ako,” katuwiran niya.
“Maligo ka na lang muna habang ipinagluluto kita ng almusal. Mamaya ka na kumain pagkatapos.”
“H-ha? Pero baka ikaw naman ang mapagod.”
“Wala ng pero-pero.” Kinuha nito sa kamay niya ang tinapay at ibinalik sa lagayan. Kapagkuwan ay hinawakan nito ang kamay niya at inihatid pa siya sa banyo. “Kaysa naman magutuman ka.”
"Pero wala pang sinaing. Wala pa namang gas. Baka mahirapan ka sa uling."
"Basta ako ang bahala." Nakangiti na kinindatan siyaa nito. "Wala ka bang tiwala sa nobyo mo?"
"Alam ko naman na kaya mo. Nag-alala lang ako na baka mapagod ka at manariwa uli 'yang sugat mo."
"Basta trust me. Mas laloa akong hindi gagaling kung bini-baby mo ako masiyado." Kinintalan siya nito ng halik sa noo bago nito siniguradong may magagamit siyang tubig sa loob ng banyo.
Wala ng nagawa pa si Queenie kundi ang sumunod na lang sa nobyo nang tuluyan na siya nitong pinapasok sa banyo at ito naman ay nagluto na ng almusal. Hindi lang almusal niya kundi para na rin sa kaniyang pamilya.
Bago pa lang ang relasyon nila ni King. Wala pa nga isang buwan. Pero nakikita na niya na magiging mabutit at responsableng asawa ito sa kaniya balang araw.