“OY, dai, ‘yong cellphone mo kanina pa nagri-ring,” imporma ni Dindy kay Queenie habang nakapila siya sa Bayad Center para bayaran ang kuryente nila.
Pauwi na sila at nakasakay na sana sa tricycle nang maalala niya na may Disconnection Notice na nga pala sila. Iniwanan niya muna kay Dindy ang bag niya habang naghihintay sa loob ng tricyle. Kaya nga nagtaka siya nang sumunod ito.
“Baka si Mamang lang ‘yan. Magpapaalala ng Disconnection Notice namin,” sagot ni Queenie pero kinuha pa rin sa bag niya ang cellphone. Kumunot pa nga ang noo niya dahil naka-limang missed calls na yata ang kaniyang ina. At ganoon din si Cindy. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang kinabahan. “Dindy, okay lang ba kung ikaw na muna ang pumila rito? Magco-call back lang ako kina Mamang. Baka kasi emergency, eh.”
“No problem.”
“Thank you!” Pagkaabot niya rito ng pera at bill ay pumunta muna sa isang tabi si Queenie at tinawagan ang kaniyang ina. “Mang, may problema—”
“Naku, anak! ‘Buti naman at tumawag ka!” tila ninenerbiyos na putol agad nito. “Kanina ka pa namin tinatawagan ng kapatid mo.”
“Bakit ho, ‘Mang? Ano ang nangyari?” kinakabahang tanong niya uli.
“Si King kasi, anak. Isinugod sa ospital. Nahulog daw sa building habang nagtatrabaho kanina. Ang Papang mo at ang Foreman ang sumama sa ambulansiya.”
Hindi na gaanong inintindi ni Queenie ang iba pang sinabi ng kaniyang ina. Ang tanging tumatak lang sa isip niya ay nahulog nga raw sa building si King at nasa ospital ngayon. Dali-dali niyang binalikan si Dindy at nagpaalam.
“Dindy, puwede bang ikaw na ang magbayad niyan? Kailangan ko na kasing umalis. Pupuntahan ko sa ospital si King at nahulog daw sa building na pinagtatrabahuan niya.”
“A-ano? Hala! Sige! Sige!”
Sa sobrang pagkataranta at pag-aalala kaya hindi na binalikan ni Queenie ang tricycle na naghihintay sa kanila kanina. Agad na siyang pumara at sumakay nang may dumaan sa harapan niya. Inutusan pa niya ang tricycle driver na bilisan sa pagpapatakbo.
Kahit ninenerbiyos na siya ay pinilit pa rin ng dalaga na kumalma nang dumating siya sa ospital. Agad siyang nagtanong sa Information Desk kung saang silid dinala si King. Pero ang sabi ay kasalukuyan pa raw itong ino-operahan dahil nabagok daw ang ulo nito.
Nang dumating siya sa operating room, nakita niya roon ang kaniyang ama at ang Foreman.
“Pang! Kumusta ho si King?” nag-aalalang tanong niya.
“Wala pa nga kaming balita dahil ilang oras na pero hindi pa rin lumalabas ang doctor niya, anak.”
Lalong binundol ng kaba ang dibdib ni Queenie. Hindi na nga niya mapigilan ang maiyak. “Ano ho ba talaga ang nangyari, Boss? Bakit siya nahulog?” baling niya sa Foreman. “At mula saang palapag siya nahulog?”
“Sa scaffolding lang naman nahulog si Kano, Queenie. Pero medyo napasama ang pagbagsak niya, eh. Nawalan siya ng malay kaya agad naming isinugod dito. Hindi ko nga alam kung paano siya nahulog kasi nagpipintura lang naman ang batang ‘yon.”
Marami pa sanang itatanong si Queenie kay Foreman pero nakita niya ang doctor na lumabas ng operating room. Siya agad ang unang sumalubong dito.
“Dok, kumusta na ho ang pasyente? Okay lang ba siya? Ligtas na ho ba?” sunod-sunod na tanong niya habang umiiyak pa rin. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang takot niya sa isiping may mangyayaring masama kay King.
“Kayo ho ba ang kamag-anak ni King Hidalgo?” sa halip ay tanong nito.
“Dayo po siya rito kaya wala siyang kamag-anak. Kaibigan niya ho ako at ito naman ang Foreman niya.” Nilinga niya sandali ang boss ni King.
“I see.” Tumango-tango ang doctor. “You have nothing to worry about. Your friend is safe for now. Hindi naman gano’on kalala ang pagkakabagok ng ulo niya. May mga blood clot lang na kailangang tanggalin sa ulo niya at natahi na ang mga sugat niya. Pero hindi pa rin tayo puwedeng makampante. Kailangan ng pasyente na mag-undergo sa iba’t ibang test para makasigurong ligtas na talaga siya.”
Kahit papaano ay medyo nabawasan na ang pag-aalala ni Queenie. “P-puwede na po ba namin siyang makita, dok?”
“Pasensiya ka na, Hija. Pero kailangan muna niyang manatili sa ICU para ma-obserbahan nang mabuti ang kalagayan niya habang wala pa rin siyang malay. At pasensiya na rin kung sa ngayon, limitado lang muna ang puwede kong isagot sa mga tanong n’yo.”
“Kailan ho kaya siya magigising?”
“Iyon ang hindi natin alam, Hija. Nakasalalay kasi sa pasyente ang mabilis paggaling niya. Kailangan niyang lumaban para magising siya agad.” Tinapik siya ng doctor sa balikat. “Excuse me, Hija. I-update ko na lang kayo kapag nagkaroon ng pagbabago sa sitwasyon ng pasyente. Be strong. Nakikita ko na palaban ang pasyente. He will make it.”
Nagpasalamat pa si Queenie sa doctor bago ito tuluyang umalis. Pero hindi pa rin siya mapakali hangga’t hindi pa nagigising si King. Paano kung bigla itong magkaroon ng amnesia? Katulad ng mga napapaanood niya sa television? Ang isa pang pino-problema ng dalaga ay ang mga kailangang bayaran sa ospital. Lalo na at ilalagay pa pala ito sa ICU. Handa naman siyang tumulong. Pero magkano lang ba ang makakayanan ng ipon niya? Baka nga kulang pa iyon sa mga gamot pa lang.
Kung sa mga gamot at checkup nga ni Cindy, hirap na hirap na ang kanilang pamilya.
“Huwag kang mag-alala, Queenie. Sagot naman ni Don Lorenzo ang lahat ng gastusin ni King sa ospital dahil siya ang amo namin,” imporma ng foreman sa kaniya nang mabasa nito ang pinoproblema niya. “Kasama iyon sa pinirmahan naming kontrata. Kailangan ko lang siyang puntahan para ipaalam ang nangyari.”
“Ako na ang pupunta at kakausap kay Don Lorenzo. May sasadyain din kasi ako sa kaniya,” prisinta naman ng Papa ni Queenie.
Pumayag naman ang Foreman dahil kailangan na rin daw nitong bumalik sa trabaho. May mga naiwan daw itong trabaho na hindi puwedeng ma-delay. Nag-prisinta naman ang dalaga na siya na maiiwan at magbabantay kay King hanggang sa magising ito.
Nang makaalis ang ama at Foreman ay tumungo sa chapel si Queenie para magdasal. “Diyos ko, iligtas Mo lang po si King. Pangako, hindi ko na siya papahirapang manligaw,” umiiyak at taimtim na dasal ng dalaga.
Ngayon niya napagtanto kung gaano na kahalaga sa puso niya si King. Sapat na ang matinding takot na naramdaman niya para ma-realize na hindi pala niya kayang mawala ang binata.
MAHIGIT DALAWANG LINGGO na at hindi pa rin nagigising si King. Ang sabi ng doctor, stable na raw ito kaya inilabas na ng ICU. Gayon man ay marami pa ring apparatus ang nakakabit sa katawan nito.
Ngunit sa loob ng mga panahong iyon ay walang palya ang pagdalaw at pagbabantay ni Queenie sa binata. Pagkagaling niya sa trabaho, sa ospital na siya dumidiretso. Uuwi siya ng hatinggabi na para matulog at kailangan niyang pumasok kinabukasan. Kapag wala siya, minsan, ang Mama at Papa naman niya ang nagbabantay. Si Cindy naman kapag umaga pero hindi ito puwedeng magtagal. Tumutulong din naman sa pagbabantay ang mga kaibigan at ka-trabaho ni King. ‘Buti na lang at sinagot ni Don Lorenzo lahat-lahat ng gastos, ultimo pagkain. Bibigyan din daw nito ng allowance si King sa oras na makalabas ng ospital at hindi pa puwedeng bumalik sa trabaho.
Hindi nga niya akalain na gagawin iyon ng Don sa kabila ng kaalamang karibal nito si King sa panliligaw kay Queenie.
Hindi rin pumapalya sa pagdalaw at pag-aabot ng tulong ang pari at mga miyembro ng simbahan na tinutulungan ni King. Pati nga ang mga kapitbahay nila na madalas tulungan ng binata ay nagpakita rin ng simpatiya at suporta. Doon nakita ni Queenie kung gaano kabuting tao si King dahil sa dami ng tao na nag-alala rito.
“Ate! Ate Queenie!”
Napahinto sa pagsusuklay ng kaniyang buhok ang dalaga dahil biglang pumasok sa silid niya si Cindy. “Bakit?”
“Nag-text si Mamang. Gising na raw po si Kuya King.”
“H-ha? Talaga?” Iyon na yata ang pinakamagandang balita na narinig ni Queenie sa loob ng dalawang linggo. At hindi niya iyon maaaring palampasin. Imbes na pumasok sa trabaho, dali-daling nagpalit ng damit ang dalaga. “Cindy, dito ka lang, ha? Pupuntahan ko lang sa ospital si King. Si Mamang naman ang pauuwiin ko rito para may kasama ka.”
“Hindi ba ako puwedeng sumama, Ate? Gusto ko rin sanang makita si Kuya King kung talagang magaling na siya.”
Umiling siya, sabay sapo sa mukha ng kapatid. “Hindi puwede dahil baka mapagod ka at ikaw naman ang ma-ospital. Nakabantay ka na do’n kahapon, ‘di ba?” Naiintindihan niya ang pag-aalala ni Cindy kay King pero hindi niya kaya kung ito naman ang mapahamak.
PAGDATING ni Queenie sa ospital ay nakasalubong na niya sa labas ng ospital ang Mama niya. Hindi kasi nito puwedeng iwan nang mag-isa si Cindy at baka biglang atakehin nang walang kasama.
“Huwag kang mag-alala, anak. Dahil kasama naman ni King si Josephine.”
Hindi na siya nagulat sa narinig. Madalas naman talagang dumalaw si Josephine kahit noong nasa coma pa ang binata. “Sige ho, Mang. Mag-ingat po kayo sa biyahe.”
Nang makaalis ang ina ay nagmamadali namang tinungo ni Queenie ang silid ni King. Ayon sa Mama niya, tapos na raw i-examine ng doctor ang binata. At sa awa ng Diyos ay okay na raw ang test ng mga result nito. Parang wala nga raw nangyari dahil masigla na uli si King.
Pagbukas niya ng pinto ay natigilan sandali si Queenie nang makilala niya ang nakatalikod na si Josephine at nakaharap kay King. Napasimangot siya nang makitang hawak nito ang kamay ng binata.
Tumikhim siya para kunin ang atensiyon ng dalawa.
“Cous!” si Josephine ang unang nakapansin sa kaniya pero humayon agad ang tingin niya kay King na nakahiga pa rin. Pero mas maayos na ang hitsura nito kumpara noong iniwan niya kagabi na may suot pang oxygen mask. Wala na rin ang mga apparatus na nakakabit sa katawan nito.
Hindi agad nakakilos sa kinatatayuan niya si Queenie habang nakatingin lang kay King na buhay na buhay na. Parang gustong tumulo ng kaniyang mga luha dahil dininig ng Diyos ang araw-araw na pagdadasal niya.
Saka lang dahan-dahan na lumapit kay King ang dalaga nang mapasulyap ito sa gawi niya. Pero bakit kaya nakatitig lang ito sa kaniya? Blangko ang ekspresyon nito at kahit ang ngitian si Queenie ay hindi nito nagawa. Kumunot pa ang noo nito nang makalapit siya rito at umiiyak na ngumiti.
“Kumusta ka na, King? ‘Buti naman at gising ka na.” Gusto niya itong sugurin ng yakap kung wala lang doon si Josephine.
Lalo lang nagsalubong ang mga kilay ni King habang tinitigan siya. “Sino ka?”
Naguguluhan naman na napatingin siya rito. Kapagkuwan ay napalingon siya sa kaniyang pinsan. Kahit ito man ay nagtaka rin.
“B-baka may amnesia siya. Teka, tatawagin ko lang ang doctor,” natatarantang wika ni Josephine at halos patakbong lumabas ng silid.
Hindi naman mapigilan ni Queenie ang muling mag-alala para kay King, kasabay ng takot na paano kung hindi na nga siya maalala nito? Ngayon pa talaga kung kailan handa na siyang aminin ang damdamin niya para rito?
Dahan-dahan na umupo siya sa gilid ng kama at hinawakan ang kamay nito. "Hindi mo ba talaga ako maalala, King? Ako si Queenie, ang kamahalan mo."
Sa halip na sagutin siya, nagulat ang dalaga nang bigla na lang kinabig ng binata ang batok niya at walang sere-seremonya na hinalikan siya. Hindi siya nakagalaw sa sobrang pagkagulat. Hindi raw siya nito kilala pero bakit hinalikan siya?
Ngunit dala ng sobrang saya at pasasalamat dahil gising at magaling na si King kaya nadala si Queenie sa mga halik nito. Isinantabi niya muna ang mga katanungan sa isipan niya.
Pareho silang kinapos na ng hangin kaya napabitaw sila sa isa't isa. Ngunit hindi siya hinayaan ni King na makalayo at sa halip ay sinapo nito ang kaniyang mukha. "I miss you," pagkasabi niyon ay muli nitong sinakop ang mga labi niya.