ALAS OTSO ang pasok ni Queenie. Medyo malayo rin ang grocery store na pinapasukan niya. Kailangang sumakay ng tricycle para hindi ma-late. Pero dahil nanghihinayang siya sa twenty-five pesos na pamasahe, inaagahan na lang niya sa pag-alis at naglalakad na lang siya. Maraming malililim na punongkahoy din ang nadadaanan niya kaya hindi gaanong mainit. Hindi pa naman siya mahilig magpayong. Puwera na lang talaga kapag umuulan. Napipilitan din siyang sumakay kapag pauwi na dahil five-thirty na ang out niya at medyo madilim na.
Mapapalo siya ng kaniyang ama kapag nalamang naglakad siya nang mag-isa sa dilim habang naka-mini skirt!
Naghahanap si Queenie ng malinaw na FM Station mula sa kaniyang lumang QWERTY cellphone at nagsalpak ng earphone habang naglalakad. Isang lumang tugtugin na Lumayo Ka Man Sa Akin ni Rodel Naval ang pinapakinggan niya nang makita niya ang lalaking kagabi lang ay tinutudyo sa kaniya ni Cindy. Kulay-puti ang T-shirt nito kaya kitang-kita ang putik. Pati ang tattered shorts nito ay marumi rin.
Pero in fairness, kumikinang pa rin sa kaputian ang balat!
Nang makita siya nito ay agad itong napangiti. Itinigil nito ang paghahalo ng buhangin at may bitbit pa na pala na dali-dali itong lumapit sa kaniya. Balak pa sanang umiwas ng dalaga pero mabilis nitong naiharang ang malaking bulto ng katawan sa daraanan niya. Matangkad talaga ang lalaking ito kaya agad na napatingala si Queenie. At hindi niya maitatanggi na isa ito sa pinakaguwapong lalaki na nakita na niya sa tanang buhay niya. No. Mas tamang sabihin na ito pa lang ang guwapong construction worker na nakita niya.
Hindi alam ng dalaga kung gaano na katagal nandito sa Hacienda Lorenzo ang binata. Ang natatandaan lang niya, paraang dalawang linggo na rin itong pabalik-balik sa tindahan ng gulay nila para bumili ng isang ulong bawang, isang sibuyas, isang pirasong ampalaya… At nang minsang si Queenie ang nakapagtinda ng binili nitong Magic Sarap, doon na ito nagsimulang magpa-cute sa kaniya. Araw-araw na lang itong nag-aabang sa pagpasok niya. Gusto pa nga nito na ihatid siya pero todo-tanggi ang dalaga.
Dahil wala siyang balak na pansinin ito kahit ano man ang mangyari.
“Good morning, kamahalan!” masayang bati nito sa kaniya, sabay yukod na animo’y isa nga siyang tunay na kagalang-galang na reyna. Hindi naman ganoon kalakas ang volume ng cellphone niya kaya narinig niya iyon kahit may earphone pa siyang suot. “Papasok ka na ba?”
Sa halip na sumagot ay nagbingi-bingihan lang si Queenie at sinabayan na lang ang pinapakinggan na kanta. “Mga lumipas na ligaya. Ang kahapong may pag-asa. Mga pangarap na walang hanggan. Ay naglaho paglisan mo, mahal ko—"
“Paborito mo rin pala ang kanta na ‘yan?” nasisiyahang putol nito sa pagkanta ng dalaga at saka iyon dinugtungan. “‘Pagkat saan ka man naroroon, pintig ng puso ko’y para sa’yo—”
“Ang pangit ng boses mo!” naiinis na sigaw dito ni Queenie kaya naputol din ang pagkanta ng binata. At saka nagmamadali na tinalikuran niya ito.
Narinig niya ang naaaliw na pagtawa nito habang nakasunod sa kaniya. “Sabi na nga ba, eh. Nagpapanggap ka lang na hindi mo ako naririnig.”
Alam ni Queenie na pinamulahan siya ng mukha. Napahiya siya kasi nabisto siya nito. Inis na inalis niya ang earphone sa kabilang tainga at humarap dito. “Mas gustuhin ko pa na mabingi na lang kaysa sa marinig ang araw-araw na pangungulit mo.”
Tumawa lang uli ito. “Huwag naman, kamahalan. Hindi mo pa nga naririnig ang gusto kong sabihin sa’yo. Pati ang pangalan ko.”
She looked sharply at him. “Kung ano man ‘yon, puwes, hindi ako interesado. Mas lalong ayaw kong malaman ang pangalan mo.”
“Kamahalan naman—”
“Puwede ba tigilan mo na rin ang pagtawag sa’kin ng ‘kamahalan’? Ang baduy mo!” Umikot pa ang eyeballs ni Queenie.
“’Di ba ‘Queenie’ ang pangalan mo? Isa kang reyna at karapat-dapat na tawaging ‘kamahalan’.”
Teka. Paano nga uli nalaman ng kumag na ito ang pangalan niya? Wala siyang natatandaan na ibinigay niya iyon nang tanungin nito nang paulit-ulit ang pangalan niya.
“Ewan ko sa’yo!” sabay irap at nagmamadali na naglakad uli.
Pero sadyang makulit talaga ang isang ito at humabol na naman. Hindi pa ito nakuntento, hinarangan na naman ang daraanan niya. Muntik pang mapigtas ang suot nitong Spartan na tsinelas nang maapakan niya, “Hey, easy, easy. Bakit ba ang aga-aga mong magsungit? Nagsasabi lang naman ako nang totoo, ah.”
“Hindi ba obvious na ayaw kitang kausap?”
“Eh, ‘di huwag mo akong kausapin. Kaya ko namang maging pipi sa maghapon basta ikaw ang kasama ko.”
Tiningnan niya uli ito nang matalim. “Ayaw kitang kausap for life!”
“Kung gano’n, habang buhay din akong maging pipi. Basta para sa’yo, kamahalan.” Lumapit pa ito sa kaniya at ipinatong ang palad sa ulo niya. “Umaambon, ah. Huwag kang magpaulan kung ayaw mong alagaan kita.”
Napailing na lang si Queenie. Ito pa lang ang pinakamahabang engkuwentro nila ng lalaking ito pero parang gusto na niyang sumuko sa kakulitan nito. “Bahala ka na nga sa buhay mo!” Tinabig niya ang kamay nito at saka ito nilagpasan. Nilakihan niya ang mga hakbang para lang hindi ito makasunod.
“Ihahatid na kita sa trabaho mo, kamahalan!” sigaw pa nito. Kahit hindi man lingunin, sigurado ang dalaga na wala itong balak na tantanan siya.
Nakaramdam siya ng kaba na hindi niya maintindihan nang maalala niya ang pagpatong ng palad nito sa ulo niya kanina. Hanggang ngayon, ramdam pa rin niya ang mainit nitong palad sa bumbunan niya. Sa takot na baka totohanin nga nito ang paghatid sa kaniya kaya nagtawag siya ng tricycle sa paradahan na nasa di-kalayuan.
At hindi na nga humabol pa ang binata nang makitang sumakay na si Queenie sa humintong tricycle. Masasayang tuloy ang twenty-five pesos niya!
“Ingat ka, kamahalan! Ako nga pala si King! Ang iyong hari!”
Napailing na lang ang dalaga nang marinig niya ang patuloy pa rin na pagsigaw ng makulit na binatang ‘King’ nga pala talaga ang pangalan tulad ng sinabi ni Cindy.
Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip niya at nilingon pa niya ito habang papalayo ang tricycle na sinasakyan niya. Nakita niya tuloy ang pagkaway-kaway nito kahit hindi naman siya nakikita dahil nasa loob siya.
NANG sumunod na araw ay nakaabang na naman kay Queenie si King. Pero martilyo naman ang hawak nito at hindi na pala. Siya naman ay may nakasalpak uli na earphone at nakikinig na naman ng kantang Lumayo Ka Man Sa Akin. Hindi niya alam kung bakit naging paborito na niya iyon at d-in-ownload pa talaga niya.
“Good morning, kamahalan!” masiglang bati na naman nito sa kaniya. Todo ang ngiti na ibinulsa nito sa punit-punit na maong shorts ang martilyo at saka isinuksok sa kabilang bulsa ang isang kamay para salubungin siya. “Maglalakad ka na naman? Hindi ka ba napapagod? Sabi ko naman sa’yo na ihatid na lang kita, eh. Puwede kong hiramin ang motor ng kasamahan ko.”
“Mas napapagod pa ako sa kakulitan mo,” mahina pero inis na sagot ni Queenie. Wala siyang balak na pansinin ito pero hindi naman niya mapigilan na sagutin at patulan ang mga sinasabi nito. “Ikaw ba? Hindi ka napapagod sa kakaabang sa’kin araw-araw? Hindi ka ba napapagalitan ng Foreman n’yo at mukhang wala ka ng nagagawang trabaho?”
“Okay lang. Basta makita lang kita, masaya na ako,” masayang sagot pa rin nito.
“Puwes ako, hindi ako natutuwa. Nasisira ang araw ko kapag nakikita kita!” Inirapan niya si King at dali-daling umalis.
Noon niya narinig ang sigawan ng mga kasamahan nito na nakatambay at nagkakape sa labas ng gusaling ginagawa ng mga ito. Napaaga siya ngayon dahil seven-thirty ang pasok niya at darating ang big boss nila.
“Sabi naman namin sa’yo na tigilan mo na iyang si Queenie, eh! Hindi ka papasa diyan, Kano! Mga hasiyendero ang gusto niyan at hindi isang hamak na konstruksiyon worker lang na tulad natin!”
Sandaling napahinto si Queenie pagkarinig niyon. Alam niyang biruan lang iyon dahil nagtawanan pa ang mga ito. Pero aminado ang dalaga na nakaramdam siya ng kaunting hiya na hindi niya maintindihan. Dati naman, tanggap niya kapag niloloko siya ng mga tao na may pagka-ambisyosa siya.
Gusto sana niyang harapin ang mga ito para ipagtanggol ang sarili. Pero naunahan na pala siya ni King.
“Hindi matapobre ang kamahalan ko, ‘no? Matalino at praktikal lang siya, mga unggoy!” ganting sigaw nito sa mga kasamahan na lalong ikinatigil ng dalaga. Hindi niya akalain na ipagtatanggol siya nito.
Pero totoo kaya na iba ang pagkakakilala nito sa kaniya?
“Sabayan na kita kahit hanggang sakayan lang ng tricycle, ha?” Nang sumabay ito ng paglalakad sa kaniya ay saka lang napansin ni Queenie na sumunod pala talaga sa kaniya si King. Ni hindi siya nakaangal nang kunin nito ang isang earphone na suot niya at saka naman isinalpak sa tainga nito. Pagkatapos ay sinabayan ang kantang naririnig na nila pareho. “Naghihirap man ang aking damdamin, nagmamahal pa rin sa’yo, giliw…”
Wala talagang balak mag-tricycle ang dalaga pero wala na siyang nagawa nang akayin siya ni King pasakay sa loob. Ito naman ay naiwan sa labas at dumukot sa bulsa ng shorts nito.
“Manong, paki-dahan-dahan lang po sa pagmaneho, ha? Sakay n’yon ang kamahalan ko,” biro pa nito sa tricycle driver, sabay abot ng fifty-pesos na papel. “Keep the change na lang ho. Basta ingatan n’yo ang sakay n’yo.” At saka nag-thumbs up sa kaniya. Hinabol pa siya ng ngiti at kindat habang hinihintay na umusad ang tricycle.
Ngingiti-ngiti lang ang driver. Habang pulang-pula naman ang mukha ni Queenie.
Bakit ba kasi ang guwapo ng isang iyon? Kung pasado lang talaga siya sa standard ko…