KABANATA 3

2836 Words
“ATE QUEENIE, puwede bang ikaw muna ang magbantay sa tindahan? Medyo masakit kasi ang ulo ko, eh,” sabi sa kaniya ni Cindy isang hapon at rest day niya. Kaninang umaga pa umalis ang kanilang mga magulang dahil nag-asikaso ng kukuning loan sa SSS o Social Security System sa bayan. Kinapos kasi sila ng puhunan para sa paghahalaman ng Papa nila. Itinigil ni Queenie ang paglilinis ng kaniyang silid at nag-aalala na lumabas para puntahan ang kapatid na nasa sala. Walang pinto ang kuwarto niya at kurtina lang ang nagsisilbing tabing niyon kaya agad niya itong nakita na humiga sa upuang kawayan. “Okay ka lang ba? Gusto mo bang dalhin kita sa ospital?” Yumukod ang dalaga at sinapo ang noo ng kapatid. “Pero hindi ka naman mainit.” Umiling si Cindy. “Huwag na po, ate. Nasobrahan lang siguro ako sa panonood ng TV kanina.” “Sabi ko naman kasi sa’yo na huwag kang magbabad sa TV at nakakasakit iyon ng ulo,” sermon pa niya rito at saka umupo sa gilid ng upuan. Kinuha niya ang kamay ng kapatid at hinihilot-hilot dahil iyon ang turo ng kanilang ina para makabawas daw ng pananakit ng ulo o ng tiyan. “Nakakaadik kasi ang mga palabas sa Kapamilya Gold, Ate. Lalong-lalo na iyong Tubig at Langis,” nangingiting sagot pa ng nakababatang kapatid niya. “Alam mo naman na crush na crush ko talaga si Zanjoe Marudo. Ang guwapo-guwapo niya! Lalo na siguro kapag sa personal,” kinikilig na dagdag pa nito. Nangingiti na napailing na lang din si Queenie. “Tapos mamayang gabi, ang Ang Probinsiyano na naman ang susubaybayan mo. Manang-mana ka talaga kay Papang at Mamang. Ang hilig-hilig magpuyat sa mga teleserye na iyan.” Nanonood din naman ng mga teleserye si Queenie pero hindi katulad ng mga magulang at kapatid niya na nagpupuyat talaga. Mas gusto pa niya ang matulog nang maaga. Siguro dahil sa pagod na rin niya sa maghapong pagtatayo sa trabaho. Pero ang isa sa mga gusto niya sa ano mang palabas ay iyong mga bida na handang gawin ang lahat para sa pamilya. Iyong tipong handang kumapit sa patalim mailigtas lang ang mahal sa buhay. Kasi ganoon din naman ang mindset niya kung sakali mang sa kaniya iyon mangyari. “Crush ko rin kasi si Coco Martin, Ate Queenie. Sana nga hindi na matapos ang Ang Probinsiyano. At kung matapos man, sana may kasunod agad. Kasi siguradong mami-miss ko siya sa TV.” “Sino ba talaga kina Coco Martin at Zanjoe Marudo ang pinaka-crush mo?” “Pareho, Ate!” Namungay pa ang mga mata ni Cindy. “Kaya mahihirapan talaga ako nitong mamili kapag niligawan nila ako.” “Sira!” Kinutusan niya ito sa noo at sabay pa silang natawa. “Libre lang naman ang mangarap, Ate, ‘di ba?” “Oo naman!” mabilis na sagot ng dalaga. “Pero dapat, kapag nangarap ka, handa ka sa consequences. I mean, dapat alam mo na hindi lahat ng pangarap mo ay puwedeng matupad. Para kapag nabigo ka man, hindi ka gaanong masasaktan. Lalo na pagdating sa pag-ibig.” “Weh?” Mayamaya ay ngumiwi ang kapatid. “Si Ate kung magsalita akala mo nagka-boyfriend na. Ni artista nga wala kang crush. Baka nga mas marami pa akong alam tungkol sa pag-ibig kaysa sa’yo, Ate,” biro nito sa kaniya. Pinandilatan niya ito. “Ano—” “Sa dami ng napapanood kong teleserye!” mabilis nitong sagot. “Si Ate talaga masiyadong high blood. Hindi pa nga ako tapos, eh.” At saka nito sinundan ng tawa iyon. “Umayos ka. Hindi ka pa puwedeng mag-boyfriend. Kinse anyos ka pa lang, Cinderella. Makukurot kita sa singit diyan.” “At mapapalo naman ako nina Papang at Mamang,” seryosong dugtong ng kapatid niya. “Kaya huwag kang mag-alala, Ate. Tutularan kita na hindi muna nag-nobyo habang bata pa.” Sa wakas ay napangiti na siya uli. “Very good.” MARAMING customer ang nagdadagsaan kapag hapon na. Halos lahat kasi ng mga trabahador sa Hacienda Lorenzo ay sa kanila bumibili. Mura at sariwa kasi ang mga paninda nila. Pero kahit nagkandaugaga na ay hindi pa rin tinawag ni Queenie ang kapatid para makapagpahinga. Kinaya niya nang mag-isa. Iyon nga lang, pawis na pawis na siya nang matanaw niya sina King at mga kasamahan nito sa trabaho. Nang makita ng binata na si Queenie ang tao sa tindahan, agad itong ngumiti at nagmamadali na inunahan sa paglalakad ang mga ka-trabaho. “Magandang hapon, kamahalan! Ang suwerte ko naman at ikaw ang bantay ngayon!” sigaw ni King kahit malayo pa. She just sighed. Hays. Ang kulit talaga ng isang ito! Hindi niya ito pinansin at nagpanggap na abala sa pagtitinda. “One hundred four pesos po lahat, Aling Mareng. Pero tawad na ho ang kuwatro,” nakangiting sabi niya sa kapitbahay nila at isa sa mga suki nila. Nagbibigay talaga sila ng discount kapag regular customer. “Naku, maraming salamat, Queenie. Malaking bagay din ang kuwatro pesos, ‘no? Pambili na rin ng Ginisa Mix.” “Kaso ubos na ho ang Ginisa Mix. Magic Sarap na lang ho ang nandito. Namili pa ho sa sina Mamang at Papang.” “Okay na ‘yan. Importante, magkalasa ang niluluto ko,” sagot ng customer ni Queenie at bumaling kay King na kadarating lang at umupo sa upuang nasa tapat ng tindahan. “Eh, ikaw Kano? Anong pampalasa ang ginagamit mo sa pagluluto?” Napakamot sa batok nito si King at bahagyang hinihingal pa dahil sa pananakbo. “Aling Mareng naman. Ilang beses ko na ho sinabi sa inyo na ‘King’ ang pangalan ko at hindi ‘Kano’. Hindi naman ako foreigner, eh,” nakangiting reklamo nito at sabay sulyap kay Queenie. “At tungkol naman ho do’n sa tanong n’yo, kahit anong pampalasa din ang ginagamit ko. Pero pagdating sa pampalasa ng buhay ko, isa lang ang gusto ko. At iyon ay walang iba kundi si Queenie, ang aking kamahalan.” And he winked at her once again. Naramdaman niya na uminit ang kaniyang mukha, “A-ano ba iyang pinagsasabi mo? Nakakahiya kay Aling Mareng.” “Bakit, Queenie? Nililigawan ka nitong si Kano?” sabat naman agad ni Aling Mareng. Isa pa naman ito sa number one tsismosa sa lugar nila. Kaya nga hindi na umimik ang dalaga para hindi na humaba ang usapan. Pero itong si King naman ang bumanat. “Hindi pa nga ho ako nanliligaw pero basted na agad ako ni Queenie, Aling Mareng,” anito sa tonong nagsusumbong. Mabuti na lang at kilala na siya ng mga tao sa lugar na iyon kaya hindi nito kinampihan si King. “Aba’y kung gusto mo talagang mapasagot si Queenie, magpayaman ka muna. Mataas ang pangarap ng batang iyan. At walang masama roon, lalo na kung para naman sa kaniyang pamilya.” Saka lang siya napangiti sa sinabi ng kapitbahay nila. Nang makaalis si Aling Mareng, nagulat si Queenie nang bigla na lang pinunasan ni King ang pawisan niyang mukha, gamit ang panyo nito. “Hindi ka dapat nagpapatuyo ng pawis at baka magkasakit ka.” Sa totoo lang, ito pa lang ang lalaking nangahas na gumawa sa kaniya niyon. At dapat ay sinaway ito ng dalaga. Pero bakit kaya sa halip, kumabog pa ang dibdib niya? Dahil ba naamoy niya ang mabango nitong panyo at hindi amoy-pawis? “Kung makasaway ka sa’kin, ah. Ikaw nga diyan, tagaktak din ang pawis mo, o.” At saka niya sinulyapan ang pawisang mukha rin ni King. Aminado ang dalaga na napatitig siya sandali sa kaguwapuhan nito. Mabuti na lang at nakabawi agad siya ng tingin bago pa man nito mahuli. “Sa mukha mo na lang ipunas ‘yang panyo mo,” sabi pa niya sabay iwas ng sariling mukha. Parang hindi makapaniwala na tumitig sa kaniya ang binata. “Wow! Ang kamahalan ko mukhang concern na sa kaniyang hari, ah.” “Para kang baliw diyan!” pairap na sagot ni Queenie habang pilit na itinatago ang pamumula na naman ng kaniyang magkabilang pisngi. Mabuti na lang at dumating na rin sa wakas ang mga ka-trabaho ni King. Medyo natagalan kasi ang mga ito at napadaan pa sa naglalako ng fish ball at kwek-kwek. Pero ang akala niya na makakaiwas na sa binata ay hindi pala mangyayari dahil lalo lang silang inulan ng tudyo. “Kaya pala nagmamadali ka kanina, ha? Nakita mo lang na si Queenie ang bantay dito, eh,” tukso sa kanila ng ka-trabaho ni King na halos ka-edad lang nito. “Oo nga. Pero dapat, naligo ka man lang muna para hindi naman nakakahiya rito kay Queenie. Lalo kang hindi magugustuhan niyan, eh,” sabi naman ng isa pa. “Mas mabango pa rin naman ako kumpara sa inyo!” ganting biro ni King sa mga ka-trabaho, sabay amoy sa kili-kili. Iiling-iling na lang ang dalaga. Hindi na lang niya pinansin ang mga ito. Kahit ang totoo, nababanguhan naman talaga siya kay King kahit pawisan. Naamoy niya iyon nang lumapit ito sa kaniya kanina. Pati ang walong kasamahan ng mga ito ay nakitukso na rin. Nailang tuloy bigla ang dalaga. Habang halata namang tuwang-tuwa lang si King. Ilang sandali pa ay sunod-sunod nang nagsi-utangan ang mga ito. Likas kasing mabait ang Mama niya kaya kahit hindi man ganoon kalaki at kalago ang tindahan nila, nagpapautang pa rin ito. Kahit pa nga sa mga trabahor na dayo lang sa kanilang lugar. Tulad nila King. Marami na ang umalis at hindi nagbayad ng utang. Ngunit hindi iyon naging hadlang para tumigil sa pagpapautang ang kaniyang ina. Naaawa raw kasi ito kaya hindi makatiis. Pero kung si Queenie lang, hangga’t maaari ay ayaw niyang nagpapautang sila sa mga hindi taga-roon o sa mga makukunat magbayad. Nanghihinayang siya sa puhunan na hindi na naibabalik kapag may tumakas sa utang. Siyempre, pinaghihirapan iyon ng kanilang pamilya. “Basta ang usapan, ha? Walang tatakas sa utang,” mariin niyang paalala sa mga ito habang naglilista. “Mabait ang Mama ko kaya sana huwag n’yong abusuhin.” “Huwag kang mag-alala, kamahalan. Ako ang bahala sa mga iyan,” sabi ni King habang tinutulungan siya sa pagtitinda na ngayon lang niya namalayan. Kaya pala ang bilis niyang matapos kasi ito ang taga-abot ng mga inuutang ng mga kasamahan nito habang naglilista siya. “Bago kami umalis dito, sisiguraduhin kong malinis lahat ng listahan ng mga unggoy na ‘yan.” Napatigil si Queenie sa paglilista. Bakit kaya parang hindi niya nagustuhan ang ideyang aalis din pala sa lugar nila ang binata? “Ows? Baka naman ikaw pa ang unang tatakas?” Ngumisi lang ito sa sinabi niya. “Kung tatakas man ako, sisiguraduhin kong kasama kita, kamahalan.” “Ewan ko sa’yo! Para kang abnoy diyan!” “Pogi naman!” depensa ni King at nagtaas-baba pa ng kilay. Naiiling na natatawa na lang si Queenie. She didn’t know. Pero parang unti-unti na niyang nagugustuhan ang pagiging kalog nito. “OOOPPS… ako na ang magbubuhat niyan, kamahalan,” mabilis na pigil sa kaniya ni King nang akmang bubuhatin na sana ni Queenie ang isang basket na mga kalabasa at ipapasok na sa loob. Pagabi na kaya nagliligpit na siya para magsara. Hanggang alas siyete lang ang bukas ng kanilang tindahan dahil wala ng gaanong bumibili kapag gabi na. Bukod sa maaga ring natutulog ang mga tao sa kanilang lugar, gusto rin ng kaniyang mga magulang na magsara nang maaga at mapanood ang Ang Probinsiyano. “Ako na!” Mabilis niyang iniwas ang basket. “Bakit kaya hindi ka na lang umuwi? Pagabi na, o. Lulutuin mo pa iyang misua at patola mo, ‘di ba?” pagtataboy niya kay King. Kanina pa kasi nagsi-uwian ang mga kasamahan nito. Nagulat siya nang magpaiwan ito at nagpumilit na samahan daw muna siya roon at mag-isa nga lang siya. Marami pa namang lasing ang bumibili kapag pagabi na. “Okay lang. Mabilis lang namang lutuin iyan. Igigisa ko lang naman sa sardinas, eh,” katuwiran nito, sabay kuha uli ng basket sa kamay niya. Wala ng nagawa si Queenie sa kakulitan nito kaya pumayag na rin siya na tulungan nito sa pagliligpit. Para hindi ganoon ka-awkward, binuksan na lang niya ang radyo at nakinig ng love song sa paboritong FM Station niya. “Mabuti na lang at marunong kang magluto,” mayamaya ay narinig ng dalaga na komento niya. Hindi niya namalayang nakikipagkuwentuhan na pala siya kay King habang nagso-sort sila ng mga gulay na malapit nang mabulok. “Marami kasi akong kilalang lalaki na hindi marunong magluto.” “Mag-isa lang naman kasi ako sa buhay. Paano ako makakakain kung hindi ako marunong magluto?” Napatigil siya sandali at napatingin dito. “Bakit mag-isa ka na lang? Saan ang mga magulang mo? Ang mga kapatid mo?” Ngumiti lang si King. “Baby pa lang ako nang mamatay ang nanay ko. Iniwan niya ako sa bahay-ampunan. Pero dahil hindi ko gusto ang pakiramdam na kinukulong kaya tumakas ako. Sa awa ng Diyos, napagtapos ko naman ang sarili ko hanggang kolehiyo. Kung ano-anong raket ang pinasok ko sa Maynila para lang buhayin ang sarili ko. And take note, matitinong raket, ha? At kahit kailan, hindi ako namalimos,” pagmamalaki pa nito pero wala iyong bahid ng pagmamayabang. Aminado si Queenie na lihim siyang napahanga matapos niyang marinig ang kuwento ni King. Biruin mo, nakapagtapos ito ng kolehiyo sa sariling pagsisikap lang. Samantalang siya, buo ang pamilya pero undergraduate pa. Bagaman at hindi naman iyon ikinakahiya ng dalaga dahil sa pagmamahal niya sa kaniyang pamilya. At the same time, hindi rin mapigilan ng dalaga ang mahabag sa binata. Ulilang lubos na pala ito. Pero nagagawa pa rin nitong ngumiti at maging masiyahing tao. “H-hindi naman sa minamaliit ko ang pagiging construction worker, ha? Kasi alam naman nating lahat na marangal na trabaho iyon. Pero curious lang kasi ako. Na college graduate ka naman pala pero—” “Sa pagiging construction worker lang pala ang bagsak ko?” mabilis nitong sagot. Hindi man lang niya ito makitaan ng panliliit sa sarili. “Sa totoo lang, ang dami ko ng napasukang trabaho na ayon sa course ko, ang Business Management. Pero ang malas ko sa mga naging boss ko. Kung hindi bakla na may gusto sa’kin, matatandang ginang naman na gusto akong gawing kabit. Tapos noong hindi ko pinagbigyan, bigla akong siniraan at tinanggal sa trabaho. Ginamit pa nila ang koneksiyon nila para hindi ako matanggap sa mga sunod na ina-apply-an ko. Hanggang sa napagod na lang ako at nakuntento na sa pagiging construction worker. At masaya naman ako sa ganitong trabaho,” mahabang pagkukuwento ni King. “Ang guwapo mo raw kasi masiyado kaya pinagnanasaan ka tuloy,” biro ni Queenie pagkatapos. Saka lang niya naitikom ang bibig nang mapagtanto niya ang sinabi niya at huli na para bawiin dahil mukhang narinig na iyon ni King kaya ganoon lang ang pag-todo ng ngiti nito. “Sabi na nga ba, eh. Nagu-guwapu-han ka rin sa’kin.” Tumingin ito sa kaniya at nagkagat-labi. “May pagnanasa ka rin sa’kin, kamahalan, ‘no?” Walang ano man na hinampas niya ito ng lumpiang wrapper sa ulo. At pagkatapos ay pinanlakihan ng mga mata. “Huwag ka ngang feeling!” sigaw ni Queenie na ikinatawa lang ng loko. "Iyong tatay mo pala, nasaan?" kapagkuwan ay tanong niya rito nang maalala niya na hindi iyon nabanggit ni King kanina. Pero nang mapansin niya na biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha nito at parang ayaw sumagot kaya iniba na lang niya ang usapan. "Mag-i-inventory pa pala ako." "Sige. Ako na ang bahalang tumapos nitong pagso-sort," sagot naman ng binata at saka lang bumalik ang sigla nang tumango siya. Ilang sandali pa ay pareho na silang naging abala sa pagliligpit ng mga natitirang display na gulay at prutas sa labas ng tindahan. Kapwa ganado sina Queenie at King. At hindi niya alam kung bakit hindi naubos ang energy niya kahit maghapon siyang nagbantay sa tindahan. Hindi nga niya namalayan na nakapagsara na pala siya. Hindi niya akalain na malilibang siya sa pakikipagkuwentuhan sa binata. Hindi tuloy niya napigilan ang pagsilay ng ngiti sa kaniyang mga labi nang silipin niya ito habang nagwawalis ng mga kalat sa labas at sinasabayan ang paborito niyang kanta na eksaktong nakasalang na naman sa pinapakinggan niyang FM Station. “’Pagkat saan ka man naroroon. Pintig ng puso ko’y para sa’yo. Naghihirap man ang aking damdamin. Nagmamahal pa rin sa’yo giliw.” Nang akmang lilingunin siya ni King ay mabilis na bumalik sa loob si Queenie at masiglang sinabayan na rin ang kanta habang nagbibilang siya ng kita niya sa araw na iyon. “Limutin man kita’y ‘di ko magawa. Hindi pa rin ako nagbabago—” “Ang pag-ibig ko sa’yo’y lagi mong kasama,” biglang dugtong ng binata mula sa kaniyang likuran. Pero nang pareho silang nagkamali sa sumunod na lyrics ay sabay din silang natawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD