Bacolod, Taong 2016
“MAMANG, alam n’yo po ba, may bagong admirer si Ate Queenie. Iyon pong bagong customer natin sa gulayan? Iyong lagpas-balikat ang blonde na buhok at kulay-asul ang mga mata.”
Nahila na lang ni Queenie ang mahabang buhok ng kinse anyos niyang kapatid na si Cindy dahil sa kadaldalan. Sadyang detalyado talaga ito kung magkuwento. Kaya ayaw niya itong kasama kung minsan. Wala lang talaga siyang magawa at dadalawa lang naman silang magkapatid. At siyempre, mahal niya.
“Tsismosa ka talaga!” kurot pa ni Queenie sa tagiliran ng kapatid na ikinatawa lang nito. “Ikaw na lang kaya ang pumalit kay Jollibee? Tutal, pabida ka naman palagi.”
“Nagsasabi lang naman ako ng totoo, Ate. Hindi ka naman niya bibigyan ng Baho-baho na bulaklak kung wala siyang gusto sa’yo.”
Doon lang natawa ang kanilang mga magulang na nakikinig lang sa kanila habang nagkakayod ng niyog ang kanilang ama para sa nilulutong gulay na langka ng kanilang ina.
“Ah!” tila interesadong bulalas ng Papa nila. Itinigil pa talaga nito ang pagkakayod para humarap sa kanila. “Iyong konstruksiyon worker na galing Maynila?”
Pati ang kanilang Mama ay naging interesado na rin. Humarap na rin ito sa kanila habang may hawak na sandok. “Sino do’n, Cindy?” baling nito sa kapatid niya. “Maraming manggagawa ngayon ang Hacienda Lorenzo dahil sa ipinapatayong unibersidad. At halos lahat ay galing Maynila daw. Balita ko nga, tatagal sila ng ilang taon dito sa hasiyenda dahil pagkatapos ng unibersidad, magtatayo rin daw ng mga dormitoryo.”
“Iyong tinatawag nilang ‘Kano’, ‘Mang. Kasi nga ho mukhang foreigner. Minsan naman, ‘Hari’. Kasi ‘King’ yata ang totoong pangalan,” nanghahaba ang nguso na sagot ni Cindy. Nanlalaki pa ang mga mata sa sobrang exaggeration, “Pero guwapo ‘yon, ‘Mang. At ang puti-puti pa rin kahit maghapong nakabilad sa araw. And take note, siya lang ang hindi amoy-labanos sa lahat ng mga kasama niya, ha? Amoy baby-cologne pa rin kahit wala pang ligo!”
“Ah, si Kano!” halos sabay pa na bulalas ng kanilang mga magulang at nagturuan pa. “Guwapo nga ang batang iyon. Maganda rin ang tindig. Puwedeng pang-modelo o kaya’y artista. Nakapagtataka nga na hindi siya na-diskubreng artista sa Maynila. Bagay na bagay siya sa Ang Probinsiyano,” pagkukuwento rin ng Papa nila.
“Tama ka diyan, Dodoy,” segunda uli ng kanilang ina. “Ako nga ang nanghihinayang sa batang iyon at sa konstruksiyon lang bumagsak.”
Quennie rolled her eyes. Wala talagang duda kung kanino nagmana ng kadaldalan ang kapatid niya. “Wala naman hong masama sa pagiging construction worker, ‘Mang. Matinong trabaho naman iyon,” hindi napigilan na sabat ng dalaga.
“Wala naman akong sinasabing gano’n, anak. Ang ibig ko lang sabihin, magandang lalaki si Kano. Marami pa sanang magagandang oportunidad ang mas nababagay sa kaniya,” depensa naman ng Mama nila.
“Oyyy… si Ate Queenie. Ipinagtatanggol ang bagong admirer niya,” tudyo sa kaniya ng kapatid at may pakurot pa talaga sa tagiliran niya. “Bagay naman kayo, ate. Maganda ka, s*xy at maputi. Guwapo siya, hunk, at maputi rin. Iyon nga lang, sa height lang kayo hindi magkakasundo. Bansot ka, habang six-footer naman siya.”
“Cindyyy!” Kinuha niya ang sandok na hawak ng kanilang ina at akmang papaluin ang kapatid pero mabilis na itong nanakbo. Hindi na niya ito naabutan dahil nasa bakuran na nila. Bukod sa pagiging madaldal, may pagka-bully din talaga ang isang iyon.
Palibhasa masiyado siyang seryoso sa buhay kaya mabilis mapikon si Queenie. Madalas tuloy siyang masabihan na ‘manang’ kahit twenty-two years old lang siya. Lalo na kapag tinatawag siyang ‘bansot’ porke’t hindi lang umabot sa five feet ang height niya. Bumawi lang talaga siya sa kutis at hitsura. Marami nga ang nagsasabi na small version daw niya ang artistang si Bea Alonzo na isa sa mga hinahangaan niya. Lalo na sa pelikula nitong Second Chance, kasama si John Lloyd Cruz. Pero kahit maganda siya, bihira lang ang mga lalaking naglakas-loob na ligawan si Queenie dahil nga sa kasungitan niya. Bukod sa mataas ang standard niya kahit nobyo pa lang. Iyong kahit hindi mayaman basta hindi naman mas mahirap pa kaysa sa kaniya.
Ganoon talaga siguro kapag panganay.
Kailangang mag-seryoso at maging ambisyosa sa buhay dahil alam mong ikaw ang unang makakatuwang ng mga magulang mo. Kaya nga masiyadong mahal ni Queenie ang kaniyang pamilya kahit paborito siyang tudyuhin ng mga ito. At lahat ay gagawin niya para sa mga ito. Kung darating man ang araw na kailangan niyang kumapit sa patalim kapalit ng buhay ng mga ito, katulad ng mga napapanood niya sa palabas, gagawin niya. In a heartbeat.
“Pero paano nga kung liligawan ka ni Kano, Ate? Sasagutin mo?” ayaw pa rin tumigil ng pangungulit sa kaniya ni Cindy nang bumalik na ito sa loob ng kubo nila. “Mukha naman siyang mabait at masipag.”
“Paano kita mapapag-aral sa kolehiyo kung mas mahirap pa sa akin ang mapapangasawa ko?” Tumaas ang kilay ko. “Balak ko kayang tulungan pa rin kayo kahit may sariling pamilya na ako.”
“Ang bait talaga ng panganay natin, Sylvia!” nasisiyahang bulalas ng kaniyang ama. “Hindi talaga tayo nagkamali ng pagpapalaki sa kaniya.”
“Eh, ako, ‘Pang?” hirit agad ni Cindy.
“Nagkamali lang ako ng ire sa’yo kaya ganiyan katigas ang ulo mo!” pabiro namang sagot ng kanilang ina at saka hinila ang bunsong anak para punasan ng tuwalya ang likod. “Ilang beses ko nang sinabi sa’yo na huwag kang masiyadong magpagod at magpatuyo ng pawis. Sasakit na naman niyan ang dibdib mo at hahapuin ka na naman. Ikaw talagang bata ka.”
Hindi maiwasan ni Queenie ang paglambot ng kaniyang anyo habang nakatingin kay Cindy na sinesermunan ng Mama nila. Hindi lang naman kasi madaldal at alaskador ang kapatid niya kundi malambing at masipag din. Ayaw nito ng walang ginagawa. Katunayan, ito nga ang palaging katulong ng kanilang ina sa pagtitinda ng gulay sa tapat ng bahay nila. Pinahinto kasi muna nila ito sa pag-aaral para hindi mapagod. Malayo-layo rin kasi ang eskuwelahan.
Si Queenie naman, pumapasok bilang isang saleslady sa pinakamalaking grocery store sa lugar nila. Hanggang third year lang ang natapos niya sa kolehiyo. Kinailangan niyang huminto nang magsimulang humina ang tindahan nila ng gulay dahil hindi na sila pinapayagan ng may-ari ng Hacienda Lorenzo na mag-angkat nang marami mula sa ibang lugar. Pagsasaka lang din ang trabaho ng kanilang ama.
Nakakaraos naman sana sila at kahit papaano at naitataguyod ng mga ito ang pag-aaral niya noon. Kaya lang, nitong mga nakaraang taon, mas napapadalas na ang paglabas-masok ni Cindy sa ospital dahil palaging nagkakasakit. Ang sabi ng doktor, mahina raw ang puso nito at posibleng operahan kapag lumala pa. Pero milyones ang halaga na kailangan.
At saan naman nila iyon kukunin?
Kaya nga gusto rin sana ni Queenie na sa Maynila na magtrabaho dahil ayon sa mga kaibigan niya na doon na nagtatrabaho at nagbabakasyon na lang dito, mas malaki raw ang sahod doon kahit saleslady lang. Nagbabaka-sakali ang dalaga na baka makaipon siya kapag doon siya nagtrabaho. Iyon nga lang, ayaw siyang payagan ng kaniyang ama’t ina. Hindi bale raw na gumapang sila sa hirap. Ang mahalaga ay magkakasama sila at buo ang kanilang pamilya.
“Hindi mo pa naman aasawahin si Kano, Ate Queenie. Jo-jowa-in pa lang naman,” patuloy na panunudyo sa kaniya ni Cindy kahit parang hinahapo na naman dahil sa paghabol niya rito kanina na pinagsisihan naman niya.
“Kahit boyfriend, hindi rin. Wala akong future sa lalaking kahit pambili ng isang tangkay ng rose ay wala,” may pinalidad na sagot ni Queenie at saka tumalikod. Pero nagpahabol pa siya habang nagsasaing sa kaldero. “Kaya tigilan mo na ang panunudyo mo sa’kin sa Kano na ‘yon.”
“Bakit naman kasi Baho-baho ang binigay ng lokong ‘yon? Ang sabi ko, kahit Gumamela na lang kung walang Rosas.”
Mabilis na napalingon si Queenie sa ama nang marinig niya na may sinabi ito pero hindi niya gaanong narinig dahil pabulong. “Ano ho ang sinabi n’yo, ‘Pang?”
“Wala!” sabay na sagot ng mga magulang at kapatid niya na ikinakunot lang niya ng noo.
Naulinigan pa ni Queenie na parang nagbulungan ang mga ito pero hindi na lang niya pinansin dahil nagsimula na siyang magningas ng apoy mula sa kalan de-uling.