HINDI maipaliwanag ni Queenie ang pakiramdam na tila naliyo siya at umikot ang paligid nang maglapat ang mga labi nila ni King. Banayad lang naman ang paghalik nito sa kaniya. Na para bang nakikiramdam pa. Gusto niyang magbilang hanggang isang minuto at sampalin ang binata.
But off the chain, she’s paralyzed. Hindi niya magawang igalaw ang mga kamay para itulak si King.
Heck, what’s happening to her?
Sa isip ni Queenie ay natilihan siya nang sa tantiya ay tapos na ang isang minutong palugit sa kaniya ng binata pero magkadikit pa rin ang kanilang mga labi. Gustong mag-protesta ng isip niya. Ngunit kinokontra iyon ng kakaibang pakiramdam na bumalot sa kaniyang sistema. Animo’y bumigat ang talukap ng kaniyang mga mata at nawawalan naman siya ng lakas ngayon. Parang may sariling isip ang mg braso niya na kusang pumulupot sa batok ni King.
Naramdaman ng dalaga na naging hudyat ang ginawa niyang iyon para unti-unting mag-iba ang ritmo ng halik ni King. At feeling niya ay unti-unti na rin niya iyong nagugustuhan. Hindi na niya alam kung paano pa pigilan ang sarili nang itayo siya nito at saka isinandal sa dingding.
Lalong walang nagawa si Queenie kundi ang mapapikit na lang. She felt his lips started brushing hers. So gentle, so passionate.
And darn! Bakit ang sarap?
At tama ba ang naramdaman niya? Tumutugon na siya?
Naramdaman iyon ni King kaya lalo pang uminit ang bawat halik nito sa mga labi niya. Palalim nang palalim din ang pagtugon ni Queenie na para bang may hinahabol siya. Para siyang naadik na hindi niya mawari.
Ganoon ba talaga kapag first kiss?
“Pabili po!”
Mabilis pa sa alas kuwatro na napabitaw sa isa’t isa sina Queenie at King nang biglang may sumigaw sa labas ng tindahan. Mabuti na lang at may nakaharang na kurtina kaya hindi sila kita sa bintana. Pareho silang naghahabol ng hininga nang mapatingin sa isa’t isa. Ngunit bandang huli ay si Queenie ang hindi nakatagal sa mga titig ng binata. Para siyang matutunaw sa hiya ngayon na nahimasamasan na siya. Itinulak niya ito at saka nagmamadaling tumungo sa bintana para pagbilhan ang customer. Nilingon pa niya ang pinanggalingan para siguruhing walang nakakita sa kanila.
“Ate Queenie, pabili daw po ng sibuyas at bawang.”
Mabuti na lang din at bata lang naman pala. Gayon man ay ramdam pa rin ng dalaga ang panginginig ng mga kamay at pagkataranta habang inaabot niya rito ang mga binili ito. “S-salamat, beh? May bibilhin ka pa ba?”
“Wala na po, Ate Queenie.” Bago umalis ay nagtataka na tumingin pa ito sa kaniya. “Okay lang po ba kayo, Ate? Nanginginig po kasi ang mga kamay n’yo?”
Mabilis naman niyang itinago sa likod ang mga kamay at pilit na ngumiti sa bata. “Wala ‘to, beh. Napagod lang ako sa pag-aayos ng mga gulay.”
“Sige po.” Nakangiti na tumango ang batang customer at nanakbo na palayo.
Huhugot sana siya nang malalim na hininga, kasabay ng pagpihit niya para ilagay ang pera sa lagayan. Ngunit hindi iyon natuloy dahil nagulat siya nang makita niya si King na nakatayo na pala sa kaniyang likuran. Nakasuksok ang mga kamay nito sa magkabilang bulsa ng shorts at matiim na nakatitig sa kaniya. Mukhang kanina pa inaabangan ang paglingon niya. Dumoble tuloy ang pagrigodon ng puso niya.
Gusto yata talaga nito na atakehin siya sa puso!
Imbes na bumuga ng hangin ay sunod-sunod na napalunok si Queenie. Naiilang siya sa hindi rin pag-imik ni King at tila binabasa lang ang reaksiyon niya. He looked so serious. Parang ibang King itong kaharap niya ngayon. Hinihintay niya ito na kulitin siya, na sabihing joke lang ang paghalik nito sa kaniya kanina.
Timang ka ba, Queenie? First kiss mo ‘yon tapos gusto mo pa na joke lang? kastigo ng isipan niya.
First kiss nga pero ibinigay naman niya sa hindi naman niya nobyo.
Naramdaman niya ang muling pag-iinit ng mukha nang maalala kung paano siya tumugon sa mga halik ni King. Yumapos pa talaga siya sa batok nito. Feeling girlfriend lang?
Hindi niya natagalan ang nakakailang na mga titig ng binata. Yuko ang ulo na iiwas sana si Queenie at lalampasan ito. Pero nanigas na naman siya nang maramdaman ang paghagilap ni King sa kamay niya at hinawakan iyon.
“Queenie…” malambing na tawag nito sa pangalan niya.
“M-mamaya na lang tayo mag-usap, King. Mag-aayos pa kasi ako ng mga paninda,” agad na palusot ng dalaga dahil nararamdaman niya na parang gusto nitong pag-usapan ang tungkol sa nangyari. At hindi pa siya handa.
“Sorry, ha?” sa halip ay masuyong sagot nito at tumayo sa harapan niya habang hawak-hawak pa rin ang kamay niya. “Pero hindi ako nagso-sorry na hinalikan kita, Queen. Kasi iyon talaga ang gusto kong gawin kapag magkasama tayo. Matagal na. Pero pinipigilan ko lang ang sarili ko kasi ayokong magalit ka sa’kin. Ayaw kong isipin mo na binabastos kita, na sinasamantala ko ang tiwala mo at ng pamilya mo sa’kin. Kahit ang hirap magkontrol kapag katabi kita, kinakaya ko kasi mataas ang respeto ko sa’yo, eh.”
Bahagyang umawang ang bibig ng dalaga. Binundol ng kaba ang dibdib niya. Hindi niya alam ang isasagot.
Ano ba dapat ang sasabihin niya?
“Pero hindi ko na kaya, Queenie. Hindi ko na kayang pigilan pa ang nararamdaman ko sa’yo…” buong sinseridad na pagtatapat pa ni King at sinamantala ang hindi niya pag-imik. “Buong buhay ko, ngayon ko lang naramdaman ang ganito. Na para bang nababaliw na agad ako kapag hindi kita nakita kahit isang araw lang.” Itinaas nito ang kamay at sinapo ang kanang pisngi niya. “Pero kung hindi mo nagustuhan ang ginawa ko, puwede mo akong sampalin. Magalit ka sa’kin, murahin mo ako. Huwag mong intindihin ‘yong challenge natin kanina. Hindi naman iyon ang dahilan kung bakit kita hinalikan, eh. Nakakawala lang talaga ng self-control kapag ‘yong kaharap mo ay mahal mo.”
“M-mahal mo ba talaga ako, King?” sa wakas ay nagawa rin ni Queenie na magsalita uli. “Seryoso ka ba talaga?”
Lumamlam ang mga mata nito na titig na titig sa kaniya. “Mukha lang ba akong nagbibiro? At ‘yong paghalik na ginawa ko sa’yo, lalong hindi ‘yon joke. Hindi ko ‘yon kayang gawin sa’yo kasi alam ko na first kiss mo ‘yon.”
Napasimangot siya. “Alam mo nga pero ginawa mo pa rin. Ninakaw mo ang first kiss ko.”
Tila na-amuse pa ito sa sinabi niya. “Paninindigan ko naman ‘yon. Promise, hindi masasayang ang first kiss mo at lalong hindi mo iyon pagsisisihan.”
“Sira ka! Paano mo naman iyon paninindigan?”
Hindi sumagot si King pero niyakap siya nito. Hinalikan nito ang kaniyang ulo. “Sagutin mo ako. At pakakasalan kita.”
Nanlalaki ang mga mata na napaatras si Queenie at tumitig dito. “Kasal? Agad-agad?”
“Kung sasagutin mo lang naman ako.” Nakangisi na kumamot ito sa batok. “Hindi ako para t*nga na pakawalan pa ang isang kagaya mo kapag naging girlfriend na kita, ‘no? Pero siyempre, hindi kita pipilitin kung ayaw mo talaga sa’kin.”
Paano pa niya sasabihin kay King na ayaw niya ito kung parang sirang plaka na nagre-replay sa isip niya ang pagtugon niya sa mga halik nito kanina? Siguradong hindi rin iyon mawala sa isip nito. Magmumukha lang siyang singunaling o kaya ay in denial.
Sa halip na sumagot ay umiwas siya ng tingin. “P-puwede bang saka na natin pag-usapan ‘yan? Marami pa kasi akong kailangang gawin.”
Akala ni Queenie, magagalit o kaya ay madidismaya si King sa sagot niya. Pero nginitian pa siya nito. “Okay lang. Katulad nga ng palaging sinasabi ko sa’yo, hindi naman ako nagmamadali. Maghihintay ako kung kailan ka magiging handa, kamahalan. At kung kailangan ko na makipagsabayan sa Don Lorenzo na ‘yon, gagawin ko.”
Natigilan si Queenie. Alam din pala nito na balak ng biyudong haciendero na ligawan siya.
Bigla tuloy siyang natakot at nagsitayuan ang mga balahibo niya. Paano kung si Don Lorenzo ang manalo sa panliligaw sa kaniya dahil ito ang gusto ng Papa niya?
Napatingin siya kay King. At paano kung bigla na lang itong sumuko sa panliligaw sa kaniya o kaya ay matakot kay Don Lorenzo?
Parang nabasa naman ng binata ang tumatakbo sa isip niya kaya muli itong ngumiti at sinapo ang kaniyang mukha. “Hindi ako susuko hangga’t hindi mo sinasabing ayaw mo sa’kin, kamahalan.”