“PARA saan ‘yan?” takang tanong ni King kay Queenie nang iabot niya rito ang dalawang libong piso. Siya ang bantay ngayon sa tindahan nila at naroon naman ang binata para bumili ng mauulam daw nito sa hapunan. Kasama nito ang tatlong ka-trabaho.
“Bayad ko sa ipinahiram mo kay Papang noong na-ospital si Cindy at saka sa paggawa mo sa bubong ni Blondie.”
Napakamot sa ulo nito ang binata. “Si Mang Dodoy talaga. Sinabi ko na nga na huwag nang banggitin sa’yo, eh. At saka sinabi ko rin sa Papang mo na tulong ko kay Cindy ang pera na iyon. At ‘yong tungkol naman sa paggawa ko ng bubong ni Blondie…” Ipinatong nito ang mga braso sa pamasano ng bintana ng tindahan at sinilip si Queenie. “Sinabi ko sa’yo na kapag binayaran mo ako, pipikutin kita.”
Awtomatikong pinamulahan ng mukha si Queenie habang nakatitig sa mukha ni King. Hiyang-hiya siya dahil narinig iyon ng mga kasamahan nito. “Baliw ka talaga. Sa lahat ng binayaran, ikaw lang itong nagrereklamo at nanakot pa.”
“Kusang ibinigay naman kasi ‘yon kaya hindi dapat na binabayaran. Sige nga, ikaw ang magbigay sa’kin tapos babayaran din kita. Papayag ka ba?”
Sandaling napaisip ang dalaga. Sabagay, may punto nga naman ito. Pero… “Bakit kasi nagbigay ka pa kay Papang? Ilang araw na nga lang ang ipinasok mo noong nakaraang linggo, eh. Baka nga kulang pa ‘yon sa budget mo,” katuwiran niya.
“Huwag mong alalahanin ‘yang si Kano, Queenie,” hindi napigilang sabat ng katrabaho nito. “Magaling mag-budget ng pera ‘yan. At saka kaya lang naman ‘yan kinakapos kasi halos kalahati ng sinasahod niya kada linggo ay ibinibigay niya sa simbahan. Kaya walang natitira para sa sarili niya.”
Umawang ang bibig niya at hindi makapaniwalang napatitig kay King. Na-speechless siya bigla. Hindi niya akalain na ang kagaya nito ay maka-Diyos din at mapagmahal sa kapwa. Kaya pala ito kinakapos. At hindi dahil sa iniisip niya na baka may inililihim itong pamilya na naiwan sa Maynila at iyon ang binubuhay.
Sa unang pagkakataon sa buhay niya, nakatagpo rin si Queenie ng complete package na lalaki.
At iyon ay sa katauhan ni King.
Hindi man ito pumasa sa standard niya kung katayuan sa buhay ang pag-uusapan, sobra-sobra naman ang magagandang katangian nito na hinahanap niya sa isang lalaki: mabait, sweet, thoughtful, masiyahan, masipag, mapagmahal sa kapwa, matulungin, at ngayon naman, natuklasan niya na maka-Diyos din pala ito. Parang sa panahon ngayon, ‘too good to be true’ na nga kung may katulad pa ni King ang nag-e-exist. Pero si Queenie mismo ang magpapatunay niyon.
She looked at him as her face softened. “B-bakit ka linggo-linggo nagbibigay sa simbahan? At bakit gano’n kalaki? Wala naman akong nakikitang mali kasi nakakatuwa nga na may isang kagaya mo pa ang handang tumulong. Pero kasi… kinakapos ka na nga, di ba? Bakit inuuna mo pa rin ang pagtulong sa iba?”
He shrugged. “Nakasanayan ko lang. Noong nasa Maynila pa kasi ako, sobra-sobra naman para sa’kin ang sinasahod ko. Kahit papaano ay nakakaipon naman ako. Kaya imbes na ibili ng bisyo tulad ng alak at sigarilyo, samahan pa ng pagsusugal, itinutulong ko na lang sa simbahan. Marami pa akong matutulungan na mas kapos pa sa’kin. Naniniwala kasi ako sa sinabi ng Diyos na, ‘maging mayaman sa mabubuting gawa, at mapagbigay at matulungin sa kapwa’. Iyon ang pinakaunang nabasa ko sa Bible noong nabubuhay pa si Nanay kaya hinding-hindi ko makakalimutan. Kung hindi ako magkakamali, nakasaad iyon sa First Timothy Chapter Six Verse Eleven hanggang Nineteen.”
Tuwang-tuwa na nagpalakpakan ang mga ka-trabaho ni King pagkatapos ng litaniya nito. Si Queenie naman ay lalo lang siyang napahanga rito. Ngunit sa loob-loob niya ay nahihiya siya. ‘Buti pa si King, may natatandaan kahit isang verse sa Bible. Samantalang siya, hanggang ‘For God so loved the world…’ lang ang alam niya pero hindi pa niya madugtungan.
“Mabait talagang ito si Kano, Queenie. Matagal na namang nakasama ‘to sa trabaho. At wala kaming masabi sa kabutihan nito,” sabi uli ng isa pang kasamahan nito.
“Kaya masuwerte ang mapapangasawa ng taong ito, eh. Mabait at masipag na, wala pang bisyo. May bonus pa na kakisigan.”
Napangisi si King. “Hindi naman halata na ibinibenta n’yo ako kay Queenie. Sabihin n’yo na lang nang direkta sa kaniya na masuwerte siya sa’kin kung sasagutin na niya ako.”
Kinuha ni Queenie ang hand towel at saka inihampas iyon sa binata. “Sira-ulo ka talaga! Seryosohin mo muna ang panliligaw mo bago ka magreklamo diyan.” Natagpuan na lang niya ang sarili na tumatawa na para bang kinikilig.
“Bakit? Kapag ba sineryoso ko na ang panliligaw ko sa’yo, may pag-asa ako?” Tuwang-tuwa ang mukha na dumungaw itong muli sa bintana pagkatapos umiwas sa tuwalyang pinanghampas ng dalaga.
Nakagat ni Queenie ang ibabang labi. Ano ba iyong nasabi niya? Ngayon lang niya napagtanto na parang sinabi na rin niya na pumapayag na siyang ligawan ni King.
Ilang segundo rin na hindi nakaimik ang dalaga bago siya nakapag-isip ng isasagot. “Depende. Pero sa tingin ko, hindi mo kayang mag-seryoso sa panliligaw. Kaya nga wala kang girlfriend, ‘di ba?”
“Magkakaroon na ako kapag sinagot mo ako, kamahalan,” parang siguradong-sigurado na wika nito. “Maghintay ka lang hanggang bukas. Patutunayan ko sa’yo na ito…” Nagulat pa si Queenie nang bigla na lang nitong kinuha ang kamay niya at inilapat sa kaliwang bahagi ng dibdib nito, sa parte kung nasaan ang puso nito, “ito ay para sa’yo lang. Tumitibok lang ito para sa’yo, aking kamahalan.”
Namilog ang mga mata ng dalaga at lalong nagrigodon ang puso niya, hindi dahil inulan sila ng tukso ng mga ka-trabaho ni King. Kundi sa mga sinabi nito na parang nagtatapat na ng pag-ibig. Kulang na nga lang ay sabihin ng binata na mahal siya nito.
Animo’y napapaso na binawi ni Queenie ang kamay na nakalapat sa dibdib ni King. Umiwas siya ng tingin para hindi nito makita na nagmamala-kamatis na naman ang buong mukha niya.
“Umuwi ka na nga at magluto. Hindi na naman ako makapagtinda nang maayos, eh,” kapagkuwan ay pagtataboy na lang dito ni Queenie.
Nasukol na kasi siya at wala na siyang maisip na sasabihin pa dahil nade-destruct siya sa tila mga daga na naghahabulan sa loob ng dibdib niya.
PAUWI na nga sana sina King at mga ka-trabaho nito dahil madilim na nang may huminto na magarang kotse sa tapat ng tindahan nila. Ang akala naman ni Queenie ay customer lang. Marami rin kasi silang mga customer na mayayaman dahil nga puro sariwa at bago ang kanilang mga paninda. Lalo na kapag mga turista.
Lahat sila ay napatingin sa tumigil na sasakyan at hinihintay ang bababa mula roon. Hanggang sa lumabas mula roon ang kaniyang ama. Literal na nanlaki ang mga mata ng dalaga. “’Pang!” bulalas niya. “Sino ho—”
Hindi na niya natapos iyon dahil ang sunod na bumaba sa mamahaling sasakyan na iyon ay walang iba kundi ang may-ari ng hacienda na si Don Lorenzo. Ilang beses na niya itong nakaharap nang malapitan kapag nagsa-sideline siya sa farm. He’s fifty-year-old at isang biyudo. Pero may dalawang anak ito na pawang may mga edad na rin. He’s short, looks old and fat. Tapos kayumanggi naman ang kulay ng balat nito. Palagi itong nakasuot ng fedora hat at may hawak na tungkod. Hindi rin ito nauubusan ng tabako sa bibig.
Ito ang literal na matandang mayaman na katatakutang mapangasawa ng mga kadalagahan kahit ubod ng yaman.
Bakit kaya siya kasama ni Papang?
“M-magandang gabi ho, Don Lorenzo,” sa halip ay bati na lang niya rito. Matanda ito at kailangan pa rin na galangin. At saka isa pa, ito ang may-ari ng lupang kinatatayuan nila kaya nararapat pa rin na igalang.
Kahit sina King at mga kasamahan nito ay bumati rin sa may-ari ng hacienda.
“Magandang gabi rin sa’yo, hija.” Pero siya lang ang nginitian at binati ni Don Lorenzo. Tila hangin na nilagpasan lang nito ng tingin sina King. “Ikaw ba si Queenie? Ang sinasabi nitong si Dodoy na magandang anak daw niya?”
Hindi sumagot si Queenie. Bigla kasi siyang nailang sa paraan ng pagtitig ni Don Lorenzo sa kaniya na para bang hinuhubaran siya. Hindi niya sigurado kung napansin din ba iyon ni King. Mula kasi sa peripheral vision ni Queenie, nakita niya ang binata na nakatingin nang masama sa matandang kaharap niya.
At sobrang seryoso ng mukha nito!
“Anak, tinatanong ka ni Don Lorenzo kung anak daw ba kita.” Siniko siya ng kaniyang ama.
“A-ako nga ho…” napipilitang sagot ng dalaga ngunit hindi na lang niya iyon ipinahalata.
“Masaya akong makilala ka, Hija.” Akmang kakamayan sana siya ng biyudo nang bigla na lang tinampal ni King ang kamay nito na ikinagulat nilang lahat.
“Pasensiya na ho kayo, Don Lorenzo. May nakita ho kasi akong lamok na dumapo sa kamay n’yo,” mabilis namang depensa ng binata, “Mahirap na ho at baka magka-dengue kayo.”
Kumunot ang noo ni Queenie. Bakit wala naman siyang nakitang lamok? Ang linaw kaya ng mga mata niya!
Bakas ang takot na umatras si Don Lorenzo at dali-daling nagpaalam sa kanila at pumasok uli sa loob ng sasakyan. Agad nitong inutusan ang mga bodyguard na umalis na.
“Takot palang magka-dengue si Don Lorenzo. Parang binibiro lang, eh,” tuwang-tuwa na sabi ni King na sinundan naman ng tawa ng mga ka-trabaho nito.
Maging si Queenie man ay natawa rin dahil sa kalokohan ni King. Sabi na nga ba, eh. Wala talaga siyang nakitang lamok sa kamay ni Don Lorenzo kanina. Pero bakit nga kaya iyon ginawa ni King.
Napansin ni Queenie na tahimik at seryoso lang ang mukha ng Papa niya sa kaniyang tabi. Samantalang mahilig naman itong makipagbiruan kay King kapag nagkikita ang mga ito.
“Sa susunod, huwag mo na lang iyong gawin uli kay Don Lorenzo, ha? Nakakahiya. Baka palayasin tayo rito nang wala sa oras,” pati ang pagsermon nito kay King ay naninibago ang dalaga. Para kasing may halong iritasyon ang boses ng ama.
At hindi naman yata manhid ang binata kaya naiintindihan nito ang naging reaksiyon ng Papa niya. “P-pasensiya na ho kayo, Mang Dodoy. Promise ho, hindi na mauulit.”
Seryoso ang mukha na tumango lang ang ama ni Queenie. “Sige na umuwi na kayo at magsasara na rin kami,” pagtataboy nito kina King.
“Tulungan ko na ho kayo, Mang Dodoy—”
“Huwag na, King,” agad na sansala nito sa binata. “Kayang-kaya na namin ito ni Queenie.”
Halata sa mukha ni King na parang ayaw pa nitong umalis nang mapatingin sa kaniya. Pero dahil siguro sa hindi magandang mood ng kaniyang ama kaya napilitan na rin itong umalis, kasama ang mga ka-trabaho.
“BAKIT n’yo naman ho sinungitan si King, ‘Pang?” hindi napigilang usisa ni Queenie nang makalayo na ang grupo ng binata. “Parang nagmagandang loob lang naman ho ‘yong tao, eh.”
“Hindi ko kasi nagustuhan ang nadatnan ko kanina na maraming lalaki dito tapos mag-isang babae ka lang. Parang hindi ka na ginagalang ni King dahil masiyado na siyang kampante sa’yo, sa atin,” mahabang paliwanag ng Papa niya bago nag-iwas ng tingin.
Ngunit sigurado si Queenie na bago iyon ay nahuli pa niya ang lungkot sa mukha ng kaniyang ama. Hindi na nga lang niya pinansin ang tila pagkabalisa nito simula pa kanina.
“Kilala naman ho natin si King, ‘Pang. Alam natin na hindi siya gano’ng uri ng lalaki,” pagtatanggol niya sa binata at hindi niya mawari kung bakit niya iyon ginawa at sa harap pa mismo ng kaniyang ama.
Siguro dahil batid ni Queenie na wala naman talagang ginawang masama si King kanina at mas lalong hindi nito gagawin ang bastusin siya, katulad ng ibinibintang dito ng Papa niya. Nagtataka tuloy siya kung bakit biglang nagbago ang pakikitungo nito kay King. Na para bang hindi sila tinulungan nito na iligtas si Cindy.
“Bilangin mo na iyang mga benta at dalhin mo na sa loob at ibigay sa Mamang mo,” sa halip ay utos ng Papa niya at inabot sa kaniya ang lagayan ng pera. “Malapit ng magsimula ang Ang Probinsiyano. Hindi puwedeng hindi ako makapanood ngayong gabi dahil Sabado bukas.”
Hindi na lang kumibo at kumontra ang dalaga kahit sobrang nagtataka talaga siya sa biglang pagbabago ng pakikitungo nito kay King.
Gayon man ay hindi pa rin magbabago ang pagkakakilala ni Queenie sa binata. Naniniwala pa rin siya na hindi nito magagawa ang ibinibintang ng ama.
“PAANO kung niligawan ka ng Don Lorenzo na ‘yon?” out of the blue ay tanong sa kaniya ni King isang araw nang sunduin siya nito sa trabaho. Nanghiram na naman ito ng motorsiklo.
“Ano?” tila diring diri na bulalas ng dalaga. “Tumigil ka nga diyan. Mas matanda pa ‘yon kay Papang, ‘no?”
“Pero ang sabi nga ng iba, ‘age doesn’t matter’ daw. Lalo na at mayaman si Don Lorenzo. Kayang-kaya niyang iahon sa hirap ang pamilya mo.”
Napatingin siya rito nang mahimigan niya ito ng paninibugho. Pero bakit naman ito magseselos? Heto nga at nirereto na siya kay Don Lorenzo. “Hindi mangyayari ‘yong sinasabi mo dahil kahit gusto kong makapag-asawa ng may kaya sa buhay, hindi ko naman pinangarap ang kasing gurang ng don na ‘yon. Hindi baleng sa mahirap na lang ako magpapakasal basta bata, guwapo, at hindi mukhang manyakis.”
Sa sinabi niya ay saka lang muling napangiti si King. “Ibig mong sabihin, walang pag-asa ang Don Lorenzo na iyon kapag niligawan ka? Kahit dalhan ka man niya ng isandaang kaing na mangga o kaya ay bilhan ka ng sasakyan na Mercedez Benz?”
“Kahit buong kayamanan pa niya ang ibigay niya sa’kin! Hinding-hindi ko siya papatulan.”
Umaliwalas lalo ang anyo ni King. “Eh, ako kaya, kamahalan? Kailan mo ako bibigyan ng pag-asa?”
She was dumb for a moment.
Hanggang sa naramdaman na lang niya na hinawakan ng binata ang mga kamay niya. At nang tumingin siya rito, sumalubong sa kaniya ang matiim nitong titig. “Gusto kita, Queen. Gustong-gusto. Unang kita ko pa lang sa’yo noon, nabihag mo na ang puso ko,” puno ng kaseryosohan na pagtatapat ni King kapagkuwan. Kaya nga hindi na kita nilubayan, eh. Akala ko naman gets mo nang nililigawan na kita noon pa man.”
Pakiramdam ng dalaga ay nalulon niya ang kaniyang dila kaya hindi siya nakasagot. Nakatitig lang siya kay King. At sobrang seryoso ng mukha nito. Pero may kakaibang kislap sa kulay-asul na mga mata nito.
Napasinghap siya nang pisilin nito ang mga palad niya. Parang kinikiliti ang talampakan niya na hindi niya maintindihan. Animo'y biglang nagkaroon ng makukulay na paro-paro ang loob ng tiyan niya. At lahat ng nararamdaman niyang ito ay bago sa dalaga.
“Hindi man ako mayaman na tulad ni Don Lorenzo, yayaman ka naman sa pagmamahal ko, Queen. Hindi ako nangangako. Pero hangga’t nasa tabi mo ako, hindi mo mararanasang maghirap. Kahit ang pamilya mo. Dahil magsusumikap pa ako, hindi lang para sa’yo kundi para din sa kanila.” Titig na titig sa kaniya si King na para bang ipinaparamdam kay Queenie ang sinseridad nito.
At hindi naman ito nabigo dahil naramdaman nga niya iyon na tumagos sa puso niya.