NAGULAT si Queenie nang paglabas niya ng kusina ay nadatnan niya si Don Lorenzo na nasa sala at kausap ng kaniyang ama’t ina. Ang lalong ikinakunot ng noo niya ay ang malaking boquet ng bulaklak at box ng mamahaling chocolates sa tabi nito. Mabilis itong tumayo nang makita siya at iniabot sa kaniya ang mga dala.
“Magandang hapon sa’yo, Queenie. Para nga pala sa’yo.”
Hindi pa siya nakakabawi sa pagtataka kaya hindi niya tinanggap ang mga iyon. Kung hindi pa siya pinansin ng Papa niya…
“Anak, tanggapin mo naman ang ibinibigay ni Don Lorenzo at baka mangawit siya. Nakakahiya.” Pinandilatan pa siya nito kaya napilitan siyang tanggapin.
“M-maraming salamat ho, Don Lorenzo. Pero hindi naman ho ako ang may sakit kundi si Cindy,” magalang pa rin na saad ng dalaga sa pag-aakalang walang ibig sabihin ang pagbibigay nito ng mga bulaklak at chocolate.
Bagaman at hindi naman siya ipinanganak kahapon para hindi niya maintindihan kung para saan ang mga iyon. Hindi lang talaga matanggap ng isip at sikmura niya ang ideyang pumasok sa kukote niya. Lalo na at bali-balita rin na mahilig nga sa bata ang Don Lorenzo na iyon. Puwes, ngayon pa lang ay nasusuka na siya!
Napahawak sa batok niya ang biyudong haciendero. “Hindi naman si Cindy ang sinadya ko rito, Queenie. Ikaw talaga ang gusto kong dalawin.”
Lihim na napangiwi ang dalaga. So, she was right. Aakyat ng ligaw ang matandang ito! Pero bakit pinayagan ng mga magulang niya? Gayong alam naman ng mga ito na nanliligaw na rin sa kaniya si King. Batid din ng mga ito na ayaw ni Queenie na sabay-sabay ang manliligaw niya.
Hindi rin niya mapigilang ikumpara si Don Lorenzo kay King. Kahit hindi hamak na mayaman, mas ramdam pa rin niya ang sinseridad ni King. Dahil kung magbigay ito ng pasalubong, hindi lang para sa kaniya kundi kasama na ang buong pamilya.
“Maupo ka, anak. Ikukuha ko kayo ng maiinom ni Don Lorenzo,” hindi magkaundagaga na wika ng Papa niya nang tumayo ito. Kapansin-pansin ang pagkahumaling nito sa Don. Na para bang isang tingin lang ay susunod agad ang papa niya.
Kailan pa naging sunod-sunuran sa ibang tao ang ama niya?
Samantalang wala namang imik ang Mama ni Queenie hanggang sa magpaalam ito na pupunta na raw sa tindahan. Pero bakas ang pagkadisgusto sa mukha.
Tumikhim ang biyudong haciendero para kunin ang atensiyon niya. Nakaupo ito sa upuan na katapat niya. “May gusto sana akong sabihin sa’yo, Queenie. At sana, okay lang sa’yo.”
Hindi pa man niya naririnig ang gustong sabihin ni Don Lorenzo ay nahuhulaan na niya iyon. At lalo siyang nandiri! Kailan man ay hindi niya pinangarap ang magka-nobyo ng mas matanda pa sa Papa niya. Kahit ito pa man ang pinakamayamang tao sa mundo.
Pero dahil hindi naman siya pinalaking bastos ng kaniyang mga magulang kaya pinilit ni Queenie na pakitunguhan pa rin nang maayos si Don Lorenzo. “A-ano ho ang sasabihin n’yo?” sinasadya niyang idiin ang pagbigkas ng ‘po’ at ‘opo’ at baka nakalimutan nito na halos triple na ang lamang ng edad nito sa kaniya.
“Kung okay lang sana sa’yo, gusto kitang ligawan. Napakaganda mo at bagay na bagay sa’yo ang pangalan mo. Kung sasagutin mo lang ako, gagawin kitang reyna ng aking mansiyon. Ako ang hari na magsisilbi sa’yo, Queenie.”
Hindi niya naiwasan ang pagngiwi. Kinikilabutan siya sa mga sinasabi ni Don Lorenzo. Naninindig ang mga balahibo niya, hindi dahil sa kilig kundi sa pandidiri.
Pero bakit kapag si King ang nagiging makata at tinatawag siya na ‘kamahalan’ ay okay lang kay Queenie? Kinikilig pa nga siya.
Napasulyap siya kay Don Lorenzo. Parang gusto niyang manakbo sa klase ng titig nito. Kakainin ba siya nito nang buo? Totoo nga pala talaga ang naririnig niyang usap-usapan na may pagka-manyakis ito. Parang gusto na niya tuloy magtampo sa Papa niya. Alam din naman no’n ang tungkol sa isyu na iyon sa may-ari ng lupang tinitirhan nila.
Bukod doon, hindi rin niya gusto ang awra ni Don Lorenzo. Na para bang hindi gagawa nang maganda.
“Queenie, narinig mo ba ang sinabi ko? Liligawan kita kung okay lang sa’yo,” untag sa kaniya ng matandang haciendero. Bakas na ang iritasyon sa mukha.
“Naku, pasensiya na ho kayo, Don Lorenzo. Hindi pa talaga ako nagpapaligaw—”
“Mag-meryenda ho muna kayo, Don Lorenzo.”
Napatingin na lang si Queenie sa Papa niya na naglapag ng dalawang baso ng juice at tinapay sa lamesita na nasa harapan nila ni Don Lorenzo. Hindi na tuloy niya natapos ang pagtatapat na gagawin sana niya. At dahil hindi na rin umalis sa tabi niya ang kaniyang ama kaya napilitan na rin siya na harapin ang mayamang biyudo. Mabuti na lang at hindi na rin uli nabanggit ng Don ang tungkol sa balak nitong panliligaw sa kaniya. Halos ito na lang at ang kaniyang ama ang nag-usap. Kitang-kita ang pagkagiliw ng Papa niya sa haciendero katulad ng pagkagiliw din nito noon kay King.
Kaya ba bigla itong nawalan ng gana sa binata dahil boto na ito kay Don Lorenzo para kay Queenie? Pero bakit? Kahit mahirap lang sila, hindi naman mukhang pera ang Papa niya.
ISANG ORAS din yata nanatili sa bahay nila si Don Lorenzo. Ang Papa na rin niya ang naghatid hanggang sa labas ng kanilang bakuran. Nagtaka pa si Queenie nang makita niya ang perang inabot ng Don sa ama niya.
Para saan kaya ‘yon? At bakit parang ang kapal?
Dahil nakasilip sa bintana kaya nakita ng dalaga ang pagdating ni King. Bagong ligo ito at nakasuot ng maayos na damit. Tumalon yata ang puso niya dahil sa kaniyang manliligaw na walang kasing kisig at walang kasing guwapo.
Nakita rin ni Queenie ang pagtataka ni King nang makasalubong nito si Don Lorenzo. Kahit ang Don ay medyo nagtaka rin. Nagkatinginan pa nga ang mga ito.
Nang makaalis ang biyudong haciendero, binati ni King ang Papa niya pero tumango lang ito at dire-diretsong pumasok ng bakuran. Hindi naman niya mapigilang magtampo sa ama. Porke ba’t hindi na nito kailangan si King dahil sa Don Lorenzo na iyon kaya aayawan na lang bigla?
“May bisita ka,” pormal ang mukha ng Papa niya nang makasalubong niya ito sa sala. Ibang-iba sa pagkagiliw na nakita niya kanina habang kaharap nila si Don Lorenzo. “Pero bilisan niya lang ka’mo at tutulungan mo sa pagtitinda ang Mamang mo. Alam mong may sakit si Cindy.”
“Sige ho, Pang,” magalang pa rin na sagot niya.
Nang makapasok sa silid ang ama ay saka naman lumabas si Queenie para papasukin si King. Huminga muna siya nang malalim dahil bigla na namang kumabog ang puso niya nang makita lang niya ito. Napakurap-kurap pa siya nang ngumiti agad ito sa kaniya.
“Hello, kamahalan. Para nga pala sa’yo.” Ibinigay nito sa kaniya ang dalawang supot ng manggang hinog. “Dinamihan ko na kasi balita ko, may sakit daw si Cindy. Siguradong lalakas siya kapag nakakain siya ng mangga. Paborito rin niya iyan, ‘di ba?”
Tila hinaplos ang puso ni Queenie sa pagiging thoughtful ni King. Ibang-iba talaga ito kay Don Lorenzo. Pati ang pamilya niya ay kaya nitong mahalin. “Naku, nag-abala ka pa. Baka naubos na naman ang pera mo sa kakabili ng pasalubong, ha?”
“Hindi, ah! Malaki ang sinahod ko kahapon kasi tatlong araw kaming may overtime. Tapos rumaket pa kami uli sa farm,” masiglang pagkukuwento pa nito. “Nagkita nga uli kami ng pinsan mong si Josephine. Bibigyan niya sana uli ako ng mangga. Pero ang sabi ko, bibili na lang ako. Kasi ayaw ko ka’kong magbigay sa’yo ng galing din sa bigay lang.”
Iba rin talaga ang prinsipyo ng taong ito!
Dahil hindi naman papayag ang binata na hindi niya iyon tanggapin kaya kinuha na rin niya ang dala nito. “Maraming salamat, ha? Siguradong matutuwa nito si Cindy pagkagising niya.” Ipinatong niya sa lamesa ang mangga. “Pasok ka.”
“Kumusta nga pala ang kapatid mo? Okay na ba siya? Dinala n’yo ba siya uli sa ospital?” nag-aalalang tanong ni King nang makaupo sila. Pumuwesto ito sa inupuan din ni Don Lorenzo kanina.
“Pina-checkup na namin siya kanina. Pero ang sabi ng doctor, wala naman daw kinalaman sa sakit niya. Normal na trangkaso lang daw. Kaya may ubo’t sipon.”
Tila nakahinga nang maluwag si King. “’Buti naman kung gano’n. Nakakaawa naman si Cindy, palaging may sakit.” Tumitig ito sa kaniya na puno ng sinseridad ang mukha. “Basta ‘pag kailangan mo ng tulong, huwag kang mahiyang magsabi sa’kin, kamahalan, ha? Tutulong ako sa abot ng makakaya ko. Basta para sa’yo at sa pamilya mo.”
Hindi agad siya nakapagsalita. Ngayon lang talaga siya nakatagpo ng lalaking hindi naman nila kaano-ano pero sobra-sobra ang concern sa kaniya at sa pamilya ni Queenie.
“Maraming salamat, King.” She smiled at him genuinely.
“Sus, wala ‘yon! Basta para sa kamahalan ko, walang problema.” Bahagya itong dumukwang at inabot ang kaniyang pisngi upang pisilin. “Siya nga pala, may ibibigay ako…” Akmang may dudukutin si King mula sa likuran nito nang mapasulyap ito sa mamahaling bulaklak at mga chocolate na nasa tabi lang pala ni Queenie. “Wow! Ang ganda ng mga bulaklak, ah. May imported chocolates pa,” puna nito.
Dahil ayaw naman niyang magsinungaling kaya sinabi na ni Queenie ang totoo. “D-dala ni Don Lorenzo.”
Kitang-kita niya ang unti-unting paglaho ng ngiti sa mga labi nito. “I-ikaw pala ang dinalaw niya rito? Sabi na nga ba, eh…”
“Nagpaalam nga na manliligaw daw.”
Biglang sumeryoso at dumilim ang anyo ni King. “Ano ang sabi mo?”
“Siyempre, hindi ako papayag, ‘no? Sa tanda niyang ‘yon!” tila diring-diri na bulalas ni Queenie. “Parang anak na niya ako, eh. Hindi ba siya kinikilabutan?”
Ipinilig ng binata ang ulo na para bang natuwa sa narinig. “Eh, bakit sa’kin, nagpapaligaw ka?”
Her heart skipped a beat.
Bakit nga kaya kapag kay King, nagpapaligaw siya? Eh, hindi rin naman pasado sa standard niya ang estado nito sa buhay kahit mabuting tao. Katulad din ni Don Lorenzo na kahit mayaman, bagsak naman sa edad at pag-uugali.
Hindi mo pa ba aaminin sa sarili mo, Queenie? Na may gusto ka na rin kay King kaya okay na okay sa’yo kung siya ang manligaw?
“Bakit? Ayaw mo?” pagsusungit niya rito nang wala siyang mahagilap na sagot.
“Siyempre, gusto!” maagap na sagot ni King at hindi inaalis ang tingin sa kaniya. “Gustong-gusto kita.”
Pinamulahan na naman ng mukha ang dalaga. Pero hindi naman niya mapigilan ang sarili na pagmasdan ang guwapong mukha ng binata. Sa huli ay siya rin ang unang nagbawi ng tingin dahil hindi niya nakayanan ang nakakatunaw na mga titig ni King. “Okay lang ba sa’yo kung doon na lang tayo sa tindahan? Wala kasing katulong sa pagtitinda si Mamang.”
“Oo naman! Tutulong na rin ako sa pagbabantay. Tutal, wala naman akong pasok ngayon dahil Holiday.”
“Ako rin wala. Sayang nga ang double pay, eh. Nagkataon pa talaga sa rest day ko.”
Nakangiti na tumayo si King. “Huwag ka nang manghinayang. Nakita mo naman ako, eh. Hindi na lugi ang araw mo.”
“Yabang!”
Nagkatawanan silang dalawa.
“Huwag mo na nga pala patagalin dito sa loob ng bahay n’yo ang mga bulaklak,” kapagkuwan ay komento ng binata habang nakatingin sa mga dala ni Don Lorenzo kanina. “Hindi maganda sa ilong ang amoy. Masiyadong mabango. Baka lalong magkasakit si Cindy. At ‘yang mga chocolates. Masiyadong matamis ang ganiyang brand. Masisira pa ang mga ngipin n’yo niyan.”
“Sabi ko nga. Hayaan mo na. Itatapon ko ang mga iyan pag-alis ni Papang mamaya. Ayaw kasi no’n na nagsasayang ng pagkain,” katuwiran niya. Hindi na lang niya sinabi na pabor lang talaga kay Don Lorenzo ang ama niya kaya posibleng magalit ito sa balak niyang gawin sa mga bulaklak at chocolates.
Pinauna na niya labas si King at sinilip muna niya si Cindy sa kuwarto nito. Tulog na tulog pa ang kapatid niya. Ganoon din ang kaniyang Papa kaya isinara na lang ni Queenie ang bahay nang lumabas siya.
Dahil nakatalikod sa kaniya si King habang naghihintay sa kaniya kaya napansin niya ang isang tangkay ng rosas na nakaipit sa bulsa sa likod ng pantalon nito. Iyon ang madalas na dalhin ni King kapag umaakyat ito ng ligaw kay Queenie. At ibinibigay iyon ng binata pagkasalubong pa lang niya rito. Pero bakit kaya hindi pa iyon ibinibigay ni King sa kaniya?
KABALIGTARAN ng kaniyang ama, magiliw pa rin ang pakikitungo ng Mama ni Queenie kay King. Nahihiya pa nga ito sa kabaitan ng binata.
“Huwag na ho kayong mahiya, Aling Sylvia. Okay lang talaga na kami na muna ni Queenie ang magbabantay nitong tindahan n’yo habang nagluluto kayo ng hapunan. Hindi ko ho pababayaan ang anak n’yo.”
Napangiti ang kaniyang ina. “Maraming salamat, King. Napakabait mo talagang bata. Bilis-bilisan mo na at nang mapakasalan mo na itong anak ko bago ka pa maunahan ng iba.”
“Mang!” namumula na bulalas ni Queenie. Hiyang-hiya siya sa pag-uusap ng dalawa na para bang invisible siya. Tapos walang preno pa kung bumanat ang Mama niya. “Hindi ko pa nga ho nobyo si King, eh. Asawa agad?”
“Aba’y sagutin mo na! Ano pa ba ang hinahanap mo diyan kay King, anak?” Bahagya pa siyang pinalo ng kaniyang ina. “Guwapo na, mabait pa. At higit sa lahat, magalang at masipag! Baka sa kakahintay mo, mapunta ka pa sa mayaman nga pero parang lolo mo na,” makahulugang dagdag pa nito.
Hindi man sinabi ng Mama niya pero alam ni Queenie na si Don Lorenzo ang tinutukoy nito. Halata na hindi ito boto sa matandang haciendero, hindi tulad ng Papa niya. Kaya ba atat na rin ito na sagutin niya si King?
“Pasensiya ka na kay Mamang, ha? May taglay na kadaldalan ‘yon kung minsan, eh,” nahihiya na paliwanag niya kay King nang maiwan silang dalawa. “Kaya nga may pinagmanahan si Cindy, eh.”
Bumaba ang tingin ng binata sa kaniya. Nakatayo kasi ito habang nakaupo naman si Queenie. Bahagya pa itong ngumiti. “Okay lang ‘yon. Para namang hindi ako sanay sa pamilya mo.”
“Kahit si Papang, pagsensiyahan mo na rin kung nasusungitan ka niya minsan. Problemado lang talaga iyon sa kalagayan ni Cindy.”
At hayon na naman ang pambihirang ngiti ni King na parang nakakatunaw talaga ng puso. “Ikaw ang dapat na umunawa sa Papang mo. Ako, naiintindihan ko siya na kailangan niyang maging strikto sa manliligaw ng anak niya. Kumbaga, kasama talaga ‘yon sa pagsubok ng isang manliligaw. ‘Ika nga, walang challenge kung walang kokontra,” pabirong saad nito.
“Ah, gano’n! So, gusto mo ng challenge?” Inilapit ni Queenie ang mukha niya kay King para hamunin ito. At huli na nang mapagtanto niya na hindi niya iyon dapat na ginawa.
Dahil nang dumukwang ang binata, nagkalapit ang kanilang mga labi. Hindi pa ito nakuntento. Lumuhod pa ito sa harapan niya at itinukod ang dalawang kamay sa sinasandalan niyang dingding. Sa sobrang lapit nila sa isa’t isa ay nasasamyo na ni Queenie ang mabangong hininga ni King. Pakiramdam niya nagulo ang kaniyang sistema.
“Anong challenge ba ang gusto mo?” tanong nito sa medyo paos na boses habang naglalakbay ang mga mata sa kaniyang mukha. Napalunok si Queenie nang huminto ang mga mata nito sa kaniyang mga labi. “Pahabaan ng hininga?”
“Ha?”
Imbes na sagutin siya, lalo pang inilapit ni King ang mukha nito sa kaniya. At kaunting galaw na lang ay lalapat na sa mga labi niya ang mga labi nito. “Kapag nanalo ka, puwede mo na akong bastedin. Pero kapag ako naman ang nanalo, simula sa araw na ito, girlfriend na kita. Pero huwag kang mag-alala. Kapag hindi mo nagustuhan ang challenge ko, puwede kang umayaw. Kagatin mo lang ang lips ko tapos sampalin mo ako. Pero kapag hindi mo iyon ginawa sa loob ng isang minuto, panalo na ako.”
Hindi pa rin maintindihan ni Queenie ang challenge na tinutukoy ni King. “Anong—”
Awtomatikong naputol na ang pagsasalita ng dalaga dahil bigla na lang nitong kinabig ang batok niya at walang kaabog-abog na sinakop ang mga labi niya.