PASIMPLENG INAYOS ni Queenie ang kaniyang buhok kahit hindi naman iyon magulo nang matanaw niya si King na naghihintay sa labas ng grocery store na pinagtatrabahuan niya. Nakasandal ito sa nakaparadang motorsiklo habang nakasuksok ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng faded pants nito.
Napangiti naman agad ito nang makita siya. Pagkatapos ay saka ito tumawid sa kalsada para sunduin siya. “Hello, kamahalan.” Pabiro pa na yumukod ito nang tumigil sa harapan niya.
Natawa na lang si Queenie. Kahit papaano ay sanay na siya kapag umaakto ito nang ganoon at kapag tinatawag siya na ‘kamahalan’. May isang buwan na rin simula nang payagan niya ito sa pormal na panliligaw sa kaniya.
“Kanina ka pa ba?” imbes ay tanong ng dalaga. “Sorry kung medyo na-late ako ng out. M-in-eeting pa kasi ng supervisor namin, eh.”
“Sus, wala ‘yon! Alam mo naman na basta pagdating sa’yo, kahit buong buhay pa akong maghintay.”
Ngumiti lang si Queenie, sabay sulyap sa motorsiklo na sinandalan ni King kanina. “Bakit parang ibang motor na ang dala mo?”
“Hindi naman iyon akin. Nakisandal lang ako.” Napakamot ito sa ulo. “Pasensiya ka na kung kailangan nating mag-commute. Nasira kasi ang motor na hinihiram ko sa ka-trabaho ko. Pinaayos muna niya.”
“Okay lang ‘yon. Sanay naman akong mag-jeep, eh.”
“Mas mabilis kasi sana kung magmo-motor tayo. Ayaw kong abutan tayo ng gabi. Nangako kasi ako sa Mamang at Papang mo na iuuwi kita nang maaga.”
Napatingin si Queenie sa suot na relo. “Mag-aala una pa lang naman. Mga isang oras lang naman ang biyahe papuntang city.”
Ipinaalam siya ni King sa mga magulang niya kahapon na magpapasama raw ito sa city para bumili ng bagong cellphone. Nasira na raw kasi ang cellphone nito. At baka raw maligaw dahil hindi pa nito kabisado ang siyudad. May mga tindang cellphone naman sa bayan nila pero hindi iyong kasing ganda ng kalidad ng mga cellphone na talagng nabibili sa mga mall.
“Sige. Huwag na lang tayo magpaabot ng gabi. Baka kasi lalong ma-bad trip sa akin si Mang Dodoy, eh. Mamaya niyan, hindi ka na payagang sumama sa akin sa susunod. O baka hindi na niya ako payagan na ligawan ka,” nag-aalalang saad ni King.
Pero hindi nakaimik si Queenie. Ang totoo niyan, siya ang nahihiya sa biglang pagbabago ng pakikitungo ng Papa niya kay King. Simula nang magpalaam ang binata na liligawan siya nang pormal, pati sa pamilya niya, nagsimula nang lumamig ang pakikitungo rito ng kaniyang ama. Ang daming bawal pagdating kay King. Limitado lang din ang oras na puwedeng ilagi ng binata sa bahay nila. Hindi katulad noon na kulang na lang ay ipagtulakan siya rito ng Papa niya.
Sa tuwing sinusubukan ni Queenie na tanungin ang kaniyang ama sa problema nito kay King ay hindi naman ito sumasagot. Kahit ang Mama niya at si Cindy ay napansin din iyon. Bukod doon, malaki rin ang ipinagbago ng Papa niya. Palagi na itong umaalis ng bahay pero hindi naman sa bukid pumupunta. In fact, namatay na nga ang mga pananim nila dahil nalanta na at hindi na naalagaan. Ang sabi ng ama niya sa Mama niya, may trabaho na raw ito sa bayan na mas malaki ang sahod. Pero hindi naman nila iyon naramdaman. Sa loob ng isang buwan, isang beses pa lang yata nakapagbigay ng pera sa Mama niya. Tapos palagi ng gabi at lasing pa kapag umuuwi. Bagaman at hindi naman ito nagwawala o kahit nagagalit sa kanila. Nakakapanibago lang ang pagiging seryoso ng Papa niya samantalang masayahin at kalog naman ito dati.
Kahit ang ina nina Queenie ay wala rin daw ideya sa biglaang pagbabago ng asawa. Wala naman daw nababanggit na problema ang kanilang ama. Pero palagi nitong sinasabi na intindihin na lang daw nila dahil baka nag-a-adjust pa lang sa trabaho at baka palaging pagod.
Pero kung si Queenie ang tatanungin, duda siya na masamang impluwensiya si Don Lorenzo sa Papa niya. Napapadalas na kasi ang pagdalaw ng don sa kanila at sinasama kung saan-saan ang ama niya at nawawalan na ng oras sa kanila.
Nami-miss na tuloy niya ang masayang bonding nila noong mag-anak kapag pareho silang walang trabaho ng Papa niya at nasa bahay lang.
“Pero huwag mo sanang isipin na nagtatampo ako sa Papang mo, ha?” untag sa kaniya ni King. “Dahil naiintindihan ko kung bakit ka niya hinihigpitan. Siyempre, tatay ‘yon, eh at babae ang anak niya. Dapat lang talaga na maging istrikto siya. May mga lalaki kasi na mapagsamantala.”
Napalitan ng ngiti ang kanina’y lungkot sa mukha ni Queenie nang marinig ang tinuran ng bata. “Maraming salamat sa pag-unawa kay Papang, ha? Kahit alam naman natin na hindi ka katulad ng mga lalaking sinasabi mo na mapagsamantala.”
“Talaga? Gano’n ang tingin mo sa’kin?” Nangislap sa tuwa ang mga mata nito. “Kung gano’n, bakit hindi mo pa ako sinasagot?” dagdag pa nito sa tonong nagbibiro.
“Sira! Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Pero hindi ibig sabihin niyon na sasagutin na kita.”
Napakamot ito sa ulo. “Ikaw naman, hindi na mabiro. Siyempre, kaya kitang hintayin kung kailan ka magiging handa, ‘no? Hindi naman parang ‘rush ID’ lang ang panliligaw ko sa’yo, eh.” At saka ito ngumiti nang walang kasing guwapo.
“Tara na? Baka maiwan tayo ng jeep. May oras ang biyahe sa paradahan,” kapagkuwan ay yakag niya kay King. “Dapat nakasakay na tayo bago mag-one-thirty.”
“Oo nga. Tara na bago pa man magbago ang isip mo.” Kinuha nito sa kaniya ang shoulder bag niya at isinukbit iyon sa balikat.
Lihim namang napangiti ang dalaga. Kahit ang pagbitbit ni King sa bag niya kapag magkasama silang dalawa ay nakasanayan na rin niya. Naaaliw na nga lang siya dahil hindi man lang ito nag-aalala na baka mabawasan ang kakisigang taglay dahil sa pagdadala ng bag niya.
Dahil hindi naman ganoon kalayo ang paradahan ng jeep kaya naglakad na lang ang dalawa. Todo-alalay naman sa kaniya si King. Iginigilid siya nito kapag may dumadaan na sasakyan sa tabi nila. Pero mas madalas itong humawak sa siko niya para alalayan si Queenie.
NANG makarating sila sa sakayan ng jeep ay eksaktong dalawang pasahero na lang ang kulang at lalarga na. Pinauna siya ni King sa pag-akyat. Pagkaupo niya ay saka lang ito umupo sa tabi niya. Ipinatong muna nito ang jacket sa ibabaw ng mga hita niya dahil naka-mini skirt siya. Dahil siksikan na kaya ipinatong na lang nito ang isang kamay sa likod ng sinasandalan ni Queenie.
Ang lakas-lakas ng t***k ng puso niya nang maramdaman niya na parang nakaakbay na ito sa kaniya. Nanunuot din sa ilong niya ang pabango nito na parang nakakakiliti na ewan.
“Okay ka lang ba? Hindi ka ba naiipit diyan?” usisa sa kaniya ni King nang mapansing hindi na nga siya kumikibo, hindi pa siya gumagalaw.
“O-okay lang ako. Ikaw?” baling niya rito.
Ngumisi ang binata. “Ikaw ang katabi ko, kamahalan. Paano ako magiging hindi okay?”
“Hmmp!” kunwa’y irap niya rito. “Ang dami mo talagang alam.”
“Magkano nga pala ang pamasahe?” tanong nito kapagkuwan.
Sinabi naman ng dalaga kung magkano. “Akin na iyang bag ko. Ako na ang magbabayad ng akin. Bagong sahod naman ako ngayon, eh.” Sigurado kasi lalong hindi ito papayag kung pati ang pamasahe nito ay babayaran din niya.
Mataman siyang pinagmasdan ni King, “Kamahalan, una sa lahat, ako ang nagyaya ng date na ito. Kaya dapat lang na sagot ko lahat. Pangalawa, kahit saang anggulo man, ang pangit sa feeling naming mga lalaki kung hinahayaan pa namin na gumastos ang bawat nakaka-date namin,” mariing katuwiran ng binata.
Sa isip ni Queenie ay natilihan siya. Ano raw? Date nila ito? Pero akala ba niya, sasamahan lang niya ito na bumili ng cellphone?
Parang gano’na na rin ‘yon, oy! Nagliligawan kayo at dalawa lang kayong mamasyal. Hindi ba ‘date’ na rin ang tawag do’n? sansala naman ng isipan niya.
Kinabahan tuloy siya!
At hindi niya alam kung tama pa ba itong desisyon niya na sumama rito. Gusto sana niyang itanong kung uuwi rin ba sila agad pagkabili nila ng cellhphone. Pero nahihiya naman siya at baka isipin na napipilitan lang siya na sumama. Samantalang si King, humingi man siya ng tulong o hindi, tumutulong ito nang walang kapalit. Iyon na nga lang ang pabor na maibibigay niya sa binata. Ang samahan ito sa lugar na hindi nito kabisado.
Pagkatapos maningil ng konduktor ay lumarga na ang jeep na sinasakyan nila ni King. Wala na silang kibuan at parehong nalibang nang magpatugtog ang driver. Tamang-tama naman na ang paboritong kanta ni Queenie ng isinalang.
‘Pagkat saan ka man naroroon.
Pintig ng puso ko’y para sa’yo.
Naghihirap man ang aking damdamin.
Nagmamahal pa rin sa’yo, giliw…
“Gusto mo bang matulog muna? Isasandal na lang kita sa dibdib ko,” kapagkuwan ay bulong ni King sa likod ng tainga niya para marinig ito dahil sa lakas ng tugtog.
Pakiramdam ni Queenie ay nabulabog na naman ang buong sistema niya nang malakass na t***k ng kaniyang puso. At iyon ay dahil sa mainit na hininga ni King na humaplos sa balat niya.
Umiling siya. “H-hindi naman ako inaantok. Ikaw na lang kaya? Baka kasi inaantok ka at pagod. Galing ka pang trabaho, ‘di ba?”
Umiling din ito. “Para namang makakatulog ako habang nade-destruct.”
Hindi niya napigilan ang mapakunot-noo. Saan ito nade-destruct? Sa malakas na tugtog?
Mayamaya ay natigilan si Queenie nang makita niya ang katapat nilang magkapareha na naghalikan. Na para bang walang ibang tao sa paligid. Tumingin siya kay King para alamin kung nakita rin ba nito ang nakita niya, para lang magulat dahil nahuli niya ito na nakatitig sa kaniya.
Hindi niya alam kung bakit bigla itong natawa. Dahil ba sa reaksiyon niya na parang na-eskandalo. “Hulaan ko, hindi ka pa nagkaka-first kiss, ‘no?” bulong nito sa kaniya.
“Alam mo namang NBSB ako, ‘di ba? In short, hindi pa nagkaka-boyfriend,” pabulong din na depensa ni Queenie. “First kiss pa kaya?”
“Hindi ka pa nga marunong?” Tumawa uli ito na para bang aliw na aliw sa kaniya.
“Parang timang talaga ‘to.” Gusto na niya itong kutusan dahil parang naiinsulto siya sa tawa nito bagaman at alam naman niya na hindi iyon ang intensiyon ni King. Gusto lang talaga siyang asarin. “Isang tawa pa at kukurutin na kita diyan.”
Idinikit nito uli ang bibig sa tainga ng dalaga at saka bumulong. “Gusto mo bang turuan kita?”
Hindi niya maintindihan kung bakit pakiramdam niya ay bigla siyang uhaw nang mapasulyap siya sa mga labi nito. Bakit parang uminit bigla ang katawan niya?
“Hindi puwede!” Napalakas ang sagot ni Queenie kaya napatingin sa kaniya ang ibang pasahero na nakarinig, saka lang niya hininaang muli ang boses. “Dahil ibibigay ko lang sa first boyfriend ko ang first kiss ko.”
“Ikaw ang bahala, kamahalan.” King handsomely shrugged while staring at her. “Sabagay, hindi ka naman mahihirapan kapag ako ang naging first kiss mo.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Siguradong-sigurado ka talaga, ‘no?”
“Ako pa?” paninigurado nito sa kaniya at sinundan pa ng kindat.
SA isang kilalang mall agad dinala ni Queenie si King. Gusto raw kasi nito ng matibay na cellphone para pang-matagalan. Pinagbuksan pa siya nito ng pinto nang pumasok sila. Pati sa escalator ay nakaalalay din ito sa kaniya. Tumayo pa talaga sa likuran niya para hindi siya makitaan dahil sa iksi ng skirt niya. Pati ang jacket nito ay suot-suot din ni Queenie dahil isinuot iyon sa kaniya ni King nang bumaba sila ng jeep kanina.
“Kumain kaya muna tayo?” suhestiyon nito nang makarating sila sa second floor. “Hindi ka pa nagme-merienda simula nang lumabas ka sa trabaho, eh.”
“Busog pa naman ako.”
“Puwes ako, hindi. Nag-iiba na nga ang paningin ko sa’yo, eh. Baka ikaw ang makain ko.”
Naguguluhan na tumingin siya rito. “H-ha?”
“Wala!” Tatawa-tawa lang na hinawakan siya nito sa siko. “Saan mo pala gustong kumain?”
Wala rin naman itong balak magpatalo kaya pumayag na si Queenie na kumain kahit totoong busog pa naman talaga siya dahil nparami ang kain niya kaninang lunch. “Sa fast food na lang tayo para mas mura. Meron ding food court dito pero sa ground floor pa ‘yon, eh. Bababa na naman tayo.”
“Sige. Sa fast food na lang.”
“IYAN lang ang kakainin mo?” Nagprotesta ang tingin ni King nang marinig ang in-order ni Queenie. Isang cheese burger at French fries lang tapos softdrinks. “Hindi ka naman mabubusog diyan.”
“Busog pa nga kasi talaga ako. Promise,” giit niya. Siya naman ay nagtaka dahil bukod sa isang super meal, may in-order din ito na isang bucket ng fried chicken. Akala niya ay pasalubong iyon ni King sa mga ka-trabaho nito. “Pero o-order na rin ako ng para kina Mamang. Nagpapabili kasi ng pasalubong si Cindy. Mahiig din iyon sa fries at fried chicken.”
“Huwag ka nang bumili. Para nga sa kanila ang isang bucket na binili ko, eh. May kasama na rin iyong cheese burger at fries.”
Kinunutan niya ito ng noo. “Naku, huwag na. Baka maubos ang pera mo. Bibili ka pa ng cellphone, ‘di ba? May pambili naman ako kasi bagong sahod ako, ‘di ba?”
Sobrang nahihiya na talaga siya kay King. Promise! Palagi na lang kasi itong may dalang pasalubong sa pamilya niya kapag dumadalaw sa kanila. At para na nga silang nagkaroon ng instant boy dahil lahat ng mga kailangang ayusin at gawin sa bahay nila na hindi na maharap ng Papa niya ay ito na ang gumagawa. Ang tigas pa naman ng ulo ng taong ito! Hindi talaga mapipigilan. Katulad na lang noong nakaraang araw. Natuklap ang bubong nila at si King din ang nagkabit ng yero kahit pagod na ito sa trabaho. Hindi na nga sinabi ni Queenie pero napansin pa rin iyon ng binata nang dumalaw ito sa kaniya.
Pinindot ni King ang tungki ng ilong niya. “Ikaw talaga. Akala mo sa’kin palaging walang pera. Masinop naman ako at magaling mag-budget. Kaya huwag mo akong alalahanin. At saka isa pa, wala naman akong ibang binubuhay maliban sa sarili ko. Ikaw ang dapat na mag-ipon. Para sa pagpapagamot n’yo kay Cindy.”
“Anong walang ibang binubuhay? Eh, nagbibigay ka pa sa simbahan, ‘di ba?”
“Nagpaalam muna ako kay father na maliit lang muna ang ibibigay ko kasi may paglalaanan akong mahalaga,” seryoso ang mukha na imporma ni King.
Gusto sana niyang magtanong kung ano ba iyong pinaglalaanan nito pero nakakahiya naman at baka isipin pa nito na tsismosa siya. “Malaki o maliit man, ang importante, nakakatulong ka sa kapwa mo. Kaya nga natutuwa ako sa’yo, eh.”
“Natutuwa lang, hindi nai-in love?” banat na naman nito habang nakasunod sa kaniya papunta sa bakanteng lamesa na nasa dulo ng fast na iyon.
Iiling-iling na lang si Queenie pero dahil nakatalikod siya kay King kaya malaya niyang pinakawalan ang ngiti sa kaniyang mga labi. Nang makaupo sila ay saka lang niya napansin na ang dami pala ng in-order nitong pagkain.
“Ang sabi ko, cheese burger at French fries lang ang kakainin ko,” reklamo niya nang ilagay ni King sa harapan niya ang isang set ng fried chicken at kanin at saka ito umupo sa katapat na upuan niya. “Hindi ko iyan mauubos lahat kasi busog pa talaga ako.”
“Hayaan mo na. Ibigay mo na lang sa’kin kapag ayaw mo na at ako ang uubos,” wika nito. “Ngayon nga lang ako magbi-birthday nang may kasama, eh. Tapos special pa kasi ikaw ang kasama ko.”
Nanlaki ang mga mata ni Queenie. “Birthday mo? As in ngayon talaga?”
Tumango ito. “Opo, kamahalan. Twenty-seven na ako ngayon.”
Nakagat niya ang ibabang labi, at saka bumati. “Happy birthday sa’yo. Bakit ngayon mo lang sinabi? Kanina pa tayo magkasama, ah.”
“Sanay naman na kasi ako na nagbi-birthday nang mag-isa at walang bumabati. Kahit mga ka-trabaho ko, hindi rin nila alam. Kapag nalaman nila, eh ‘di saka ko sila ililibre. Pero hindi alak kundi pagkain. Ayaw ko rin na nagiging manginginom ang mga iyon. Ako ang nanghihinayang sa pera nila na isang linggong pinaghirapan tapos sa alak at yosi lang mapupunta,” seryosong komento ni King. “Imbes na sa pagkain sana ng pamilya nila. “Kaya ang wish ko ngayong birthday ko, sana malugi na ang mga nagtitinda ng mga gano’ng produkto. Masama man pakinggan pero mas masama ang naidudulot niyon sa mga tao.”
Hindi nakapagsalita si Queenie. Hands down talaga siya sa pagiging compassionate ni King. Iyong mas uunahin pang isipin ang kapakanan ng nakakarami kaysa sa sarili.
“Eh, ano naman ang wish mo para sa sarili mo?” hindi napigilang tanong niya. Kasi kung wala itong mawi-wish para sa sarili, si Queenie na lang ang gagawa. After all, deserve iyon ng kasing bait ni King.
“Sigurado ka ba na gusto mong malaman kung ano ang birthday wish ko ngayong araw?” nangingiting tanong nito at hindi inaalis ang tingin sa mukha niya.
Inosenteng tumango si Queenie. “Ano nga ba?”
Lalo lang tumiim ang titig ni King sa kaniya at napuno ng kaseryosohan ang mukha. “Ikaw.”