Natulala si Maro sa sinabi ni Neo. Mas lalong bumilis ang t***k ng kanyang puso. Hindi niya maitatanggi na sumaya ang pakiramdam niya sa sinabi nito. Para na namang may paro-parong lumilipad sa loob ng kanyang tiyan.
“Ikaw na lang kasi ang madalas na nagluluto at ako ang nakakatikim ng luto mo kaya siguro oras naman para matuto ako mula sayo at maipagluto rin kita bilang ganti,” sabi ni Neo.
‘Bakit ang cute mo, Neo?’ tanong ni Maro sa isipan.
Bumalik sa sarili si Maro. Napangiti ito ng tipid.
“Hindi mo naman ako kailangang ipagluto. Saka natutuwa nga ako kasi naipagluluto kita at nagugustuhan mo iyon,” sabi ni Maro.
“Pero gusto kong matuto at ipagluto ka,” sabi ni Neo. Prito na nga lang minsan ang niluluto niya ay nagiging palpak pa.
“Okay, panoorin mo na lang ako kung paano magluto nitong sinigang,” sabi ni Maro.
“‘Yun lang? Hindi ba kita pwedeng tulungan?” tanong ni Neo. “Ano pa bang gagawin? Sabihin mo sa akin,” sabi pa nito saka tumayo sa kinauupuan.
Napangiti si Maro.
“Okay, okay,” sabi nito. “Teka lang,” sabi pa nito.
Binitawan ni Maro ang hawak niyang kutsilyo at tinalikuran muna si Neo at lumapit sa kitchen sink. Kumuha ng isa pang sangkalan, isang kutsilyo at mga lalagyanan.
Dinala ni Maro ang lahat ng iyon sa mesa at pinatong sa harapan ni Neo. Nilapit rin niya kay Neo ang mga iba pang rekados na hindi pa nahihiwa.
“Ito at hiwain natin ang mga ito,” sabi ni Maro.
Napatango-tango si Neo. Hinawakan nito ang kutsilyo.
“Teka lang at tapusin ko lang itong paghihiwa sa isda,” sabi ni Maro.
“Okay,” sagot ni Neo at pinanuod si Maro na hiniwa ulit ang mga isda hanggang sa matapos.
“Gayahin mo ang paghihiwa ko,” sabi ni Maro.
Napatango-tango si Neo.
Nag-umpisang turuan ni Maro si Neo ng mga basic skills sa pagluluto kagaya ng paghihiwa. Habang ginagawa nila iyon ay nagkwekwentuhan at nagtatawanan pa sila.
“Ayan at madali ka lang palang matuto,” natutuwang sabi ni Maro nang tingnan ang hiniwa ni Neo.
“Okay ba?” tanong ni Neo at ipinakita ang hiniwa niyang sibuyas.
Napatango-tango si Maro.
Nagpatuloy sa pagtuturo si Maro na sinasabayan naman ni Neo. Natutuwa si Maro dahil nakikita niyang desidido si Neo na matuto mula sa kanya.
‘Kung natuturuan lang din sana na umibig ang tao, tinuruan ko na si Neo na ibigin ako,’ sa isip-isip ni Maro. Napangiti na lamang siya.
“Ito? Okay lang?” tanong ni Neo at ipinakita ang hiniwa niyang luya.
“Oo, okay ‘yan,” sabi ni Maro saka ngumiti.
Tuloy ang paghihiwa ng dalawa, Panaka-nakang tinitingnan ni Maro si Neo at ang ginagawa nito, hanggang sa…
“Sh*t!!!” napamura sa sakit si Maro nang mahiwa siya bigla ng kutsilyo na ikinalaki naman ng mga mata ni Neo.
“Hala!!!” nag-alala naman bigla si Neo. Kaagad niyang binitawan ang hawak na kutsilyo at kinuha ang kamay ni Maro na napatingin naman sa kanya.
Sinipat ni Neo ng tingin ang daliri ni Maro na nahiwa.
“Malalim. Tsk!” sabi ni Neo habang nakatingin sa dumudugong sugat ni Maro.
Si Maro naman, natulala sa ginawang gesture ni Neo. Natutuwa siya sa pag-aalala nito at paghawak nito sa kanyang kamay. Parang biglang nawala ‘yung hapdi ng sugat.
“Tara at hugasan muna natin saka gamutin,” sabi ni Neo.
Dinala ni Neo si Maro sa lababo, binuksan ang gripo at tinapat doon ang daliri na may sugat.
Napapangiwi si Maro sa hapdi ng tubig na bumubuhos sa kanyang sugat.
Napatingin si Neo kay Maro.
“Kailangan malinis itong sugat para hindi maimpeksyon,” sabi ni Neo. “Hindi ka kasi nag-iingat,” sermon pa nito.
Nakatingin si Maro kay Neo. Mahapdi man ang sugat ngunit hindi niya maitatanggi ang saya sa nararamdaman niya.
Tiniis ni Maro ang hapdi lalo na nung sabunin ito ni Neo. Tatanggi pa sana siya ngunit baka magalit naman sa kanya si Neo lalo na at bukod sa pag-aalala ay nakikita rin niyang seryoso ito.
Matapos sabunin at banlawan ni Neo ang sugat ni Maro ay pinatay na niya ang gripo. Kumuha siya ng paper towel at siya ang nagpunas sa basang kamay ni Maro.
“Maupo ka na muna at kukunin ko ‘yung first aid kit,” paalam ni Neo.
Napatango-tango na lamang si Maro. Naupo na muna ito.
Iniwan muna sandali ni Neo si Maro at pumunta sa medicine cabinet kung saan nakapatong doon ang lalagyanan ng first aid kit. Kinuha niya iyon at binalikan si Maro.
“Akin na ang kanang kamay mo,” utos ni Neo.
Napatango-tango na lamang si Maro. Inabot niya kay Neo ang kamay.
Hinawakan iyon ni Neo. Muling sinipat nang tingin ang sugat.
“Gusto mo bang lagyan ko ng alcohol?” tanong ni Neo nang tingnan niya si Maro.
“Huwag na siguro dahil siguradong sobrang mahapdi nun,” pagtanggi ni Maro.
Napatango-tango si Neo. Umiwas nang tingin kay Maro.
Bahagyang nagulat na lamang si Maro nang ilapit ni Neo ang mukha nito sa kanyang kamay pagkatapos ay naramdaman niya ang pag-ihip ng hininga sa sugat niya. Kahit papaano ay nabawasan iyong hapdi dahil nahanginan ng mainit-init na hininga ni Neo.
“Mahapdi pa ba?” tanong ni Neo ng tingnan si Maro.
“Konti,” sagot ni Maro.
Napatango-tango si Neo. Inilayo nito ang mukha sa kamay ni Maro saka binuksan ang first aid kit na ipinatong niya sa mesa. Sandali niyang binitawan ang kamay ni Maro at kumuha ng bulak ang betadine at nilagyan ang sugat ni Maro.
Napapangiwi ng kaunti si Maro sa hapdi.
Sinara ni Neo ang botelya ng betadine at nilapag niya sa mesa ang bulak na ginamit. Kumuha naman siya ng band aid. Pumili ng design dahil iyong mga available sa first aid kit na band aid ay mga pambata dahil may mga cartoon characters pa.
Si Spongebob ang napili ni Neo. Tinanggalan niya iyon ng balot at takip ang dikitan nito saka muling kinuha ang kamay ni Maro at pinatong sa mesa pagkatapos ay inilagay na niya ang band aid sa sugat nito.
Nakatingin lamang si Maro sa lahat ng ginawa ni Neo. Napangiti pa siya sa nakitang itsura ng band aid na nilagay ni Neo.