CHAPTER 1
2020
“Hindi muna ako makakauwi Kuya. Marami pa kasi akong dapat na tapusing bidding dito sa opisina. Ikaw na munang bahala kay Neo.”
Napabuntong-hininga si Maro sa nabasang text message mula sa kapatid na si Mika. Ilang araw na itong abala sa trabaho. Madalas ay late na ito kung umuwi pero minsan ay hindi na talaga umuuwi pa. Palibhasa, sagot ng kumpanyang pinapasukan nito ang dorm ng mga empleyado para kung sakaling hindi makauwi sa sariling bahay ay may tutulugan pa rin ang mga ito.
Maganda ang trabaho ni Mika dahil civil engineering graduate ito. Matapos ang pag-aaral at makapasa sa licensure examination ay kaagad na nakahanap ng trabaho.
Hindi kagaya ni Maro na hanggang sa ikalawang taon lang ng kolehiyo ang natapos kaya paiba-iba rin siya ng trabahong pinapasukan at hindi din kalakihan ang sahod.
Pinatay ni Maro ang ilaw ng smart phone na hawak niya. Tiningnan ang paligid ng kwarto kung nasaan siya ngayon.
Sa tulong ng liwanag na nanggagaling sa sinag ng buwan mula sa labas at tumatagos sa bintana ay kahit papaano’y nakikita pa rin ni Maro ang madilim na paligid ng kwarto.
Natulala si Maro. Hindi niya tuloy maiwasang mag-isip at mainggit na rin sa kapatid. Bukod sa maganda at mas matalino ay may maganda itong trabaho na may magandang sweldo habang siya, sa edad na 27 ay kahit ipong pera sa alkansya ay wala siya hindi kagaya ni Mika na sa edad na 24 sa kasalukuyan, sigurado siyang kaya na nitong bumili ng bahay at lupa kahit maliit lang ang sukat.
Sa ganung ayos ni Maro ay pumasok naman sa loob ng kwarto si Neo. Bagong paligo ito. Pinupunasan nang hawak nitong maliit na bimpo ang basang buhok. Twalya lamang ang tanging saplot sa katawan na bumabalot sa bewang nito at tumatakip sa ibabang bahagi. Litaw ang magandang pangangatawan nito.
Napatingin si Neo kay Maro na nakaupo sa gilid ng kama. Nangunot ang noo nito dahil sa pagtataka. Tulala kasi si Maro.
Naglakad si Neo palapit kay Maro. Huminto ito sa tapat ng kama.
“Kuya Maro,” pagtawag ni Neo kay Maro.
Bumalik naman si Maro sa sarili at tiningnan si Neo. Hindi na naman niya mapigilang hangaan ito. Habang-buhay na nga yata niya iyong mararamdaman.
Kahit na sa dilim ay nagliliwanag pa rin si Neo sa kanyang paningin. Ang gwapo nitong mukha na kailanman ay nakaukit na sa kanyang utak. Ang maganda nitong pangangatawan na kailanman ay hindi niya pagsasawaang pagmasdan.
Ang lalaking kaharap ay ang lalaking noon pa niya minamahal.
“Bakit ka tulala diyan?” nagtatakang tanong ni Neo. Nakakunot ang noo nito.
Napangiti nang tipid si Maro.
“Nagtext sa akin si Mika na hindi raw siya makakauwi ngayon dahil may tinatapos pang trabaho sa opisina.”
Napatango-tango si Neo. Napansin ni Maro ang pagguhit ng lungkot sa gwapong mukha nito.
Sino ba naman kasing hindi malulungkot kung ang… asawa mo ay tila wala ng oras para sayo?
-------------------------------
Nilapag ng fast food crew na si Maro Delgado ang tray sa counter top para sa susunod niyang customer. Siya ang nakatoka ngayon sa counter.
“Good afternoon, welcome to Billie Joe...” hindi na naituloy ni Maro ang iba pa sana niyang sasabihin dahil sa nakita na nasa kanyang harapan ngayon.
February 18,2018, 4:15PM
Para sa iba, isa lamang ordinaryong araw at oras ito ngunit para kay Maro, ang sandaling ito ang pinaka-espesyal para sa kanya.
Dahil ito ang unang pagkakataon na nagtagpo ang kanilang mga mata ni Neo.
Hindi maiwasang matulala ni Maro. Nakatingin lamang siya sa mukha ni Neo na kunot ang noo dahil nagtataka sa kanya.
Tila tumigil ang oras at pag-ikot ng mundo. Nawala ang lahat sa paligid at tanging sila lamang dalawa ang natira.
Hindi itatanggi ni Maro, napakagwapo ni Neo sa kanyang paningin. Medium built ang pangangatawan at matangkad na sa kanyang tantya ay nasa 6 na talampakan. Makinis ang mestiso nitong balat mula ulo at marahil ay hanggang paa. Magandang pumorma at dalang-dala nito ang ayos.
Pero bukod sa itsura nito, hindi na alam ni Maro kung ano pang dahilan kung bakit ang bilis-bilis ng t***k ng kanyang puso at tila nakakain siya ng mga paro-paro na ngayon ay lumilipad sa loob ng kanyang tiyan.
Pero ang alam niya, si Neo lang ang unang nakagawa nito sa kanya.
“Excuse me,” pagkuha ni Neo sa atensyon ni Maro. Winagayway pa nito ang kanang kamay.
Bumalik sa sarili si Maro. Nag-aalangang napangiti ito at kumamot pa sa ulo.
Napangiti din si Neo, bagay na halos ikalaglag ng puso ni Maro dahil sa ganda ng ngiti nito. Para itong anghel na bumaba sa lupa at ningitian siya. Bagay na bagay sa maamo nitong mukha ang pagngiti nito.
“Oorder na ako,” sabi ni Neo.
“A-ah… o-oo… sige,” nauutal na sabi ni Maro. Hindi niya mapigilang mahiya kaya bumaba ang tingin niya.
Sa unang beses pa lamang na nakita ni Maro si Neo sa harapan ng counter niya, masasabi niyang minahal na niya ito kaagad. Hindi man kapani-paniwala para sa iba dahil hindi pa naman niya ito kilala ngunit iyon ang nararamdaman niya nung mga oras na iyon.
May karanasan man siya ngunit pagdating sa pagmamahal, si Neo lang ang kumuha hindi lang ng atensyon niya kundi pati na rin ng kanyang puso. Ang lalaking ito lamang ang siyang nagparanas sa kanya ng mga pakiramdam kung paano magmahal.
Alam niya iyon, dahil puso niya ang nakakaramdam.
----------------------------
Ang minsan makita ni Maro si Neo ay hindi na naulit pa. Hindi niya maiwasang malungkot nung mga panahong iyon.
Palagian siyang umaasa na muli itong makikita. Nag-aayos siya ng sarili para maging presentable sa paningin nito. Nagi-spray ng mamahaling pabangong panlalaki para maamoy nito at hindi siya makalimutan.
Ngunit ang lahat ng iyon ay nauuwi sa wala.
“Lagi ka na lang wala sa sarili. May problema ba?” nagtatakang tanong ni Giselle, ang katrabaho ni Maro at nakatoka ngayon sa counter na katabi ng counter niya.
Umiling-iling si Maro. Ngumiti ito ng tipid at umiwas nang tingin. Napabuntong-hininga siya. Kahit ang kanyang mga katrabaho ay napapansin na rin ang kanyang pagkabalisa.
Noong panahong iyon naramdaman ni Maro ang sakit na umasa. Kunsabagay, kasalanan rin naman niya dahil umaasa siya sa isang taong bukod sa hindi naman niya kilala, ay wala namang kasiguraduhan kung masusuklian ang nararamdaman niya para rito.
Ngunit magkagayunman ay patuloy pa rin na umuusbong ang damdamin niya para sa lalaking una niyang minahal.
-------------------------------------
“Kuya…” kaharap ngayon ni Maro ang kapatid na si Mika. Katabi naman ni Mika ang isang matangkad na lalaki.
Doon nakatingin si Maro na naalis din kaagad dahil tinawag siya ni Mika. Napansin niya pa ang pagkakahawak ng kamay ng mga ito.
“Kuya, siya pala si Neo. Ang asawa ko.”
Rumehistro ang matinding gulat sa mukha ni Maro dahil sa narinig. Nakakabinging katahimikan ang pumailanlang sa sala ng bahay nila.
Bakit wala syang kaalam-alam?
May asawa na pala ang taong gusto niya at ang kapatid pa pala niya iyon?
Hindi siya makapaniwala.
“Magandang hapon ho Kuya. Ako si Neo Mendoza, 24 at kasalukuyang electric engineer sa isang television station sa bandang QC.”
Nakatingin lamang si Maro kay Neo na nakangiti sa kanya. Hindi man lang ba siya nito naaalala? Siya iyong kinuhanan nito ng order sa isang fast food chain.
Nadagdagan ‘yung sakit na nararamdaman ni Maro. Masakit sa kanya na malamang may asawa na pala si Neo ngunit mas masakit iyong hindi siya maalala nito kahit na iyong isang beses lang na nagkita sila.
Kasi siya, hindi na ito naalis sa kanyang alaala.
-----------------------------------
“Pasensya ka na Kuya kung hindi ko kaagad nasabi sayo,” paghingi nang paumanhin ni Mika nang mapakapag-usap na sila ng sarilinan dito sa loob ng kwarto. Nakauwi na sa bahay nito si Neo.
“Wala man lang akong kaalam-alam,” dismayadong sabi ni Maro. Tinititigan niya si Mika. “Kaka-graduate mo lang tapos malalaman kong kasal ka na?” tanong pa nito.
“Sorry Kuya kung hindi ko nasabi sayo. Actually, 2 years na kami ni Neo. Same school kaming dalawa at nangako kami sa isa’t-isa na after ko grumaduate ay saka kami magpapakasal,” paliwanag ni Mika.
“Kaya ba nung after graduation, bigla kang nagpaalam sa akin na may pupuntahan ka? Iyon ba ‘yon?” tanong ni Maro.
Napatango-tango si Mika. Isang secret civil wedding ang naganap sa pagitan nina Mika at Neo sa city hall ng kanilang lugar kung saan ilang malapit na kaibigan ang kanilang inimbitahan para dumalo at maging witness sa kanilang pag-iisang dibdib.
“Sorry Kuya kung hindi ko sinabi sayo na may boyfriend na ako at nagpakasal ako sa kanya. Alam ko kasi na hindi ka papayag eh.”
Umiwas nang tingin si Maro. Tumingin siya sa labas ng bintana.
“May magagawa pa ba ako?” tanong ni Maro. Kilala niya si Mika, sunod ito sa luho ng mga magulang nila noong nabubuhay pa ang mga ito kaya naman kapag may ginusto ito, talagang makukuha nito sa kahit anumang paraan. Katangian ng kapatid na wala siya dahil aminado si Maro na may kahinaan ang kanyang loob.
“Sorry talaga Kuya,” sincere na sabi ni Mika.
Bumuntong-hininga na lamang si Maro.
Nakatingin si Maro kay Neo na nanatiling nakatayo sa tapat niya. Napangiti ito ng tipid saka kinuha ang kanang kamay nito at hinawakan. Bumalik naman sa sarili si Neo at tumingin sa kanya.
“Pagpasensyahan mo na ang kapatid ko,” sabi ni Maro. Ilang beses na ba niyang nasabi kay Neo ang mga salitang iyon? Hindi na nga niya mabilang.
Napangiti nang tipid si Neo. Hinawakan rin nito ang kamay ni Maro na nakahawak sa kanya at bahagya iyong pinisil.
“Okay lang. Nandyan ka naman,” sabi ni Neo.
Napangiti si Maro. Masaya siyang marinig ang mga katagang iyon mula sa labi ni Neo. Pakiramdam niya, gustong-gusto ni Neo na nasa tabi siya nito.
------------------------------------------
“ANO BANG PROBLEMA MO, HA?!!!”
“IKAW! IKAW ANG PROBLEMA KO!!!”
“AKO?”
“LAGI KA NA LANG ABALA, PAANO NAMAN TAYONG DALAWA?”
“Neo, akala ko ba naiintindihan mo ako? Kailangan kong pagbutihin ang trabaho ko para sa promotion na hinahangad ko. Kailangan ko ring dumoble kayod para sa dream house na gusto nating ipatayong dalawa. Anong gusto mong gawin ko?”
“Mika naman! Pwede mo namang pagbutihin ang trabaho mo ng hindi nasasagasaan ang relasyon nating dalawa. Lagi ka na lang late umuwi at ang mas malala pa, hindi ka na nakakauwi pa. Sa tingin mo anong mararamdaman ko ha? Baka nakakalimutan mo, may asawa ka at may responsibilidad ka sa akin!!!”
Hindi napigilang mapabuntong-hininga ni Maro na nakaupo sa kanyang kama. Mula sa kanyang kwarto, naririnig niya ang pag-aaway ng mag-asawa na nasa kabilang kwarto naman.
Hindi lamang ngayon nag-away ang mag-asawa. Madalas, ang pagiging masyadong abala ni Mika sa trabaho ang nagiging dahilan ng hindi pagkakaunawaan ng dalawa. Kumpara kasi kay Neo, mas abala si Mika pagdating sa trabaho nito sa isang malaking kumpanya at madalas, si Neo ang laging naghihintay sa pag-uwi nito ng bahay.
Patuloy ang pag-aaway ng mag-asawa. Muling napabuntong-hininga si Maro. Sa totoo lang, simula nang tumira ang dalawa dito sa bahay ay wala na ring naging katahimikan sa bahay nila. Noong una ay okay naman ang mga ito pero kinalaunan ay dumadalas na nga ang pagtatalo.
Ang maganda lang sa mag-asawa, nagkakaayos rin sila pagkatapos. Mas pasensyoso at mapagkumbaba kasi si Neo kaya ito rin ang unang humihingi ng sorry kay Mika.
Bagay na mas lalong hinangaan ni Maro pagdating kay Neo.
At ikinasasakit rin ng kanyang damdamin dahil pinapatunayan lang ni Neo na mahal nito ang asawa niya kaya hangga’t kaya ay iniitindi niya ito para hindi sila tuluyang magkasira.
Humiga si Maro sa kanyang kama. Inunan ang kanyang mga braso sa ulo. Tumitig sa kisame. Nagsimulang tumakbo sa kanyang isipan ang isang alaala…
Huling araw na ni Maro sa pinatatrabahuhang fast food chain. Naisipan na kasi niyang mag-resign dahil sa napapagod na rin siya sa trabahong pinasukan.
Bago umuwi ay naisipan ng mga naging kasamahan niya sa trabaho ang lumabas. Sumama naman siya bilang pa-despidida party na rin ito para sa kanya.
Hindi masyadong uminom si Maro pero amoy alak ang kanyang bibig. Umuwi siyang mag-isa.
Nasa bakuran pa lamang siya ng may dalawang palapag nilang bahay ay napahinto siya sa paglalakad. May naririnig kasi siyang isang romantikong awitin na hindi niya alam kung saan nanggagaling pero ang sigurado niya, nasa paligid lang ito.
Nilingon ni Maro ang paligid. Mabuti na lang at nakasindi na ang mga street lights sa kanilang lugar kaya naman maliwanag pa rin kahit gabi na.
Hanggang sa maisipan ni Maro na pumunta sa likuran ng bahay. Nilapag na muna niya sa bugkos ng mga halaman ang dala niyang bagpack at dahan-dahan siyang naglakad papunta doon.
Mas lalong lumalakas ang tunog ng romantikong awitin sa kanyang pandinig. Hindi niya maikakaila na gusto niya ang kanyang naririnig.
Hindi nagtagal ay nakarating na siya sa likuran ng bahay. Bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa nakita.
Nakaayos kasi ang likuran ng bahay. Puno ng mga nagkikislapang ilaw ang paligid na korteng puso. Sa gitna, nakatayo ang isang mesa na may dalawang upuan. Nakaayos na iyon, may pula at puting sapin at sa ibabaw nakapatong ang mga gagamitin sa pagkain. May isang bugkos pa ng pula at puting rosas na nakalagay sa isang plorera sa gitna ng mesa.
Sa lapag ay nagkalat ang mga petals ng rosas na humahalimuyak rin papunta sa kinaroroonan niya ang bango na dala ng mga ito.
Hangang-hanga siya sa ganda ng lugar ngayong gabi pero mas lalo siyang humanga nang makita niya si Neo.
Suot ni Neo ang puting tux. Pormadong-pormado rin ang ayos ng buhok nito na naka-brush up. Napakagwapo sa ayos nito na sa tingin ni Maro ay isa itong prinsipe na bumaba sa karwahe para sunduin ang prinsesa nito.
Napalunok si Maro. Napakagwapo na ni Neo sa paningin niya noon pa man pero mas lalo na ngayon.
Pero biglang nagtaka si Maro kung anong meron ngayon at bakit may hinanda si Neo na ganito.
“Kuya!” sigaw ni Neo nang makita siya.
Bumalik naman sa sarili si Maro. Ang kaba na nararamdaman niya kanina pa ay mas lalong nadagdagan. Tila nagwala rin sa kanyang tiyan ang mga paro-parong hindi niya alam kung saan ba talaga nanggagaling.
Ngumiti naman si Neo at lumapit kay Maro. Habang palapit si Neo, tila naging slow-motion naman ang galaw nito para kay Maro.
Hanggang sa makalapit si Neo kay Maro. Naamoy ni Maro ang pabangong gamit nito. Ambango, lalaking-lalaki ang halimuyak na ikinakalat nito.
“Ano Kuya? Maganda ba?” tanong ni Neo saka tiningnan ang paligid.
“Ikaw ba ang may gawa niyan?” balik-tanong ni Maro.
“Oo Kuya,” sagot ni Neo. Ngumiti ito. Tumingin muli kay Maro. “Wedding anniversary kasi namin ni Mika kaya gusto ko siyang surpresahin,” natutuwang dugtong pa nito.
Pakiramdam ni Maro ay inuntog siya ng napakalakas sa pader. Hindi naman siya umaasang para sa kanya ang ginawa ni Neo pero ang totoo, gusto niyang gawin ito ni Neo para sa kanya.
Pero napaka-imposible namang mangyari iyon.
Pilit ang naging ngiti ni Maro.
“Talaga?” tanong nito na pinipilit pasayahin ang boses. “Nakalimutan ko na isang taon na pala ang lumipas mula ng ikasal kayo. Ang bilis ng panahon,” sabi pa nito.
Mas lalo namang napangiti si Neo. Kumamot pa sa batok nito.
Para maitago ni Maro ang nararamdamang pagkadismaya ay mas pinilit pa nitong ngumiti. Tiningnan si Neo mula ulo hanggang paa.
“Sobrang gwapo mo ngayong gabi. Siguradong matutuwa si Mika niyan,” pagpuri ni Maro. “Para kang prinsipe na naghihintay sa kanyang prinsesa na dumating sa kaharian,” sabi pa niya.
“Salamat Kuya,” sabi ni Neo saka ngumiti. “Balak ko nga sana doon na lang sa fast food chain niyo gawin ito ang kaso naisip ko ay wala namang privacy doon,” dugtong pa nito.
Napatango-tango si Maro. Noon pa naalala ni Neo na minsan na silang nagkita sa fast food chain.
“Mabuti na lang din at nagbago ang isip mo. Nag-resign na rin kasi ako dun kaya hindi na rin kita matutulungan pa,” sabi ni Maro na ikinagulat ni Neo.
“Pero bakit Kuya?” nagtatakang tanong ni Neo.
Kumibit-balikat si Maro.
“Change of career,” ang nasabi na lamang ni Maro saka tipid na ngumiti.
Napatango-tango na lamang si Neo.
“Ang ganda rin ng mga napili mong kanta,” pag-iiba ni Maro sa usapan.
“Ah… maganda din ba?” tanong ni Neo. Tiningnan ang music player kung saan nanggagaling ang tugtog.
Tumango-tango si Maro.
“Sasayawin namin mamaya ‘yan ni Mika,” sabi ni Neo. “Bigla ko kasing naalala ‘yung unang beses ko siyang naisayaw nung graduation ball niya. Ang saya ko nung panahon na iyon at pakiramdam ko kaming dalawa lamang ang nasa lugar na iyon,” sabi pa nito na tila nagde-daydream.
“Ibig sabihin marunong ka palang sumayaw,” sabi na lamang ni Maro. Itinatago ang lalong pagkadismaya sa mga naririnig mula kay Neo.
Hindi niya maitatanggi, naiinis siya dahil marami ng nangyari sa pagitan nila Neo at Mika kahit na hindi naman dapat siya mainis dahil doon.
“‘Yun na nga Kuya. Ewan ko kung marunong pa ako kasi matagal na nung huli akong nakasayaw,” napapangiting sabi ni Neo. “Baka nangalawang na ang mga paa ko.” natatawang sabi pa nito.
Tumitig si Maro sa mukha ni Neo.
“Kung gusto mo subukan natin,” alok ni Maro na ikinatingin kaagad ni Neo.
“Ha?” nagtatakang tanong nito.
Napangiti nang tipid si Maro.
“Tingnan natin kung parehong naging kaliwa ang mga paa mo,” sabi ni Maro.
“Pero Kuya-”
“Para hindi ka mapahiya sa kapatid ko kaya kailangan nating alamin kung okay ka pa bang sumayaw,” sabi kaagad ni Maro.
Nagdalawang-isip si Neo. Iniisip niya kasi kung pwede bang magsayaw ang dalawang lalaki na gaya nila ni Maro.
Pero sa huli ay napangiti si Neo. Wala namang mawawala kung magsasayaw silang dalawa kaya pumayag siya. Isa pa, sa tingin naman niya ay wala namang masama kung magsayaw sila ng kanyang bayaw.
Pumunta sa gitna sila Maro at Neo.
“Shall we,” sabi ni Neo saka nilahad ang kamay kay Maro.
Ngumiti naman si Maro. Tinanggap ang kamay ni Neo.
Ramdam ni Maro ang may kagaspangang kamay ni Neo.
“Oo nga pala, okay lang ba na ikaw ang maging babae sa ating dalawa?” tanong ni Neo.
Tumango-tango si Maro.
“Isipin mo na ako si Mika,” sabi ni Maro.
Napangiti si Neo saka tumango-tango.
Nilagay ni Neo ang isang kamay ni Maro sa batok niya. Si Maro naman ang nagkusang ilagay ang isa pa doon rin sa batok ni Neo.
Nilagay naman ni Neo ang magkabilang kamay niya sa bewang ni Maro. Mas lalong naglapit ang kanilang mga katawan.
Sakto namang tumugtog ang kantang Mabagal na inawit ni Daniel Padilla (song released in 2019)
Nagkatitigan sa mata sina Maro at Neo. Halos nagkadikit na ang kanilang mga katawan ng mag-umpisa na silang gumalaw ng may kabagalan.
“Amoy alak ka Kuya,” napansin iyon ni Neo. Naamoy kasi nito.
“Uminom lang ng kaunti kasi nagkaroon ng kasiyahan,” sabi ni Maro. “Medyo matagal na rin kasi nung huli kaya sinulit ko na,” dugtong pa nito saka ngumiti.
Napatango-tango na lamang si Neo.
Pero kahit na nakainom ng alak si Maro ay hindi nun napalakas ang loob niya. Kabadong-kabado si Maro at itinatago lamang niya para hindi mahalata ni Neo na nakatitig sa kanyang mga mata. Nararamdaman din niya ang paghigpit nang hawak nito sa kanyang bewang.
Nadidiin ng bahagya ni Maro ang pagkakahawak niya sa batok ni Neo.
Napaka-romantiko ng awitin, pakiramdam ni Maro ay bagay na bagay iyong kanta para sa kanilang dalawa ni Neo na sinasabayan pa nila ng mabagal na pagsasayaw.
Gusto kitang isayaw ng mabagal
Gusto kitang isayaw ng mabagal
Bumaba ang tingin ni Maro, napansin niya ang labi ni Neo. Natural na mapula at halata ang kalambutan. Napalunok siya. Sa totoo lang ay may bahagi sa kanya na gustong sunggaban iyon lalo na at may pagkakataon na siya para gawin iyon dahil malapit ang kanilang mukha sa isa’t-isa.
Ngunit hindi iyon ginawa ni Maro. Pinigilan niya ng todo ang sarili na gawin iyon.
Muling bumalik ang tingin ni Maro sa mga mata ni Neo. Muling nagtagpo ang kanilang mga tingin.
Pakiramdam ni Maro, kahit papaano ay natupad na rin iyong pangarap niya noon pa, ang maisayaw siya ng taong mahal niya. Hindi man para sa kanya ang inihanda ni Neo pero at least ay naisayaw siya nito kahit na hiram lamang niya ang sandaling ito sa kapatid niyang si Mika.
Natapos ang kanta. Si Neo ang unang bumitaw sa kanilang dalawa ni Maro. Ngumiti ito.
“Okay pa rin pala ang mga paa ko, Kuya,” natutuwang sabi ni Neo. “At magaling ka ding sumayaw. Sayo yata nagmana si Mika,” puri pa nito.
Napangiti na lamang ng tipid si Maro at tumango-tango.
Napabuntong-hininga si Maro ng matapos ang pagtakbo ng mga alaalang iyon sa kanyang utak.
Napakasaya niya nung mga sandaling iyon ngunit kaagad ring naputol nang masaksihan na niya ang pagdiriwang nila Neo at Mika para sa unang anibersaryo nila bilang mag-asawa.
Masakit sa kanya ngunit natitiis niya. Ilang taon na rin naman siyang nagtitiis, pakiramdam nga niya ay sanay na siya sa sakit. Sa madaling salita, namanhid na siya sa sakit.
Ang bawat sandali na kasama si Neo ay hiram lamang niya. Gustuhin man niyang maging kanya talaga ang lalaking pinakamamahal ngunit alam niya sa kanyang sarili na habambuhay ay manghihiram lamang siya.
Bagay na lalong nagpapasakit sa kanyang damdamin.