Bumababa ng hagdan si Maro nang maabutan niya si Neo na nagpu-push up sa sala. Huminto siya sa ikaapat na baitang at pinanuod niya ito.
Seryoso ang mukha habang nagpu-push up. Matapos nang pag-uusap ni Neo at Mika, naging tahimik lamang ang una at kahit si Maro ay hindi na nito kinausap.
Napabuntong-hininga si Maro. Isinuklay ang mga daliri sa kanyang medyo basa pang buhok dahil kakaligo lamang niya.
‘Kung may magagawa lang sana ako,’ sa isip ni Maro.
Alam naman ni Maro na may magagawa siya ngunit alam rin niyang hindi siya ang makakalutas sa kung ano mang dinadala ni Neo kundi ang kapatid lamang niya. Masasabi niyang sobrang nasaktan si Neo na nagawa ni Mika na kalimutan ang anniversary nila. Kahit siya rin naman siguro, masasaktan kapag nagawa iyon sa kanya ni Neo.
Patuloy lamang sa pagpu-push up si Neo. Kitang-kita ni Maro kung paano mag-flex ang mga muscles nito lalo na sa braso at abs nito dahil kasalukuyang wala itong suot na damit pang-itaas at napapansin rin niya ang makintab nitong katawan dahil sa pawis. Hindi na naman napigilan ni Maro ang paghanga.
Pamaya-maya ay tumigil ito sa pagpu-push up. Tumihaya ito nang higa saka binaluktot ang mga tuhod. Nagsimula naman itong mag-curl up.
Sa posisyong iyon ni Neo ay napansin na niya si Maro na nakatayo sa hagdan. Nagtama ang kanilang mga tingin.
Napangiti nang tipid si Maro.
Ngumiti din ng tipid si Neo saka tumigil sa ginagawa at naupo.
Tuluyang bumaba ng hagdan si Maro saka nilapitan si Neo.
“Okay ka lang ba?” tanong ni Maro.
Napatango-tango lamang si Neo.
“Magpunas ka ng pawis mo at baka matuyuan ka. Mahirap magkasakit,” paalala ni Maro.
“Hindi ako basta-basta tinatablan,” sabi ni Neo. “Malakas yata ‘to!” birong sabi pa nito saka nag-flex pa ng muscles sa kanang braso at pinalo iyon ng malakas.
Mahinang natawa si Maro.
Napangiti si Neo.
“Oo nga pala, anong gusto mong iluto ko sa hapunan?” tanong ni Maro.
“Hmmm… kahit ano,” sabi ni Neo.
“Wala akong alam na pagkain na ang pangalan ay kahit ano,” biro ni Maro saka ngumiti.
Natawa naman si Neo.
“Kuya naman. Ang ibig kong sabihin ay ikaw na ang bahala kasi kakainin ko rin naman ‘yan. Ang sarap kaya ng luto mo.”
Napangiti naman si Maro. Masaya siya na marinig na tumawa si Neo.
“Sige at ako ng bahala,” sabi ni Maro.
Tumango-tango si Neo.
“Sige na at ituloy mo na iyong ginagawa mo,” sabi ni Maro. “Mamamalengke na muna ako,” sabi pa nito.
Kaagad namang tumayo si Neo na bahagyang ikinagulat ni Maro.
“Pwede akong sumama?” tanong ni Neo.
“Sasama ka?” balik-tanong ni Maro.
Tumango-tango si Neo.
“Pero-”
“Teka lang at mag-aayos at magbibihis lang ako. Sandali lang ako,” sabi kaagad ni Neo saka nagmadaling umakyat.
Nakasunod naman ang tingin ni Maro kay Neo. Napakamot na lang ito sa batok.
------------------------------------
“Hindi ka lang pala magaling magluto, magaling ka ring tumawad,” napapangiting sabi ni Neo. Naglalakad sila ni Maro ngayon sa loob ng palengke. May mga napamili na sila kaya parehas silang may dalang mga supot.
Napangiti naman si Maro.
“Kailangang tumawad kasi may budget din tayo para sa pagkain.”
Napatango-tango si Neo.
“Kunsabagay,” sabi ni Neo. “Si Mika kasi nung minsang sinamahan ko siyang mamalengke, hindi siya tumatawad,” sabi pa nito.
“Kaya ayokong namamalengke iyon. Nauubos ang budget sa kanya tapos konti lang ang napapamili niya,” natatawang sabi ni Maro.
Napangiti si Neo.
“Oo nga pala,” sabi ni Maro saka tiningnan si Neo. Napatingin din si Neo kay Maro. “Pagpasensyahan mo na ang kapatid ko,” sabi pa nito.
Nawala ang ngiti ni Neo.
“Lagi ka na lang humihingi nang pasensya sa akin para sa kanya,” dismyadong sabi ni Neo.
Napangiti nang tipid si Maro.
Umiwas nang tingin si Neo kay Maro. Tiningnan nito ang paligid ng palengke habang patuloy pa rin silang naglalakad.
“Alam ko naman na hindi perpektong babae ang pinakasalan ko. Minahal ko si Mika sa kung sino talaga siya pero nakakainis lang kasi na iyong mga bagay na mahalaga para sa aming dalawa, nagawa niyang kalimutan,” sabi ni Neo. Muli itong tumingin kay Maro na nanatiling nakatingin kay Neo. “Siguro naman naiintindihan mo ako, ‘di ba? Alam ko naman na busy siya pero ganun ba siya ka-busy para makalimutan niya ‘yung anniversary namin? Makalimutan niya ako?” tanong pa nito. Halatang dismayado.
Napatango-tango si Maro.
“Kaya ako na ang humihingi ng pasensya para sa kanya. Intindihin mo na lang sana.”
Natawa nang pagak si Neo.
“Ano pa bang magagawa ko?” tanong nito.
Napangiti nang tipid si Maro.
“Anyway, doon naman tayo sa stall ng mga karne ng baboy,” sabi ni Maro saka tiningnan ang lugar na iyon at tinuro. Sinundan naman nang tingin iyon ni Neo.
“Tara!” sabi na lamang ni Neo.
Sabay na naglakad ang dalawa.
--------------------------------------------------
Nasa kusina sila Maro at Neo. Kasalukuyang hinihiwa ni Maro ang isda sa sangkalan na nakapatong sa mesa habang nasa harapan naman niya at nakaupo si Neo at pinapanuod siya.
Sinigang na tilapia ang iluluto ni Maro. Nahiwa na niya kanina ang iba pang rekados. Nag-eenjoy naman si Neo sa panunuod sa ginagawa ni Maro.
Napatingin si Maro kay Neo. Nangunot ang noo nito.
“Wala ka bang ibang gagawin?” tanong ni Maro kay Neo. Kanina pa kasi nanunuod sa kanya si Neo at sa totoo lang ay kinakabahan siya dahil dito.
Umiling-iling si Neo.
“Alam mo naman na hindi ako nagdadala ng trabaho sa bahay.”
“Alam ko pero ibang gagawin kagaya ng paglilinis o kung ano pa mang gawain dito sa bahay,” sabi ni Maro.
Napangiti si Neo.
“Pwede naman akong maglinis mamaya,” sabi nito. “Gusto ko munang panoorin ka,” sabi pa niya.
Nagsalubong ang makapal na kilay ni Maro.
“Ako? Gusto mong panoorin magluto?” tanong nito.
“Oo. Ayaw mo ba?” tanong ni Neo.
“Hindi naman kaya lang baka nabo-bored ka na,” sabi ni Maro.
“Ikaw nga hindi nabo-bore, ako pa kaya?” tanong ni Neo.
Napangiti na lamang ng tipid si Maro. Umiwas nang tingin kay Neo saka nagpatuloy sa ginagawa.
“Pwede mo ba akong turuan kung paano magluto?” tanong ni Neo na muling ikinatingin ni Maro. “Kahit ‘yung ilang putahe lang na alam mo,” sabi pa nito.
“At bakit mo naman gustong matuto?” tanong ni Maro.
Napangiti si Neo.
“Para maipagluto din kita ng masarap na pagkain.”