CHAPTER 3 (1)

1322 Words
Siguro kung kontrolado lang sana ang puso sa pamamagitan ng remote control, malamang wala ng masasaktang tao sa mundo. Napabuntong-hininga si Maro matapos niyang i-type sa keyboard ng kanyang laptop ang mga katagang iyon. Linya iyon ng bida niyang karakter sa isinusulat na nobela na dumadaan ngayon sa pagsubok dahil sa pag-ibig. Napaisip si Maro. Sa totoo lang ay bigla lamang nag-pop up sa kanyang utak ang linyang iyon na kanyang isinulat. Kung iisipin, maaari rin naman talagang kontrolin ang puso gaya na lamang ng ibang bagay sa paligid ngunit alam din nating lahat na kahit kontrolin mo ito, may pagkakataon na hindi ito sumusunod at napupunta pa rin sa pagkabigong makontrol ito ng tuluyan. Kagaya na lamang ng puso ni Maro. Ilang beses niya iyon ginawa, ilang beses niyang pinilit na pigilan ang puso niya ngunit nauuwi lamang siya lagi sa pagkabigo. Hanggang sa mapagod na lamang siya at hayaan na lamang ito kaya ang resulta, matagal na siyang nasasaktan. Tunay na hindi nga lahat ay hindi kayang kontrolin lalo na ang puso’t-damdamin. Hindi ito kagaya ng remote control car na may mga button para gumalaw at dalhin ito sa kung saan mo man gustuhin. Dahil ang puso, may sarili man itong katawan ngunit kagaya lamang din ito ng batang matigas ang ulo na may mga magulang na pwedeng kumontrol ngunit minsan ay hindi talaga sumusunod. Muling napabuntong-hininga si Maro. Napatingin si Maro sa picture frame na nakapatong sa kanyang study table kung saan madalas siyang nagsusulat. Napangiti siya ng tipid nang makita ang litrato ni Neo na kasama si Mika at siya. Nakangiti silang lahat doon pero dahil minamahal niya ang lalaking nasa gilid ni Mika at nakaakbay rito, sa likod ng ngiting iyon ay ang inggit at selos na nararamdaman. Ayaw man niyang maramdaman iyon ngunit hindi nga niya kontrolado ang kanyang puso. Tinanggal ni Maro ang tingin niya sa picture frame at nag-stretch na lamang ng katawan. Matapos iyon ay tumayo siya mula sa pagkakaupo at muling nag-stretching. Tumingin siya sa bintana ng kanyang kwarto. Madilim na sa labas dahil tuluyan nang lumubog ang araw. Naglakad si Maro papunta sa bedside table niya. Kinuha ang nakapatong na cellphone doon at pinailawan. Nakita niyang may mensahe galing kay Mika. Binuksan niya iyon at binasa. “Kuya, hindi muna kami makakauwi ni Neo ngayon. Ikaw na munang bahala diyan sa bahay.” Napangiti nang tipid si Maro. Mukhang tuluyan nang nagkaayos talaga ang mag-asawa. Masama na ba si Maro kung sa likod ng kanyang kabaitan ay naghahangad rin siya na sana ay magkagulo pa ang dalawa para tuluyan na silang maghiwalay? Tao lang naman si Maro, naghahangad rin ng mga bagay na masama dahil sa nasasaktan siya. “Kung ako na lang sana ang nasa posisyon ni Mika edi sana hindi ako nagkakaganito,” sabi ni Maro sa hangin. “Hindi sana ako nag-iisip ng masama,” dugtong pa niya. Huminga nang malalim si Maro. Napagpasyahan niyang lumabas ng kwarto para magluto at kumain ng hapunan. ----------------------------------- Nakatingin lamang si Maro sa mag-asawang sina Mika at Neo na magkayakap. Hinihimas ni Neo ang likod nang umiiyak na si Mika. Pare-parehas silang nakatayo dito sa sala. Ang akalang pagdadalang-tao dahil sa palagiang pananakit ng ulo at pagsusuka lalo na sa umaga ay false alarm lang pala. Dahil sa pregnancy test, naglaho ang pinapangarap ng mag-asawa… ulit. Nag-leave na muna sa trabaho si Mika dahil sa mga pangyayari. Sa totoo lang, matagal nang hinihintay nina Mika at Neo ang magkaroon ng anak ngunit hindi sila nabibigyan ng pagkakataon. Palagi silang bigo na makabuo at kapag naman nabubuhayan ng pag-asa dahil sa mga biglaang paglitaw ng sintomas ng isang buntis, aasa sila ng sobra ngunit mauuwi rin sa wala. Sa totoo lang, naaawa rin si Maro para sa kapatid na si Mika. Matagal-tagal na rin mula nang ikasal sila ni Neo at kung tutuusin, pwede na silang magkaroon ng anak na isa o dalawa sa mga panahong iyon. Kung nasasaktan si Maro dahil sa walang pag-asang pag-ibig niya, nasasaktan naman si Mika dahil sa pag-asa na mabubuntis siya. Gusto nito na mabigyan ng anak si Neo ngunit hindi niya mawari kung anong problema. Tiningnan ni Maro si Neo. Nakita niya ang lungkot sa mukha nito habang kino-comfort si Mika. Alam niya, gustong-gusto na rin ni Neo na magkaroon ng anak at nasasabik ito doon. Lagi nitong naikwekwento sa kanya na gusto nito ng lalaking anak. ------------------------------------------ “I’m sorry,” umiiyak na sabi ni Mika kay Neo na kaharap nito. “I’m sorry dahil hindi kita mabibigyan ng anak kahit kailan,” nahihirapang dugtong pa nito. Nakatingin lamang si Neo kay Mika. Mababakas ang lungkot sa mukha nito. Nagkukubli naman sa isang sulok si Maro at naririnig ang pag-uusap ng mag-asawa. Litaw din ang kalungkutan sa mukha nito. Nagpatingin na rin kasi sa espesyalista ang mag-asawa na dapat ay noon pa nila ginawa at nalamang… may problema sa matres si Mika na naging dahilan para hindi ito makabuo ng bata. “Hon-” Mas lalong napaiyak si Mika nang talikuran ni Neo si Mika at dahan-dahang naglakad palayo. Bahagyang nakayuko ang ulo nito at ang mga luha ay nagbabadya nang tumulo anumang pagkakataon. Nadaanan pa nito si Maro ng pumunta ito sa hagdan ngunit hindi niya pinansin. Tuloy-tuloy lamang sa paglalakad si Neo hanggang sa umaakyat na ito ng hagdan. Nakasunod ang tingin ni Maro kay Neo. Alam niya, sobrang nasasaktan rin si Neo sa katotohanan. Mahirap tanggapin rito ang lahat kaya ito nagkaganun. -------------------------------- “Ano? Pababayaan mo na lang ang sarili mo at ang kapatid ko dahil kailanman ay hindi siya magbubuntis?” galit na galit na tanong ni Maro kay Neo. Nakatingin siya rito habang nakatayo. Nanatili namang nakaupo si Neo. Nakatingin sa kawalan at may hawak na beer in can na kanina pa nito iniinom. Bumalik na sa trabaho si Mika matapos ang ilang araw na pamamahinga pero si Neo, nag-leave. Hindi pinansin ni Neo si Maro. “NEO!” pinagtaasan na ng boses nii Maro si Neo. Ngunit kahit lingon ay hindi ginawa ni Neo para kay Maro. Napailing-iling si Maro. Nanahimik na lamang siya at nakatingin kay Neo. Hindi lamang ang asawa ang napapabayaan nito kundi pati na rin ang sarili. Hindi na nakakapag-ahit o mukhang naghihilamos man lang. Bakas ang sobrang kalungkutan sa mukha lalo na sa mga mata nito. Hindi na alam ni Maro ang gagawin niya sa dalawa. Sa totoo lang, naiipit siya sa mga ito. Saksi siya ngayon sa mga problemang pinagdaraanan nila. Pakiramdam niya, kasali siya sa relasyon ng mga ito dahil pati siya ay apektado. Sa mga sumunod na araw ay sunod-sunod din ang dumating na pagsubok sa mag-asawa. Halos hindi na nagkakausap ang mga ito kahit nasa iisang bubong lang. Nakakalungkot isipin ngunit sa palagay ni Maro ay mauuwi ang dalawa sa hindi magandang katapusan. Ayaw rin naman niyang mangyari iyon kaya gumawa siya ng mga paraan para magkausap ang dalawa. Minsan ay nagtatagumpay siya pero madalas ay hindi pero at least, ginagawa niya ang lahat para maging maayos sila. Nag-iisip man siya ng masama kagaya ng kagustuhan niyang maghiwalay ang dalawa pero hanggang sa pag-iisip lamang niya iyon dahil ang totoo, hindi niya gugustuhing mangyari iyon. Hindi niya gugustuhing masaktan si Mika. “Kuya, hindi ko na alam ang gagawin ko kay Neo,” nanlulumong sabi ni Mika. Nangingilid ang luha nito. “Tulungan mo naman ako,” pakiusap pa nito. Suminghot-singhot ito. Pinunasan nito ang ilong. “Alam ko na may mga ginagawa ka para sa aming dalawa pero sana huwag kang sumuko.” Nalungkot si Maro. Niyakap niya ang kapatid. Hinaplos ang likod nito. Tuluyan namang humagulgol si Mika. Nakagat ni Maro ang ibabang labi niya. Habag na habag siya sa nararamdaman ng nakakabatang kapatid. Napatingin si Maro sa makulimlim na kalangitan na nasa labas ng bintana ng sala. “Ikaw ng bahala sa kanila,” bulong nito sa hangin. Sana makaabot ang sinabi niya sa Kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD