Nakatayo sa tapat ng bintana si Maro at pinapanuod ang malakas na pagbuhos ng ulan sa labas. Madilim ang kalangitan at may kasama pang pagkulog at pagkidlat ang sama ng panahon na nananalasa ngayon sa malaking bahagi ng Pilipinas.
Bumuntong-hininga si Maro. Nayakap niya ang kanyang mga braso at marahan niya iyong hinaplos-haplos. Malamig rin kasi ang panahon ngayon.
Naalis ang tingin ni Maro sa labas ng bintana at nalipat kay Neo na nakatayo na ngayon sa tabi niya. Ngumiti ito at inabutan si Maro ng isang beer in can na kinuha nito sa ref.
“Pampainit Kuya,” alok ni Neo.
Ngumiti si Maro saka tinanggap ang ibinibigay ni Neo.
“Salamat,” sabi ni Maro.
Napatango-tango si Neo. Umiwas ito nang tingin kay Maro at tiningnan ang malakas na pagbuhos ng ulan sa labas ng bintana.
“Parang tao na rin ang panahon ngayon, hindi mo na din minsan maintindihan,” natatawang sabi ni Neo. Uminom ito ng beer. “Tag-araw pero may bagyo.”
Napangiti nang tipid si Maro. Tumingin din siya sa labas ng bintana.
“Epekto ng global warming,” sabi ni Maro.
Napatango-tango si Neo.
Uminom ng beer si Maro. Humagod sa kanyang lalamunan ang tapang nito at kahit papaano’y nagbigay ng init sa kanya.
“Oo nga pala Kuya, nakapag-usap na kami ni Mika at okay na ngayon,” natutuwang sabi ni Neo.
Tumingin si Maro kay Neo na nakatingin pa rin sa labas ng bintana. Napangiti ito ng tipid.
“Mabuti naman kung ganun.”
Napangiti si Neo. Tiningnan niya si Maro.
“Pinapasabi rin pala niya na next week may mga ipapadala siya para sa atin.”
Napatango-tango si Maro.
Napabuntong-hininga si Neo.
“Mukhang maganda na nga talaga ang trabaho doon ni Mika.”
“Okay talaga na magtrabaho sa ibang bansa. Tadtad man ng gawain pero wala kang masasabi sa laki ng sahod at benepisyo.”
Napatango-tango si Neo sa sinabi ni Maro.
“Hindi ko rin maiwasang ma-miss siya,” sabi nito. Umiwas nang tingin kay Maro at bumalik sa labas ng bintana. “Lalo na kapag ganitong panahon na ang masarap lang gawin ay magyakapan at matulog,” nakakalokong sabi pa nito.
Napangiti nang tipid si Maro.
“Oo nga pala, Kuya,” sabi ni Neo at muling tiningnan si Maro. “May mga naka-save ka bang movies diyan?” tanong pa nito.
Nangunot ang noo ni Maro.
“Meron sa USB. Bakit?” tanong nito.
Napangiti si Neo.
“Tamang-tama! Tara at nuod tayo,” pag-aaya nito.
“Ano namang gusto mong panuorin?” tanong ni Maro.
“Action sana, kahit sino ang bida,” sabi ni Neo.
“Action?” tanong ni Maro. “May action movie ba akong na-download?” tanong pa nito sa sarili saka napaisip.
“Check na lang natin,” sabi ni Neo.
“Okay,” sabi na lamang ni Maro saka tipid na ngumiti.
------------------------------------
Naisaksak na sa player ang USB ni Maro na naglalaman ng mga movies na na-download nito online at kasalukuyang pumipili si Neo kaya hawak nito ang remote at nakatingin sa nakabukas na tv. Nakalapag naman sa gitnang mesa ang mga lata ng beer na iniinom nila.
Nakatingin naman si Maro kay Neo. Magkatabi silang nakaupo ngayon sa sofa. Napangiti siya. Masaya kasi ang pakiramdam niya.
“Ito na lang, Transrobot,” sabi ni Neo. “Kahit na napanuod ko na ito ay hindi ako nagsasawa,” natutuwang sabi pa nito.
Napatango-tango si Maro.
Pinindot ni Neo ang Transrobot na movie para magplay. Pamaya-maya ay pinatay na ni Neo ang lampshade na nakapatong sa mesang nasa gilid at nag-iisang ilaw na nakasindi. Nagdilim ang paligid at tanging ang ilaw na nanggagaling sa tv ang nagbibigay liwanag sa buong sala.
Nagsimula ang pelikula. Tutok na tutok si Neo sa panunuod habang si Maro naman ay kakaalis lang ng tingin kay Neo at tumutok na rin sa telebisyon.
Sang-ayon si Maro sa sinabi ni Neo. Hindi nga nakakasawang panuorin ang pelikulang ito dahil kahit siya ay ilang beses na rin itong napanuod. Pero kung si Maro ang tatanungin sa kung ano ang pinakagusto niyang genre ng pelikula, gusto niya ay romance dahil ‘yun ang forte niyang genre pagdating sa pagsusulat.
Pokus na pokus si Neo sa panunuod. Hangang-hanga sa mga graphics na nakikita. Hindi rin niya mapigilang mapasuntok sa hangin lalo na kapag lumalaban na ang bida sa kontrabida. Napakagaling at astig ng mga fighting scenes.
Napatingin naman si Maro. Malaya niyang napagmasdan ang mukha nito dahil sa nakapokus ang mga mata nito sa panunuod.
Kaunting liwanag lang ang nakakalat sa buong paligid ngunit hindi naging hadlang iyon para makita pa rin niya ang angkin nitong kagwapuhan. Mas lalo tuloy siyang nahuhulog.
‘Kung bakit ba kasi ikaw pa ang naging asawa ng kapatid ko,’ sa isip-isip ni Maro.
Umiwas nang tingin si Maro kay Neo. Bumuntong-hininga siya. Tumingin muli siya sa telebisyon at nag-pokus sa panunuod gaya ni Neo.
Nasa kalagitnaan na ang pelikula matapos ang isang oras. Nagiging mas maaksyon ang bawat eksena kaya naman nagiging malikot din si Neo. Medyo napapatayo pa nga ito saka sisigaw kapag napupuruhan ang bida o di kaya ay lalaban na ito.
Nararamdaman naman ni Maro na nagkakakiskisan ng hindi sinasadya ang kanilang mga hita at tuhod, minsan ay pati na rin ang kanilang mga braso at binti. Hindi na siya nakapag-pokus sa panunuod ng pelikula. Mas gusto niyang maramdaman si Neo kaysa manuod.
Malakas at mabilis ang t***k ng puso ni Maro. Pakiramdam din niya ay may lumilipad na paro-paro sa loob ng kanyang tiyan dagdagan para na parang nasa alapaap siya. Magkatabi lang sila ni Neo sa sofa at nanunuod ngunit pakiramdam niya ay napaka-espesyal ng mga sandaling ito para sa kanya.
Napatigil naman si Neo. Naalis ang tingin niya sa tv at tiningnan si Maro. Nangunot ang kanyang noo dahil sa pagtataka.
Paano naman kasi, nakasandal na ang ulo ni Maro sa malaman niyang braso tapos nakangiti ito habang nakatingin sa kawalan.
“Kuya,” pagtawag ni Neo kay Maro.
Bumalik naman kaagad sa sarili si Maro. Bahagya siyang nagulat. Doon niya napagtanto na nakasandal na pala siya sa braso ni Neo kaya kaagad siyang umayos sa pagkakaupo.
“Okay ka lang Kuya?” nagtatakang tanong ni Neo.
“Ah… oo,” nauutal na sagot ni Maro saka umiwas kaagad nang tingin.
Napatango-tango si Neo saka bumalik ang tingin sa tv. Muling nag-enjoy sa panunuod.
Napahinga naman ng malalim si Maro. Naihilamos rin niya ang magkabilang palad sa kanyang mukha.
‘Sh*t! Nakakahiya ka Maro! Baka kung ano ang isipin niya,’ sermon ni Maro sa kanyang utak.
‘Mas mabuti nga iyon na mag-isip siya ng iba, ‘di ba?’ sulsol naman ng kabilang bahagi ng utak niya.
Napailing-iling si Maro. Hindi pwede, hindi pa pwede.
Sandaling tiningnan ni Maro si Neo. Kitang-kita niya na nag-eenjoy ito sa panunuod. Napangiti na lamang ng tipid si Maro at umiwas nang tingin rito. Nag-pokus na lamang din siya sa panunuod.